Doon lang...Part 7

jonsdmur's picture
| | | | | |

Paunawa

Ang mga tauhan, pook o lugar, pangalan at pangyayaring ginamit ko po sa

kuwentong ito ay pawang kathang-isip ko po lamang at hindi hinango sa tunay

na buhay o ibinatay dito. Ang anumang pagkakatulad o pagkakahawig sa tunay

na buhay ay talagang hindi ko po sinasadya. Ang lahat ng ito ay bunga lang

po ng aking malikot na imahinasyon.

doon lang

Part VII

Mabilis lumipas ang mga araw at hindi ko namalayan na mabilis na rin akong natuto. Sa bawat araw na tinuturuan ako ni Leslie ay nakatatak na sa aking isipan. Tama nga siguro si Macmac kapag in love madaling matuto.

"Nay basahin mo." Sabi ko sa aking ina na abala sa pagluluto.

"Ang maganda kong nanay! Naku anak natutuwa ako sayo at magaling ka nang magsulat." Hinalikan ako ng nanay sa pisngi at niyakap ko siya. Alam kong natutuwa ang Nanay dahil bata pa lang ako ay pangarap ko nang matutong magbasa at magsulat.

"Dahil kay Leslie 'Nay natuto ako."

"Anak alam na ba niya na mahal mo siya."

Kinuha ko ang sandok mula sa pagkakahawak ng nanay at tinikman ko ang adobong niluluto niya.

"Hmmm sarap!"

"Bakit ‘di mo pa ipagtapat sa kanya."

"Siguro alam na niya, siguro nararamdaman niya."

"Mas mabuti pa ring malaman niya at masabi mo."

"Sasabihin ko 'Nay kapag maipagmamalaki na niya ako."Tinakpan ko ang kasirola at humarap ako sa nanay. "Pagdating ng araw kapag nakahanda na ako."

"Anak kung mahal ka niya nakahanda siyang tanggapin kung ano ka."

"Alam ko 'yun 'Nay nararamdaman ko."

"Sige na...ako'y magluluto pa." sabi ng nanay habang hinihiwa ang mga kamatis.

Lumabas ako ng kusina at kinuha ang isang pocket book na tagalog. Sabi ni Leslie maganda basahin ang mga pocket book dahil magkahalong tagalog at english ang nakasulat dito. Higit sa lahat may saysay ang kwento. Madali akong matutong magbasa.

Sinimulan kong basahin ang pocketbook napangiti ako nang malaman kong kwento ito ng isang pagibig. Isang binatilyong umibig sa isang guro. Parang kami ni Leslie naiisip ko.

"Maganda 'to!" naibulong ko sa aking sarili.

Sinimulan ko ang pagbabasa at hindi ko rin mapigilan ang aking sarili na humanga sa tibay ng pag-iibigan. Ipinaglaban nila ang kanilang pag-ibig.

"Hoy! Pwede ba hinaan mo ang pagbabasa para kang grade one kung magbasa." Pasigaw na sabi ni Eric na kanina pa pala nakikinig sa binabasa ko.

"Eric hayaan mo na ang kuya mo hindi ka ba natutuwa marunong nang magbasa ang kuya mo." Sabi ng nanay habang inaabutan ng juice si Eric.

"Wala akong pakialam..pwede ba hinaan mo ang pagbabasa."

Medyo nalungkot ako sa nangyari parang bumalik sa aking alaala noong mga bata pa kami. Grade two noon si Eric at habang nagbabasa siya nang malakas.

"Ang a-la-mat ng pin-ya." Malakas na bigkas ni Eric at hindi ko mapigilan ang sumabay sa binabasa niya.

"Tatay, si kuya nanggugulo." Umiyak si Eric sa hindi ko alam na dahilan kung tutuusin natutuwa lang ako sa binabasa niya kaya hindi ko napigilan ang aking sarili na sumabay sa mga binibigkas niya.

Lumapit sa amin si Tatay at tulad noong naabutan niya akong nagsusulat ay pinalo ako ng sinturon at pinaluhod sa bilaong may asin. Takot na takot ako noon kaya mula sa araw na iyon hindi na ako lumalapit sa kapatid ko habang nagbabasa.

Ngayon nanumbalik ang lungkot na nararamdaman ko.

"Sige doon na lang ako sa kwarto magbabasa."

"Buti pa badoy ng binabasa mo." Pahabol na sabi ni Eric.

Pumasok ako ng kwarto na bitbit ang pocketbook. Naiisip ko tama si Eric malakas akong magbasa at medyo nakakahiya kapag merong ibang taong nakakarinig.

Umupo ako sa aking kama at sinimulang magbasa ngayon tinuturuan ko ang aking sarili na magbasa nang tahimik. Pinangako ko sa aking sarili na kailangan ko nang matuto. Alam kong kaya kong magbasa at unawain ang kwento.

"Mahal kita Lorilie." Sabi ni James.

"Mahal din kita pero kaya kitang iwan." Maiyak iyak na sabi ni Lorilie.

"Hindi ko kayang mawala ka  dahil mahal kita Lorilie."

"Mahal mo ako dahil kailangan mo ako o kailangan mo ako dahil mahal mo ako." Tuluyan ng pumatak ang mga luha ni Lorilie.

"Mahal kita dahil mahal kita."

"I'm sorry James mahal kita pero kaya kong iwanan ka." Tumalikod si Lorilie at iniwan si James na nakatayo sa tulay na kanilang tagpuan.

Natawa ako sa aking sarili nang maramdaman kong medyo napapaluha ako sa aking binabasa. Hindi ko alam kung naluluha ako sa binabasa ko o luha sa sakit na nararamdaman ko habang naalala ko ang nakalipas. Naisip ko masarap palang magbasa nakakadala ng damdamin.

