Doon lang...Part 1-Panimula

jonsdmur's picture
| | | | | | |

 

Paunawa

Ang mga tauhan, pook o lugar, pangalan at pangyayaring ginamit ko po sa

kuwentong ito ay pawang kathang-isip ko po lamang at hindi hinango sa tunay

na buhay o ibinatay dito. Ang anumang pagkakatulad o pagkakahawig sa tunay

na buhay ay talagang hindi ko po sinasadya. Ang lahat ng ito ay bunga lang

po ng aking malikot na imahinasyon.

  

Panimula

Napapikit ako nang maramdaman ko ang malakas na pag-dampya ng hangin sa buo kong katawan. Malamig ang simoy ng hangin, sariwa, kay sarap langhapin. Nilanghap ko ang sariwang hangin na bumabalot sa aking katawan at sa pagdilat ng aking mga mata natanaw ko ang malawak na karagatan. Kay ganda pagmasdan ang bawat pag-agos ng dagat. Iba-iba ang galaw pero iisa lang ang patutunguhan parang buhay ng tao iba-iba ang parangap, iba-iba ang kapalaran pero iisa lang ang patutunguhan..sa kabilang buhay.

Sa di kalayuan sa malaking bato na kinatatayuan ko isang maliit na bato ang aking natanaw. Nabighani ako sa hugis ng bato. Parang isang munting bituing nahulog sa kalangitan. Pinulot ko ang munting bato kasabay nang malalim na buntunghininga.

"Ahhh!" malakas ko na sabi kasabay na paghagis ko sa munting bato sa kalawakan ng dagat. Alam kong malayo ang mararating ng bato. Alam kong bubulusok 'yun sa kailalaliman ng dagat. Parang isang pangarap, malayo ang nararating.

Isang alaala ang pumasok sa aking isipan. Isang alaala na hindi ko makakalimutan. Maaaring mawala sa aking isipan ngunit hindi sa aking puso. Isang nakaraang puno ng pangarap, puno ng pag-asa, puno ng dalamhati at puno ng pag-ibig.

Ngayon sa aking kinatatayuan habang pinagmamasdan ang kalawakan ng dagat isang pag-asa ang sumibol sa aking isipan. Gaano man kalayo ang pangarap ko mararating at mararating ko rin dahil hindi ako papayag na hangang doon na lang.

Dito nagsisimula ang aking kwento at minsan ko lang sasabihin. "Sa pag-ibig ako liligaya, doon lang."

Part I

     Ako si Joe, edad biente uno. Sa edad kong ito hindi ko pa masasabi na marami na akong nalalaman. Mahirap paniwalaan pero inosente pa ako marahil dahil kulang pa ang aking kaalaman. Hindi kasi ako nakapag-aral, hindi kasi ako pinagaral ng tatay sabi niya mahina raw ang utak ko kahit anong aral 'di ako matututo. Naniwala naman ako.

Pabilis nang pabilis na ang mga hakbang ko halos patakbo na akong naglalakad pauwi sa aming bahay.

" Ay! Ano ba tumingin ka nga sa nilalakaran mo " pasigaw na sabi ng aleng nabangga ko.

"Siensya na po" mahina kong sabi at itinuloy ko na ang aking paglalakad.

Napasulyap ako sa aking relo alas-otso na ng umaga.

"Lagot!" tanging nasambit ko ng malaman ang oras.

 "Bagal kasi ng sasakyan dito" pahingal kong sabi.

Nakahinga ako nang maluwag nang matanaw ko na ang aming bahay. Ilang lakad na lang nasa bakuran na ako. Saglit akong napatigil pinagmasdan ko ang aming bahay. Luma na pero matibay pa. Yari sa nara ang bahay at disenyo pa sa panahon ng mga kastila. Medyo may kalakihan at hindi maitatagong matagal nang naipundar.

"Nay, nandito na po ako." Pasigaw kong sabi habang paakyat ako sa aming hagdanan. Naabutan ko ang nanay habang nagliligpit ng pinagkainan.

" Nay, heto na po ang polo ng tatay. Wala pa kasing sasakyan kanina at hinintay ko pang dumating ang sastre." paliwanag ko sa aking nanay.

Nginitian ako ni nanay at hinawakan ang aking balikat.

