Huling Pintig (6)

napoleon1815's picture
| |

LAGI raw umiiyak si Melanie habang nagbabantay sa inang comatose, pero hindi raw maitago ang galit ng dalaga sa mundo. Labis tuloy nagi-guilty si Enrico, alam na siya ang naging dahilan ng masamang kalagayan ng ina ng dalaga.

And Enrico really wants to rush to Melanie’s side, yakapin ito at hagkan, alisin ang lahat ng worry nito.

Pero matatanggap pa kaya siya ng dalaga?  Papayag pa ba itong maging slave niya? Ituturing pa ba siya ni Melanie bilang ‘boss’?

Samantala’y nanatiling nakatayo sa harapan niya si Fructuoso, ang mataba-pandak na lalaking pinasusubaybay niya kay Melanie at sa ina nito, pati na sa kanyang kinasusuklamang ama.

“Fructuoso, did you say magaling-galing na ang don at planong dalawin na ‘yung mommy ni Melanie?”

“Yes, sir. Tama po kayo.”

“Sige, mag-off ka na muna. Ipapatawag kita kapag kailangan.”

“E, sir…’yun pong TF ko…”

“TF?  Ano ‘yon?”

“Talent fee ko po. Suweldo, sahod, bayad, remunerasyon, bread, panggastos, etsetera.”

Napailing-napabuntunghininga si Enrico, kinunutan ang matabang pandak. “Ako ang napagod sa haba ng dayalog mo. Aksayado ka.”

 

 

NANG mapag-isa ay bumalik kay Melanie ang diwa ni Enrico. “Limang ulit kaming nagtalik within 3 weeks…ang motibo ko ay buntisin si Melanie at saka iwan, bilang ganti sa ama kong walanghiya…”

Dapat ay nabuntis na niya si Melanie by this time, tantiya ni Enrico. “Baka naman wala akong kaalam-alam e nabuntis ko na pala? Hindi lang maibalita sa akin ni Melanie dahil labis na siyang nasusuklam sa akin sa nangyari sa mommy niya?”

Dapat pala ay inalam din ni Fructuoso ang estado ng sinapupunan ni Melanie, naisip ni Enrico.

Resourceful ang pandak-matabang lalake, kayang  malaman kahit pinakamaselang bagay.

On second thought, bakit hindi na lang niya tawagan ngayundin sa cellphone ang dalaga? 

Itanong niya dito directly kung ito ba ay nabuntis nga niya. Ganoong kasimple.

Pero on second thought uli, bakit ba siya pa ang magtatanong?  Si Melanie ang dapat magmakaawa sa kanya kung sakali.

Walang kaalam-alam si Enrico na dinatnan na ng buwanang dalaw ang dalaga  at labis itong nasusuklam na sa kanya.

 

 

NATATARANTANG nagbalita ang mommy niya. “Dumating na ang notice ng bangko, Enrico! Pinalalayas na tayo sa mansiyon!”

 

 

 

DUMATING na ang final notice ng bangko na nag-uutos kay Enrico Soler at sa mommy niya na ibakante na ang mansiyon; iniilit na ang malaking bahay na ipinundar ng yumaong senador na asawa ni Mrs. Soler.

“Mommy, wala nga tayong choice kundi iwanan itong mansiyon. Lilipat muna tayo sa isang apartment habang hindi pa nakabibili ng simpleng bahay,” mahabang paliwanag ni Enrico.

Luhaang nagpakatanggi-tanggi ang sosyal na biyuda. “Ayoko sa apartment, ayoko sa simpleng bahay. Ano na lang ang sasabihin ng mga amiga ko?  Mamamatay ako sa hiya, Enrico.”

Napabuntunghininga ang binata. “Alangan namang magmakaawa tayo sa gago kong ama. I will never do that, Mommy.”

“Hindi gago ang iyong ama. Ikaw ang nagpadalus-dalos sa pagkilos. Dapat ay kinuha mo sa mabuting usapan ang ama mo.” Biglang nanisi ang mommy. “Tingnan mo tuloy ang nangyari sa atin?”

“Shut up, Mommy. Wala nang sisihan. Let’s just move on, okay?”

“Pareho ka ng ama mo, walang ibinibigay sa akin kundi sama ng loob,” hirit ng sosyal na biyuda.

Ang isip ni Enrico ay lumigwak na naman sa babaing labis ngayong nagpapa-guilty sa kanya.

“Kailangang makausap ko siya…”

“Kakausapin mo ang ama mo?  Salamat naman. Magmakaawa ka, say you’re so sorry…”

Tumigas ang mukha ng binata, umiling. “Hindi si Daddy, ibang mahalagang tao ang kakausapin ko…”

“And who could that person be?” kunot-noong tanong ng ina.

“Ang babaing napadamay sa aking paghihiganti, Mommy. I must win her back.”

“Sino naman kayang babae? Isa sa mga kerengkeng na sumasamba sa iyo, ha, Enrico?” sarkastikong tanong.

Kerengkeng ba si Melanie?  Sumasamba sa kanya?  

“Sana nga ay sumasamba pa sa akin. Parang hindi ko matatanggap na mawawala siya sa akin,” nasabi ni Enrico sa sarili.

“Answer me. Sino siya?  Bakit biglang ikaw ang manunuyo?  She must be something...”

Napalunok si Enrico. Mahalaga nga ba sa kanya si Melanie? Bakit nga ba bigla ay siya ang susuyo sa isang babae?

Pero hindi naman niya alam ang sagot ng puso.

“Mommy, mind your own business. In a week ay aalis na tayo dito sa mansiyon. Magbalut-balot na kayo.”   

Itinuloy ni Enrico ang planong pakikipagkita kay Melanie.

 

PERO nang nasa ospital na ay pinanghinaan ng loob ang dati namang aroganteng binata. Nagkasya na lang sa pagtanaw kay Melanie mula sa di-kalayuan.

 

 

 

 

ANO na ba ang nangyayari sa binatang dati namang super-arogante? Bigla ay nag-alangan si Enrico na magpakita at lapitan si Melanie; nakatanaw lang siya nang lihim mula sa di-kalayuan.

Nakita niyang hapis ang mukha ni Melanie, matindi ang hinanakit sa mundo. Sino nga ba ang matutuwa na ang ina ay naging ‘gulay’, comatose, dahil sa kanyang malupit na ginawa?

Baka naman may iba pang dahilan ang pagkahapis ng mukha ni Melanie? “What if she is pregnant? Nabuntis ko pala?”

Tingin pa naman niya sa baywang ni Melanie ay parang lumapad.  

Ipapa-imbestiga na ba niya sa private detective? Obvious na hindi niya kayang tanungin tungkol dito si Melanie.

Pero kapag naalala niya ang malaking singil ng imbestigador na si Fructuoso ay nagdadalawang-isip siya.

Ganitong sila ng mommy niya ay nakaharap sa financial crisis, lahat ng pera ay nais na niyang tipirin.

Naisip din ni Enrico na kung nabuntis niya si Melanie, ito ang dapat maghabol sa kanya; ipaalam man lang sa kanya.

E wala nga kahit munting tawag or text message man lang. Nananaig kasi ang galit sa puso ni Melanie, bagay na dapat lang niyang asahan.

Hindi alam ng lalakingito na hindi naman nabuntis si Melanie. 

Nakita niyang nagtuloy sa canteen ng ospital si Melanie.

May nagsasabi sa kanyang dapat man lang niyang tingnan ang taong nabiktima niya hindi ang daddy niya kundi ang mommy ni Melanie. Galit na galit pa rin siya sa amang si Don Pedro; awang-awa naman sa ina ni Melanie. “Sisilipin ko sa ICU, habang wala si Melanie.”

Matapang siya, alam kasing  comatose ang pasyenteng sisilipin; hindi siya masusumbatan nito.

Pagpasok niya sa ICU ay natukoy agad niya si Candida.

May nurse na nag-a-attend sa pasyente. 

Nanlumo ang binata sa lagay ni Candida. Tila tinakasan na ito ng tsansang manumbalik sa normal.

Hindi niya kayang tagalan ang eksenang iyon. Nais niyang takasan na, tinungo na ang pinto para lumabas.

Pero may unang nagbukas ng pinto, papasok ang isang taong kilalang-kilala niya. Nagkagulatan sila nito.

Gumuhit sa dalawang mukha ang hinanakit; mas tamang sabihing galit at pagkasuklam.

