Edward: Huling Liham
Gabi, araw ng linggo. Wala tayong imik sa isa’t-isa habang nakaupo sa magkabilang dulo ng isang mahaba at putol na kahoy sa aming labasan. Katahimikan hindi mo natiis kaya’t sinimulan mo itong basagin ng iyong muling pagpapakilala. Hindi iyon ang unang beses na nag-usap tayo. Puno man ako ng pagtataka sinakyan ko na lang. Nilingon kita sabay abot ng aking kanang kamay. Bigla kang ngumiti at sinabing “Salamat naman ang pinansin mo na rin ako.”. Napaisip tuloy ako gaano ka na nga ba katagal nakaupo doon. Isang pilit na ngiti ang tangi kong naitugon sayo. Muling namayani ang katahimikan sa pagitan natin. Makailang ulit mo rin sinubukan magbukas ng usapan hanggang sa muli akong mapalingon sayo pagkatapos mong sabihin na “Napansin ko malalim ang iyong iniisip. May problema ba? Baka makatulong ako”. Hindi muna ako sumagot at ibinaling ang tingin sa tila kawalan kanina ko pa tanaw. Bakit ko naman sayo sasabihin kung meron man? Sino ka ba? Gusto mo ba talagang tumulong o naghahanap ka lang ng kausap at mapag-uusapan? Ito ang mga tumatakbo sa utak ko. Sa di ko malaman dahilan, muli akong lumingon sayo at ako naman ang nagtanong, “Ano ang gagawin mo kung sakaling tanggalan ka ng pagkakataon tuparin ang iyong mga pangarap? Halimbawa, patitigilan ka sa pag-aaral.”. Gumanti ka yata dahil ngumiti ka lang at tiningala ang langit. Gusto ko rin paniwalaan na pinag-iisipan mo ang iyong sagot. “Simple lang” mayabang mong simula “sa mundong ibabaw, maraming pinto ang pagsasarhan ka pero mas marami pa rin ang bukas. Lalo na kapag mataas ang araw. Sa bahay nga namin sa sobrang init, lahat ng pwedeng buksan, bubuksan ni tita.” Tumawa ka lang habang ako’y naiinis na. Tatayo na sana ako nang hawakan mo ako sa kamay para pigilan. Iyon ang unang pagkakataon. “Ito naman, pikon agad. Umupo ka na ulit.” pakiusap mo pagkatapos mo akong bitiwan. Huminga ka ng malalim. “Ang ibig ko lang naman sabihin, hahanap ako ng pagkakataon o kung pwede gagawa ako ng sarili kong pagkakataon. Pagkakataon lang naman ang nawala sa akin at hindi ang aking mga pangarap.” Para akong nagising sa iyong naging salaysay. Naging malalim na ang ating pag-uusap kahit na paminsan-minsan ay nagagawa mo pa rin magbiro. Hindi na ako naiinis. Basta na lang ito nawala kasama ng mga gumugulo sa akin sa mga nakalipas na araw.
Patuloy na dumaan ang mga araw. Isang hapon habang nagsusulat ako ng kwento, bigla kang dumating at nakiusap na basahin ito. Tumanggi ako at itinago ang mga papel sa aking likod. Di ka nakinig at pilit itong inabot kahit na nakaharang ako sayo. Natigilan lang tayo ng mapagtanto nating nakayakap ka na sa akin. Hindi ko alam gaano tayo katagal sa ganun posisyon. Pakiramdam ko kasi, tumigil ang oras. Nang bigkasin ko ang pangalan ng iyon tiyahin, mabilis mo akong hinila pababa sa ilalim ng mesa para magtago. May harang naman ang harapan kaya hindi tayo makikita. Maliit at masikip ang ilalim ng mesa. Hindi ko alam kung iyun ang dahilan kung bakit nahirapan akong huminga. Napakabilis ng takbo ng puso ko. Nang maramdaman nating wala na ang iyon tiyahin, tumayo kang bigla palabas kaya nahila na rin ako at nauntog. Nakahawak ka pa pala sa akin. Dahil na rin siguro sa pag-aalala, dali-dali mo akong tiningnan kaya’t tumama din ang iyong ulo sa mesa. Kumulat sa buong paligid ang malakas natin tawanan na para bang wala itong katapusan. Nanatili tayo sa ilalim ng mesa hanggang sa abutan tayo ng dilim. Naparami ang iyong kwento at hindi natin namalayan ang oras. Di tulad ng mga sinusulat ko na kathang-isip lamang, ang iyo’y masasaya at sariling karanasan. Mga karanasan na sa kasukuyan nagpapangiti pa rin sa’kin.