" Ok lang 'yun anak" sabay nyang sabi.

'Yan ang nanay ko, si Nanay Ester kahit sa edad na singkwenta anyos 'di mo mababakas ang katandaan sa mukha. Kakampi ko dito sa bahay. Sandalan ko sa mga problema ko.

" Sige na anak, ibigay mo na 'yan sa tatay mo kanina ka pa niya hinihintay."

Natigilan ako nang maalala kong isusuot pa ng tatay ang polong kinuha ko sa bayan.

"Sige po 'Nay punta na ako sa kwarto ng tatay." 

Habang papalapit ako sa kwarto ng tatay parang bumibilis ang kaba ng dibdib ko. Tatlo  ang kwarto ng bahay halos magkakasinglaki lang. Sa gitna ang kwarto nina tatay.

Tok! Tok! Tok! Habang kumakatok ako lalong bumibilis ang kaba na nararamdaman ko.

"Pasok!" dahan-dahan kong binuksan ang pintuan. Natagpuan ko ang tatay na nakaupo sa kama.

"Tay, heto na po ang pol...."

" Punyeta kang bata ka! Pasigaw na sabi ng tatay.

"Tay, kasi po..." 'di ko na natapos ang aking sasabihin. Tumayo ang tatay at lumapit sa kinatatayuan ko.

"Akin na! sabay hablot sa polong hawak ko.

"Di mo ba alam na mahuhuli ako sa lakad ko dahil sa kagaguhan mo." Matapang na sabi ng tatay habang tinutulak akong palabas ng pintuan. "Sige na labas baka masipa pa kita" sabay sara ng pintuan.

Natigilan ako parang hindi ako makakilos. 'Yan ang tatay, si Tatay Ricardo, sa edad na singkwenta-singko malakas at matipuno ang pangangatawan. Ganyan ang tatay, bata pa lang ako mainit na ang ulo sa akin. Akala ko likas lang sa kanya ang pagiging istrikto pero nang ipinanganak ang kapatid ko doon ko nalaman na mabuti rin siyang ama sa kapatid ko. Matamlay akong pumunta sa hapag kainan.

"Anak kumain ka na!" wika ng nanay.

"Mamaya na Nay busog pa po ako" sagot ko sa aking nanay. Ang totoo gutom na ako. Tinatamad lang akong kumain.

"Joe pakikuha nga ng uniform ko!" pautos na sabi ni Eric. Kinuha ko ang uniform ni Eric na naka-hanger sa bintana.

"Heto na!" inabot ko ang polo ni Eric kung tutuusin kaya niyang abutin siguro tinamad lang maglakad ng konti kaya ako ang napagutusan. Habang sinusuot ni Eric ang uniform niya hindi ko maiwasang ma-inggit sa kanya. Bagay sa kanya ang suot nya. Lalo syang pumuti at gumanda ang porma ng katawan.

" O 'bat ganyan ka makatingin? Inggit ka no? alam mo kahit mag-suot ka nito hindi ka pa rin tatalino." Mangisi-ngising sabi ni Eric habang nakakainsultong tingin sa akin.

Yan si Eric, ang nakakabatang kapatid ko. Nasa unang taon ng kolehiyo. Nursing ang kinukuha sa Saint's Joseph Academy, isang pribadong university dito sa aming bayan. Malaki ang pagkakaiba namin. Halatang sa tatay nagmana si Eric, nakuha ang hugis ng mukha at pangangatawan nito at ako naman ay kamukha talaga ng Nanay. May lahing kastila kasi ang nanay kaya heto mestiso at maganda ang hubog ng katawan.

Bumaba ako ng bahay para buksan and gate. Dadalhin ng tatay ang kotse sigurado ihahatid muna niya si Eric sa pinapasukan nito.

 "Ester ikaw muna bahala dito aalis na kami." Narinig kong sabi ng tatay habang pababa ng hagdanan.

Sa pagbukas ko ng gate 'di ko maiwasang magselos. Habang nakikita kong magkasama sila ni Eric nalulungkot ako. Siguro dahil hindi ko naranasan na makasama ang tatay. Umalis sila na parang hindi ako nakikita at okay lang 'yun sa akin siguro sanay na ako.