Naisip ko si Leslie hindi ko yata kaya na mawala siya sa aking buhay.

Itinago ko ang pocketbook sa ilalim ng aking unan naisipan kong mamayang gabi ko na tatapusin ang kwento.

Nahiga ako sa aking kama at ipinikit ang aking mga mata.

Tok! Tok! Tok!

Naalimpungatan ako sa mga katok na narinig ko. Bumangon ako at agad na binuksan ang pintuan.

"Anak may bisita ka."

"Ha?"

"Nandyan siya anak sige na lumabas ka na."

Hindi man tinukoy ng Nanay kung sino ang bisita ko alam kong si Leslie ang bisita ko. Agad kong inayos ang aking sarili at lumabas ng kwarto.

Naabutan ko si Leslie sa salas na kausap si Eric.

"Hi!" masayang bati sa akin ni Leslie.

"Napadaan ka yata?" tanong ko kay Leslie.

"Binibisita ka tanga!" mabilis na sabi ni Eric at pumasok sa kusina.

"Wala kasing pasok at naisipan kong dumalaw dito...heto nga pala Joe pocketbook maganda ang kwento nyan."

Iniabot sa akin ni Leslie ang isang pocketbook.

"Salamat ang ganda! Alam mo lahat ng pocketbook na pinahiram mo sa akin magaganda, alam mo marunong na akong magbasa ng tahimik."

"Talaga!"

"Galing mo kasing magturo."

"Leslie meryenda ka muna." Si Eric na kalalabas ng kusina bitbit ang isang baso ng Juice.

Inabot ni Leslie ang baso at napansin kong titig na titig si Eric kay Leslie.

"Salamat." Sambit ni Leslie habang pinapatong ang baso sa mesang nasa tabi namin.

"Joe lika labas tayo masarap mamasyal sa parke." Natuwa ako sa sinabi ni Leslie habang si Eric naman ay medyo umismid sa sinabi ni Leslie lalo pang hindi ininom ni Leslie ang Juice.

"Maganda 'yun sige tara na."

Nagpaalam kami kay Nanay at pumayag naman ito. Habang pababa kami ng hagdanan ay pansin kong sinusulyapan ni Eric si Leslie. Medyo naiinis ako sa mga titig ni Eric kay Leslie.

"Bakit ganon ang kapatid mo?" tanong ni Leslie habang naglalakad kami sa parke.

"Anong ganon?"

"Bakit walang respeto sayo?"

"Talagang ganon 'yun."

"Bakit ka pumapayag?"

Hindi ako nakasagot sa tanong ni Leslie. Nanatili akong walang imik.

"Alam mo magkaibang magkaiba  kayo sa lahat ng bagay."

"Anong pagkakaiba?"

"Mabait ka kaya nagus....." hindi na itinuloy ni Leslie ang sasabihin niya.

"Kaya ano..." tanong ko.

"Kaya naging kaibigan mo si Brock....'yun siya o...." kumaway si Leslie nang makita si Broc na nakaabang sa amin. Parang alam ni Brock na dadating kami. Agad itong tumakbo palapit sa amin.

"Heheheh Brock dating na." masaya nitong sabi.

"Musta Brock.....musta na ha...." Masayang sabi ko kay Brock.

"Brock saya.....saya Brock hehehehehe."

"Brock kanta....." lumayo si Brock nang ilang hakbang sa amin at sinimulang kumanta.

"Dyandyadyaran..... Dyandyadyaran.... Dyandyadyaran"

Napatawa kami ni Leslie sa ginawa ni Brock para itong pari sa harapan namin.

"Kayo kasal Brock."

Napatingin kami ni Leslie sa isat-isa  medyo nagkahiyaan pa kami.

"Lika doon tayo." Yaya ni Brock at tumakbo malapit sa batuhan.

Sumunod kami ni Leslie at nakarating kami sa batuhan.

"Naalala mo noon pinagtatalunan natin kung sino ang may ari ng batong kinatatayuan natin."

"Oo naman diba akin 'to?" Pagmamalaking sabi ni Leslie.

"Anong sayo akin din 'to."

"Sige na nga sa ating dalawa."

Napalingon ako sa paligid nang mapansin wala na si Brock. Kahit si Leslie hindi napansing umalis si Brock.

"Nasaan na si Brock?" tanong ni Leslie

"Baka umuwi na sa barong barong niya."

Napatingin kami ni Leslie sa langit. Papalubog na ang araw at sa kulay ginto nitong kulay hindi namin napigilan ang humanga sa kagandahan ng paligid.

"It's beautiful!"

Napatingin ako kay Leslie.

"It's beautiful!" mahinang sambit ni Leslie.

"It's beautipool?"

"No! It's beautiful!"

"It's beautiful?" dugtong ko.

"Yes! It's beautiful!" humarap sa akin si Leslie at nagtama ang aming mga mata.

"Ang ganda! Napakaganda." Mahina nitong sabi.

"Mas maganda ka Leslie! Maganda ka!"

Nagkatitigan kami ni Leslie at sa pagtama ng mga mata namin naramdaman ko ang pagtibok ng kanyang puso.

Unti-unting naglalapat ang aming mga labi. Unti unti kong naabot ang matamis niyang labi.

"Wag!" pagtutol ni Leslie sabay iwas sa labi ko.

"Wag Joe hindi ko pa kaya!"

"Hindi ko sinasadya" mahina kong sabi kay Leslie na ngayon ay nakatalikod sa akin.

"May dahilan ba para halikan mo ako?"

 Hindi agad ako nakasagot sa tanong ni Leslie.

"Joe lika na uwi na tayo."

