HALAW KAY MA. LORENA BARROS
(Mula sa They Dwell in Yellow Quiet)
Dilaw ang kulay ng katahimikan
sa tahanan ng mga pobre.
Ang kanilang lampara
ay gawa sa basyong bote
pinasakan ng basahan
at nakapuwesto ngayon
kung saan katamtaman
ang timpla
ng liwanag at dilim.
Dilaw na katahimikan
ang dala ng gabi
sa tahanan ng mga pobre.
Walang maririnig
ni katiting na tili
mula sa mga bata
kahit pa malalim
ang sagpang ng dilim
sa kanilang kinaroroonan
maliban na lang
kung kaharap ang dulang
at pinagtatalunan
ang kakapiranggot na ulam.
'Pag ganito, luhaan
ang matang kumikinang
sa liwanag
na dilaw ang kulay,
bagay kaya di naglulubay
sa pagsaway
ang matatanda
hanggang maawat
ang bawat isa
at magpanumbalik
sa kani-kanilang tahimik
na pagnguya.
Magaan kung humakbang
ang mga paang tumatawid
sa patse-patseng sahig
sa tahanan ng mga pobre.
Walang dabog
na maririnig
walang natatagong galit
kahit matagal nang hukot
ang mga balikat
at halos pumutok
ang ugat sa mukha
at palad, kapwa
ng bata
at medyo may-edad. Sa gabi,
mahigpit na nakasara
ang bintana
sa tahanan ng mga pobre,
gayunman, di nila kailangan
ang bakal na rehas
upang tiyaking
hanggang doon lamang sa labas
ang mas lalo pang pobre.
-
Marso rin ang buwan ng kapanganakan at kamatayan ni Lorena Barros.
Ang trabahong ito, kaipala, ay attempt sa bahagi ko upang mag-alay ng parangal sa kaniya, gayundin sa lahat ng makabagong Lorena Barros ng ating panahon.
Maraming salamat muli sa oras mo, j. At tama, pula ang tunay na kulay ng rebolusyon.



Timing itong halaw mo pare,
Timing itong halaw mo pare, dahil ang Marso sa 2011 na kalendaryo ng CAP (Artista Ng Bayan) ay portrait ni Lorena Barros ang nakalagay.
Pula ang tunay na kulay ng rebolusyon at hindi Dilaw.
---------------------------------------------------------------
Sa likod ng mahabang dreadlocks at balat na puno ng tattoo at piercing, si j.luna ay isang lisensiyadong guro