"Ano kaya magandang gawin?" bulong ko sa aking sarili. Umakyat ako sa taas ng bahay. Naabutan kong nagwawalis ang nanay.

"Nay, ako na po dyan." Sabay kuha sa walis na hawak ni nanay.

"Wala ka bang lakad ngayon Joe?"

"Nay, 'san ang punta ng tatay"

"Bakit mo naitanong?" pagtataka na tanong sa akin ng nanay.

"Wala lang po." Mahina kong sagot.

"Anak may aayusin lang ako sa loob ng kwarto ha." sabi ng nanay

"Nay, bakit ganon ang tatay?

"Joe?" tinitigan ako ng nanay siguro alam niya kung ano ang nasa loob ko.

"Mahal ba ako ng tatay"

"Anak mahal ka namin ng tatay mo."

"Nay bakit ganon mas malapit si Eric sa kanya kaysa sa akin?" Niyakap ako ng nanay hinalikan sa pisngi at ngumiti sa akin.

"Bakit anak? Di ba mas malapit ka rin sa akin. Mas close tayo pero mahal ko din kapatid mo. Ganun din ang tatay mo mas malapit kay Eric pero mahal ka rin nya." Napangiti ako sa sinabi ng nanay nagkaroon ng sigla ang buhay ko.

Iyan ang aking pamilya! Ang nanay, ang tatay, si Eric at ako. Isang pamilya na binubuo ng dalawang grupo. Si tatay at si Eric, si nanay at ako. Mas mapalad si Eric mahal siya ng nanay. Ako tatanggapin ko na lang ang pakikitungo sa akin ng tatay. Ang mahalaga mahal ko ang tatay, mahal ko silang lahat.

Tuwang-tuwa ako habang pinagmamasdan ko ang parke ng bayan. Malinis at sariwa ang hangin.

"Nasaan kaya siya?" tanong ko sa aking sarili.

Hinagilap ng aking paningin ang buong lugar ng parke. Wala pang masyadong tao kaya madali kong mahahanap ang taong hinahanap ko.

 "Alam ko na." tinungo ko ang batuhan malapit sa dagat.

"Hoy! Anong ginagawa mo dyan?" matawa-tawang sabi ko kay Brock. Naabutan ko siyang pinaglalaruan ang mga maliliit na bato.

"Gusto mo sumali?" sabi ni Brock sabay tingin sa akin.

Napangiti ako habang pinagmamasdan ko si Brock. Nakikita kong hinahakot niya ang mga maliliit na bato, hinihiwalay sa malaki.

"Iipunin ko ito!" wika ni Brock.

"Bakit naman?" tanong ko sa kanya habang umupo ako sa tabi niya.

"Kasi pag dating hapon ibibigay ko."

"Bat mo naman ibibigay?

"Kasi kukunin nila ako kapag 'di ako nagbigay." Sagot ni Brock. Nakita ko sa kanyang mga mata ang takot.

"Ang mga hapon nandon!" pasigaw na sabi ni Brock habang tinuturo ang isang isla sa kalayuan.

"Hala ka kukunin ka, tago tayo." Tumayo si Brock at tumakbo palayo sa akin.

"Habulin mo ko!" pasigaw na sabi ni Brock habang tumatawa.

Mababakas mo sa kanyang mukha ang tuwa. Tumayo ako at hinabol ko si Brock. Nagtakbuhan kami hanggang sa pareho na kaming hiningal sa pagod. Napaupo ako sa isang malaking bato.

"Ahh!" daing ko.

"Ako rin pagod na." sabi ni Brock at tumabi sa akin.

"Alam mo Brock..." 'di ko na itinuloy ang aking sasabihin nakita ko kasing pinagmamasdan ako ni Brock waring alam niya ang nararamdaman ko.

"Lungkot ka ano?" 'wag ka na lungkot kasi 'pag lungkot ka lungkot din brock." Maiyak-iyak na sabi ni Brock.

"Sige hindi na ko lungkot" masayang sabi ko kay Brock at malakas kaming nagtawanan.