Medyo nagulat ako sa pagyayang paguwi ni Leslie. Wala akong nagawa kundi ang sumunod sa kanya habang mabilis na naglalakad. Pakiramdam ko nagalit siya sa halik ko pero sa kabila ng aking isipan ay may tuwa akong nararamdaman. Ganito pala kasarap ang unang halik. Masarap at parang hindi ko makakalimutan.

"Sandali lang!" pagpigil ko kay Leslie habang hawak ang braso niya.

"Bakit Joe?"

"Bakit ang bilis mong maglakad para naman kitang hinahabol dyan."

"Wala lang! nagmamadali lang akong umuwi."

"Bakit naman? Galit ka ba sa akin?"

"Hindi! Bakit naman ako magagalit."

"Malay ko ba."

"Sige na uwi na ko."

"Hatid na kita."

"Sige."

Habang naglalakad ay masaya kaming nagkwekwentuhan ni Leslie. Alam kong ayaw na niyang pag-usapan pa ang nangyaring sa amin kanina kaya naisipan kong i-kwento sa kanya ang mga nabasa ko sa pocketbook. Dahilan 'din yun para ipaalam ko sa kanya na marunong na akong umunawa ng binabasa ko.

"Tapos anong nangyari?"

"Yun iniwan siya ni Lorile kahit mahal niya si James."

"Iniwan niya kahit mahal niya?"

"Oo dahil .."

"Dahil ano?" tanong ni Leslie.

"Mamaya ko pa malalaman ang dahilan kapag natapos ko ng basahin."

"Ikaw talaga binitin mo lang ako." Inis na sabi ni Leslie.

"Bukas kwento ko sayo."

"Naku 'wag na baka mabitin uli ako."

"Ayaw mo talaga?"

"Sa totoo lang Joe masaya ako dahil marunong ka ng magbasa at umunawa ng binabasa mo?"

Hinawakan ko ang kamay ni Leslie at dahilan 'yun para huminto kami sa paglalakad.

"Natuto ako dahil sayo."

"Natuto ka dahil magaling akong magturo?"

"Natuto ako dahil mah...."

Beep! Beep!

Pareho kaming nagulat ni Leslie nang biglang bumusina ang kotseng biglang huminto sa harapan namin.

Namula si Leslie nang makilala ang sasakyan.

"Ang Kuya Ramon dumating na."

Bumukas ang side mirror ng sasakyan at hindi nga nagkakamali si Leslie ang kuya niya na mukhang galit.

"Go to the car!" mahina nitong sabi habang nakadungaw sa loob ng sasakyan.

Napatingin si Leslie sa akin.

"I said go to the car!" pasigaw na sabi ng kuya ni Leslie dahilan para lalong kabahan si Leslie.

"Joe sige na uuwi na ako."

"Leslie..."

Sumakay na ng kotse si Leslie at mabilis itong pinaharurot ng kuya niya. Alam kong galit na galit ang kuya ni Leslie.

Habang naglalakad sa kalsada ay isip ko pa rin si Leslie. Nagulat ako nang makarinig ako ng busina. Sa paglingon ko nakita ko ang kotse ng kuya ni Leslie. Dahil kita sa salamin kung sino ang nasa loob hindi ako nagkakamali na si Leslie at kuya nito ang nasa loob ng sasakyan. Kitang kita ko na pinipigilan ni Leslie ang kuya niya. Pinipigilan na 'wag akong bundulin. Nakita kong papalapit nang papalapit ang kotse sa kinatatayuan ko.

Pakiramdam ko parang huminto ang pagikot ng mundo.

"Takbo!" malakas na sigaw ni Leslie dahilan para magising ako sa kinatatayuan ko. Mabilis akong tumakbo at pilit iniiwasan ang kotseng pilit na bubundol sa akin.

Mabilis ang mga takbong ginawa ko ngunit walang laban sa mabilis na pagharurot ng sasakyan.

Hingal na hingal ako sa pagtakbo at alam kong kanina pa ako nabundol kung hindi pinipigilan ni Leslie ang kuya niya hanggang sa pa ekis ekis na ang takbo ng sasakyan.

Patuloy ako sa pagtakbo hanggang sa hindi ko na nakayanan. Tuluyan akong nadapa at sumubsob sa kalsada.

Nakita kong paparating na ang sasakyan bubundulin na ako.

Brrrrrrrrh!

Napapikit ako at pakiramdam ko dumilim ang paligid.

Mabilis ang paghingal ko habang nasa harapan ko ang sasakyan. Isang hakbang maiipit na ko ngunit alam kong nakahinto na ang sasakyan. Bumaba ng kotse ang kuya ni Leslie at lumapit sa akin.

"Gusto kitang patayin para layuan mo ang kapatid ko."

"Kuya tama na!" si Leslie na nasa likuran ng kuya niya na patuloy sa pag-iyak.

Tumayo ako mula sa pagkakadapa ko.

"Hindi lang 'yan aabutin mo sa akin kapag hindi mo nilayuan ang kapatid ko."

Hinila si Leslie ng kuya niya papasok ng kotse. Agad nitong piharurot ang sasakyan palayo sa akin.

Habang pinagmamasdan ko ang paglayo ng sasakyan hindi ko napigilan ang magalala para kay Leslie. Alam kong masakit sa kanya ang nagyari.

"Leslie.......mahal kita!" mahina kong sabi.

 Kinagabihan dinaan ko sa pagbabasa ng pocketbook ang sakit na nararamdaman ko.

 "Nangyari na ang nagyari wala na akong magagawa."    

"Kung mahal mo ko hindi mo ako iiwan." Maiyak iyak na sabi ni James habang hawak ang mga kamay ni Lorilie.

"James I need to go....gagawin ko to para sayo."

