Five Peso Coin

Ailem23's picture
| |

Nakita ko siyang nakaupo sa bench na palagi namin noong inuupuan sa park na iyon. Ang sarap tingnan sa malayo ang kanyang mahabang buhok na nakalugay hanggang sa kanyang baywang. Lalo tuloy akong nasasaktan sa paghihiwalay namin. Akala ko noon kami na talaga ang magkakatuluyan. Akala ko darating din ang araw na kapag pareho na kaming nakapagtapos ay maihahatid ko na siya sa simbahan bilang aking bride. Mukhang pangarap na lang iyon. Bigla na lang siyang nakipaghiwalay at sinabing, "Sorry, I’m falling out of love. Hindi na ito nagwo-work. Maghiwalay na tayo."

Nanginginig pa ang kamay ko habang naglalakad papalapit sa kanya. Hindi ko alam kung dahil ba ito sa kaba na nararamdaman ko o dahil sa sakit na nararamdaman ng puso ko. Nakatungo siya at abala sa pagbabasa ng libro. Natatakluban ng kanyang mahabang buhok ang kanyang mukha. Sayang naman, akala ko pa naman ay masisilayan ko pa ang mukha niya.

Umupo ako sa tabi niya. Ilang saglit ang ginugol ko sa paghatak ng lakas ng loob para kausapin siya. Ilang minuto pa ang nakaraan bago ako nakapagsalita. "Kanina ka pa dito?" tanong ko.

"Oo." Tipid na sagot niya sa mahinang tinig.

"May hinihintay ka bang iba?"

"Wala."

"Kamusta ka?"

"Ayos lang. Ikaw?"

"Ayos din lang."

Ano ba namang klaseng usapan ito? Hindi ba dapat gumawa na ako ng paraan para magkabalikan kami? Eh ano pa bang dapat kong itanong? Alangan namang itanong ko sa kanya kung totoo ba ang tsismis na may boyfriend na siyang iba. Parang di naman ata magandang pag-usapan iyon.

"Galit ka ba sa akin?" untag ko.

"Hindi. Bakit naman?" tugon niya na hindi man lang ako hinaharap. Nanatili pa rin siyang nakatungo sa librong binabasa at hindi ko pa rin magawang hawiin ang kanyang buhok para makita ko man lang ang mukha niya.

"Basta na lang kasi ako sumulpot dito. Nakita kasi kitang nag-iisa kanina doon sa malayo."

"Talaga? Ayos lang iyon."

"Kamusta i-iyong b-boyfriend mo?" Nagkandautal pa ako. Para kong pinapatay ang sarili ko.

"Siya? Ayos lang naman siya. Nasa school siya ngayon at nagpa-practice ng play nila."

Aray ko. Suicide na nga ang tawag dito. Totoo ngang may boyfriend siya. Wala na akong laban. Talo na talaga ako. "Gaano na kayo katagal?" tanong ko. Gusto ko na talaga sigurong mamatay sa sakit kaya naisip ko pa itong itanong.

"Mga two months na."

Ibig sabihin pagkatapos namin, isang buwan lang ang lumipas ay naka-move on na siya. Aray ko, ang bilis naman.

 "Mahal mo ba siya?"

 "Oo naman."

"Bakit ang bilis mong nagpalit?" mahinahong tanong ko.

"Ha?"

"Ang tagal kong nanligaw sa ‘yo bago mo ako sagutin.Bakit siya ang bilis lang?"

"Ha?"

"Hindi mo na ba talaga ako mahal?"

 "Ha?" Tumunghay na sa wakas ang kausap ko. Para akong binuhusan ng nagyelong tubig nang makita ang mukha niya. "Eh hindi naman kita kilala ah," kunot-noong pagpapatuloy nito.

"Sino ka?!" kunot-noong tanong ko rin. 

Pinandilatan niya ako. "Aba, ikaw itong umupo bigla dito at kung anu-anong tinatanong sa akin tapos ikaw pa itong parang galit? Eh ayoko lang namang masabihang snob kaya sinasagot ko tanong mo." Tumayo ang babaeng napagkamalan kong ex ko. Dumukot siya sa bulsa at iniabot sa akin ang limang piso. "Limang piso, bumili ka ng kausap mo."

Agad na akong nilayasan ng babae. Hindi man lang ako nakapag-sorry. Mababaliw na ata ako. Kahit saan ako magpunta nakikita ko ang ex ko. Sablay na naman. Anong gagawin ko sa limang piso? Kulang pa itong pamasahe sa tricycle o jeep. Napabuntong-hininga na lang ako.Tumayo ako at umalis sa park. Naglakad-lakad ako at nag-abang ng jeep papuntang mall. Bumunot ako sa bulsa ng tatlong piso para idagdag sa limang pisong dapat sanay pambili ko ng kausap ko at iniabot iyon sa drayber.