Iyan si Brock, isang sinto-sinto. Sabi nila nasiraan daw ng bait nang patayin ang Nanay niya ng kinakasamang hapon. Siguro magkasing edad lang sila ni Eric kaya siguro nagkasundo kami. Alam ko kahit hindi matino ang pagiisip niya may isang bagay na matino sa kanya. Marunong siyang magmahal. Itinuring niya akong kaibigan at kailan man ay hindi niya ako nakalimutan. Kapag nakita niya ako nakikilala niya agad ako. Sa totoo lang ako lang ang kinakausap ni Brock takot siya sa ibang tao marahil sa sobrang panunukso sa kanya at minsan pinagkakatuwaan siya ng mga tambay.

Doon kami unang nagkakilala ni Brock. Minsan isang araw  pinagkatuwaan ng mga tambay sa kanto.

"Pare! Tingnan niyo may sira ulong dadaan" sigaw ng mga tambay sa kanto.

"Oo nga no! lika pare pagkatuwaan natin" sagot ng isa habang papalapit kay brock. Tatlong lalaki ang lumapit sa naglalakad na si Brock.

"Hoy! hoy! hoy! saan ang punta mo ha?" patawang sabi ng isang lalaki habang tinutulak si Brock.

Malakas na tawanan ang naririnig ko sa 'di kalayuan nakita ko kung paano pagkatuwaanBsi Brock ng mga tambay. Nang makita kong nahihirapan na si Brock at walang kalaban laban agad akong lumapit sa kinaroroonan niya.

"Ano ba tama na 'yan!" pagalit kong sabi sa mga lalaking kanto.

"O may kakampi ang sinto-sinto" at malakas silang nagtawanan.

Agad kong inakay si Brock at lumakad kami papalayo patungo sa parke.

"Wag mo na sila pansinin ha, dito na ko." Malumanay kong sabi kay brock.

"Talaga wala na mga hapon" matakot takot na sabi ni Brock. Napaupo kami sa isang batuhan at nakita kong ngumiti si Brock.

 "Di ka takot sa akin?" tanong sa akin na para bang nagtataka.

"Hindi! Kasi alam ko mabait ka." Agad kong sabi.

 "Ako rin lam Brock bait ka."

"Brock ba pangalan mo?"

"Brock ako." sabay ngiti sa akin ni Brock.

"Ako si Joe!" malakas kong sabi.

"Sige laro tayo!" masayang sabi sa akin ni Brock. Tumayo sa isang malaking bato at doon sumayaw, sumigaw at kumanta. Habang pinagmamasdan ko si Brock 'di ko mapigilan ang matawa.

"Makakasundo ko 'to!" pabulong kong sabi.

"Lika na! tingnan mo yun...." Malakas na sigaw ni Brock sabay turo sa isang isla sa di kalayuan. Lumapit ako kay Brock, inakbayan ko siya at pareho naming tinanaw ang isang isla.

"Pangarap ko makapunta doon" pabulong na sabi ni Brock.

"Talaga! Alam mo pareho pala tayo."

"Tingnan mo Brock, sarap ng hangin, sariwa" at huminga ako ng malalim.

"Lam mo dito bahay ko." Sabi ni Brock.

"Ha! Dito ko nakatira." Gulat na sabi ko kay Brock.

"Dito sa parke nakatira si Brock". agad na sabi ni Brock.

" Lam mo 'di na ko lungkot kasi dito ka na" sumeryososi Brock nakita ko sa mga mukha nya ang kaligayahan.

"Mula sa araw na 'to Joe at Brock kaibigan na" masaya kong sabi kay Brock."

Iyon ang unang pagkakakilala namin ni Brock, pagkakakilalang nauwi sa pagkakaibigan. Isang samahang hindi malilimutan.

"Hoy!" pasigaw na sabi ni Brock, matagal na pala akong nakatulala habang naalala ko ang araw na nagkakilala kami.

"Ano isip mo?" dugtong niya.

"Brock halika!" tumayo ako at niyaya ko siya sa pinakamataas na bahagi ng bato. Itinaas ko ang dalawa kong mga kamay waring gusto kong langhapin ang masarap na hangin. Tumingin ako sa pinakadulo ng dagat at itinuro ko kay Brock.

"Nakikita mo ba ang dulo ng dagat? Pabilog siya diba?"

"Hehehe bilog ang dagat" mangisi-ngising sagot ni Brock habang abala sa pagpupulot ng mga puting bato.

