Fried Chicken
Nagmamadali siyang tumalilis. Parang nakikita na niya ang ngiti ni Totoy habang kinakain ang pinangarap na manok na hindi binili, diyan sa may kanto.
Nakangiti ang estatwa ni Jollibee sa harap ng nakasaradong pintuang salamin. Madilim sa loob ng tindahan liban sa isang bahaging may ilaw na kinatatalungkuan ng guwardiyang nakayuko. Tulog.
“Tay, gusto ko po ng Chicken Joy,” sabi ni Totoy, nakaupo sa isang kahon ng mansanas na walang laman sa tabi ng basurahan. Natigil si Iking sa ginagawang pagkalkal sa basura para hanapin ang kanilang pagkakabuhayan.
“Sige, kapag nagkapera, ibibili kita… ayaw mo ba ‘yung nabibili na lang diyan, sa may kanto? Kahit isang pakpak lang,” sinabi sa anak, sabay yuko muli at kalkal ng basura. Kumapit na sa mag-ama ang amoy ng basurang mula sa iba’t ibang sulok ng kalyeng iyon sa Maynila.
“Ayaw ko noon. Gusto ko iyong nandiyan,” sabay nguso sa harap. Kay Jollibee.
Napabuntung-hininga siya. Tumuyag at nilapitan ang anak. Yakap ng butuhang bisig ang yayat na katawan ng mag-aanim na taong gulang na anak.
“Pangako, gagawa tayo ng paraan para mapakain kita diyan. Pero dapat magtrabaho muna tayo,” sabi niya, ginugulo ang buhok ng anak na nagsimulang kuminang ang mata dahil sa pangakong binitawan ng minamahal na ama.
Tumalikod na siya kay Jollibee. Hinarap ang santambak na dumi. Nakihalukay sa basurang isinuka ng naglalakihang establisimyento sa lugar na iyon ng lungsod.
“Otsenta,” sabi ni Okoy, ang Intsik na may-ari ng Junk Shop.
“Walang dagdag?” sabi ni Iking.
“Wala nga kuwenta ‘yan. Kita mo, kaunti iyo uwi lata. Dapat pasalamat ka pa. Saka mula talaka aluminyo ngayon,” sabi ni Okoy, sabay lista sa kuwaderno ang tantos ng timbang at presyo. Sa paligid, ang basura, ginto kay Okoy kapag naibentang lahat sa tunawan ng plastik at lata sa may Pampanga.
“Naku, anak! Kulang ang pera nating pambili nung sinasabi mo. Puwede bang isaw na lang kay Poleng ang bilhin natin ngayong tanghalian? Tapos kanin at maraming sabaw,” pangungumbinsi ni Iking sa anak.
Nagmamaktol ang paslit. Sa munting dibdib, ang sikdo ng kirot dahil sa pagpako sa ipinangako ng tuyot nang ama.
“Sabi mo… sabi mo,” maluha-luha si Totoy.
Lason sa puso ni Iking ang luhang iyon ng anak.
“Sige, gagawa tayo nang paraan.” Aniya.
Siksikan ang tao sa overpass. Nakisiksik si Iking. Siksik. Sa unahan, babaing nakapantalon nang hapit. Nakautlaw ang wallet. Namumutok. Sa tantiya niya, puno iyon. Namataan niyang nagpunta sa isang ATM outlet ang babae. Siksik. Siksik. Dinaitihan ang babae.
Nagmamadali siyang tumalilis. Parang nakikita na niya ang ngiti ni Totoy habang kinakain ang pinangarap na manok na hindi binili, diyan sa may kanto.
Nakatunog ang babae, wala ang kanyang pitaka!
“Magnanakaw!” tili ng babae. Itinuturo siya. Alam ng babae.
Hinabol siya ng gustong sumaklolo. Kaykay si Iking. Subalit hinanapo na siya. Matagal na siyang nanghihina. Ramdam niyang manipis na ang kanyang baga dahil sa puyat, lamig ng gabi at amoy ng basura.
