"Hindi pa huli ang Lahat!"

may antong's picture

           Hindi ko masasabing ako'y isang mabuting anak. Dahil sa tingin ko wala namang perpektong anak di ba? Pero ewan ko lang sa iba.

           Ngunit hindi rin naman tama na sabihin kong ako'y isang masamang anak. Kasi kahit papaano may nagawa din naman akong kabutihan. Oo nga minsan nasusuway ko sila pero hindi naman ibig sabihin na isa na akong masamang anak. Nasusuway ko sila dahil sa iba't ibang dahilan. Halimbawa, kapag marami akong ginagawa at hindi ko alam kung papaano ko yon lahat matatapos. Tapos bigla na lang nila kong uutusan. Syempre kapag ganon hindi mo naman makokontrol ang emosyon mo. Kaya minsan may nasasabi ka na mga salita ngunit alam mong masasaktan mo sila.

           Pero hindi naman sa lahat ng oras. Ang aking ina ang madalas kong nasusuway, paano kasi sa tuwing uutusan niya ko lagi akong maraming ginagawa. At kapag mainit ang ulo niya minsan kami ang pinagagalitan niya. Siguro dala na rin ng kapaguran kaya siya nagkakaganon. Ang aking ama naman ay minsan ko lang nasusuway. Paano kasi takot ako sa kanya.

           Alam ko kung hanggang saan ang limitasyon ko bilang isang anak. Dahil karapatan ng mga magulang na respituhin sila ng kanilang anak. Dahil sila ang nagpalaki sa atin. Ang ating mga magulang ang nagpakahirap para may makain tayo sa araw-araw. Naghahanap ng iba't ibang paraan at trabaho para may ipangbayad sa ating matrikula para tayo ay makapagtapos ng pag-aaral. Gagawin at kakayanin nila ang lahat para ibigay ang ang lahat ng ating pangangailangan upang tayo ay maging masaya. At dahil sa mga gawain at responsibilidad nila, minsan hindi na nila alam kung ano ang mga sariling hinaing at nararamdaman ng kanilang anak.

           Ayon sa aking mga obserbasyon, karamihan sa mga anak na galing sa mayayamang pamilya ang nakakaranas nito. Ang mga anak na nabibilang sa mayayamang pamilya ay madalas na nawawalan ng pnahon para sa kanila ang kanilang magulang. Minsan dahil sa kawalan ng atensyon sa kanila ng mga ito, ang iba sa kanila ay nasasangkot sa gulo. Ang iba naman ay nalululong sa mga bawal na gamot. Marami tayong nababalitaan na nasasangkot sa mga gulo ang mga katulad naming kabataan. Nangyayari siguro yon dahil nagagaya lang sila sa kanilang barkkada o sa madaling salita naiimpluwensyahan lang sila ng mga ito.

           Pero sana ang mga kabataang ito ay maisip naman nila kung bakit wala ng oras sa kanila ang kanilang magulang dahil para na rin sa kanilang kinabukasan. Sana maiisip nila na dugo't pawis ang ibinuhos ng kanilang mga magulang para lang mapalaki sila ng maayos.

           Kung mababasa man ninyo ito sana maisip niyo na hindi pa huli ang lahat para mahalin natin ang ating magulang. Kung hindi man natin magawang sabihin sa kanila na mahal natin sila o di kaya sila ay mahalaga para sa atin. Marami pa namang paraan para iparamdam o ipakita natin ito sa kanila. Sana sa ganitong paraan mapawi natin ang lahat o kahit mabawasan lang ang hirap na ginawa nila para tayo ay magkaroon ng magandang kinabukasan.