Masaya kong pinagmasdan ang dagat. Sa dagat ko naibubuhos ang mga problema ko. Bawat alon na nakikita ko parang unti-unting nababawasan ang bigat sa dibdib ko. Sa bawat hampas ng hangin sa katawan ko parang naiiba ang pakiramdam ko. Sa aking paglingon napansin kong wala na si Brock marahil nainip sa kahihintay sa akin at iniwan akong kusa. Alam kong dala niya pauwi ang mga batong napulot niya.

Bumaba ako sa kinatatayuan kong malaking bato. Lumakad ako palayo sa parke. Pinagmasdan ang paligid. Iilan lang ang mga taong naglalakad siguro dahil sa tindi ng sikat ng araw. Alam kong pagsapit ng dapit-hapon unti-unti ng magdadagsa ang mga tao lalo na ang mga magkasing-irog.

Ito ang parke ng bayan. Ang Plaza Maberde, isang lugar na itinuring kong pangalawang tahanan. Dito ako madalas tumambay lalo na kung nalulungkot ako. Dito malaya ako..lahat nagagawa ko. Dito ako nagiging malaya, isang bagay na hindi ko natagpuan sa sariling tahanan.

jonsdmur

jonsdmur

 

Unang nobela ko sa site na ito....


AttachmentSize
Copy of Untitled-1.jpg197.64 KB
danhollanda's picture

REBYU PARA SA DOON LANG.... (PART 1)

GOOD POINTS:

Kilala mo ang mga tauhan ng iyong nobela kaya alam mo kung paano sila pakikilusin.  Since isinulat mo ang nobela sa "first person" o ang tinatawag nating "author's point of view", mas malaki ang aasahan sa 'yo ng mga babasa dahil mas personal ang dapat maging dating ng iyong kuwento.

Maganda at ipinakilala mo agad ang mga importanteng tauhan pati ang mga character traits nila.  Malinaw din ang mga relasyon sa pagitan nila kaya aasahan ang developments sa pagitan ng mga ito habang lumalawig ang kuwento.

Siguradong makukuha mo ang interes ng readers dahil sa character mong si Brock.  Aabangan siyang tiyak sa susunod na kabanata.  Ngayon pa lang, gisto ko na ring mabasa ang susunod na eksena ni Brock.

Maganda rin at ipinakita mo na sa simula pa lang ng nobela kung ano ang isa sa mga aasahang conflict sa kuwento.  Interesting ang detalye kung bakit mas close si Eric sa tatay nila at si Joe naman ang paborito ng nanay niya.  May nakatago kayang sikreto kung bakit ganun?---yun ang isa sa mga aantayin ng readers mo.

Dahil ginamit mo ang dagat bilang part ng iyong location, makakatulong ito sa paggamit mo later ng mga imagery, parallellism at iba pang device na angkop sa pagkukuwento. 

Pinakaimportante at nagawa mong ikuwento sa unang chapter pa lang kung ano ang magiging himig ng buong nobela.  Kahit di ko pa alam ang kasunod, aasahan kong magiging maganda ang development nito.

 

BAD POINTS:

Siguro ay nagmamadali ka sa pagta-type kaya hindi mo napansin ang maraming typographical errors.  Importante din ito, jonsdmur, dahil bukod sa husay sa pagkukuwento, mahalaga din ang teknikalidad dahil ito ang nagpapakinis sa pagbabasa ng isang kuwento.

Kailangan ding maging maingat sa paggamit ng "ng at nang, daw at raw, din at rin,  punctuation marks, at pagsasaayos ng mga unit na nakapaloob sa isang chapter.

Since isinulat mo ang nobelang ito sa 1st person point of view, importante ang mga narratives na isusulat mo.  Kung maaari, puwede mong ihiwalay ang mga dialogues dito para malinaw sa babasa ang porma ng pagkakasulat.  Muli, bahagi ito ng usaping teknikalidad.

Sa isang nobela, importante sa lahat ang unang kabanata.  Kailangang makuha mo ang interes ng readers sa 1st page at 1st paragraph pa lang.  Medyo weak ang opening mo dahil isinulat mo ang 1st chapter na parang opening scene sa isang pelikula.  Maraming pwedeng gawin para lumakas ang opening.  Pwedeng narrative ito ng nararamdaman ng main character, pwedeng isang dialogue na bubulaga sa readers, pwedeng isang malupit na tanong o ideya na maaari mo ring sagutin sa ending ng kuwento--marami kang pwedeng gawin, basta't ang kailangan e para kang may pasasabuging atomic bomb sa simula't simula pa lang.