"Hindi! Hindi ako papayag...."

"James tama na." pagpigil ni Lorilie sa mga yakap ni James.

"James tama na! Bitawan mo ako." Tuluyang nabitiwan ni James sa pagkakayap si Lorilie. Tuluyang nakasakay na ng kotse si Lorilie.

"Lorilie wag....." pero wala ng nagawa si James tuluyan ng....

Hindi ko na naituloy ang pagbasa sa kwento nagkaroon ako ng takot. Takot na baka mangyari sa amin ni Leslie ang nangyari sa kwento sa pocketbook.

"Hindi ko kaya." Mahina kong nasambit sa aking sarili.

"Anak may problema ba?"

 Itinupi ko ang pocketbook at humarap sa nanay. Binuksan ko ang bintana malapit sa kinauupuan ko para makalanghap ng sariwang hangin.

"Ang ganda ng kwento 'Nay."

"Natatakot si James na baka mawala si Lorile dahil malayo agwat nila sa isat-isa."

"Si James o ikaw?"

Hindi ako nakasagot sa sinabi ng nanay.

"Kung nagmamahalan kayo magkalayo man kayo muli kayong magtatagpo."

"Nay!"

"Joe kung mahal ka niya ipaglalaban niya pagibig niya sayo."

Napangiti ako sa sinabi ng nanay.

"Hindi kayo bagay!" Malakas na sabi ng tatay na kanina pa nakikinig sa usapan namin ng nanay.

"Ricardo!" pagpigil ng nanay.

"Yan ang hirap sayo kinokunsente mo ang anak mo."

"Nagmamahal ang anak mo Ricardo."

"Nagmamahal? loko! Pinahihirapan mo lang sarili mo. Ano ibubuhay mo sa kanya. Tama lang na magalit sayo ang kuya ng babaeng 'yun."

"Ricardo ano ba?" pagpigil ng nanay.

"Joe layuan mo na ang babaeng 'yun tangapin mo na hindi kayo para sa isat-isa hahahahahaha." Malakas na tuwawa ang tatay mga tawang kumirot sa aking puso.

"Tay mahal ko siya at wala akong pakialam sa sasabihin ng ibang tao."

"Mahal? Bakit mahal ka ba niya?"

Hindi ako nakasagot sa tatay na ngayon ay nasa harap ko na.

"Hindi ko alam kung ano nagustuhan sayo ng babaeng 'yun.... Baka tanga din siyang katulad mo."

"Hindi tanga si Leslie at wala kayong karapatang laitin siya." Malakas kong sabi.

"Hindi ka marunong magmahal Joe.."

"Marunong akong magmahal 'Tay...kayo ang hindi marunong magmahal...kayo ang tanga dahil hindi kayo marunong magmahal ng anak."

Pak!

Isang malakas na sampal ang binigay sa akin ng tatay.

"How dare you to talk to me in that way."

Napatingin ako sa tatay sapo ang aking pisngi.

"Tay alam kong magmahal dahil minahal ko kayo."

"Tama na 'yan Joe pumasok ka na sa kwarto mo." Ang nanay habang hinihila ako papasok ng kwarto.

Isinara ko ang pintuan ng kwarto kahit masakit ang pisngi ko sa pagkakasampal ng tatay ay binalewala ko na lang. Wala ng luha sa aking mga mata. Siguro sanay na ako sa ganitong pangyayari.

Hating-gabi na pero nanatili paring bukas ang aking isipan. May takot akong nararamdaman. Takot sa maaaring mangyari sa amin ni Leslie. Natatakot akong magkalayo kami. Bumangon ako at naisipan kong basahin ang pocketbook na binigay sa akin ni Leslie. Tinitigan ko ang cover ng pocketbook. Isang lalaki at babaeng pawang pinaghiwalay ng tadhana.

Sinimulan kong ipagpatuloy ang pagbabasa. Napangiti ako nang mabasa ko agad ang unang salita. Hindi tulad dati na kailangan ko pang pagisipan kung anong letra ang binubuo ng bawat salita. Malaki siguro ang naitulong ng pag-ibig ko kay Leslie dahil nagkarooon ako ng dahilan para matuto.

"Joe gising na hindi ka ba magsisimba?" naalimpungatan ako sa boses ng nanay na ngayon ay nakatayo malapit sa pintuan. Agad kong tiningnan ang orasan alas-siete na pala ng umaga. Napangiti ako ng makita kong hawak ko pa ang pocketbook nakatulog pala ako sa pagbabasa.

"Sige na bumangon ka na hihintayin kita." Agad na isinara ng nanay ang pintuan na kanina pa nakabihis.

Bumangon ako bitbit ang tuwalya. Medyo napapaihi na rin ako sa mga oras na 'yun.

Lumabas ako ng kwarto at napansin kong nasa labas na ng gate ang nanay. Agad akong tumungo sa banyo para maligo. Hindi pa ako nakakarating ng banyo ay may narinig ako sa kwarto ni Eric.

"Eric 'lika na mahuhuli tayo...tama na 'yan." boses ng babae ang narinig ko malamang nagdala na naman ng babae si Eric.

Pumasok na ako ng banyo para maligo. Kailangan kong magmadali dahil naghihintay ang nanay.

Malamig ang tubig na nagmumula sa shower. Bawat buhos ng tubig ay kaysarap sa pakiramdam. Malapit na akong matapos sa paliligo ng biglang bumukas ang pintuan. Nakalimutan ko pa lang ikandado kanina. Nagulat ako ng isang babae ang pumasok sa banyo, agad kong kinuha ang tumalya para itapis sa hubad kong katawan.

"Ano ginagawa mo dito?" namukhaan ko ang babae. Ang babaeng dinala din ni Eric sa birthday niya.