Akala ko ay maayos na lahat. Subalit nang minsan umuwi ako sa lugar ng aking mga magulang, kung saan naiwan ang aking nakaraan, napagtanto kong tinakasan ko lang noon ang katotohanan. Sa aking pagbabalik, bumalik ang sakit. Wala silang kasalanan, wala rin naman akong kasalanan. Inisip kong lahat kami’y biktima, subalit patuloy pa rin at ako lang ang nasasaktan. Sa ikalawang pagkakataon, tumakas ako. Nagtungo ako kung nasaan ka. Sa ating muling pagkikita, nakaramdam ako ng pagbabago. Hindi sayo kundi sa akin. Lumipat nga ako ng lugar, ngunit tangan ko pa rin ang sakit dulot ng aking nakaraan o mas tamang sakit dulot ng aking pagkatao. Natakot ako Edward. Natakot ako sa mga sasabihin at iisipin ng ibang tao. Patawad kong hindi kita hinarap at noong harapin naman kita sa pakiusap ni tita ay hindi pa rin kita kinausap. Ang aking pag-iwas ay salungat sa dahilan kung bakit ako bumalik sayo. Naalala ko pang tumabi ka sa akin ngunit nagpanggap akong walang nakita, naramdaman o narinig. Alam kong nasaktan ka pero nagmatigas pa rin ako at walang ginawa. Sariwa pa sa akin isipan, isang tanghali ng muli kang pumunta sa amin at ako’y iyong hinanap. Sinabihan ka ni tita na wala ako pero hindi ka pa rin umalis. Nakaupo ka lang sa labas at naghihintay gayung wala naman darating. Hindi man kita nakita, narinig at naramdaman kita. Mga tunog at damdamin dumurog sa aking puso habang nakakubli sa ilalim ng mesa kung saan tayo nagtago noon.
Umaga kinabukasan, nagkasalubong tayo sa isang iskinita dala mo ang ilang bag. Maliit ang daan kaya’t patagilid tayong naglakad habang nakaharap sa isa’t-isa. Sumabit ang isang bag at humarang ito sa akin. Hindi ko napigilan ang mapangiti. Mabilis kang nahawa at napangiti na rin. Hindi man tayo nag-usap, sa maikling sandaling iyon, sigurado na ako sa isang bagay. Ngunit hindi pa rin ako naging handa na aminin sayo lahat. Puno ako nang pag-aalala at takot. Bumusina ang taxi na naghihintay pala sayo. Ako na ang nagtanggal sa bag sa pagkakasabit. Hindi ako nagpatuloy sa paglalakad. Pinanood lang kita habang papalayo sa akin. Hindi ko alam na iyon na pala ang huling beses na makikita kita. Lumipas ang mga araw, linggo, buwan at taon, hindi ka na nga bumalik. Ngunit hinihintay pa rin. Hindi man sa parehong lugar, umaasa pa rin akong tayo’y muling magkikita.
