Maaga akong lumandi. Sa edad na kinse'y nakikipagholding hands na ako sa mga boys na schoolmate ko, elementary pa lang ako, pinapabuhat ko na ang bag ko at nagpapahatid sa bahay namin na kapag nakita ng kapag nakita ng tatay ko'y umaatikabong pingot na ang ibigay niya sa akin. Noong bata ako, iyon lang ang tingin ko sa mga lalaki, isang nilalang na gagawin kong boyfriend, makakahalikan ko, tagabitbit ng gamit, tagahatid sa bahay, taga sundo sa eskwela, tagalibre sa recess at kasa kasama sa lakwatsahan. Iyan ang lalaki para sa akin noon.
Lalaki.
May ilang bahagi sa buhay ko na nakipagrelas ako sa lalaki. Hindi pa ako na i-inlove sa lalaki pero halos lahat ng lalaking nakarelas ko ay seryosohan. Alam ko ang responsibilidad ko sa kanya. Alam ko kung paano siya alagaan at kung paano siya lambingin. May mga lalaki na gusto nila sila ang aalagaan mo at may mga lalaki din naman na gusto nilang maramdaman na sila ang tagapagligtas mo. May lalaking superman at may lalaking spongebob.
Hindi ako naniniwala na ang lahat ng lalaki ay manloloko, manhid, tanga at madaling mamaho. Ayoko silang ikahon sa mga ganoong katarantaduhan. Hindi ko din sinusukat ang kanilang pagkalalaki sa mga bagay na ginagawa at kaya nilang gawin. May mga nagsasabi na ang lalaki daw dapat kayang pasunurin ang babae, dapat mas matapang sila sa babae, dapat kayang kaya nilang magpaiyak ng babae. Hindi ganoon ang tunay na lalaki.
Ang asawa ng ate ko halimbawa. Malambot siya, mahilig maglaba, maglinis ng bahay, magaling mamalantsa at napakalinis sa katawan. Nagmamanicure at pedicure at napakabango, mula batok hanggang kilikili.
Nakakaasar kapag naririnig kong sinasabi ng mga co-teachers ng ate ko na baka daw bakla iyong asawa niya, kaya nung sinabi ko na hindi iyon ang pamantayan ng pagiging isang lalaki, na para sa akin, iyong pakasalan niya ang ate ko, bigyan ng maayos at tahimik na buhay, maging mabuting ama at asawa sa kanyang mag-ina'y sapat na iyon para sabihing isa nga siyang tunay na lalaki. Responsable, mapagmahal at madiskarte sa buhay, doon lamang sila tumigil sa pantsitsismis na bakla ang bayaw ko.
Iyon ang tunay na lalaki para sa akin.
Isang lalaki ang minsang dumaan sa aking buhay ang kamuntik ko ng mahalin. Matapang siya, aktibista, matalino, walang inaatrasan at hindi agad agad nagpapatalo sa kahit anong laban. Ngunit ang tunay na ikinatuwa ko sa kanya'y marunong siyang makaramdam kung kailan ako nagtatampo o naiinis sa kanya, marunong siyang makinig sa mga sinasabi ko, tinatanggap niya ang mga ideya ko kahit ito'y sumasalungat sa kanyang sariling pananaw, nakikinig siya sa mga hinaing ko at alam niya kung kailan dapat sumuko at ituloy ang laban. Kahit na matalino siya at napakamaalam pagdating sa argumento'y hindi niya kahit kailan tinapakan ang pagkababae ko at ipinaramdam sa akin na tumahimik na lamang ako dahil ako'y babae lang. Hinahayaan niyang ilabas ko ang mga saloobin ko at hindi siya kahit kailan nahiyang magpaturo sa akin ng mga bagay na inaamin niyang hindi niya alam o naiintindihan.
At nakita ko ang bigat ng kanyang pagkalalaki nang makita ko ang pagsungaw ng luha sa kanyang mga mata nang kami'y maghiwalay.
Dahil ang lalaking marunong at hindi nahihiyang magpakita ng kanyang tunay na nararamdaman ay isang tunay na lalaki para sa akin, iyong lalaking hindi kahit kailan iniisip na matatapyasan ang laki ng kanyang bayag kapag umiyak siya o umaming siya'y nasasaktan.
Isang lalaking hindi natatakot magpakita ng kanyang kahinaan.
Hindi ako naniniwala na kapag ang isang lalaking madumi ang kuko, madungis, maraming babae, malakas manigarilyo, malakas uminom, magaling magmaneho, magaling mangromansa'y lalaking lalaki na siya, lukaret lang ang babaeng may ganoong paniniwala at wala sa katinuan ang lalaking ganoon ang tingin sa kanilang mga sarili.
Hindi kasalanan para sa isang lalaki ang magkaroon ng malinis na pangangatawan.
Hindi kasalanan para sa isang lalaki ang maging one woman man.
Hindi kasalanan para sa isang lalaki ang maging maramdamin.
Hindi kasalanan para sa isang lalaki ang magkaroon ng kaalaman sa mga gawaing pambabae.
Hindi kasalanan para sa isang lalaki ang umamin ng pagkatalo.
Hindi kasalanan para sa isang lalaki ang umiyak sa palabas na Untamed heart.
Hindi kasalanan para sa isang lalaki ang maging maarte at banidoso.
Hindi kasalanan para sa isang lalaki ang umaming siya'y nagmamahal.
Minsan, ikinukulong natin ang lalaki sa salitang Malibog, mataas ang pride at barumbado, pero hindi lang sila hanggang doon.
Dahil ang isang tunay na lalaki'y malibog, ngunit kayang panindigan ang babaeng kinakantot niya.
Dahil ang isang tunay na lalaki ay ma-pride pero alam kung kailan siya mali at kailan siya tama.
Dahil ang tunay na lalaki'y barumbado ngunit kayang sukatin kung hanggang saan ang tapang niya at kayang ipagtanggol ang mga mahal niya sa buhay.
Dahil ang isang tunay na lalaki'y hindi agad sumusuko ngunit kayang tanggapin ang kanyang pagkatalo.
Dahil ang tunay na lalaki'y alam kung paano maging isang ama at kaya ding maging isang ina.
Dahil ang tunay na lalaki'y mahilig sa babae ngunit kayang magsakripisyo para sa babaeng kanyang sinisinta.
Dahil ang tunay na lalaki'y palaban sa kama at sa totoong kadyutan ng buhay.
Dahil ang isang tunay na lalaki'y kayang sabihin sa mundo ang kanyang mga saloobin at pakikipaglaban at kaya din ipagsigawan na siya'y tao pa din na marunong masaktan.
Dahil ang tunay na lalaki'y may bayag, may titi (mahaba man ito o maiksi, mataba man ito o payat, matulis man ito o pabilog) may isip at may PUSO.
Isang lalaking kayang kumatawan sa mabilis na pagbabago ng mukha ng mundo.
OMG sinta