Pagpasok ng mall, ligaw pa rin ang utak ko. Hindi ko na alam ang gagawin. Wala akong direksyon, ni walang plano kung saan ako pupunta. Bakit nga ba sa mall ako nagpunta? Ewan ko. Lakad lang ako nang lakad. Napadaan ako sa isang restaurant sa loob ng mall. Napatigil ako at napatitig. Doon ako sinagot noon ng ex-girlfriend ko. Lalo akong nasaktan. Ilang minuto rin akong nakatayo doon bago ako nagpatuloy sa paglakad. Masama na kasi ang tingin sa akin ng isang guard baka mapagkamalan pa akong teroristang may dalang bomba. Wala sa sariling ipinagpatuloy ko ang paglalakad.

Bakit ko nga ba ginagawa ito sa sarili ko? Kung hindi na niya ako mahal, dapat humanap na ako ng iba. Di ba?? Ang daling sabihin, mahirap gawin. Nakaramdam ako ng calling…from nature. Dinala ako ng aking mga paa sa direksyon papuntang restrooms. Wala sa sarili pa rin, pinasok ko ang CR. Walang tao sa palagay ko. Doon ko ibinuhos lahat. Sa halip na dyuminggel ay umiyak  na lang ako… umiyak pa… at umiyak pa ulit sa harap ng salamin. Todo emote ako, daig pa ang nag-audition sa isang Star Search. Hindi ko na napansin na parang iba ang itsura ng banyo. Ilang minuto pa, may pumasok na sa loob. Sa salamin nakita ko ang isang grupo ng babae. Teka, babae?? O mga bakla?? Teka hindi bakla, babae sila! Bakit naligaw ang mga babae dito? Ilang minuto pa silang nakatingin sa akin. Ilang minuto rin akong napaisip. O hindi!!!! Ako ang naligaw!!!

Agad akong lumabas ng CR ng mga babae bago pa ako mapagkamalang rapist. Sablay na naman. Paglabas ko ng CR ay nakabangga ko ang isang babae na tumitiling lumabas ng men’s CR kung hindi ako nagkamali ng tingin. Oo nga, sa CR ng mga lalaki siya galing. Hawak-hawak niya ang kaliwang pulsuan na nakabalot ng pulang panyo. Sa lakas ng impact, pareho kaming nadapa at gumulong mula sa kanyang bulsa ang isang limang pisong barya. Nagkatinginan kami. Namumula pa ang mukha niya at tila hiyang-hiya. Pugto din ang kanyang mga mata. Ano kaya ang nangyari? Naligaw din kaya siya sa CR na iyon dahil wala din siya sa sarili niya katulad ko o may nagtangkang pagsamantalahan siya kaya siya nasa CR ng boys? Agad siyang tumalikod at tumakbo. Pero teka lang, kamukha niya ata ang babaeng nasa park kanina na napagkamalan kong ex ko. Nasisiraan na ata talaga ako! Lahat na lang ata na makita kong babae ay kamukha ng ex ko."Sandali!" Pinulot ko ang limang piso at hinabol siya. Ibibigay ko lang naman ang limang piso sa kanya. Pero di niya ako pinansin. Hinabol ko siya hanggang sa di ko na siya naabutan. Dahil sa dami ng tao sa mall, nawala na rin siya sa paningin ko. Ayoko na. Puro kapalpakan lang naman ang nangyayari sa akin. Dalawang tao na ang nagbibigay sa akin ng limang piso. Tinatawaran na nila ng limang piso ang buhay at katinuan ko.            

Lumabas ako ng mall. Muli, bumunot ako ng tatlong piso sa bulsa ko para ipandagdag sa limang pisong hindi na binalikan ng babaeng nakaputing bestida at sumakay sa jeep. Bumaba ako sa tapat ng simbahan. Kung bakit sa simbahan, hindi ko alam. Hindi ako agad pumasok sa loob. Sa halip ay naupo ako sa isang bench sa parke na katabi ng simbahan.

Sinimulan kong kausapin ang aking sarili. "Bakit? Ano bang naging pagkakamali ko?"

 "Wala kang pagkakamali." Biglang may tumugon mula sa likod ko. Pero dahil masyado ng magulo ang isipan ko, hindi ko na siya nilingon.

"Bakit niya ako iniwan? Bakit niya ako pinagpalit?" tanong ko ulit.

"Dapat magpasalamat ka pa dahil ginawa niya iyon. Maaaring hindi siya ang para sa iyo," tugon ng kung sinumang babaeng ito na patuloy akong kinakausap.

"Kung hindi siya sino?"

"Ewan ko, hindi naman ako si kupido. Pero pareho rin lang tayo."

"Iniwan ka rin ng boyfriend mo?"

 "Oo. Pati ng nanay ko at tatay ko, iniwan rin nila ako. Kaya nga ginusto ko na makasama na sila kaya gumawa ako ng isang pagkakamali."