“Binawi ko na. Dapat ay maligaya ka na, Dad,” bulong niya sa lalaking nasa wheelchair, may benda pa ang balikat. “Wala ka nang anak na itatago. Ayoko na ring maging anak mo.”

Walang maisagot si Don Pedro, tiim-bagang.

Si Melanie ay pabalik na sa ICU, hindi nag-lunch.

 

 

NANUMBAT sa anak sa labas si Don Pedro, pabulong pero matindi. “Sinira mo na ako sa publiko. The harm is done, Enrico.”

“Kaya nga binawi ko na. Kinain ko ang sinabi ko sa media, absuwelto ka na. At inuulit ko ayoko na ring maging ama ka. Hindi ko na ipipilit ang aking sarili,” ganting sabi ni Enrico.

Hindi sumagot ang don, hinihimay sa isip ang sinabi ng lihim na anak.

Hindi na raw nito ipipilit ang sarili na i-recognize niya bilang anak.

“Tinatapos ko na rin ang obligasyon mong sustento sa amin ni Mommy. You are no longer my father.”

Napabuntunghininga ang don na nasa wheelchair. Hindi na raw siya ama ng itinatagong anak? At inilibre pa siya sa financial obligation.

Dapat na ba siyang magalak?

Hindi nalingid kay Melanie ang argumento ng mag-ama. Nakalapit ang dalaga nang hindi namamalayan nina Don Pedro at Enrico.

Napaigtad naman  si Enrico; siya ang nakakita agad sa presencia ng iniiwasang dalaga.

Nagkatitigan sila nito. Hindi nalingid sa kanya ang napakatalim na tingin ni Melanie, punumpuno ng suklam at hinanakit.

Nalaman na rin ng don na naroon ang anak ni Candida. “Melanie, dinadalaw ko ang aking asawa.”

Tinaliman din ng tingin ni Melanie ang step father. Ito ang puno’t dulo ng sinapit na trahedya ng ina.

“I don’t need your permission, iha. Lumagay ka sa tama,” pormal na sabi ng don. “Now if you’ll excuse me…”

Nagtuloy na sa tabi ng kama ni Candida si Don Pedro. Naiwan sa may pintuan sina Enrico at Melanie.

“Melanie…”

“Don’t say a word, Enrico. Umalis ka na hangga’t nakapagtitimpi pa ako…” babala ni Melanie, nagpapakatatag ang tinig.

“Hindi ko inakalang pati Mommy mo ay madadamay nang husto. Ang walanghiya kong ama ang gusto kong ibagsak, alam mo ‘yon.”

“Hindi mo sinabing ama mo si Don Pedro; bakit inilihim mo pati sa akin? Alam mong nagmamahalan sila ng mommy ko. Dapat ay nababalaan ko si Mommy…”

Prangka ang binata. “I must admit na galit din kami ni Mommy sa inyong mag-ina; kayo ang makikinabang sa yaman ng aking ama sa halip na kami ng mommy ko, that is not acceptable.”

“At ginamit mo pa ako, buong pagkatao ko’y kinuha mo,” luhaang sabi ni Melanie. “Kami ni Mommy ang winasak mo.”

Hindi makaimik si Enrico. Nagtangka siyang hawakan ang kamay ng dalaga, para payapain ito.

Pero mga sampal ni Melanie ang natanggap niya.

 

 

 

 

HINDI na napigil ni Melanie ang galit, tatlong sampal ang pinadapo niya sa pisngi ni Enrico.

Napalingon ang nurse na nag-a-attend kay Candida; maging si Don Pedro ay naligalig ng iskandalosong eksena.

Nasapo ni Enrico ang pisngi. Bumakas sa mukha ang galit. Hindi siya sanay na nasasampal, laluna sa presencia ng ibang tao.

Bumuntunghininga siya at bumilang ng sampu sa isipan; hindi niya papatulan ang galit ng babaing ito.

Kasunod ay walang salitang umalis na siya doon, mabilis ang mga hakbang palayo.

Ang nurse ay natetensiyon. Si Don Pedro ay kunot-noo. Si Melanie ay habol ng nasusuklam na tanaw si Enrico.

Si Candida ay nanatiling walang kamalayan sa takbo ng mundo.

Lumabas ang nurse matapos gawin ang dapat sa pasyente.  Naiwan sa ICU sina Melanie, Don Pedro at Candida. 

Si Candida, sabihin pa, ay walang malay sa nagaganap.

“Nadamay ang mommy ko sa gulo ninyong mag-ama. Paano na ngayon, ha, Don Pedro?”

“I’m still your legal step father, Melanie. Hindi ako dapat hinuhusgahan agad.”

“Comatose ang mommy ko dahil sa inyo ng anak mong illegitimate, Don Pedro, that’s the point.”

“Ang anak kong sutil ang sisihin mo, Melanie!

Ngayon ko lang nalamang karelasyon mo ang lalaking ‘yon! It’s obvious pati ikaw ay ginamit niya to get back at me! Hindi ko siya puwedeng ihantad dahil iresponsable siya at walang goal sa buhay!” mahabang salag ng don, nakaupo pa rin sa wheelchair.

Hindi makapa ni Melanie ang isasagot. Nabigla siya sa kawalang-interes ng don sa tunay na anak.

“You believe wala na siyang saving grace?”

“Sa ngayon, oo. Pero miracles do happen, hangga’t wala pang milagro mananatili akong didistansiya sa kanya.  Anyway, hanggang sa edad niya ngayon na 25 na, palihim ko silang sinustentuhan ng mommy niya. More than enough pa nga kung tutuusin.

“Naging gahaman nga lang sila ng mommy niya, gusto’y ibigay ko sa kanila ang lahat…”

Ayaw pa ring makisimpatiya ni Melanie sa don. Para sa kanya ay nagkasalang mortal ang lalaking ito nakiapid at nagkaanak sa asawa ng senador habang ang huli ay nabubuhay pa.

Lahat ng paghanga niya sa iniidolong business tycoon ay nawala, naglaho dahil sa napakalaki nitong kasalanang mortal. Kinasusuklaman na niya ito gaya ng pagkasuklam niya kay Enrico.

 

 

TATLONG tao ang labis na naliligalig ng mga pangyayari. Si Enrico. Si Don Pedro. At si Melanie.
      

Si Enrico ay sakay ng kotse, galing sa ospital kung saan hindi sinasadyang nagkita sila ni Melanie; ang purpose niya ay silipin lang si Candida, ang mommy ng dalaga na nadamay sa kanyang paghihiganti sa amang si Don Pedro.

Akalain ba niyang abutan siya nito sa ospital habang kausap niya ang isa pang taong nais niyang iwasan ang mismong ama niya.

Nangyari tuloy na nasumbatan siya at nasisi nang husto ni Melanie.

Nasampal pa siya ni Melanie ng tatlong beses, sa presencia ng nurse at ng kanyang amang nasa wheelchair.

“Bullshit!”  Ngayo’y nagsisiklab siya sa galit, hindi matanggap na ang dalagang dating sumasamba sa kanya ay nasusuklam na nang sagad.

At ang ama niyang don, sino ba ang natalo sa sagutan nila sa ospital?  Siya ba dahil dinedma lang ng ama ang sabi niyang hindi na niya ipipilit dito ang sarili; na ayaw na rin niya itong ituring na ama?

Hindi niya makita sa mukha ng ama ang pagsisisi. Hindi siya hinabol, hindi humingi ng tawad sa kanya.   Hindi man lang sinabing ‘Anak, patawarin mo ako for being a coward…’

 

 

ABALA rin ang isip ni Melanie habang nakabantay sa inang comatose. “Kulang pa ang tatlong sampal ko sa iyo, Enrico. Dapat ay binugbog kita,o kaya’y sinabuyan ng asido sa mukha. Walang kapatawaran ang ginawa mo kay Mommy…”

Minasdan niya si Candida. Ang inang comatose ay walang kamalayan sa takbo ng mundo; nananatiling ‘gulay’.

“Mommy, pareho po tayong napadikit sa mga maling tao.  Kapag nabuhay po kayo nang normal ay dapat n’yo nang itakwil ang inyong asawa; the don doesn’t deserve your love.”

 

 

SI DON Pedro ay kanina pa nakaalis ng hospital room ni Candida; hindi natagalan ang nakaaawang kalagayan ng misis.