"Wala tinitingnan ka." mahina nitong sagot.

Sinubukan kong lumabas ng banyo ngunit nakaharang ang babae sa pintuan.

"Sabi ni Eric virgin ka pa raw." Agad nitong sabi at bigla akong niyakap. Gusto kong tumutol pero parang nadadala ako sa init na yakap ng babae. Habang niyayakap ako bigla kong naalala si Leslie at naiisip kong hindi tama ang ginagawa ko. Bigla kong itinulak ang babae sa pagkakayakap sa akin. Pinulot ko ang tuwalya na nalaglag sa sahig at itinapis ko sa aking katawan.

Sa pagkabukas ko ng pintuan lalo akong nagulat nang makita ko ang tatay na nakaabang sa labas ng banyo.

"Tay!"

"Nakakahiya ka talaga!" malakas na sabi ng tatay kasabay nang pagtangkang suntukin ako ngunit mabilis siyang napigilan ni Eric.

"Tay tama na! hayaan niyo na po baka mahuli pa kayo sa lakad ninyo." Si Eric na pinipigilan ang tatay.

"Pagsabihan mo 'yan." agad na tumalikod ang tatay at mabilis na bumaba ng hagdanan. Napatingin lang ako kay Eric habang papasok ng kwarto kasama ang babae. Gusto kong magalit pero hindi ko nagawa. Agad kong naalala ang nanay kaya mabilis akong nagbihis.

"Nay dito na po ako." Sabi ko habang pababa ng hagdanan.

"Mukhang galit ang tatay mo kanina.?"

"Wala po 'yun Nay, tara na po."

Hinila ko ang nanay palabas ng gate at nag abang kami ng masasakyan.

Habang nasa loob kami ng sasakyan panay ang kausap sa akin ng nanay. Siguro sa dami ng iniisip ko hindi ko na alam kung ano ang kinukuwento ng nanay. Naiisip ko si Leslie, ang tatay at si Eric na hanggang ngayon hindi ko alam kung bakit mainit ang dugo sa akin.

"Ano sa tingin mo?"

"Ha? Ano po 'yun Nay?"

"Ano ba iniisip mo at hindi ka nakikinig sa akin."

"Wala po 'Nay."

"Ano ba nangyari kanina?"

"Nakita ng tatay."

"Ang ano?"

"Ang pusa sa loob ng banyo."

Malakas na tumawa ang nanay. Naisip ko parang balewala lang sa kanya na magdala ng babae si Eric. Pakiramdam ko sanay na sanay na siya. Sabagay alam ko naman dati ay maraming babaeng inuuwi ang tatay marahil nasanay na ang nanay.

"Dito na tayo." Sabi ng nanay sabay bayad ng pamasahe.

Bumaba ako ng trisikel kasunod ng nanay habang papalapit kami sa simbahan ay wala akong kibo.

Maraming tao sa simbahan halos lahat masayang nagsisimba.

Umupo kami ng nanay malapit sa altar kung saan kitang kita namin ang paring nagmimisa.

Habang nasa loob ng simbahan ay si Leslie pa rin ang nasa isip ko at may takot at pagalala akong nararamdaman. Ewan ko pero pakiramdam ko natatakot ako sa maaring mangyari.

"In the name of the father......"

Nagtayuan na ang mga tao at doon ko lang napansin na tapos na ang misa. Lumuhod muna ako bago tuluyang umalis sa aking kinauupuan. Hinawakan ako ng nanay sa kamay at dahan dahan kaming lumabas ng simbahan.

Kasabay ng pagtunog ng kampana para sa susunod na misa ang paglitaw ni Leslie. Makakasalubong namin siya ng nanay. Ang tuwa na naramdaman ko ay napalitan ng lungkot ng makita kong kasama ni Leslie ang kuya niya.

Papasok na sila ng simbahan at palabas naman kami ng nanay.

Nagkatinginan kami ni Leslie ngunit wala man lang bakas ng tuwa sa mga mata niya.Naiisip ko marahil kasama niya ang kuya niya. Hindi kami nagkibuan hangang lumampas na kami sa isat-isa.

Lumingon ako kay Leslie ngunit diretso pa rin siyang naglalakad para makahanap nang mauupuan.

Nasa labas na kami ng nanay ngunit hindi pa rin ako mapakali. Gusto kong makausap si Leslie.

"Nay! Mauna na po kayo."

"Ha! Bakit?" takang tanong ng Nanay.

"Mangungumpisal lang po." Dahilan ko kay nanay.

"Sige at ako'y magluluto pa."

Nakasakay na ang nanay sa trisikel at minabuti kong bumalik sa loob ng simbahan. Marami ng tao sa loob ng simbahan ang iba ay minabuti nang nakatayo habang nagsisimba. Sumiksik ako sa mga taong nakatayo makalapit lamang sa kinauupuan ni Leslie.

Kahit gaano kainit dulot sa siksikan ng mga tao ay hindi ko alintana makalapit lang ako kay Leslie. Marahil maraming tao sa loob ng simbahan kaya nabigo akong makita si Leslie. Siguro lumipat sila ng upuan. Dahilan sa maraming tao sa loob ng simbahan ay hindi ko na nagawang makipagsiksikan pa. Minabuti ko na lang na sa labas na lang maghintay. Alam kong hindi ko makakausap si Leslie dahilan sa kasama niya ang kuya niya pero sapat na sa akin na makita ko siya.

Sumandal ako sa isang jeep na nakaparke sa labas ng simbahan. Alam kong madali kong makikita si Leslie palabas ng simbahan dahil katabi ng jeep nito ang kotse nina Leslie.