Napabuntong-hininga ako at tinitigan na lang ang sementong tinutungtungan ko. "Alam mo, wala na akong pag-asa. Kung magpakamatay na lang kaya ako?"

 "Wag! Iyan din ang ginawa ko kaya nagsisisi na ako. Mali iyan, kapag tinuloy mo iyan pagsisisihan mo iyan habang kaluluwa ka na lang at naghihintay na lang ng judgment kung mabubuhay ka pa o ihaharap ka na kay San Pedro." Sukat ay nilingon ko na siya. Masyado na kasi akong nawirduhan sa mga sinasabi niya. Tumambad sa akin ang babaeng nakaputing bestida na nakabanggaan ko sa mall kanina.

"Ikaw iyong babae kanina!" Napansin ko ulit ang kaliwang pulsuan nito na may nakataling pulang panyo.

"Oo ako nga."

"Sa tingin mo, ano ang dapat kong gawin?" Nilingon niya ang simbahan bago muli akong binalingan. "Pumasok ka sa simbahan at itanong mo sa Kanya. Alam Niya kung sino talaga ang para sa iyo. Ibibigay niya iyon sa iyo, sa tamang oras at panahon. "

Saglit akong napatungo. "Teka, anghel ka ba o kupido?" Ngunit pagtunghay ko, wala na akong kausap. Nawala na lang siya na parang bula. Kainis naman. Kung kelan nakakita na ako ng makakausap, bigla naman itong nawala.

 Pumasok ako sa simbahan gaya ng bilin ng babae at nagdasal. Matapos gawin iyon, napanatag na ang kalooban ko. Tama siya, alam ng Diyos kung ano ang tama. Salamat sa babaeng iyon, naliwanagan na ako. Sa totoong laban, hindi ako ang natalo sa paghihiwalay namin ni ex kundi siya. Napatingin ako sa relong pambisig. Mag-aalas-kwatro na. Kailangan ko ng bumalik sa hospital. Ito ang unang araw na magdu-duty ako sa Intensive Care Unit ng hospital. Pumasok ako sa silid para makita ang pasyente ko. Walang nagbabantay na kahit isang kamag-anak man lang ng pasyente. Natigilan ako nang mapagmasdan ang pasyenteng may sari-saring aparatong nakakabit sa katawan. Paano ito nangyari? Kilala ko ang pasyente na ito. Siya ang babae sa park kanina na nagbabasa ng libro. Anong nangyari sa kanya? Pumasok sa silid ang isang kamag-anak siguro ng pasyente.

"Ikaw ba ang bagong nurse niya?" tanong ng mamang ito.

"Opo, intern nursing student po ako dito. Kaanu-ano n’yo po siya?" tanong ko.

"Pamangkin ko siya. Siya si Janine." Janine pala ang pangalan niya. "Ano pong nangyari sa kanya?"

"Nag-suicide siya. Naglaslas ng pulso kaya ngayon eh kinulang na sa dugo. Natagpuan ang kanyang halos wala ng buhay na katawan sa isang park malapit sa simbahan habang yakap ang kanyang paboritong libro. Siguro eh, hindi na kinaya ang mga nangyari sa buhay niya kaya sumuko na lang siya." Hindi! Pinagmultuhan ba niya ako? Paanong nangyari iyon?

"Pwede po bang malaman ang nangyari?" usisa ko. Bawal ang mang-usyoso sa buhay ng pasyente pero hindi ko mapigilan ang sarili ko. Sayang naman kasi siya kung mananatili na lang siyang comatose.

 "Iniwan siya ng boyfriend niya na nagpakasal na sa ibang babae. Tapos noon, sabay na namatay sa isang car accident ang ama’t ina niya. Sabi nila, may nakakita pa daw sa kanya sa mall na naglalakad at hawak ang kaliwang pulsuan na may nakabalot na pulang panyo noong araw ding iyon na nagpakamatay siya. Sayang, isang taon na lang sana eh isang ganap na nurse na siya."

 "Ah, ganon po ba? ‘Wag po kayong mag-alala. Aalagaan ko po siyang mabuti," tugon ko kahit naguguluhan pa rin ako.

"Maraming salamat."

Kung ganon, isang kaluluwa pala ang kausap ko kanina. Sa halip na matakot o kilabutan ay napangiti pa ako. Ngayon naiintindihan ko na. Ipinadala siya sa akin ng Diyos para maliwanagan ako. Paghihiwalay lang namin ng ex ko ang problema ko. Masyadong maliit kung ikukumpara sa pinagdaanan niya.