Sabihin pa’y labis-labis ang paninisi nito kay Enrico. “Winasak mo na nga ako ay idinamay mo pa ang babaing pinakamamahal ko. Paano ba kita matatanggap na anak?  You are nothing but a dismal failure.”

Naalala niya ang huling usapan nila ni Melanie sa ospital, bago siya tuluyang umalis.

“Bilang anak ng mommy ko, inuutusan kitang umalis sa aming bahay, Don Pedro. Go back to your own world. Huwag mo na kaming sabugan ng kamalasan ninyo ng anak mong gago!”

Napikon siya. “Melanie, sagot ko ang gastos ng misis ko, wala ka pang sapat na perang pampagamot sa kanya kaya huwag kang magmalaki!Aalis ako sa bahay ninyo pero not from my wife. Lagi kong babalikan dito si Candida, sa ayaw mo’t gusto!”

 

 

 

BILANG praktikalidad na rin, pumayag si Melanie sa pasya ni Don Pedro na ilipat sa mas makabagong ospital si Candida. Nagtalaga rin ang don ng round-the-clock na mga magbabantay kay Candida kapag ang don at si Melanie ay wala sa tabi ng pasyenteng comatose.

Tanggap na ni Melanie ang katotohanang life, her life, must go on no matter what. Nagbalik siya sa corporate work niya sa malaking multi-national company sa Makati.

Pero araw-araw pa rin niyang dinadalaw si Candida sa ospital; mahal na mahal niya ang mommy niya.

Pilit na ring pinapayapa ni Melanie ang sarili; kinakalaban ang bitterness na nagpapahina sa kanyang kaluluwa.

Lagi siyang nagdarasal sa Diyos, na sana ay gumaling na ang mommy niya; na matagpuan na niya ang tunay na lakas o strength sa pagsagupa sa mga problema.

Hindi pa rin niya pinapatawad si Don Pedro; civil lang siya dito kapag sila ay nagkikita sa ospital.

Sinunod naman ni Don Pedro ang utos niya na umalis na ito sa bahay nilang mag-ina; nagbalik ang don sa malaking bahay nito sa Forbes.

“Melanie, how are you my dear friend?” Isang araw ay dinalaw siya ni Generoso sa mismong bahay nila. “Wala na nga ba rito ang don?”

“Oo, last week pa. Pinalayas ko. Alangan namang kasambahay ko siya while my mom is suffering in the hospital.”

Napailing ang bading sa panghihinayang. “Pero di ba ikaw ang nawalan?  ‘Day, hindi lahat ng tao ay nakakasambahay ang dakilang don!”

Umiling din ang dalaga, walang panghihinayang. “Para namang nalimutan mong siya ang nagdala ng kamalasan sa amin ng mommy ko. Kung di niya pinakasalan ang mommy ko, hindi sana kami nagkatagpo ni Enrico. Hindi sana ako parang binagsakan ng dalawang bomba atomika.”

“Melanie, mali. Dumating sa buhay mo si Enrico sa panahong magkakilala na at nag-iibigan ang mommy mo at si Don Pedro. Therefore, labas si Don Pedro sa nangyaring pagkawasak ng puso mo kay Enrico…

“At ‘yung nangyaring na-comatose ang mommy mo, nagkataon lang na ang pagkabulgar ng sikreto nina Don Pedro at Enrico ang dahilan. I believe ang mommy mo ay nakatakda talagang magulat at maging comatose…nagkataon lang na ‘yung mag-ama ang nag-trigger.”

Umiling ang dalaga. Hindi sang-ayon sa obserbasyon ng bading. “I beg to disagree, Generoso. Mas maligaya sana kami ni Mommy kung di kami nasangkot sa mag-amang ‘yon.”

“Teka, nabalitaan mo na ba?  Nasa flash report sa TV na si Enrico Soler at si Mrs Soler na biyuda ng yumaong senador ay…”

“Ay ano, Generoso, huwag mong ibitin.”

“Pinalayas na ng bangko sa kanilang mansiyon. Poor na ang lalaking gumamit sa iyo nang limang beses! Hallelujah!”

 

 

SAGLIT lang natigilan si Melanie sa ibinalita ni Generoso, Sabi kasi ng bading, si Enrico at ang mommy nito ay iniulat sa balita na pinalayas na ng bangko sa mansiyon; na mahirap na ang lalaking nakakuha sa kapurihan ni Melanie.

“Nakakarma na ang lalaking ‘yon, Generoso. Mabuti nga sa kanya.” Matatag ang bitiw ng salita ni Melanie.

Pero hindi kumbinsido si Generoso. “Nasasaktan ka rin sa sinapit ni Enrico, Melanie. May bahagi ng puso mong nais dumamay sa kanya.”

“Masaya ka!  Hindi ko na nga kailangan ang taong ‘yon sa aking buhay!  At hindi ako nasasaktan; lalong hindi handang dumamay,” tanggi agad ng dalaga.

Kung may katotohanan ang kanyang pahayag ay siya lang ang nakakaalam. At wala siyang balak isiwalat kahit kanino ang laman ng puso.

“Really?  Ako pa naman e hindi pa nagkamali ng reading. Nababasa ko po ang damdamin ng mga tao.”

Napabuntunghininga si Melanie. Napasandal sa paboritong sofa. “Huwag ka bang makulit, Generoso. Mabuti pa’y samahan mo ako mamaya sa ospital, dadalaw ako kay Mommy.”

Na-excite ang bading. “May possibility bang ma-meet ko si Don Pedro?  Dumadalaw iyon regularly sa misis niyang mommy mo, di ba?”

Tumango si Melanie. “Sanay na ako sa kanyang presencia. Civil na lang ako sa pakikitungo sa kanya, para lang wala nang away sa ospital.

“Isa pa’y sagot ng don ang lahat ng gastos kay Mommy. Kapag nasa office ako ay maaasahan naman ang dalawang babaing bantay…”

“E si Enrico, wala nang tsansang maligaw sa ospital?  Sabi pa kasi sa balita, pati sports car ni Enrico ay naibenta na ng binata. Kumuha na lang ng simpleng kotse, 10-year old, tingin ko’y sirain na.”

Napalunok si Melanie. Bakit ba ayaw mag-awtomatiko ang kanyang damdamin? Dapat ay consistently hateful kay Enrico, huwag ganitong siya ay tila nababagabag.

“Melanie, sabi ko, posible bang babalik sa ospital si Enrico?”

“Ang kriminal daw ay laging nagbabalik sa scene of the crime, Generoso…” matalinghagang sagot ni Melanie.

 

 

SINA Enrico at Mrs. Soler ay sakay ng segunda-manong kotse. Wala silang imikan. Nakasimangot si Mrs. Soler kahit nakasuot ng sunglasses.

Hindi pa rin matanggap ng ina ni Enrico na sila ay wala na sa mansiyon; na wala na rin silang maaasahang sustento mula kay Don Pedro.

“Sana ay ikaw na lang ang nagmalaki sa ama mo, bakit pati ako ay nadamay?  This is so embarrassing, Enrico.”

“No, Mommy, this is good for the soul.  Matagal na po tayong nawalan ng kaluluwa, bawiin natin…”

 

SAGLIT pa’y nasa tapat na sila ng lilipatang simpleng apartment. Napahagulhol na ang ina, sa awa sa sarili. 

 

 

 

 

HANGGANG sa loob ng nilipatang simpleng apartment ay humahagulhol si Mrs. Soler; ang mommy ni Enrico ay hindi pa rin matanggap na silang mag-ina ay mahirap na, wala na sa mansiyon na tinirahan nang maraming taon.

Hindi rin matanggap ng biyuda ng senador na wala na silang mamahaling kotse, wala nang malalaking ari-arian.

“Hu-hu-hu-huuu. Kung kailan nasa twilight years of my life na ako saka pa tayo napurdoy…nais ko na yatang mamatay,” palahaw at reklamo ni Mrs. Soler, hindi matapus-tapos ang litanya.

“Mommy, may magagamit naman akong pampuhunan sa papasukin kong business, pasalamatan na natin iyon.

Mula sa pagbebenta ng aking sports car at isang lote sa Cavite, may magagastos tayong pang-araw-araw hanggang sa kumikita na ang negosyo ko…” mahinahong paliwanag ni Enrico, ayaw sabayan ang ngitngit ng ina.

Matapos uminom ng isang basong tubig ay kumalma na ang ginang.

“Kumusta pala ‘yung babaing sabi mo e dapat mong  ma-win back? Na nadamay ‘ka mo sa paghihiganti mo sa iyong ama?”