Nakahinga ako ng maluwag ng unti-unting nagsisilabasan ang mga tao. Inayos ko ang pagkakatayo mula sa pagkakasandig sa sasakyan. Hindi ko man lang namamalayan isang oras na akong naghihintay.

Napangiti ako nang makita ko sina Leslie na palabas ng simbahan. Medyo bumilis ang pagtibok ng aking puso.

Habang papalapit si Leslie sinusubukan kong ngitian siya dahil alam kong makikita niya ako. Bago pa lang siya sumakay ng kotse ay malabong hindi niya ako mapapansin.

Nauna ang kuya niya para buksan ang pintuan ng kotse. Alam kong nakita ako ng kuya niya pero hindi na mahalaga sa akin.

Nginitian ko si Leslie pero ilang saglit lang tumamlay ako. Pakiramdam ko hindi ako nakikita ni Leslie. Imposible!

Sinubukan kong hulihin siya sa mga mata at hindi ako nabigo nagtama ang aming paningin pero isang saglit lang. Parang hindi ako napansin. Nalungkot ako sa pinakita ni Leslie sana kahit isang ngiti lang okay na sa akin. Nagulat ako nang may isang lalaking lumapit sa kanila. Sa porma nito ay parang anak mayaman. Guwapo at maganda ang pangangatawan.

"Ramon kumusta?" bati ng isang lalaki sa kuya ni Leslie.

"Pare kumusta na? heto kararating ko lang mula sa bakasyon."

"Akala ko nga sa amerika kana magtratrabaho."

"Hahahahah! Hindi naman pare." Sagot ng kuya ni Leslie habang inaakbayan si Leslie.

"Siya nga pala pare heto pala ang sister ko."

"Lahi talaga kayo ng mga mestisa pare." Sabay sulyap kay Leslie.

"Leslie heto pala ang kaibigan ko si Justin."

"Hi! Glad to know you Leslie." Sabay abot ng kamay kay Leslie.

Ewan ko ba parang tinutusok ang puso ko sa mga oras na yon lalo ng iabot ni Leslie ang kamay niya kay Justin.

"Ang lambot pala ng kamay mo." Pangiting wika ni Justin.

"Justin is our family friend siya ang sinasabi nina daddy, isang siyang doctor Leslie.....Doctor! hindi basta basta."

Alam kong sinulyapan ako ng kuya ni Leslie. Medyo nailang ako dahil napansin kong malapit lang ako sa kinatatayuan nila.

"Bagay kayo Leslie....binata pa si Justin."

Lalong sumama ang loob ko sa narinig ko lalo pa't nakita kong panay ang ngiti ni Leslie kay Justin.

"Uuwi ng amerika si Leslie bakit di na lang kayo magsabay."

"Good idea papunta din ako sa states."

Parang gumuho ang mundo ko sa aking narinig. Si Leslie pupunta ng amerika. Hindi! Hindi ko kakayanin....

Beep! Beep!

Nagulat ako sa busina ng jeep na kinasasandalan ko. Maya-maya tumakbo na ito palayo sa akin.

Nanatili akong nakatayo malapit sa kotse nina Leslie.

Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Gusto kong kausapin si Leslie pero hindi ko nagawa.

Isang sulyap lang ang hinihingi ko mula kay Leslie ay sapat na para mawala ang pangamba ko. Isang saglit lang... mawawala na ang sama ng loob ko.

Gusto kong tawagin si Leslie habang papasok sila ng kotse.

Lalong lumakas ang pagseselos ko ng sa kotse ni Justin sumakay si Leslie.

Habang papalabas ang kotse sa compound ng simbahan at hindi ko inalis ang paningin ko kay Leslie.

Bakit ganito? Parang hindi niya ako nakikita...parang hindi ako kilala..

Nagkaroon ako ng takot sa maaaring mangyari.

Si Leslie pupunta ng amerika....

Kasabay si Justin.....

"Ahhhhhhhhh!" napasigaw ako sa tindi ng sama ng loob ng nararamdaman ko.

"May problema ba anak?"

Napatulala ako nang lumapit sa akin si Father Martin. Napatingin ako sa paligid....wala na palang tao sa paligid ng simbahan.

"Nakikita ko sa iyong mga mata ang labis na pagkabigo."

"Ha!" sambit ko habang namumula sa hiya.

"Halika anak pumasok tayo sa loob." Inakbayan ako ni Father Martin kaya wala na akong nagawa kundi ang pumasok sa simbahan. Umupo kami malapit sa altar at nakaharap ako kay Father Martin.

"Father wala po akong problema." Dahilan ko sa pari.

"Anak lahat tayo ay may dinadalang suliranin."

"Wala po talaga Father."

"Kanina pa kita pinagmamasdan...kanina pa kita napapansin..."

"Nasasaktan ako.....natatakot po ako."

Hindi ko alam kung bakit nagkaroon ako ng lakas ng loob na sabihin ang nararamdaman ko.

"Kung kayo talaga sa isat-isa....kung kayo ang tinadhana magtatagpo at magtatagpo rin kayo kahit maghiwalay man kayo."

"Pano kung hindi?" agad kong tanong.

"Wag kang mawalan ng pag-asa?"

Napatingin ako kay Father Martin.

"Anak ano man ang mangyari 'wag kang mawalan ng pag-asa."

Tumayo si Father Martin at sumenyas na aalis na siya.

Napatingin ako sa Altar. Marahil sinadya niyang sa harap ng altar ako dalhin para gumaan ang nararamdaman ko.

Naisip ko na baka natatakot lang si Leslie na kausapin o ngitian ako dahil kasama niya ang kuya niya.

Nagkaroon ako ng pag-asa sa naisip ko.

Isa pa alam kong mas pogi ako kaysa kay Justin. Gumanda lang ang porma niya dahil sa kanyang kasuotan.