Lumipas ang mga araw pero wala pa ring pagbabago sa kanya. Hindi ko na alam kung ano pa ang pwedeng gawin. Tinutukso na nga ako ng mga kaklase ko. Isa daw akong timang na nai-in love sa isang babaeng lantang gulay na. Siguro nga, tanga lang talaga ako. Nagmahal ng maling babae noon at ngayon ay nahuhulog naman ang loob sa pasyente kong comatose. Sinulat ko na lang lahat ng gustong kong sabihin at iniwan iyon sa greeting board sa loob ng kanyang silid.

Isang araw, hindi ko napigilan ang sarili ko. Hinawakan ko ang kanyang mga kamay at bumulong ako sa kanya. "Sabi ko noon, sana makilala man lang kita bago ako umalis dito sa hospital. Mukhang bigo ako. Ito na ang huling araw ko dito. Ililipat na kaming mga intern sa ibang hospital. Susubukan kong dumalaw kapag nagka-oras ako. Magpagaling ka ha. Naramdaman mo sana na habang inaalagaan kita, unti-unting nahuhulog ang loob ko at tuluyan na kitang minahal. Mami-miss kita." Nagawa ko pang humalik sa noo niya.

Pero ako ang hindi tumupad sa pangako ko. Dahil malayo ang hospital niya at kadalasan out of the way ito sa dinadaanan ko papasok sa school, hindi ko na siya masyadong nadalaw. At hanggang ngayon, mahigit pitong buwan na nang huli ko siyang dalawin. Nakakainis ang hectic kong schedule. Hindi ko tuloy siya mabigyan ng oras.

Salamat sa milagrosang langit na nagbigay ng bagyo. Na-suspend ang klase kahit na hindi naman maulan. Nagkaroon ako ng pagkakataon na dalawin siya. Excited na akong makita siya ulit.

"Po? Ano pong ibig sabihin n’yong wala na siya dito?" tanong ko sa information station ng hospital. Kinakabahan ako, baka kung ano na ang nangyari sa kanya at nahuli na pala ako.

"Ah tatlong buwan na kasi ang nakaraan nang lumabas na siya ng hospital na ito," paliwanag ng nakausap kong nurse. 

Nabuhayan ako ng loob. "Ang ibig sabihin po magaling na siya? Alam n’yo po ba kung nasaan na siya ngayon?" Sobra akong natuwa sa balitang nasagap.

"Oo, magaling na siya. Hinanap ka nga niya nang magkamalay na siya eh,” nakangiting sambit ng nurse. “Kaso lang wala ka na dito noon. Pasensiya na pero di ko alam kung saan siya nakatira." 

Mabuti naman at magaling na siya. Tama ba iyong narinig ko? Hinanap daw niya ako. Sayang naman, hindi na kami nagkita. Mukha ngang di na nga kami magkikita. Pero ayos na rin iyon, ang importante buhay siya.  

Pumunta ako sa park kung saan ko siya napagkamalang ex ko. Umupo ako sa damuhan. Dala ko pa din ang isang bouquet ng roses na ibibigay ko sana sa kanya. Hindi ko alam kung bakit pero napaiyak ako. Niyakap ko ang aking mga tuhod at isinubsob doon ang aking mukha. Hinayaan ko ang sariling umiyak kahit hindi ko naintindihan ang tunay na dahilan. Kung dahil sa sobrang tuwa ba iyon o sobrang pangungulila, hindi ko alam.  

"Kanina ka pa dito?" tanong ng isang babae sa akin na bigla na lang sumulpot sa tabi ko. Naramdaman kong umupo rin siya sa tabi ko.

"Oo," tipid na sagot ko habang nakasubsob pa rin ang ulo ko sa aking tuhod.

"May hinihintay ka bang iba?"

"Wala."

"Kamusta ka?"

"Ayos lang. Ikaw?"

"Ayos din lang."

"Na-miss kita! Ako, di mo ba ako na-miss?"

"Ha?" Napakunot-noo ako. Sino ba itong nangungulit sa akin? Napatunghay ako.

Hindi ako makapaniwala. Nasa harap ko na siya ngayon. Malaki na ang pinagbago niya. Ang kanyang maputla at lantang gulay na katawan ay maayos na ngayon at masigla na.

"Wala ka bang sasabihin?" tanong niya habang nakangiti sa akin.

Sa totoo lang, wala akong masabi. Natameme na lang ako.

Bumunot siya ng barya sa bulsa. "Oh, limang piso." Hinatak niya ang aking kamay at ipinatong ang limang pisong barya sa palad ko. "Pwede mo na ba ako kausapin? Magsalita ka naman! Ang tagal kong hinanap ang nurse ko ha."

Napatawa na lang ako. Maluha-luha pa nga. Iniabot ko sa kanya ang punpon ng bulaklak. "Para sa iyo, pasensiya ka na at di kita nadalaw kasi busy ako sa-"

"Alam ko. Naiintidihan kita. Maraming salamat ha," sinserong sambit niya.

"Ako nga dapat ang mag-thank you sa iyo."

"Oo…oo ang sagot ko," biglang sabi niya.