“Hindi ko siya na-win back, Mommy. Mas tumindi ang galit sa akin. Nasampal ako nang tatlong beses,” napapabuntunghiningang sabi ni Enrico.

Napaigtad ang biyudang sosyal. “Whaat?  Nagpasampal ka? At…tatlong beses pa?  Aba’y abusada naman ang gagang ‘yon!”

“Mommy, please…problema ko na ho iyon…”

“Tama ba ang balita na ‘yung bagong asawa e in a coma pa rin?”

“Oho. At labis pa rin akong nagi-guilty.”

“Ano ka ba?  Uulitin ko na naman bang dapat lang makarma pati ang bagong pamilya ng ama mong taksil?”

Nais na namang lumabas ang pagkabarumbado ng binata pero nagtimpi siya. Mulang makaranas ng matitinding problema ay parang ayaw nang pagapi ni Enrico sa init ng ulo.

“I’ll just zip my mouth, Mommy. Gawin nating mapayapa ang gabing ito, please lang ho.”

“Wala man lang tayong aircon! Mamamatay ako sa init ng klima!”

Dinedma na lang ni Enrico ang ina. Nagkulong siya sa maliit na silid. Tig-isa sila ng tulugan ng ina.

Maging ang binata ay labis na naninibago sa napakasimpleng tirahan. Bukod kasi sa walang aircon ay kapitbahay pa nila ang mahihirap, ‘yung mga nakatira sa squatter’s area sa kabilang bakod.

Dinig niya ang ingay ng mga nag-iinuman, pati na ang mga nagkakantahan sa karaoke na kadalasan ay mga sintunado.

Naalala niyang bigla si Melanie. Ano kaya ang iisipin nito ngayong siya ay mahirap na at mangangapa pa sa buhay?

 

 

INISIP ni Enrico, ngayong mahirap na siya, wala na sa mansiyon at sa financial support ni Don Pedro, ano kaya ang turing sa kanya ni Melanie?

Mababawasan ba ang galit nito? Posible mabalik na ang pagsamba sa kanya? Ang pag-ibig na tipong hanggang sa huling pintig ng puso?

Pero siya na rin ang natawa sa sarili. Ano ba namang sterling quality meron siya para ibigin pa ng nasusuklam nang dalaga?

Matapos madamay sa kanyang paghihiganti ang nanay ni Melanie, huwag na nga siyang umasam ng anupaman mula sa dalaga.

He must move on, panindigan na ang sitwasyon. Nagbitiw na siya ng salita sa amang don, na hindi na siya aasa sa palihim nitong sustento sa kanya at sa kanyang mommy.

He even declared to the don that he no longer considers him as his father. Ayaw siyang kilalanin nito, ayaw na rin niya itong kilalanin.

Nakadungaw pa rin siya sa bintana ng nilipatang apartment. Tanaw niya ang mga bahay ng squatters sa kabilang bakod.

Tuksong nadinig niya ang kantahan ng mga nag-iinuman. Isa ang bumabanat ng paborito niyang awitin.

“I saw the harbor lights…they only tell me we were parting…the same old harbor lights that once brought you to me…”

Super-sintunado ang pagkanta ng lalaking halatang lasing. Mina-murder ang favorite song niya; nais niyang umbagin ang kumakanta.

Blag. Inis niyang isinara ang bintana. Naupo siya sa gilid ng kama. Kinakalaban ang ngitngit sa kinasapitan.

Ganoon lang pala kung magpalit ng eksena ang tadhana, naunawaan niya. In a sudden twist of fate, natagpuan na lang niya ang sarili na mahirap na, mapipilitang tumayo sa sariling paa.

At kailangang karguhin niya ang sosyal na ina. Siya na ang magme-maintain sa kalusugan nito na inaambaan ng alta-presyon o high blood pressure at sakit sa puso.

Bigla na naman niyang naalala ang tanong na hindi naitanong kay Melanie sa ospital. Di ba nga nais niyang malaman kung nabuntis niya ito? Tingin talaga niya ay lumapad nang kaunti ang baywang ng dalagang limang beses na niyang naangkin sa motel.

Stubborn si Enrico, matigas ang ulo. Walang tiyagang nakabitin sa alanganin ang bagay-bagay.

 

NAPAIGTAD pa si Melanie nang mabasa ang ngalan ng caller sa kanyang cellphone.

“S-si Enrico…ano pa kaya ang kailangan ng lalaking ito?” Tatanggapin ba niya ang tawag o kanyang idededma?

Hindi niya madedma. “Hello…”

“Melanie, listen up…gusto ko lang malaman kung…may dapat akong panagutan…n-nabuntis ba kita?” buong pakumbabang tanong ni Enrico sa cellphone, nasa mukha ang pananabik sa kausap.

 

 

 

 

MANGHA si Melanie sa tanong ni Enrico sa cellphone. Nais daw malaman ng binata kung nabuntis siya nito; kung mayroong dapat itong panagutan sa kanya.

“Bakit mo naitanong ‘yan?” Pinipigil ni Melanie ang bulong ng puso; na siya ay nais suyuin ni Enrico.

“Bago mo ako n-nasampal, napansin kong malapad ang…baywang mo. Naalala ko ang…ang ating pagtatalik nang…anim na beses…”

“Anong anim? Limang beses lang, Enrico! Huwag ka ngang eksaherado!”

Nagpapakahinahon ang binata. “Okay, 5 times…whatever. N-Nabuntis ba kita?”

“Hindi. Never,” sagot agad ni Melanie.

“Are you sure?”

“Of course, I’m sure!”

“Bakit ka lumalapad kung hindi ka buntis?”

“Tingin mo lang ‘yon dahil guilty ka. Dinatnan ako ng aking buwanang dalaw kaya imposibleng nabuntis mo ako.”

Natahimik ang nasa kabilang dulo ng linya.

“O, ano…nakahinga ka na ba nang maluwag, Enrico?” painsultong tanong ni Melanie.

“Alam mo ba ang latest happenings sa buhay ko?”

“Hindi ako intresado, Enrico. Cut it.”

“You are supposed to be my slave. Tinatapos mo na ba…?”

Napantastikuhan ang dalaga. “Wow, Enrico…ang kapal mo! Matapos mong idamay ang mommy ko sa ganti mo sa iyong ama, umaasa ka pang pauuto pa ako sa iyo?”

Hindi ito madaling matanggap ng ego ng binata. “Paano na ang obvious na pagsamba mo sa akin noon, Melanie? Napakababaw pala? Baka nalimutan mong kaya nga maraming beses kang nagpaangkin sa akin…dahil pikit-matang iniibig mo ako ‘Yung tipong until your heart stops beating…”

Deny-to-death agad si Melanie. “Natauhan na ako, nauntog…ayoko na sa iyo. Ikaw ang lalaking hindi ko na maaring ibigin kahit kailan!”

Muling natahimik ang kausap ni Melanie. Aywan kung dahil masyadong nabigla sa paninindigan at deklarasyon niya.

“By the way, nakakarma na ako…narito na kami ni Mommy sa bahagi ng mundo na tahanan ng mga dukha at api…” malungkot na sabi ni Enrico. “Right now, dinig ko ang pagkanta ng isang lasing sa karaoke. Gusto ko siyang barilin sa inis…”

“Bahala ka, e di barilin mo.” Ayaw paapekto ng dalaga.

“Wala akong baril, suwerte ang sintunadong lasing.”

Bumubulong ang puso ni Melanie. “Gusto niyang buhayin ang alipin-boss relasyon ninyo. Paunlakan mo. Sakay ka lang, Melanie.”

 

 

“DID you hear my story, ha, Melanie?  Sabi ko, nakatira na lang kami ng mommy ko sa tabi ng squatters area. Wala na kami sa mansiyon; hindi na kami umaasa ng anumang financial support mula sa don.

“At narinig mo ba ang sabi ko sa kanya?  I told him wala na siyang anak, ayoko na rin siyang maging ama,” mahabang sabi ni Enrico sa landline, kausap si Melanie sa cellphone nito.

“Bakit mo sinasabi sa akin ang lahat nang ito, Enrico?  Nagpapaawa ka ba?” prangkang tanong ni Melanie sa lalaking minahal nang husto.

“No! Of course not!  Wala lang, siguro’y gusto ko lang malaman mong hindi na ako ang dating rich playboy na parelax-relax lang. Wala na ang sports car kong very expensive; isang segunda mano ang ipinalit ko…”

Parang nais mabiyak ang puso ni Melanie sa sitwasyon ng binata.

