HAMADA (ni Allanjohn Andres)
-
Pumapalahaw ang ginaw
tuwing pamadaling-araw,
sinusugsog ang makitid
na puwang, ang maninipis
na pagitang
naghihiwalay
sa nahihimbing na katiwasayan
at naglalamay
na balisa. Sintalas
ng lasa
nitong huling serbesa
ang lansang di maidura
ganitong ang antok
ay estranghero
at ang katahimikan
ay nanghihimok
ng paulit-ulit na pagbalik
sa naudlot na paglimot.
Sa labas ng bintana,
pinanonood ko ang hilera
ng matatayog na Pino
sa abenida. Pinong tanod
sa bakanteng kalsada; Pinong
tila kadete, matipuno
ang tindig sa unipormeng berde;
Pinong mistulang pinatigas
na bangkay ng mga ninuno,
hindi malibing-libing
at ngayo’y tumatawid nang palihim
sa mahahamog na kalyeng
kulay-abo. Madalas kapag ganito,
ipinipinid ko ang tangang libro
saka tinutungo
ang biranda ng kuwarto.
Sa labas, tinatanaw ko
ang palabas
na nagsisimula pa lang
sa dampa ng kapitbahay.
Bukas na nitso
ang giray na kalansay
ng tahanan nilang nilumpo
ng kararaang bagyo.
Sa harap ng kubo
di pa natutuyo
ang putik
habang malamig na tubig
ang iniigib sa poso
ng naliligong binatilyo.
Isang lalake, naghahanda
pagpasok sa trabaho,
ang tahimik na nagkakape
sa mausok na sulok.
Samantala, tulala
ang kaniyang asawa, pagod
na karga-karga
ang bunsong limang taon nang
pumapalahaw sa tenga.
Mula sa aking kinaroroonan
yerong maputla ang kulay
ng butas-butas na sinampay --
mataimtim tulad ng dalangin,
tahimik silang nakalugay
at waring isinusumbong sa hangin
ang mga sugat
na walang makasusukat
kung gaano na kalalim.
kunat bumanat basta na lang
kunat bumanat basta na lang naisulat ang sa isip na kalat-kalat at detalyeng sariwang mula sa utak.
grabe walang sinusunod na batas sarap basahin ang hirap ihambing-hambing pero palagay ko bitin...para kalang nasa inuman sa bitaw mo natural ang pinagalingan...ok bro nag-enjoy ako!
;-)
Apir!
Tagay pa, sir!




-
kalakip ang ilang revisions.
gusto ko lamang po sana ulit ipabasa.
maraming salamat sa pagpapaunlak.