"Ha?" naguguluhang sambit ko.

"Sa isa sa mga sulat mo sa akin, tinanong mo kung pwedeng mahalin din kita di ba?"

Di ko maintindihan pero may kung anong kabang sumulpot sa puso ko. "M-mahal mo din a-ako?" Nauutal na naman ako. “Posible ba iyon? Ngayon mo lang ako nakita.”

"Oo nga, mukhang imposible pero iyon ang nararamdaman ko. Nakita na kita sa panaginip ko. Inalagaan mo akong mabuti. Hindi mo ako pinabayaan.  Sinabi mo na mahal mo ako at humalik ka sa noo ko. Sabi ng tito ko, di daw iyon isang panaginip lang. Totoong inalagaan mo ako. Ikaw lang ang nag-alaga sa akin ng ganon.”

Wala akong nasabi. Masuyong niyakap ko na lang siya. Sa mga sandaling ito, wala na akong mahihiling pa. Ibinigay na ng Diyos ang panalangin ko. Palagay ko, ito na ang tamang oras at tamang panahon.  

si melay lang po... pakalat-kalat lang.

lahat tayo ay may nakatakdang kapareha sa buhay natin... Ibibigay iyon ng Diyos sa atin sa tamang oras at tamang panahon... Smile

pasensiya na sa structure niya..kahirap mag-copy and paste...


eloisa marie hernandez's picture

nabasa ko na'to!!

Una na naman akong nakabasa nito! Haha! Nagbobolahan pa rin ba tayo nung nabasa ko 'to? Hindi ko na rin maalala eh. Pero yung kwento naalala ko pa. Utas nga ako ng katatawa. Parang engot yung lalake pero cute naman. hehe.

<(='.'=)>

Ailem23's picture

hehehe

ngayong buwan na 'to ang anniv ng story na 'to... writing partner na tayo noon. 'yon ung panahon na nagdedebatihan tayo over the phone tungkol sa particular scene na pareho nating inilagay sa magkaibang chapters.. (jazzper-kaimi scene ata 'yon..) hehehe...

salamat sa pagbasa at pag-comment...

best regards labs,

melay 

dyeppri's picture

pangat...

Pangatlo ko nangpag-aatempt na basahin ito pero noong una ay hindi kasi nagets ng imahinasyon ko ang mga unang bagsak ng kwento mo... maraming palabok sa unang linya at nahirapan akong hatakin nito.

Kanina sa pang-apat na pagsubok(marahil inip ako sa kinauupuan ko) ay napilitan akong ituloy na lamang ang pagbabasa at napagtanto ko na kaya pala ganoon ang unang parte ay mahiwaga ito... nakuha ko na at napagana ko ang imahinasyon ko...na picture ko lahat sa isipan at ngayon masasabi ko maganda pala ang kwento na ito at muntik ko ng mapalampas...

Importante talaga sa isang akda ang unang linya. Kailangang makuha mo na agad ang imahinasyon ng mambabasa at igapos mo na siya sa nobela mo sa unang mga salita pa lamang...Ikaw suriin mo ito?!

Maganda at magaling ang pagkakagawa at pinagaaralan ng husto...

salamat....

...........................................................

ako lang po ito at bahala ka kung tatanggapin mo...

Ailem23's picture

may punto ka do'n kuya

ganito kasi yon... aminado ako na napakasimple ng simula... may gusto kasi akong "itago" sa unang bahagi na ine-reveal ko naman sa ending... Iyon talaga ang twist na gusto ko palabasin...kaya ingat na ingat ako sa simula at ang kinalabasan nga, plain... napakasimple at parang "wala" lang... 

pero tama ka kuya, dapat nga naman na unang linya palang, makahatak na agad ng atensyon... hmmm... napaisip tuloy ako....

maraming salamat kuya at sa fourth attempt ay binasa mo pa rin... siguro dapat pag-isipan ko iyong first part niya para unang hirit palang may dating na... hmmm, pag-isipan ko 'yon pero di pa sa ngayon. naghahanda ang utak ko sa madugong "bagyuhang-isip" namin ni eloi eh... para dun sa "Krimen" naming gagawin para sa inyong lahat. hehehe.

 

best regards,

melay

jonsdmur's picture

Sa unang bahagi talagang

Sa unang bahagi talagang nagustuhan ko na... kasi alam kong isa itong kakaibang love story... habang binabasa ko hindi ako bumibitaw dahil interesting ang kwento at gusto ko malaman kung ano kinalaman ng limang piso...

Maganda ang kwento at puno ng suspense....