Pero kapag naaalala niya ang inang comatose, ang pag-ibig ay nahahalinhan ng pagkasuklam.

“May sasabihin ka pa ba?” singit na tanong ni Melanie.

“Paano na ang…anumang namagitan sa atin?” tanong ni Enrico.

“Tapos na tayo, Enrico. Ikaw ang sanhi ng trahedyang kinalalagyan ng nanay ko. Hindi na nga kita puwedeng…mahalin.”

Napapikit sa kabilang dulo ng linya si Enrico. Kayhirap tanggapin ang pasya ng babaing kailan lang ay sumasamba sa kanya;

Ganoon ba ang epekto sa babae kapag ang lalaking dating super-rich ay isa nang ordinaryong mortal; mahirap na ang estado?

Nang walang marinig sa kausap, ibinaba na ni Melanie ang telepono.

 

NAGKAUSAP sa ospital sina Melanie at Don Pedro. Pareho silang dumalaw sa comatose pa ring si Candida.

“Wala pa ring linaw kung kailan matatauhan ang misis ko, Melanie.”

“Huwag n’yo pong kalimutan na ang misis ninyo ay ang mommy ko,” pormal na sagot ni Melanie sa step father na pinalayas na niya sa bahay nilang mag-ina.

Napabuntunghininga ang don. “Alam mo bang patung-patong ang aking karma?”
Hindi umiimik si Melanie pero bukas ang mga tenga.

“Bukod sa napahamak ang pinakamamahal kong misis, nasira ang aking reputasyon kahit paano, ngayo’y naghihirap pa ang aking kalooban bilang tao at bilang ama…”

Bilang ama ba ni Enrico ang tinutukoy ng don?  Hindi matiyak ni Melanie.  Baka may iba pang anak sa labas ang dati niyang iniidolong business tycoon.

“Si Enrico ang tinutukoy ko. He is my only son,” dugtong ng don, parang nahulaan ang tanong sa isip ng dalagang anak ni Candida.

Kumabog ang dibdib ni Melanie. Hindi pa talaga niya natatakasan ang alaala ni Enrico; malalim pa rin sa kanyang puso.

 

 

 

 

“NAG-break na ba kayo ng aking anak? I mean, ni Enrico?” halos bulong na tanong ni Don Pedro kay Melanie.

Umiling ang dalaga. “Hindi po naman kami nagkaroon ng tunay na relasyon, kaya siguro ang tama kong sagot ay NA Not Applicable.”

Napabuntunghininga ang don. “Whatever. As I was saying, naghihirap ang kalooban ko bilang ama ni Enrico…”

“Amang nakatago, amang ayaw siyang kilalanin…what’s the point, Don Pedro?” Hindi na talaga tinawag ni Melanie bilang ‘Tito Pete’ ang legal na step father.

Tumanaw sa malayo ang multi-milyonaryong mister ni Candida. “Illegitimate child si Enrico; I had an illicit affair with his mom.

Hindi kaya ng aking pagkatao na may maipula ang tao. Ang image ko bilang matinong old bachelor na nag-asawa ng matinong babae ay nais kong protektahan.

“Anyway, hindi kita kinausap para ako ay iyong husgahan. Don’t judge so you won’t be judged, Melanie…”

Hindi umimik si Melanie, nagtatalo na naman ang isip. Bakit ba kailangan niyang makinig ng tungkol sa binatang nais na nga niyang itakwil sa kanyang puso?

Hindi naman niya masabi sa don na hindi siya intresado sa ikukuwento nito.

“As I was saying nga, kung kailan pinakawalan na ako ni Enrico sa lahat ng responsibilidad…saka naman ako labis na nababagabag…”

“Hindi ko naririnig. Ayokong marinig. Wala akong naririnig.” Parang mantra ang nasa isip ni Melanie, inuulit-ulit.

“Ganitong ang misis kong si Candida, your mom, ay ‘gulay’, pakiramdam ko’y sumusumpong naman ang aking pagkaama. Parang gusto kong puntahan si Enrico at yayain siya sa…sa dinner.”

Napatuwid ang dalaga. “What for, Don Pedro?”

Nagkibit-balikat ang daon. “Wala lang…it’s bonding time.”

“Alam n’yo na bang umalis na sila sa mansiyon? Pinaalis na ng bangko ang politically correct term.”

Si Don Pedro naman ang napaunat sa pagkakatayo. “Saan na raw napunta a-ang mag-ina?”

“Sa isang simpleng apartment na katabi ng squatters.”

Lalong napaunat ang don. “Jesus Christ…”

“Galit ang inyong anak kapag nakakarinig ng taga-squatters na sintunadong kumakanta. Nais daw niyang mamaril.”

“Ano pa? Ano pa?” naliligalig na tanong ng matandang lalake.

“Wala na silang magandang kotse; secondhand na lang ang sasakyan. At ipinagmalaki pang putol na ang anumang relasyon ninyo, Don Pedro…”

Nanlumo ang don. “Paano kaya mabubuhay ang iresponsableng ‘yon? Magko-call boy?”

 

 

“BUKOD sa iresponsable ay walang alam na trabaho si Enrico! Paano sila mabubuhay ng mommy niyang sosyal?” gigil na pahayag-tanong ni Don Pedro, kausap si Melanie. “Saan ba raw lugar lumipat?”

Pinormalan ni Melanie ang step father. “Don Pedro, hindi po ako tanungan ng nawawalang iresponsable.”

Napabuntunghininga ang may-edad nang business tycoon. “Fine. Ako na lang ang gagawa ng paraan para siya ma-locate.  Have a nice day, iha.”

“Hindi n’yo na babantayan ng kahit ilang minuto ang misis ninyo?” may panunumbat na tanong ni Melanie. Pakiramdam niya’y nababale-wala na ng don ang kanyang ina.

“Ang importante ay dinalaw ko siya, inalam na kung ano ang kalagayan. Hindi malalaman ni Candida na ako ay halos araw-araw na narito, na labis na nagi-guilty sa kanyang sinapit.

“Magsusulit  lang ako sa Diyos, Melanie, hindi sa iyo. Gaya ng sinabi ko na, lumagay ka sa tama. You are not my boss.”

 

 

NAIWAN na naman sa tabi ng inang comatose si Melanie. Pinigil niya ang pagtulo ng luha.  Nagagalit siya sa takbo ng kanyang mundo.

“Where do we go from here, Mommy?  Quo vadis? Mananatili kang ‘gulay’, paliit nang paliit ang katawan, hanggang sa tuluyang mamatay?  At ako, pagmamasdan na lang ang unti-unti mong paglisan sa mundo?”

Naisip din niyang bilang tao ay shattered na siya, nawasak na ang morale.  Tutoo namang pati kaluluwa niya ay naapekto ng mga pangyayari.

Bumuntunghininga siya. Tiningnan ang orasang pambisig.

Oras na pala para siya magbalik sa kanyang trabaho, sa corporate world na unti-unti na niyang naaakyat.

“Mommy, hindi mo man lang alam na ang galing-galing ko sa trabaho ko…na ako’y puring-puri ng mga boss.

“They are even thinking of sending me to the States, para alamin ang latest trends doon at magamit ko sa aming kumpanya.  I’m good, Mommy! No, I’m great pala!”

Hinalikan niya si Candida sa noo, hindi na siya umiiyak sa awa sa ina; nasaid na ang kanyang luha; nagkakalyo na ang kanyang puso.

 

 

“MANG Tomas, dalian mo ang pagmamaneho. Kailangang makarating agad tayo,”  utos ng don.

“Sir Pete, marami hong bata sa kalye, baby factory po pala itong napasukan nating kalye.” May-edad na rin ang personal driver ni Don Pedro.

“Palagay ko’y nagkamali tayo, naligaw,  Mang Tomas. Ang hinahanap natin ay wala mismo sa squatter area, nasa gilid.”

Para namang nagkataon, nakita ni Don Pedro ang sadya sa lugar na iyon. “Hayun siya!”

Habang nakapara ang kotse, titig na titig si Don Pedro kay Enrico na galit na nakatingin sa flat tire ng segunda-manong kotse nito.

 

 

 

 

PARANG sinundot ang  pusong ama ni Don Pedro nang makita si Enrico sa tabing daan. Ang binata ay nakakunot-noo, galit na nakatingin sa flat tire ng secondhand car.