Gumaan ang pakiramdam ko nang makalabas ako ng simbahan. Pakiramdam ko may pag-asa pa akong makausap si Leslie.

Bukas pupunta ako ng San Mateo. Ilang araw na rin akong hindi sumabay sa mga bata sa klase.

Doon magkikita kami ni Leslie. Sa ayaw at gusto niya kakausapin ko siya. Dapat siyang magpaliwanag kung bakit di niya ko pinansin o mangitian man lang.

Napahinto ako sa paglalakad nang mapansin kong nakaparada ang kotse ng kuya ni Leslie. Hinanap ko ang kotse ni Justin at nakita kong nakapark din malapit sa isang kainan.

Gusto kong pumunta sa kainan kaso naisip ko pang mayaman at baka mapansin ako ng kuya ni Leslie.

"Di bale bukas magkikita naman kami." Naibulong ko sa aking sarili at minabuti ko na lang na umalis sa lugar na 'yun. Naalala ko rin ang sinabi ni Father Martin na kung kayo talaga magtatagpo at magtatagpo rin kayo.

Pinara ko ang jeep na dumaan sa harapan ko at naisipan ko ng umuwi. Habang sakay ng jeep ay naiisip ko si Leslie. Bukas ko malalaman kung ano ang totoo.

Saglit kong ipinikit ang aking mga mata. Pilit kinalilimutan ang sama ng loob at selos na nararamdaman ko.

Alam kong natatakot ako sa pagpasok ni Justin. Paano kaya kung tuluyan na akong layuan ni Leslie.

"Anak ngayon ka lang nakauwi nakapagkumpisal ka ba?" agad na tanong ng nanay ng makauwi ako sa bahay.

"Opo Nay, nakausap ko pa nga si Father Martin."

"Talaga! Alam mo mabait talaga ang paring 'yan...sayang at hindi siya ang nagmisa kanina."

Abala ang Nanay sa pagluluto kaya siguro hindi niya napansin na medyo malungkot ako.

Minabuti kong pumasok sa aking kwarto at nahiga sa kama. Naalala ko ang pocketbook ni Leslie. Kinuha ko ito sa ilalim ng unan at sinimulang ipagpatuloy ang pagbabasa.

Patuloy ang pagtakbo ni James

Pilit hinahabol si Lorilie.

"Lie."

Pero wala na siyang nagawa

Tuluyan ng nakalayo ang kotseng....

Itinigil ko ang pagbabasa pakiramdam ko parang mangyayari sa akin ang nagyari kay James.

Tumayo ako at itinabi ang pocketbook sa aking kabinet. Napansin ko ang aklat na binigay sa akin ni Leslie. Nakasulat sa wikang English. Kahit hindi pa ako bihasa sa pagbabasa sa english ay pilit kong binasa ang pamagat ng aklat.

"Boo-k of m---y ly----f"

Nahirapan ako sa pagbasa kaya minabuti kong ibalik sa kabinet ang libro. Gusto kong basahin sa pagdating ng araw na hindi na ako nahihirapang magbasa.

7:00 PM

Katatapos lang naming maghapunan. Si Nanay na nagsisimula nang maghugas ng pinggan. Ang tatay at si Eric ay agad na nanood ng basketball. Masayang nanonood sina Eric gusto ko mang manood ay hindi ko na nagawa. Siguro baka natatakot lang akong makaistorbo sa kanila.

"Musta pag-aaral mo Eric" tanong ng tatay kay Eric.

"Okay naman po Tay....kayang kaya po."

"Dyan ako bilid sayo nagmana ka sa akin."

"Talaga po."

"Yung mga grades mo binigay na ba?"

"Ah eh, ibibigay pa lang po 'Tay." Napansin kong medyo namula si Eric nang tanungin ng tatay tungkol sa  mga grades niya.

"Tay may project po kami kailangan po ng...."

"Magkano?" hindi pa natatapos si Eric ay alam na agad ng tatay na kailangan niya ng pera.

"P3000 po 'tay." Nagulat ako sa hiningi ni Eric pero mas nagulat ako nang biglang dumukot sa pitaka ang tatay at binigay kay Eric ang pera.

"Tay bait mo talaga."

"Gandahan mo lang ang project."

Tuwang tuwa si Eric habang binibilang ang pera.

Heto na naman ako...kung tutuusin hindi na dapat ako magtampo sa tatay dahil lumang eksena na ito. Pero ewan ko ba kung bakit nakakaramdam pa rin ako ng sama ng loob.

Lalo akong nagdamdam ng maalala ko si Leslie. Bukas pupuntahan ko siya. Kailangan ko siyang makausap. Kung kinakailangan sabihin ko sa kanya na mahal ko siya gagawin ko. Lahat gagawin ko para kay Leslie.

"Anak baka gusto mo na matulog?" tanong ng nanay nang mapansing nakatulala ako.

"Ha! Sige po papasok na po ako sa kwarto."

Lumabas ako ng kusina at dumeretso sa aking kwarto.

Napansin ko ang picture frame na nakasabit sa dingding ng kwarto. Napangiti ako nang pinagmasdan ko ang Letrato. Bata pa lang kami ni Eric ng kunan ito.

Lumapit ako sa picture frame at pilit kong inabot para kunin. Ngunit hindi sa maipaliwanag biglang nabitawan ko ang picture frame mula sa aking pagkakaabot. Tuloy-tuloy sa sahig hanggang sa nabasag ang salamin ng picture frame.

Agad kong pinulot ang mga basag na salamin. Kinuha ko ang letrato at napansin kong nagasgasan ang mukha ko sa letrato dulot nang pagkakabasag ng salamin.