Go go Melay

jonsdmur

Ailem23's picture

thanks!

salamat at nagustuhan mo... sinubukan ko talaga na guluhin ang utak ng mambabasa dahil ginulo ko rin ang utak ko sa pag-conceptualize...hehehe... Gusto ko ung pag-isipin ang reader habang binabasa niya ang kwento... sana ganun nga ang nangyari...

 salamat!

maiba usapan, kamusta ung...upcoming na kwento mo na tunog mexican telenovela ang title? hehehe...good luck abangan ko iyon...siyempre!

 best regards,

melay 

Hi Melanie

Nagustuhan ko yung mga twist nya unexpected hindi sya ung usual na romantic comedy na palasak... meron syang kilig factor and emote moments, very nice, this is something new and I like it.

Ailem23's picture

thank you

salamat at nagustuhan mo ate... may kilig factor ba talaga? hehehe.. sa totoo lang hanggang ngayon nasa utak ko pa rin na di ako effective sa love story. kasi noon, nag-try ako mag-submit ng romance novel (ala lab scene ha...hehehe). Na-reject siya for a certain reason na "not so romantic daw." Alam ko naman ang kulang do'n. Pero kahit ipabaril ako sa luneta ay hindi ako magsusulat ng kahalayan kaya hanggang pa-twitams na kilig lang ang ginagawa ko. Anyway, may mga pocketbooks naman ngayon na pa-twitams..iyon lang ang binabasa ko ngayon. Siguro kapag nakapag-edit ako i-post ko dito ung pa-twitams na romance novel na nagawa ko. sana nga lang may magbasa.

salamat talaga... sinusubukan kong maging forte ang maglagay ng twist kaya ganon ang kinalabasan ng kwento.

maraming salamat sa lahat ng nagbasa nito...

 

melay 

 

hmmn..

yun na nga kasi ang misconception ng iba sa romance akala nila pag may love scene eh romantic ang kwento iba naman yata yun hindi ko gugustuhin na ipabasa sa mga anak ko yun at ako man... smut na ang tawag sa mga babasahing ganun hindi na literature... although mas madami kayong alam sa akin when it comes to this stuff dahil nagsusulat kayo at established na kayo dyan pero sa point of view ng isang magbabasa ako nagbabase dahil adik akong magbasa kaya nga nanlabo ng ganito ang mga mata ko at gusto ko sa romantic novel eh yung may teasing quality lang at nagpapakilig hindi yung ibubulatlat na ang mga bagay na hindi naman dapat na pinag-uusapan sa labas ng bedroom ng mag-asawa... di ako conservative o ipokrita alam ko naman yung mga bagay na yan pero request ko lang sa mga writer ng romance novels eh decency and finesse basta may kilig hehehe at emote at may sense na story wag naman yung nonsense na basta may love story kwento na at nakainsulto sa nag-iisip na mambabasa... hmmmn haba na nito ah... sige ha basta nagustuhan ko yung kwento mo.

 

pahabol lang....

hindi ko kinocondemn naman yung ibang nobela na naglalaman ng ilang explicit scenes kasi depende yun sa tipo ng nobela katulad nung nabasa ko na Pillars of the Earth ni Ken Follet (at karamihan sa nobela nya ay madaming explicit sexual content) eh iba naman ang purpose nung writer kaya sya naglagay ng ganung klaseng content that is to provide a background dun sa intent nyang pagpapakita ng evils of society and it's leaders and it's accompanying deterioration of morality during the time. Point ko kung kailangan lagyan eh may purpose at representation hindi lang para mas mabente ang nobela... so sa mga readers we should also choose well sa binibiling reading materials.

Ailem23's picture

oo nga ate pauline

pero ngayon po meron ng mga romance novels  na wholesome...like iyong sinulat ni Sonia Francesca at Sofia ng Precious hearts... pwede siyang basahin ng mga ineng at totoy. Iyon ang binabasa ko... sa napansin ko kasi sa publication na iyon, may cluster iyong mga romance novels nila... may pang-mature at may pang-teenagers talaga....  hindi katulad ng iba na kahalayan lang ang alam... hehehe...

Pinabasa sa akin dati ng kaibigan ko ang Eleven Minutes. Maganda ang kwento pero hindi ko pa rin ma-take kaya panay skip ako ng pages....  kasi kung iisipin nga naman, hindi kailangan ng readers mabasa pa ang mga bagay na ganon. 

jonsdmur's picture

Unique ang stories... sa una

Unique ang stories... sa una di mo malalaman na love story.. minsan iisipin mo parang horror na multo talaga... parang comedy din minsan.... tama may kilig factor ung kwento...

Abangan si MELAY sa LA TRAIDORA........... jonsdmur

Ailem23's picture

wahaha...

bakit mo ako pino-promote??? hehehehe... excited na ako sa La traidora... excited na akong matawa sa sarili kong pangalan... hahaha...

 

orthochild's picture

Whew!

Ito ang mga favorite ko na story!!!! Lupeeet....

sarap gawin shortfilm........................................