Ito na nga ba ang spoiled niyang anak?  Ngayo’y hindi na napakamamahaling sports car ang sasakyan kundi isang lumang kotse na halatang sirain na?

Pinahinto niya sa personal driver ang magandang SUV.

“Mang Tomas, dito ka lang. Kakausapin ko ang…” Hindi niya masabi ang katotohanan.

“Kakausapin ko lang ang taong ‘yon.”

“Opo, Sir Pete, tatanawin ko po kayo. Delikado po rito, e.” Nasa lugar sila ng mga aburido sa buhay; mga taong kapos sa lahat ng pangangailangan.

Parang walang narinig si Don Pedro. Suot ang sunglasses at baseball cap, tinungo niya ang kinaroroonan ni Enrico.

Nakita pa niya ang pagsipa ng binata sa gulong na na-flat.Narinig pati na ang sound effect . Tud.

Gayundin ang pagmumura ni Enrico sa pobreng sasakyan. “Gago ka, hindi ako sanay napa-flat tire! Buwisit kaaa!”

“Enrico.”

Napaigtad si Enrico, nakilala agad ang may-ari ng tinig. Lumarawan ang higit na inis ng binata.

Nagtitimpi si Enrico habang katabi na ang di-inaasahang panauhin.

“Hinanap kita, nagkaligaw-ligaw kami ng driver ko. Bakit mo naatim na lumipat sa abang lugar na ito?” May panunumbat sa tinig ng don.

“I don’t think it’s still your business, Don Pedro.”

“Cut the shit, Enrico. Pasalamat ka’t handa pa rin kitang bigyan ng pera…kahit for the last time.”

“Hindi ako humihingi sa iyo. Itinakwil na kita, nalimutan mo?” Kapag nasusuklam ay nawawalan talaga ng respeto sa ama si Enrico. Kahit nga pamumupo ay kinalimutan.

“Don’t be a fool, Enrico. Look at you certified loser ka. Mayamang biglang naghirap. At obvious na hindi ka sanay magpalit ng gulong, what a shame.” Walang pakialam ang don; basta sasabihin niya ang nais sabihin.

Lalo lamang nasuklam sa ama si Enrico. “Ano ba talaga ang problema mo? Bakit kung kailan kinalag ko na ang ating ugnayan ay saka ka parang asong sinundan ako?”

“Hindi ka naturuan ng mommy mo ng good manners and right conduct, Enrico.  Hindi ka marunong gumalang.”

“Namimili ako ng taong dapat igalang, Don Pedro. At puwede ba, umalis ka na?  Wala akong panahon sa iyo!”

Parang walang narinig ang don. Kumuha ng tseke. Sinulatan agad iyon. “Here, ituring mong tulong ko sa isang desperado. Kapag pinilas mo ay bahala ka sa sarili.” 

 

 

“NARINIG mo ang sabi ko, Enrico? Huling tulong ko na sa iyo ang tsekeng ito, para makabangon  ka kahit paano,” seryosong sabi ni Don Pedro. “Ngayon, kung magdadrama ka at pipilasin ang tseke, bahala ka na nga sa buhay mo. Piliin mong maging born loser hanggang sa dulo nng panahon. It’s your ballgame.”

Ayaw tanggapin ni Enrico ang tseke kaya ihinagis na lang ito ni Don Pedro sa harapan ng binata.

Bago pa nakakilos si Enrico ay nakatalikod na ang don, umalis na.

Nagbabaga sa galit ang mga mata ni Enrico, hinabol ng tanaw ang amang ayaw kumilala sa kanya sa publiko.

Kasunod ay tinunghayan ni Enrico ang tseke na nasa kanyang paanan. Galit na pinulot ito.

Saka niya nakita ang halagang naroon, pay to the order of Enrico Soler. “Holy shit…limang milyong piso!  Binigyan niya ako ng limang milyong piso!”

Kaytagal niyang minasdan ang halagang iyon sa tseke. Unang pagkakataon na nakahawak siya ng ganito kalaking halaga.  Kahit palihim na  sustentado silang mag-ina noon ni Don Pedro,  hindi kailanman  umabot sa milyones. Gayunman ay masagana sila, sagot ng don ang mga luho.

Napalunok at napabuntunghininga si Enrico. Parang nadinig niya ang huling salita ng ama.

“…Kung pipilasin mo ang tseke, bahala ka sa buhay mo…maging born loser ka hanggang sa dulo ng panahon…”

“Great! Ang galing talagang mang-asar ng matandang ‘yon!  Parang demonyong nanunukso!”

Pipilasin ba niya o itatago muna ang tseke?  Aminado siyang nakakahinayang na tanggihan ang ganitong kalaking grasya.

Pero kapag naaalala niyang galing ito sa kinasusuklaman nang ama, nananaig ang kanyang pride.  Di ba nga nais na niyang magmalaki sa don?

Nais niyang magnegosyo pero sa sariling sikap, sariling pera.

Heto nga at kahit naghihirap na sila ng kanyang mommy ay nais pa rin niyang manindigan.

Wala siyang pakialam kahit nakita ng don na siya ay wala nang kotseng super-expensive; nagtitiyaga na lang sa siraing secondhand car.

Naalala pa ni Enrico ang pintas sa kanya ng ama na siya raw ay baka ni hindi marunong magpalit ng flat tire.

“Ang yabang mo!” gigil na sabi ni Enrico, patungkol sa ama.   

Totoo namang hindi pa siya nakapagpalit ng gulong ng kotse. Lagi kasi siyang nagpapa-service, ayaw madumihan ang kamay.

Bigla niyang naalala si Melanie, ang alam niya’y praktikal ito.

Itinago niya ang tseke. Kasunod ay naglilis ng manggas. Magpapalit na siya ng gulong sa unang pagkakataon. 

 

 

 

 

NASA diwa ni Enrico sina Melanie at Don Pedro habang inis na nagpapalit ng gulong ng kotse. Ito ang unang pagkakataon na siya ay magtatangkang mag-alis at magkabit ng gulong; sanay siyang laging kumukuha ng service man sa vulcanizing shop.

Ang dalawang tao na laman ng diwa ay tila naghahamon sa kanyang kakayahan. Parehong iniisip na siyang napakairesponsable sa nagdaang mga panahon ay ni hindi marunong magpalit ng flat tire.

Kaya naman kahit tagaktak ang pawis sa sobrang init ng araw, tuloy siya sa pakikipagbuno sa ordinaryong jack, hindi hydraulic, at sa tire wrench na masakit sa kamay.

Dahil walang karanasan at mali ang pihit, tumilapon ang hawak na tire wrench ni Enrico at tumama sa kanyang noo

Clonkk.

“Aww!” sigaw niya sa tindi ng sakit; nasugatan at dumugo ang kanyang noo.

“Shit! Shit kaaa!” galit na galit niyang sigaw sa tire wrench; parang baliw na ang tool na bakal ang sinisi.

Wala namang pumapansin sa kanya sa gawing iyon; busy sa kanya-kanyang aktibidad ang mga tao.

Matapos ipahid sa basahan ang maruruming kamay, kinuha niya sa bulsa ang malinis na panyo at idinampi agad sa dumudugong noo. Dama agad niya ang kirot ng bukas na sugat.

Napapailing na kinuha niya ang cellphone. Ayaw man niya ay kailangan niya ang tulong; hindi niya puwedeng basta iwan ang kotse.

Nag-compose siya ng text message: “Nasugatan ako sa noo. Punta ka agad dito sa Kalyehon Banal malapit sa Petron. Flat tire, hindi ko maiwan ang kotse. Hurry.”

Itinext niya iyon sa kanyang mommy. Tuksong nakita niya sa directory ang ngalan at numero ni Melanie; katabi pala ito ng mismong cell number ng kanyang mommy.

Naimagine niyang nagtatawa ngayon si Melanie dahil sa kapalpakan niya; ang ama naman niyang don ay nanunumbat at parang nagsasabing “I told you so! Moron!”

Pilit pa rin siyang nagpakahinahon. Cool lang.

Nami-miss niya ang dating kaalwanan ng buhay. Ang magarang sports car, ang mansiyon nila. The easy life of the rich. He feels so miserable and insignificant.

Wala pang 10 minutes ay may pumarang taxi sa likuran ng kanyang kotse. Takang-taka siya dahil hindi pala ang kanyang mommy ang lulan at ngayo’y palapit sa kanya.

