Gamo-Gamo Sa Lipunan
Gamo-Gamo Sa Lipunan
By Johnnie J. Lim
Idikta mo, isusulat ko;
Ang kasaysayan ng isang katulad mo.
Kulay rosas ang buhay,
Mahiwaga ang puso,
Masayang kaagapay,
Matamis na kasuyo.
Ilarawan mo, iguguhit ko;
Ang mundo na kinabibilangan mo.
Magulo, maintriga, nakakagiliw ngunit nakakalula;
Dahil, marami sa inyo ang tumatandang nag-iisa.
Ilahad mo, itatago ko;
Ang lihim ng pagkatao mo.
Naiiba, nakakamangha,
Nakakalungkot at nakakatuwa;
Kusang nangyayari kaya’t huwag mawalan ng pag-asa;
Sa mundong ibabaw, isa kang pinagpala.
Ihuni mo, kakantahin ko;
Ang pag-ibig na sinasabi mo;
Makabuluhan ngunit nakakalito,
Madamdamin subalit nakakagulo,
Isang uri ng pag-ibig na siyang kaligayahan mo,
Tunay man o huwad, mali’t bawal sa mata ng ibang tao.
Iluha mo, nakikiramay ako;
Sa mga kalungkutan na nararamdaman mo;
Mapait na karanasan, bigong pangarap o masamang karamdaman,
Huwag susukong bagkus, tanggapin mo at harapin ang buong katotohanan;
Ipaglaban mo, susuporta ako;
Sa tunay na karapatan ng buhay na taglay mo;
Mga maling paratang na ibinibintang sa iyo,
Ating itutuwid at ilalaban sa husgado.
Bigkasin mo, isisigaw ko;
Ang tanging katarungan na inagaw sa iyo;
Ipagtanggol natin ang talinong hatid mo,
Ang prinsipyong nakamulatan ay panindigan mo.
Sa aking nalalaman, isip ko’y tila pa rin nagugulumihan;
Iisa ang diin nila, tulad mo raw ay makasalanan;
Ngunit sa aking katayuan, yaman ka ng kabihasnan
Isa kang dakila, ituring ka man nilang munting gamo-gamo sa lipunan.