 

 

 

Sometimes I Run, Sometimes I Hide.... Hit me baby one more time!!!

c",)

I like the story it's a lot like "Just like Heaven", "While you were sleeping" and the local one with Piolo Pascual and Judy Ann where the other guy, Piolo's bestfriend and Judy's BF was in coma? I forgot the title. I hate to agree with the guy  ortho-whats-his-name? but it can be developed into a shortfilm, have you tried writing screenplays?

Ailem23's picture

yow!

talaga???? hehehe... wow naman... thanks at nagustuhan nyo... marunong ka ba ng technicals ng film making o paggawa ng scripts? ako kasi hindi eh...gusto ko matuto... hindi ko pa napapanood ang just like heaven pero may dvd ako dito... panoorin ko nga iyon... thanks, jenny.

maraming salamat sa pagbabasa...

ahm.... Ortho ( Chris)... idol mo si britney spears???? hehehe.... World Peace!

melay

c",)

It's too expensive to study in manila and take up Film Making... maybe after I'm earning enough I'll go and study in one of the universities in manila... dito nga lang muna mag-study ng BA then if my Dad and I can manage the tuition between us... I'll go and do what I really want to do... make films...

Yay sorry I thought the last message was for me... hehehe come to think of it i just noticed that ortho-whats-his-name has bitchy brit's line as a tag... hey, ortho guy are you gay?

 

orthochild's picture

Hahahaha

No im not a gay! Guy po ako... hehehehe i hope kung gagawa ka ng film maisama mo kami dito sa filipinowriter.com tlgang dream ko makagawa ng shortfilm... wala akong kakayahan pero di dyan natatapos ang pangarap ko magawa ang bagay na nais kong gawin. if ever magawa NATIN yung story Five Peso Coin! whew! pwede nako magpakamatay hehehehe (joke lang). May idea ako sa isip pero di ko ito mailabas dahil di ako marunong gumawa ng shortfilm, at nananatili nalang itong basura sa isip ko!

 

Sometimes I Run, Sometimes I Hide.... Hit me baby one more time!!!

spike_west's picture

Ngayon lang

 Tagl ko ng nabasa yung istorya mo na ito, pero ngayon lang ako magbibigay ng comment at review. Positive points. Maganda ang sequence ng istorya, ang imahinasyon ng mambabasa ay talaga naman gagana. Minimal ang mga technical errors. Maganda ang delivery ng linya. Basta maayos ang pagkakasunod sunod ng istorya. Hindi sya nakakalito.

Negative Points. Masyadong lame o mahina ang unang scene ng istorya. Dito kasi unang nabubuo ang imahinasyon. Though maayos mo namang naideliver yun nga lang mas maganda siguro kung sa una pa lang medyo catchy na. Pwedeng mauna yung dialogue. O dagdagan ng konti rekado yung umpisa (pero inuulit ko maayos na talaga yung umpisa)Yung pagka LARGER THAN LIFE na aspeto ng istorya, yun minsan ang minsan nagpapabaduy ng istorya. I always believe na kung maglalagay ng malayo sa katotoohanan dapat nakalagay ito sa lahat ng bahagi ng istorya. Kung sa huli ito ilalagay parang medyo pangit ang magiging impresyon. Kung twist ito okay lang. Pero dun sa istorya mo parang maraming tanong ang lalabas. Katulad paanong nangyari yun?Nangyayari ba yun?At kung ano ano pang mga tanong. Siguro yung mas malapit sa katotohanan ang mas swak.

Overall. MAganda ang istorya, something fresh and something new. Yung emosyon ay nasa tama naman at okay na okay ang sequencing. Maayos. Kung bibigyan kita ng ticket 3.75 tickets out of five.

 Ingat,

Spike 

Ailem23's picture

maraming salamat kuya

Oo nga, iyon nga ang madalas problema ko, hirap akong magsimula. kasi nga, may gusto akong itago sa simula... hehehe.. parang ang gulo ko... tuwing magsisimula ako ng kwento, nahihirapan ako sa simula. kaya pag nobela na, last kong ginagawa ang prologue... hehehe

salamat!

melay 

c",)

Sus Ginoo... kinadaghan naman nimong comment Spike... klaro man  kaayo ang storya... give the girl her due...seriously, I'm just curious you seem to be so knowledgable in your comments are you a professional literary critic? I'm so in awe everytime I read a story, poem or essay  here you're the only one who always gives a long comment... is Spike West your real name? are you a muggle like me? I mean  half-blood. Nice day to you Spike West.

spike_west's picture

Whaha

Eh sa akin kasi we are helping each other on how to improve our writing skills. Mas maganda kasi na sabihin mo ang positive and negative, strong and weak points ng isinulat. Nagcocoment tayo hindi para pumuri lang. Kung tingin mo makakatulong ang comment mo di ba mas maganda. Mapapaunlad nya ang kanyang kakayahan. And for Melay, she allowed me to make a review to all of her writings.