“M-Melanie? Bakit ka narito?”

“Nag-text ka sa akin! Akala ko nama’y grabe kaya napasugod ako!” gigil na sabi ni Melanie, pinalulutang ang suklam sa binata.

“Hindi ako nag-text sa iyo, Melanie. There must be a mistake,” depensa agad ni Enrico, sapo pa rin ng panyo ang noong dumudugo.

Gigil namang ipinakita ni Melanie ang text sa cellphone. “Ano ‘to, gawa-gawa ko lang? Nahulaan kong narito ka?”

“Oh, shit, nagkamali ako ng send! Kay Mommy ako nag-text! N-Nagkamali siguro ako ng pindot sa directory. Magkatabi kayo ng mommy ko, parehong M…” napapailing na paliwanag ng dalaga.

“Dapat gamutin ‘yang noo mo, baka maimpeksiyon. Napaano ba…?”

“Huwag mo na lang itanong. Sige, uwi ka na. Sorry sa abala.”

“Pinagod mo na rin lang ako, mabuti pang maging kapakipakinabang. Obvious na kailangan ang bantay dito sa kotse mo.”

“Ite-text ko ulit si Mommy. I can manage, Melanie.”

“No, I insist. May first aid kit ako, gamutin natin.”

Nagsukatan sila ng tingin. Hindi na ang dating meek at maamo ang dalaga; ang nakita ni Enrico ay isang babaing matatag, hindi na slave.

Mismong si Melanie ang nagbukas ng pinto ng lumang kotse, sa backseat. “Halika na, huwag mong sayangin ang aking oras.”

Napapabuntunghiningang sumunod si Enrico, nananantiya. Nawala na nga ba ang pagsamba sa kanya ng dalaga?

May mini first aid kit nga si Melanie bulak, medical scissors, iodine, gasa, medicated plaster.

“Nagpapalit ka ba ng tire nang masugatan ang noo mo?”

Napaigtad si Enrico. Marunong na rin bang manghula ang babaing pinagkasalahan?

“Umigkas sa kamay ko ang tire wrench, tinamaan ako sa noo. Minalas, e.”

Nilinis ni Melanie ang sugat sa noo ng binata. 

“Aray, dahan-dahan.”

“Malayo sa bituka, minor lang. Tiisin mo ang konting sakit.”

“Pinagtatawanan mo ba ako, sa katangahan ko? Simpleng pagpapalit ng gulong, nasugatan pa ako…”

“Ayokong makipag-usap. Ginagawa ko lang ang dapat. Good Samaritan ako.”

“The devil was here a while ago; we talked.”

“Devil? Nakipag-usap ka sa demonyo?”

“Si Don Pedro ang tinutukoy ko. Nadaanan ako rito, nang-insulto at tinangkang bilhin ang kaluluwa ko.”

“Stop, ayokong marinig. Wala na akong pakialam sa iyo, Enrico.”

Nagkibit-balikat ang binata, ayaw paapekto ng damdamin.

Tinatakpan na ni Melanie ang nasugatang noo. Ang treatment ay tinapos na. Pakiramdam ni Enrico ay tinapos na rin ng dalaga ang anumang namagitan sa kanila; na hindi na sila magkikita.

 

 

 

 

“BAKIT pakiramdam ko’y…hindi na tayo magkikita, Melanie?” Isinatinig ni Enrico ang kaba ng puso.

“Talagang hindi na tayo magkikita.

Dahil titiyakin kong hindi na ako maaabot ng anumang problema mong gaya nito,” madiing sabi ni Melanie, ang tinutukoy ay ang bigla niyang pagdating sa kinaroroonan ng binata dahil sa maling text.

“Huwag ka nang magro-wrong send sa akin. Lalong huwag mo na akong ite-text o teteleponohan o dadalawin! Tapos na tayo as in Wala na, Kaput, Finished!”

Parang naputukan ng bomba si Enrico. Dati’y masamang panaginip ang turing niya sa pakikipagkalas ni Melanie.

Ngayo’y totohanan na.

Tapos na nga sila ng dalagang ito.

“Dahil ba sa ako’y biglang naghirap na, ha?” madiin niyang tanong sa dating ‘slave’.

“Walang kinalaman ang pera sa isyung ito, Enrico. Grow up. Alam mo kung bakit naglaho ang…ang anumang pagpapahalaga ko sa iyo. Naroon sa ospital ang dahilan…”

“Mahina ang resistensiya ng mommy mo sa pressure and stress, kaya siya bumigay at naging comatose. Nagkataon lang na ako ang nag-trigger. It could have been anyone or anything, Melanie!”

Parang walang narinig ang dalaga. Iniwan na si Enrico sa tabi ng kotse. Pero tinapunan pa niya ng tingin ang flat tire, saka pinukol ng nakaiinsultong tanaw si Enrico.

Nakuha ng binata ang ibig sabihin ni Melanie. Minamaliit siya nito for being so helpless. Na gulong lang ay hindi pa niya nagawang palitan nang tama; nagkasugat pa sa noo dahil sa katangahan.

“I was born rich, damn it! Hindi ako ipinanganak para magpalit ng gulong; sinanay akong nagbabayad for these dirty jobs. Sisihin mo ang mommy ko at ang ama kong don na tago nang tago!

“Kung tama ang training nila sa akin, hindi ako lalaking ganito kaignorante sa basic things like changing car tires!”

Napantastikuhan si Melanie. Hindi valid sa kanya ang katwiran ni Enrico. “Kung di ka masyadong naging iresponsable at inutile, ikaw na mismo sa sarili mo ang nagsikap matutunan ang mga bagay na panlalake. Shame on you!”

Namula sa galit ang binatang dating mayaman. “Ginamot mo nga ang sugat ko kanina, ngayo’y inilampaso mo ang buong pagkatao ko…

“Dahil doo’y bayad na ako sa utang na loob sa iyo. Ayoko na ring mapaugnay sa iyo, Melanie; you are NOT my kind of girl.”

Nagkibit-balikat ang dalaga, tuluyan nang lumayo.

Ayaw niyang pansinin ang tadyak sa kanyang puso. Hindi na niya sinasamba ang lalaking ito, giit niya sa sarili.

 

 

PAREHONG pinaninindigan nina Melanie at Enrico ang mga huling binitiwang salita sa isa’t isa, bago sila tuluyang nagkahiwalay sa kalye, sa tabi ng segunda-manong kotseng may flat tire.

“Ikaw ay irresponsible and inutile, Enrico. Shame on you.” Nasa diwa ito ni Melanie habang sakay na ng taxi, tuluyan nang palayo sa kinaroroonan ni Enrico.

Idinidikdik naman ni Enrico sa isip ang sinabi kay Melanie. “You are NOT my type of girl.”

Kahit may benda sa noo, muling hinarap niya ang pagpapalit ng na-flat na gulong. Gigil siya na wala pa rin ang mommy niya 30 minutes matapos itong i-text.

Nagpapa-assist lang naman sana siya sa ina; tatawag ng vulcanizing service habang binabantayan nito ang kotse.

Naalala niya ang tsekeng iniwan ng ama, si Don Pedro. Hindi pa rin makapaniwala ang binata na meron siyang 5 milyong pisong puwedeng kunin sa bangko.

Natiyak na niyang hindi niya pipilasin o isosoli sa ama ang tseke. “Gagamitin ko sa negosyo ang 5-million; titiyakin kong mapapalago ko iyon at ikaw ay mapapahiya sa pagtuturing sa akin bilang walang silbi sa mundo, a born loser! Ipalalamon ko sa iyo ang mga salita mo, Don Pedro!”

Gigil niyang pinihit ang tire wrench para tanggalin ang flat tire. Inuna niya siyempre ang mga turnilyo.

Nagawa naman niyang maipalit ang reserbang gulong. Medyo nabigla pa nga siya dahil kaya pala niyang gawin. Pero tagaktak na ang kanyang pawis at bilad na bilad na siya sa araw.

Pati ang jack ng kotse na kulang sa grasa at napakahigpit ay natanggal na rin niya, naibalik na sa tool box.

“Enrico!” Hangos na dumating na pala ang mommy niya, sakay ng taxi, nakapayong at naka-sunglasses, halatang ayaw makilala ng mga tao.

“Mommy, an’ tagal-tagal mo.”

“Nag-ATM pa ako. Napaano ‘yang noo mo?”

