Hit and run

noelbarcelona's picture
| | |
Katulad ng mga umagang nagdaan, maalikabok, maaligasgas ang dapyo ng hangin sa balat. Ramdam niya iyon. Subalit higit na mas malagkit yata ngayon ang tama ng hangin bunga nang katatapos pa lamang na ulan. Tila pinaglapot ng tigatik kaninang medaling-araw ang alikabok, usok at buhabuhanging mula sa kalsadang dinudukal para bigyang-daan ang bagong LRT.

Nahirati na siyang sa may bintana maupo. Hindi niya gustong sumakay sa airconditioned. Hindi sa lamigin siya. Gusto lamang niya ang haginit ng makina, ang itim ng usok na ibinubuga ng lumang mga bus na sa tantiya niya, mas matanda pa sa kanya.

“Cubao ibabaw, Ayala, Ortigas-Ilalim,” sigaw ng konduktor na nanlilimahid ang suot na kulay-kahel na damit na may marka ng kumpanyang pinapasukan.

Kanina, halos gumulong ang mga pasahero sa loob ng bus dahil sa kakaunti pa silang nakasakay; ngayon, halos hindi mahulugang-karayom ang loob ng lumang bus.

Ulinig niya ang usapan ng konduktor at drayber, na pasigaw ang bawat tugon. Nilalamon ng mga tinig at haginit, pot-pot ang mga boses nila.

“Paspasan natin… gusto kong maagang umuwi,” sabi ng konduktor na napuna kong may katandaan na rin.

“Ako rin. May sakit si misis. Kailangang bumili ng gamot,” tugon ng tsuper.

May kaluwagan pa ang Edsa. Subalit tila pinasikip ito ng pakiwal-kiwal na mga sasakyang nagmamadali. Tiningnan niya ang relong pambisig. Alas-otso ang rehistro sa aparato. Ilang minute pa, muling lalamunim ng mga gusali, pabrika o kung anuman ang mga kasakay niya sa bus, sa loob-loob niya. Maging siya. Maging siya.

Hagunot, haginit ang makina ng bus. Kada himpil, baba ng pasahero’y papalit naman ang mga bago, mga babaing nakauniporme ng hapit na blusa’t paldang halos sangkapat lamang ng hita ang sukat; mga naka-longsleeves; may matanda; may mga batang nakakalong sa kanilang mga ina o ama.

Muli siyang tumingin sa labas habang parang panaginip lamang na dumaraan ang mga tanawin sa magkabilang panig ng Edsa.

Muling niyang naulinigan ang usapan ng konduktor na tapos na mamudmod ng tiket. Karamihan ng pasahero’y nakababa na sa may Mo. Ignacia. Ang ilan ay naghahanda nang bumaba sa NIA. Malapit na rin siyang bumaba. Sa may GMA.

“Halos hindi pa tayo nakaka-quota,” sabi ng konduktor.

“Makakarami rin tayo mamaya. Naunahan tayo kasi ng mga ungas,” anang tsuper na ang mga palad ay halos nakapagkit na yata sa manibela. Maligsi ang kanyang kanang kamay sa kambiyo samantalang mabilis din ang mga paa sa pag-apak sa silinyador, sa preno.

Hagunot muli ang bus. Tumawag ang konduktor: “Timog na! Iyong mga Timog diyan, Alisto na! kilos-kilos! Galaw-galaw!,” aniya. Napansin niyang malapit na sa GMA. Tinukto niya ang mga balas sa itaas. Alisto ang drayber. Tumabi. Dali-dali siyang bumaba, habang nag-iinat-inat at inaayos ang nalukot na polo barong.

Malamig ang hanging dumampi sa kanyang balat habang muling humagunot ang bus, papataas sa flyover.

Sa isip niya, muli niyang naulinigan ang usapan ng konduktor at drayber kanina.

“Paspasan natin… gusto kong maagang umuwi… May sakit si misis. Kailangang bumili ng gamot… Halos hindi pa tayo nakaka-quota… Makakarami rin tayo…”

May narinig siyang sagitsit, lagabog. Nagkakagulo ang mga tao. Napatakbo siya sa unahan.

“Inararo ng bus ‘yung van, o! Tumaob! Tumaob, o! Naku, duguan silang lahat! Kawawa naman iyong mga pasahero! Kaskasero kasi, eh…”

Umalingawngaw ang sirena ng mga pulis, ambulansiya at bumbero dahil umaapoy ang naaararong van.

May bumundol sa dibdib niya habang pinagmamasdan ang duguang mukha ng tsuper, konduktor at ilang nakasakay sa bus kanina. Biglang sagi rin, sa isip, ang mga pananalita ng isang dating artistang may-ari rin ng isang linya ng bus:

“Mas mahihirapan sila kung susuwelduhan… maliit lang ang matatanggap nila. Mas mabuti nang per quota,” paliwanag nito nang kapanayamin sa radyo, telebisyon at diyaryo.

Muli niyang naisip, maysakit ang misis ni mamang drayber. Kailangan niyang bumili ng gamot. (30)


Rom's picture

G. Noel,

 

 

ang ganda ng pagkakalarawan. parang nakasakay ka mismo sa bus at nauulinigan ang mga ingay ng sasakyan maging ang pandama sa hangin at alikabok. napaka makapangyarihan ng mga katagang ginamit upang maisalarawan ng sakto ang social realism ng pangyayari.

idol ko po kayo talaga G. Noel, ganito ang mga gusto kong tagpo at pagsasalarawan ng mga pangyayari. patuloy akong nag-aaral upang masiko ang tamang gamit ng salita. ayaw kong magpakalalim ng husto kasi ayokong mahiwalay sa karaniwang pananalita ng mga karaniwang tao.

ang mga gawa nyo ang isa sa mga inspirasyon ko sa pagsusulat. malalim. makabuluhan. makulay.

 

salamat po sa pagbabahagi

 

 

check out LUCIFER part 1 on: www.blah-blahblogs.com

noelablon's picture

kilos, kilos - galaw, galaw!

Grabe! Sa maikling kwentong ito ay meron yatang mangilan-ngilang salitang tagalog ang ngayon ko lang narinig o nabasa - iniisip ko pa nga kung salitang kanto ba yun o matandang tagalog. Siguro sa susunod na ako'y magbabasa ng mga sulat mo, dapat ay meron akong tagalog na diksyonaryo sa aking tabi.

Siguro kung ako ang susulat, gaya ni Kuya Rom ay mga salitang medyo madaling maarok ng karamihan ang gagamitin ko. Lalo pa't ngayon ay palasak ang Taglish sa atin. 

Tama ang sabi ni Kuya Rom, isa ka sa mga manunulat na dapat antabayanan dito sa filipinowriter. Mapalad ako dahil bago pa lamang ako dito pero marami-rami na rin akong nakilalang maaring hugutan ng mga ideya.

Maraming salamat tukayo!