Kung importante and opening paragraph ng kuwento, mahalaga rin ang ending ng chapter.  Kailangang punctuated ang huling tagpo ng kabanata--dialogue man ito o narrative para lalo mong makuha ang interes ng readers para basahin ang mga susunod na eksena.

Importante din ang consistency.  Once na gumamit ka ng "sya", kailangang yun na ang gamitin mo sa kabuuan ng kuwento at hindi  "siya."   Teknikal pa rin ito pero mahalaga dahil iba-iba ang ugali ng editor na babasa at mag-a-approve ng mga manuscript.  Yung iba sa kanila, once na nahilo dahil sa teknikalidad, agad ng tinitigilan ang ginagawa at ibabasura na lang ang trabaho mo.

Pero may exception din sa paggamit ng "sya at siya".  Maaaring ilusot ito kung gagamitin mong bahagi ng characterization.  Halimbawa'y kung sasadyain mong ipagamit kay Brock ang "tya bilang kapalit ng sya" at normal mong gagamitin ang "sya" para sa ibang karakter na nagsasalita at ang "siya" para sa narrative.

 

Sa kabuuan, maganda ang unang kabanatang isinulat mo.  Kulang lang sa dulas at kinis pero madali lang yung remedyuhan.  Ang mahalaga, nagawa mong isulat ang 1st chapter at nakumbinsi mo akong basahin pa ang mga susunod.  Pero dahan-dahan ko lang siyang babasahin, ha?  May trabaho rin kasi ako sa araw.  CONGRATS!!!!   

jonsdmur's picture

Salamat po

Una sa lahat gusto ko pong magpasalamat sa oras na binigay ninyo para basahin ang isinulat ko. Ang totoo po kailangan ko po ang isang katulad ninyo na makakapagtama ng aking kamalian. Dahil po sa inyo nalaman ko ang mga kamalian ko sa pagsusulat.

Noon paman po may pangamba ako na sa mga grammar errors ako magkakamali. Kung paano po dapat ihiwalay ang bawat talata at nilalaman nito. Sa ngayon naghahanap ako ng isang libro o kahit sa internet research ng mga Filipino Grammar Lesson. Pangarap ko po kasing makagawa ng isang nobela na maganda ang kwento at maayos ang pagsusulat.

Sa simula pa lang alam kong may mga mali sa sinulat ko kasi may mga negatibong komento din ang mga kaibigan ko sa mga grammar ko. Sa mga komento ninyo sa akin ay nagkaroon ako ng idea kung paano ko itatama ang mga kamalian ko. Ako po ay umaasa na hindi kayo magsawang magbasa sa sinulat ko at magbigay ng inyong komento.

Alam ko pong sa nobelang Doon lang ay marami pang eksenang magyayari na sana po ay akma sa kwento at maganda ang pagkakasulat. Gusto ko po kasing maging maayos ito at maitama ang mga mali para kapag niregalo ko na sa mga mahal ko sa buhay ay hindi na ako mapapahiya..

Marami pong salamat..

Jonsdmur

jonsdmur

dyeppri's picture

Komento lang po!

 Mahirap bigyan ng komento ang nobela dahil sobrang haba nito. Minarapat ko munang basahin ang kabuan dahil hindi ko alam ang sandigan ng ibang paksa kung saan patungo. (Baka magkamali ako.)