I'm not a professional literary critic, pero kasi isinilang na ako na mahilig sa panitikan natin. MAhilig ako sa panitikan natin, at marami na akong nabasa tungkol sa ibat ibang uri ng panitikan.Sabi ng nanay ko 3 years old pa lang ako tumula na raw ako, mas naauna akong tumula kesa magbasa. Nung grade school. Panlaban ng talumpati, balagtasan, sanaysay, at kung ano ano pa. Nung high school, nasa school publication ako, sa editoryal, essay writing, debate, at naging direktor ng school play (Noli at Florante't Laura). Syempre komo nga medyo expose ka sa ganun, na tratrain ako at natuturuan.Na post na rin sa ibat ibang website yung mga naisulat ko.Pero bagito pa rin ako!At matagal na rin akong di nakapagsulat nung nag-aaral ako ng college. And last year lang sya nagising. (napaexplain tuloy ako).

Eh nagcocomment lang ako ng mahaba sa mga nagpapahintulot sa akin na magbigay ng komento. Sa iba naman medyo maikli lang talaga.

By the way yung Spike west na yan, ay bigay lang sa akin ng kaibigan ko. Eh mukhang astig yung name, kaya yun na lang.

Sige jenny ingat lagi

Spike

Ailem23's picture

ahmmm...

gusto kong magbigay ng saloobin...

si kuya spike ang isa sa mga paborito kong nagko-comment ng mga gawa ko. why? dahil sa kanya , andami kong natututunan lalo na kapag nagkakapalitan sila ng kuro-kuro ni kuya dyeppri. Sila talaga ang mga kuya ko dito na tumutulong sa akin para mag-improve ang pagsusulat ko. baguhan akong writer. sa lahat ng anggulo, nangangapa ako... sa mga komento ng mga tao rito, unti-unti kong natatagpuan ang mga mali ko o kakulangan ko na pinag-aaralan ko ngayong ayusin. 

masasabi kong magaling na reader si kuya spike kasi nakikita niya talaga ang mga bagay na hindi nakikita ng ibang mambabasa.

to jenny...friend it's okay... Binigyan ko talaga si kuya spike ng  kunbaga "License" na i-critic ang mga gawa ko...tsaka sa tagal ko dito, sanay na ako.

anyway, negatives are more important for me. Kasi doon lalabas ang kakulangan ko, pagkakamali ko, o mga bagay na dapat kong pagtuunan ng pansin sa mga sinusulat ko.

 

at sa pangalan ni kuya spike... ang tunay na pangalan niya ay........hindi ko sasabihin! hehehe....

thanks sa lahat!!!!

 

melay 

fhearl08's picture

Hello Melai!

Muztah na? Wala na talaga akong masabi pa! Napakaganda ng mga akda mo... actually, nakakarelate talaga ako sayo lalo na sa conversation between two person... Di kasi ako gaanong bihasa sa tagalog dialect lalo na sa mga malalalim na dayalogo, pero pinag-aralan ko na ring gamitin ang iba, medyo marami-rami akong nakikita sa mga akda mo na pwede ko ring gamitin sa aking pagsusulat...

Salamat Melai!

Ingatz kaw palgi...

 

Ailem23's picture

wow, salamat ate fhearl

okay lang naman ako, alive-alive pa kahit medyo nagkasakit ako nitong nakaraan... iyong mga terms na ginagamit ko, mga napulot ko rin lang iyon sa ibang babasahin... daily routine ko na ang may nababasa ako na kahit ano. pag hindi ako nagbasa within a day, ibig sabihin no'n may sakit ako. hehehe.

 musta ka na rin? you'll be part of a novel na isusulat namin ni eloisa. hehehe. one day, manggugulat na lang kaming magpinsan sa inyong lahat... sana lang mag-succeed ang plan namin...

 thanks din po. ingatski

melay 

nice!!

i like your story...i had goosebumps...i really love it..

jonsdmur's picture

Tama ka... it's a nice

Tama ka... it's a nice story.... jonsdmur

Ailem23's picture

hello achin 07

new member ka? welcome to the site! thanks for reading my story...

God bless!

melay 

ahehe

ang cute namn ng storya.

grbeh..

nkk-inspire...

 

Winkahehe

cge po

 

ingatt

Ailem23's picture

thanks

Salamat sa pagbabasa...  at salamat na rin at naligaw ka sa post ko... hehehe...

ingatski,

melay 

Ailem23's picture

eto rin

 again, for some profound reason, i will also delete this one from this site. 

sana ay may makahabol sa pagbabasa. 

napansin ko lang, parang ang ganda ng mga comments dito. may mga laman. hmmm, i remember the day..... hehehe.

*****

"Hindi por que magulo ay hindi na maayos. malay mo, ginugulo ka lang talaga para umayos ka." 

www.onlypurehearts.multiply.com

www.newdaybooks.multiply.com