Apat na taon ang lumipas. Edward, kumusta ka na? Walang araw o gabi na hindi kita naalala. Nakatali pa rin ang aking puso’t isipan sa nakaraan kung saan patuloy akong nabubuhay kasama ka. Siguro nga.., Hindi.., Sigurado akong minahal kita. Walang nagbago at kung meron man, mas mahal na kita ngayon. Pagmamahal hindi ko napanindigan at habang buhay kong pagsisisihan. Maraming nagsabi sa akin kailangan na kitang pakawalan. Kailangan kong magpatuloy ng wala ka. Sakali kayang nagpaalam ka sa akin noon, malilimutan kita o baka hindi rin. Hinanap kita ngunit kabiguan lang ang aking natagpuan. Hindi pa naman ako nawawalan ng pag-asa. Alam kong may dahilan ang lahat ng ito. Tulad na lang ng iyong pag-alis o sabihin na nating napalayo ka. May mga bagay kasi sa buhay ko ang hindi tama. Ito ang pinaka dahilan kung bakit pinili kong umiwas sayo. At pigilan ang sariling mahulog. Hindi ko alam kung alam mo, na ako’y isang binabae. Pusong mamon. Babaeng nakulong daw sa katawan ng lalaki. Ilan lamang ito sa mga katawagan ikinakabit sa mga tulad ko. Isang bagay na tila unti-unting pumapatay sa akin. Di man sumang-ayon sa akin ang mga katulad ko’y aminin na natin, para itong sakit. Sakit na walang lunas. Pinandidirian. Di tanggap. At ang pinakamasakit sa lahat, naranasan ko ito sa sarili kong pamilya. Lalo na sa aking kuya at ama. Sinubukan ko naman. Sinubukan kong kumilos, magsalita at mamuhay tulad ng isang tunay na lalaki. Ginawa ko lahat ng gusto nila ngunit bigo pa rin akong makuha ang kanilang pagmamahal. Pagmamahal na dapat sana’y hindi ko nililimos. Walang naging sapat sa kanila. Lahat ng gawin ko ay mali o kulang. Maging ang aking pinakamatalik na kaibigan ay kinailangan kong layuan. Hindi siya tulad ng aking ama’t kuya. Kahit na hindi siya magaling sa klase, hindi naging makitid ang kanyang pag-iisip. Masasabi kong siya lang ang nakaunawa sa aking kalagayan. Pag-unawang pinagkait ng mga taong nakapaligid sa amin. Dahil sa mga narinig ko tungkol sa aming pagiging malapit at mga dinanas namin sa tuwing kami magkasama, pinanghinaan ako ang loob na kaya niyang manatili bilang kaibigan ang isang tulad ko. Kaya kong tiisin lahat ng panlalait pero paano siya. Marami na rin siyang iniindang sakit. Di man niya aminin sa akin, alam ko kung gaano siya nasasaktan sa tuwing sasabihan siyang bobo at walang utak. Nakakalungkot lang na ang mga karanasan ito ay naganap sa loob ng kanya-kanya naming tahanan.
Sandali lang. Nagiging mahaba at malungkot na yata ang aking mga kwento sayo. Salungat sa mga kinukwento mo sa’kin noon. Pinagtaka ko iyon noong una pero naintindihan ko na rin. Para bang alam mo na aalis ka at nais mo lang iwan sa akin ay masasayang ala-ala. Tama ba ako Edward? Alam mo bang ito ang pinanghawakan ko sa mga lumipas na taon. Sa paglipas nga ng taon, maraming nagbago. Hindi na ako umuwi sa aking pamilya. Hindi naman ako galit at wala rin akong sama ng loob. Pinili ko lang hanapin ang aking sarili at kaligayahan ng malayo sa kanila. Napakadalang na lang din kung magkita kami ng matalik kong kaibigan. Huling balita ko’y may asawa’t anak na siya. Namumuhay man akong mag-isa, hindi naman ibig-sabihin nito’y malungkot pa rin ako. Maaaring may hinahangad pa ako, tulad na lang nang sana’y pagbabalik mo, hindi ito ang dahilan upang hindi ako maging masaya. Sapat na sa akin, minsan sa buhay na pinagkaloob ng langit, na kanya ring babawiin, nakilala at nagmahal ako ng isang katulad mo. Natupad ko na rin ang aking mga pangarap. Nakakalungkot lang na hindi kita kasama sa mga sandaling iyon ng aking buhay. Tanging hiling ko na lang Edward ay naging at maging masaya ang iyong buhay. Hindi man sapat ay natitirang araw ko sa mundo, upang hintayin ka, alam kong isang araw hindi man sa lupa, magkikita at magkikita tayo. Hindi ito pamamaalam. Isa itong bagong simula.