Sa Kabuuan ng istorya ay maganda ang takbo at parang nagiging suspense ang ilang eksena sa una, tulad ng ano ba ang tunay na relasyon ni Joe sa pamilya? Sino ang tunay na kadugo? Minsan gusto ko ng pabilisin ang pagbabasa pero syempre di ko yun ginawa. Magaling ang unang tagpo at paglalarawan sa tauhan...Na-eexite ako at parang ayaw ko na bitiwan. Ngunit sa dulo ay biglang bumaligtad (sa akin lang po ito) at naisip ko na sana ay iniba ng awtor ang istorya at yung mas may dating... Importante dito inaabangan at parating sinsabi ng pangunahing tauhan na ipagmamalaki nyo din ako... hinintay ko ang sandali kung ano kaya ang mapapabago sa kanya at ang sumagot nga ay ang vita plus: networking. Ayos naman itong networking ngunit tumanim na sa mga tao at mambabasa ang mga panloloko sa ganitong negosyo (hindi ko man nilalahat pero iyon ang nasa utak ko o iba pa siguro). Para tuloy nagbasa ako ng isang advertisement ng vita plus (sponsorship ba ito para buhayin ang networking). Natawa nga ako (totoo) na yumaman siya sa madaling panahon (isang taon) sa negosyo nya. Papano kaya siya nangumbinsi ng tao gayong alam ng lahat na mang-mang sya at di nakaag-aral? Sana y iniba na lang ang reason o pagbabago yung mapapahanga ang mambabasa tulad ng (ito ang naglalaro sa isipan ko na baka ganito ang mangyayari habang nasa kalagitnaan ako) baka mayaman si brook, baka totong ginto ang nakukuha nilang bato, papag-aralin siya ni Tiyo Caloy (o baka ito ang tunay niyang ama), makakatagpo ng scholarship at ma-aacelerate siya. Siguro ay bitin sa age nya (pero konting retoke lang naman po ay pwede eh). May mga eksenang pinataas ang level ngunit wala naman palang saysay tulad ng bakit parating tawag ni brook ay hapon sa kalaban nya. Sa katapusan ay naging mabilis ang phasing ng kwento at parang nagmamadali na... pahabol po: doon lang..walang dating sa akin ang title at pinaka importante ito para sa akin dahil wala akong ni isang idea sa novel man o sa author at negative agad sya na parang nagsasabi ay doon lang pala iyon nagwawakas.Mabuti at libre dito kaya binili ko...

Stucture: medyo madami pa ngang typo-error. Sana ay nabigyan pa ng isang pasada basahin o final edditing ang nobela kasi may mga sentence na naguguluhan ako sa pagkaka-ayos. Hindi smooth kung basahin kung baga. Dialogue ay nasa tama sanang hanay kasi nakakaborring basahin kung tuloy-tuloy. Ang pambungad ay nakakatamad basahin kasi paglalarawan sinimulan kahit wala pa akong idea sa kwento. Sana gumamit ng magnetong mga salita na kukuha sa damdamin at arousal ng mambabasa.

Sa kabuuan ay ayos naCool konting areglo lang.. salamat! 

Structure at teknikalidad:

...........................................................

ako lang po ito at bahala ka kung tatanggapin mo...

jonsdmur's picture

salamat sayo dyeppri

Maraming salamat sa mga komento mo.. Ang totoo tama ka masyado na kasi akong nagmadali na tapusin ang kwento. Ang totoo niyan may isa akong version na yumaman siya sa pamana ni kuya caloy dahil sa byuda ito at mayaman.. Ang totoo niyan sana siya din ang tunay na tatay.. kaso ewan ko ba kung bakit iniba ko ang pangyayari... siningit ko kasi ang vita plus dito.. uso kasi dito yan at may yumaman din.. naiisip ko din na hahaba ang kwento kapag nilagay ko pa ang relasyon ng nanay at ni kuya caloy.. ang totoo yun talaga ang dapat na magyayari.. kaya ko pinasok ang karakter ni kuya caloy sa kwento... kung napapansin mo bigla nawala ang eksena si kuya kaloy... naiisip ko kasi hindi sila magiging magkapatid  kung si kuya kaloy ang tatay.. saka parang lalabas na ung nanay pa ang naloko sa kanilang pamilya.. Sa unang version kasi hindi sila magkapatid... ang tatay niya ay si kuya caloy at kaya galit ang tatay ricardo niya dahil alam ang totoo na si joe ay anak sa ibang lalake..

Kaso bigla kong naiisip na sana magkapatid sila kaya may conflick na sa kwento...

Ano masasabi mo sa love story? ok ba? ang ending? sa ibang eksena nila ni leslie?

Maraming salamat sa pagbasa...

jonsdmur

fhearl08's picture

Salamat sa nobela mo...

Salamat sa nobela mo, actually part 1 pa lang ako di ko pa tinapos, saka na lang kasi alam mo, nang mabasa ko yung koment ni danholland sayo gawa mo, naisip ko rin yung gawa ko dahil pareho din tayong nagsusulat ng nobela kaya e-review ko muna yung akin saka ako magkoment dun sa gawa ng iba...

