Gamu-Gamu Sa Lipunan

| |

Gamo-Gamo Sa Lipunan

 

By Johnnie J. Lim

 

 

 

Idikta mo, isusulat ko;

Ang kasaysayan ng isang katulad mo.

Kulay rosas ang buhay,

Mahiwaga ang puso,

Masayang kaagapay,

Matamis na kasuyo.

 

Ilarawan mo, iguguhit ko;

Ang mundo na kinabibilangan mo.

Magulo, maintriga, nakakagiliw ngunit nakakalula;

Dahil, marami sa inyo ang tumatandang nag-iisa.

 

Ilahad mo, itatago ko;

Ang lihim ng pagkatao mo.

Naiiba, nakakamangha,

Nakakalungkot at nakakatuwa;

Kusang nangyayari kaya’t huwag  mawalan ng pag-asa;

Sa mundong ibabaw, isa kang pinagpala.

 

Ihuni mo, kakantahin ko;

Ang pag-ibig na sinasabi mo;

Makabuluhan ngunit nakakalito,

Madamdamin subalit nakakagulo,

Isang uri ng pag-ibig na siyang  kaligayahan mo,

Tunay man o huwad, mali’t bawal sa mata ng ibang tao.

 

Iluha mo, nakikiramay ako;

Sa mga kalungkutan na nararamdaman mo;

Mapait na karanasan, bigong pangarap o masamang karamdaman,

Huwag susukong bagkus, tanggapin mo at  harapin ang buong katotohanan;

 

Ipaglaban mo, susuporta ako;

Sa tunay na karapatan ng buhay na taglay mo;

Mga maling paratang na ibinibintang sa iyo,

Ating itutuwid at ilalaban sa husgado.

 

Bigkasin mo, isisigaw ko;

Ang tanging katarungan na inagaw sa iyo;

Ipagtanggol natin ang talinong hatid mo,

Ang prinsipyong nakamulatan ay panindigan mo.

 

Sa aking nalalaman, isip ko’y tila pa rin nagugulumihan;

Iisa ang diin nila, tulad mo raw ay makasalanan;

Ngunit sa aking katayuan, yaman ka ng kabihasnan

Isa kang dakila,  ituring ka man  nilang munting gamo-gamo sa lipunan.

 

 

Johnnie J. Lim