HALAW KAY WILLIAM CARLOS WILLIAMS (ni Allanjohn Andres)
-
Para akong natutuwa
tuwing nag-iisa. Ang hangin
ay palaging sariwa
at ang langit ay nakabestida
nang higit pang makulay
kaysa bahaghari. Tumutunghay
ang mga dahong patay
tuwing ako'y naglalakad
pauwi. At pagyapak sa harap
ng pinto, sumasalubong ang yakap
ng nag-aabang na bunso. Problema,
kinakalawang ang seradura.
Di ko na mapihit ang seradura
papasok sa silid nitong puso.
Tuyo na ba ang aking awa
at ngayon ay lumulutong
tulad ng dahong lumulutang
pababa sa lupa? Bakit
kung kailan tumatanda
ay saka pa nadadapa,
habang sa kaluluwa ay nakaukit
ang lumalalim na hiwa?
Paano nga ba, paano nga ba,
paano ipagtatapat sa kanila
ganitong ang pag-ibig
ay dahan-dahang humuhulagpos,
at ang bisig ay iba na,
pihong iba na ang ibig kayapos.
Maganda ang
Maganda ang pagka-paraphrase. Sana gumawa ka pa ng mga ganitong tula. I-request ko sana yung "The Wasteland" ni TS Eliot, kung may time ka lang... Keep up the good work!
;-)
maraming salamat at naligaw po kayo. lubha akong nalulula sa "The Wasteland" ni Eliot, pero iyong "Preludes" niya ay isa sa mga ginagawan ko ng loose translation nitong nakaraang bakasyon. sana maupuan ko muli para matapos na.




-
Halaw ito sa tulang may pamagat na "Waiting" ni William Carlos Williams.