“Hayop ka! Kawatan!” sabi ng malaking lalaki. Sinikmuraan siya, aringking sa sakit si Iking. Sipa tadyak ang tinanggap ng yayat na katawan. Iniabot sa babae ang nakuhang pitaka sa kanyang bulsa.
Tadyak, suntok at kadyot. Manhid na ang katawan ni Iking. Sa nagkukulay na dugo na niyang paningin, malinaw na nairehistro ang nakangiting estatwa ni Jollibee.
Nakakalungkot!
Napakagandang kwento ng dahil sa kagustuhan ni iking na mabilhan si totoy ng isang jollibee fired chicken ay napahamak pa ito. Kaya napakaswerte talaga ng mga taong nakakain ang gustong kainin, nabibili ang gustong mabili na dapat ay lubos nating pasalamatan sa panginoon.
Kawawa naman si totoy isang kapus- palad na bata, walang kinabukasan mas lalong nawalan ng kinabukasan dahil wala na ang kanyang ama na gagabay sa kanya. Na touch ako sa kwentong ito.... simple pero tatagos sa puso mo.... nakaaawa naman si totoy kung makikita ko lang siya bibilan ko siya ng value meal jollibee para sumaya siya...
talagang sa panahon ngayun sa sobrang hirap na ng buhay may mga pera lang ang makaka afford ng jollibee, syempre kung may napakasimpleng trabaho ka lang at sapat lang ang kinikita mo hita lang ng manok sa kanto ang kaya mo bilihin pero hindi ang hita ni jollibee.
nakakalumbay isipin
Naawa po ako talaga sa mga taong ganoon. Naiinis din ako dahil 'yong iba, ang galing-galing magtapon ng pagkain. Para lang silang nagtatapon ng gamit na tissue. Kapag ayaw na, sige tapon. Walang pakundangang tapon. Ang iba naman sobra-sobra kung bumili para sa sarili nila pero hindi naman kayang ubusin. Kaya sa huli, basurahan ang kinahantungan ng natirang pagkain.
Minsan naantig ang puso ko sa mga batang nakatingin lang sa salamin ng fastfood. (wow, ako ba 'to?). Tinangka ko silang bigyan pero pinigilan naman ako ng kasama ko. Sabi niya ayaw ng mga 'yon ng pagkain. Pera daw ang target ng mga 'yon kasi hawak ng mga sindikato.
Minsan hindi mo na rin masisisi ang iba kung bakit sila gumagawa ng masama. Kanya-kanyang paraan lang 'yan eh. Kesa nga naman magngangawa ang anak niya eh dumampot na lang siya ng wallet ng iba.
astig ang kwento.
nakakalungkot na imahe ng katotohanan
reality bites!!! nakakalungkot na talagang may mga taong hindi pinalad na magkaroon ng maayos na buhay... wala eh, iyon ang reyalidad. tanggapin man natin o hindi, may mayaman talaga at may mahirap...at may sobrang hirap. noong nasa la salle pa ako, nagcommunity service kami sa isang squater area dito sa lipa. nakakahabag ang sitwasyon nila. jobi rin ang dala naming pagkain para sa mga batang hinandugan namin ng children's party. may isang bata ang nagsabi sa akin ng , "Ate, salamat ha... akala ko hindi na ako makakakain pa ng jabi hanggang sa mamatay ako." Sabi ko na lang, "wala iyon... masaya di ba?" Ngumiti siya. Hindi niya inubos ang manok.. nagtira siya para sa bunso niyang kapatid... nakakatuwa pero nakakaiyak...
best regards,
melay







kaka-awa!
Kakaawa naman po nito! Isang katotohanang hindi maitatanggi...
salamat...
...........................................................
ako lang po ito at bahala ka kung tatanggapin mo...