Honestly, marami din akong natutunan kay danholland, sana may oras din siya para e-edit ang gawa ko at  ipahayag din niya kung saan ako nagkamali at kung ano ang dapat baguhin, kung ano tama at nararapat. Hindi naman ako totally writer, type ko lang talaga ang magsulat ng mga kwento, pag nalungkot ako at nag-iisa, ibinuhos ko na lang sa pagsusulat.

Mas maganda kasi kung may magsasabi sayo kung ano ang mga mali mo para magawan mo ng paraan kung papano ito aayusin di ba?

Sige jonsdmur, hanggang sa muli...

maraming salamat sayo at sa nobela mo...

Just keep on writing and inspired everyone... 

God bless po! 

jonsdmur's picture

Tama ka marami akong

Tama ka marami akong natutunan sa mga komentong natanggap ko lalo na kay Danhollanda.. magaling siyang magbigay ng mga komento...

Noong nagsulat ako ng nobela at nilagay ko dito nawala sa isip ko ang paggamit ng tamang salita o filipino grammar... hindi lang pala sapat ang makagawa lang ng kwento...

Nabasa ko rin ang ilang nobela mo.. minsan nagkakamali ka rin sa paggamit ng at nang... ngayon ko lang naalala ang wastong gamit niyan... pati ng ang sige ay nagiging cge na lang ehehehhe dahil sa mga komentong natatanggap natin at naitatama natin ang ating mga kamalian..

Sa ngayon di pa ako nagbibigay ng komento tungkol sa mga teknikal kasi alam kong di pa ako bihasa...

Sa totoo lang mas magaling ka magsulat sa akin... at magaganda ang mga kwento mo....

Ang ilang error ko sa nobelang ito ay na edit ko na rin... saka ung mga komento ni dyeppri ay ginawa ko na rin... iniba  ko ilang eksena.... 

 

jonsdmur

danhollanda's picture

KAUUWI KO LANG...

Hi Jonsdmur...

Kauuwi ko lang kanina kaya tinapos ko agad basahin ang Part 4 dahil ilang araw din akong natengga sa nilakad ko out-of-town.  Salamat sa papuri at aprreciation mo.  Mas matututukan ko na ang pagbabasa ng kuwento mo sa mga susunod na araw.  Sulat lang nang sulat, bro!!!  Ingat lagi.

danhollanda's picture

PARA KAY fhearl08

Salamat at nakatulong din ako sa 'yo nung simulan kong gawing regular ang pagrerebyu sa nobela ni jondsmur.  Ang totoo, ginawa ko yun dahil mismong siya ang nagpaskil at humingi ng comments sa ating lahat.  Bihira yung ganun.  Karaniwan dito sa site ang mag-post ng mga written works pero nasasaiyo na lang bilang reader at kapwa member kung gusto mong mag-comment or what.

Totoo rin na patuloy tayong matututo kung babasahin natin ang mga obra ng bawat isa.  Kanya-kanyang estilo, kanya-kanyang husay at galing, mga bagong ideas, basa lang tayo dapat nang basa at maging handa sa pagtanggap ng mga pagpuna.

Ngayong binanggit mo, makikibasa na rin ako ng mga trabaho mo.  Wag mailang sa rebyu.  Constructive naman ang layon ko.  Nice meeting you, fhearl08...

best regards!

dan hollanda 

jonsdmur's picture

Hinding hindi ko

Hinding hindi ko makakalimutan ang nobelang ito... dahil ito ang unang nobela ko sa site na ito.. ito rin ang unang komentong natanggap ko...

Dito ko nalaman ang mga pagkakamali ko at dapat kong i-improve...

Sa lahat nang nagsabi na nag-improve ako ay maraming salamat... oo nga daming mali sa grammar heheheh.... lalo na sa quoted sentences....

Balak ko itong ayusin at gawing third person... sana maayos ko ng tama...

Sa lahat ng sumubaybay ng kwentong ito ay nagpapasalamat ako... lalo na sa nagbigay ng kometo sa akin...

Ito na yata ang nobelang hindi ko makakalimutan.... jonsdmur