Kinuha ko ang letrato at muling isinabit sa dingding. Kahit basag na ang salamin ay hinayaan ko pa ring nakasabit sa dinding ng kwarto.

Humiga ako sa kama at pinagmasdan ko ang basag na picture frame. Napansin kong tanggalin man ako sa larawan ay isang pamilya pa rin sina Tatay, Nanay at Eric. Para lamang akong saling pusa sa larawan.

Tumayo ako at naisipang sumilip sa salas. Nakita ko sina Tatay, Nanay at Eric habang masayang nanood ng TV. Masayang naglalambingan habang yakap ni Eric si Nanay. Nakaramdam ako ng konting inggit alam ko kasing sa buong buhay ko hindi ko pa nakakasama sina Eric at Tatay sa isang masayang lambingan.

Sinara ko na ang pintuan at nahiga sa aking kama. Sinimulan kong ipikit ang aking mga mata. Sinimulan kong kalimutan ang sakit na nararamdaman ko.

Inisip ko na lang ang unang halik ko... parang nalalasahan ko pa ang halik ko kay Leslie kaysarap sa pakiramdam.

jonsdmur

jonsdmur

Unang nobela ko sa site na ito....


danhollanda's picture

REB YU para sa DOON LANG... (PART 7)

Bagamat mahaba ang Chapter 7, isa ito sa pinakamagandang chapter ng nobelang ito.  Sa simula ng kabanata, nakita ko ang ilan sa mga inasahan kong "pampabigat" na detalye na hinahanap ko sa Chapter 6.  Maganda ang mga tagpo at pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari.  Angkop ang kuwento sa pocketbook na binabasa ni Joe sa kuwento ng mga pangyayari at sitwasyon nila ni Leslie.  Maging ang mga dialogues na binitiwan nila sa isa't isa ay tamang-tama.  Kapansin-pansin din na kusang dumadaloy ang mga ideya sa pag-uusap nila at hindi ito nagmukhang pilit.

Nakapaloob sa buong kabanata ang mga importanteng pangyayari sa buhay ng ating bida.  Maayos ang paglalahad ng mga "galaw" at malinis ang pagkakadugtong ng mga units at sub units sa buong chapter.  Masinsin ang mga ibinahaging isyu at ang karamihan dito ay ang tinutukoy kong pampabigat at pampalapot ng istorya.  Bagamat marami ito at sinapawan ang mga pampagaan, nagtagumpay ang sumulat na makuha ang atensyon ng sinumang babasa dahil sa paraan o teknik na kanyang ginamit.

Ang device na ito ay malinaw na ipinakita sa tagpo ng pagpasok ng bagong character na si Justin.  Panibagong problema ito sa buhay pag-ibig ni Joe na isa sa mga main plots ng nobela bukod pa sa personal niyang isyu sa pamilya.

Kung babalangkasin ang buong chapter, masaya ang simula na nilahukan ng excitement sa bandang gitna at saka tinapos sa isang mabigat na pangyayari nang mahulog at mabasag ang salamin ng picture frame.  Dito na sana tinapos ang kabanata o maaaring sa pagpulot ni Joe sa mga bubog ng salamin ay aksidenteng nasugatan ang kanyang daliri, at habang dumudugo ito at patuloy niyang tinititigan ay palakas nang palakas sa pandinig niya ang saya ng tawanan ng kanyang pamilya sa salas.

Pero hindi man sa ganoong tagpo tinapos ang kabanata, maganda pa rin ang kinahantungan ng buong Chapter 7.  Sabi ko nga, tamang-tama ang mga detalyeng nagbigay bigat sa kuwento at emosyon ni Joe.  Tumingkad ang katauhan ng ating bida at umangat ang mga agam-agam at problema niya.  Lalo kong nagustuhan na hindi niya iniyakang parang baby ang mga pangyayaring ito. 

Maganda rin ang mga follow ups na ginawa para sa character ni Eric at ng tatay.  Pero hanggang ngayon ay naghihintay pa rin ako ng mga detalyeng magpapakita ng ibang facet sa pagkatao nila.  Bahagi kasi sa pagbuo ng character ang pagbibigay dito ng hindi lang isa o dalawa kundi maraming-maraming detalye para ang isang tauhan ay lumutang at maging interesting.  Hindi naman kasi porke't kontrabida ang ginagampanan ng tatay at ni eric sa kuwento ay puro eksenang pangkontrabida na ang gagawin nila.  Tama kung ganun ang pagkakasulat ng eksenang naglalambing si Eric sa nanay nila kahit nabanggit lang ito.  Tama rin ang tagpo ng bonding ng tatay at ni Eric habang binibigyan ito ng pera para sa project kuno.  Pero bukod diyan ay kailangan pa ng ilang tagpo at detalye para maging totoong "tao" ang dalawang ito.  Isa yun sa mga aabangan ko sa nobelang ito.

Sa kabuuan, kahit na serialized ang ginagawa kong pagbabasa at pagrerebyu sa nobela (pasensiya na ulit, jonsdmur...), isa sa sigurado at magiging paborito kong kabanata ang Chapter 7.  Huwag na nating pag-usapan ang kinis at dulas ng technicalities, ang chapter na ito ay nagpapakita ng mahusay na daloy ng pagkukuwento.   At sa tingin ko, isa yun sa mga pinakaimportante!

jonsdmur's picture

I'm so very thankful sa

I'm so very thankful sa lahat ng mga nasabi ninyo sa nobela ko... Marami pong salamat talaga... Isa po kayo sa mga magagaling na magbigay ng komento sa site na ito... The best po talaga.... Idol na talaga..... God bless po....

Si jonsdmur ay nag propromote ng kanayng nobelang Ako si Cocoy....