Napabuntunghiningta si Enrico. Niyaya na ang ina sa loob ng kotse. “It’s a long story. Clumsy ako, natamaan ng tire wrench. Pero kahit paano ay okay na ang noo ko, naampat ang dugo.”

“Sino ang gumamot? Nagpunta ka ba sa doktor o klinika?”

Iniba ni Enrico ang usapan. “Makakabangon na ako, tayo, Mommy. May malaking puhunan na ako sa aking papasuking negosyo…”

“Posible akong maniwalang may malaki-laki ka nang puhunan, Enrico. Pero doon sa pagnenegosyo mo, wala akong paniwala. Wala kang alam na trabaho o negosyo, tiyak na magkakalugi-lugi ka lang.”

Hindi naman nangmamaliit ang ina; nagsasabi lang ng totoo base sa karakter ng anak.

“Pinalaki kitang spoiled na puro pasarap sa buhay and that is our misfortune, son.”

 

 

 

 

“ALAM mo ba ‘yon, ha, Enrico?  Ngayon ako nagsisisi na pinalaki kita sa layaw, lahat ng luho ay ibinigay, lahat ng gusto ay sinunod…” napapailing na patuloy na sabi ni Mrs. Soler. “Ganitong mahirap na tayo, ikaw ay kakapa-kapa sa mundo. Wala kang alam sa kahirapan, anak.”

Tumigas ang mukha ng binata. “Kaya nga patutunayan ko sa lahat, laluna sa aking amang ayaw magpakaama, na ako’y makakabangon mula sa hirap. Na ako’y hindi hopeless…”

Tahimik lang ang ina. Hindi masabing ito man ay walang tiwala sa kakayahan ng anak.

“Nangutang ka ba ng puhunan, ha, Enrico?” naalalang itanong ni Mrs. Soler. “Ang alam ko’y higit isang milyong piso na lang ang hawak nating cash.

Madali lang maubos ‘yon. Doon pa tayo babawas ng panggastos araw-araw, pati na sa pang-monthly rental dito sa apartment, habang wala ka pang trabaho o negosyong kumikita…”

 “Mommy, maniwala ka sapat na panimula ang puhunang hawak ko.  Saka ko na ipaaalam sa inyo ang buong detalye kapag kumikita na ang negosyo ko.”

“E ano ba naman ang negosyong papasukin mo, ha?  Baka naman barya-barya at labas nang labas ang dagdag na puhunan?”

“Saka n’yo na malalaman kung ano, Mommy.  ‘Yung tungkol sa barya-barya,  ganoon ang ginawa ng mga unang intsik na  nagnegosyo sa Pilipinas noong 1950s. But look at them now.”

Hindi kumbinsido ang ina. “Ano kaya kung huwag mo munang simulan?  Mag-feasibility study ka muna.”

Kaso ay stubborn si Enrico, kung ano ang magustuhan. Lumaki nga kasing spoiled at sobra ang bilib sa sarili.

Tumahimik na lang ito habang dina-drive ang secondhand car.

Tuksong napadaan sila sa Edsa, sa area kung saan nabangga niya ang kotseng dala noon ni Melanie.

“Melanie…” Umulit sa kanyang diwa ang ngalan ng dalagang siya ang nakauna sa pagkababae. Parang kailan lang na nag-meet ang kanilang landas, sa isang aksidenteng pagkikita.

Akalain ba niyang siya pa pala ang magde-devirginize dito?

“Oh, shit, Melanie…” ulit niya sa isip, may kasamang buntunghininga at panghihinayang. 

Ang galit niya kanina sa dalaga ay natatakpan ng lihim na pag-asam na sana ay ‘slave’ pa rin niya ito, patuloy na sumasamba sa kanya.

“Hoy, bakit panay ang buntunghininga mo diyan? Baka nabangga tayo, ha?  Lumilipad ang utak mo,” sabi ng inang sosyal.

 

 

NANG araw na iyon ay dinala ni Enrico sa bangko ang tsekeng nagkakahalaga ng 5-million pesos.
Ano ang mangyayari?

 

TINIYAK pa muna ni Enrico na presentable siya bago tuluyang pumasok sa bangko dala ang tsekeng 5 milyong piso. Bilang dating mayaman ay alam niyang unang tinitingnan ng tao ang anyo ng kapwa. Meaning kung karesperespeto o hindi.

“Good morning, sir.” Binati siya nang buong galang ng security guard na nakatalaga sa pinto. Tinanguan naman niya ito.

Ang hawak niyang tseke ay minasdan niya habang nakapila na siya sa Teller One. 
Wala lang, nais lang tiyakin na tama nga ang nakalagay doon. Na iyon ay ‘paid to Enrico Soler, the sum of Five Million Pesos only’ etesetera.

Panlima siya sa pila pero okay lang kay Enrico. Handa siyang pumila araw-araw kung ganitong kalaking tseke ang kanyang ie-encash.

Napabuntunghininga ang binata. Excited na siyang magnegosyo at ito ngang perang kaloob ng ama ay labis na makatutulong sa kanya. Hindi na barya-barya ang kanyang magiging puhunan; pam-big time  na.

Naglalaro na sa kanyang isip ang papasuking negosyo. Kahit wala pa siyang alam dito sa aktuwal, nag-observe na siya at nagtanung-tanong.

Katwiran niya kung kaya ni Juan ay kaya rin niya. Umasenso at yumaman si Juan, bakit naman siya ay hindi?

“Mas matalino naman siguro ako kay Juan,” naisaloob niya habang nakatingin sa batok ng malusog na matronang nasa kanyang unahan.

“Haayy, naku…napakabagal naman,” reklamo nito sa mahinang tinig, tinapunan siya ng tingin, halatagn nais makipaghuntahan.

Tinanguan niya ang matrona. Meaning sang-ayon siya sa obserbasyon nito. Na mabagal nga sa kanilang pila. “Sa preferred clients ay mabilis.”

“Number one bank daw sa tatag, an’ sama naman ng serbisyo. Ni hindi man lang tayo nakaupo.”

Nginitian muli ni Enrico ang matrona. Pero hindi na siya nagkomento. Napansin niyang maganda naman ang babae kahit tabachingching.

“You look familiar,” sabi nito sa kanya.

“I do?” Patanong ang kanyang sagot. Pero sana ay tumigil na sa pakikipagdaldalan sa kanya ang matrona; wala siya sa mood .

“Ya. Para bang nakita na kita somewhere. You are not a movie star or something, are you?” Inglesera ang matrona. Tingin niya’y nagpapa-cute.

Nakahinga siya nang maluwag dahil tinawag na ito ng teller sa preferred clients. Libre na doon at ang matrona na ang ia-accommodate.

Sa wakas ay nasa harap na ng Teller One si Enrico. Ibinigay agad niya ang tseke pati kanyang ID.

Nakita niyang nagpunta ang teller sa manager dala ang kanyang tseke. Mayamaya ay nakita niyang umiiling ang manager. May problema sa tseke, naunawaan ni Enrico. “Putang-ama, what could it be?”

 

 

 

 

LALONG kinabahan si Enrico nang lapitan siya ng teller matapos makausap ang manager. “Sir Enrico, kakausapin daw po kayo ni Ma’am.”

Ang ‘ma’am’, sabihin pa, ay ang bank manager mismo. Pigil ang hiningang nilapitan ni Enrico ang desk nito sa dulong bahagi ng bangko.

“Is there any problem with my check?” Siya na ang nagtanong habang pinauupo siya ng babaing manager.

“Sir, kuwan po…meron kasing instruction ang nag-issue ng cheque…nakausap po namin sa telepono…”

“Anong  instruction?”

“Hinold po muna ang payment. You’ve got to talk daw po muna, sa office niya.”

“Gusto akong makausap ni Don Pedro Marquez de Golfo?” Kumunot ang noo ni Enrico.

“Bago babayaran ang tseke?”

Tumango ang bank manager. “Big client po namin ang nag-issue ng cheque, sir. Hope you understand.”

Ibinalik sa kanya ang tseke. Lumabas siya ng bangko nang hindi maipinta ang mukha.

Pagdating sa parking area ay sinipa niya ang gulong ng secondhand car niya. Tud.

Nasaktan ang kanyang paa, napangiwi siya.

Pinaharurot niya ang lumang kotse. Galit na galit siya sa amang ayaw pa rin siyang kilalanin sa publiko.

Nagtuloy siya sa Morato area, magpapalamig muna sa Starbucks.

Pero huling sandali ay nagbago siya ng isip. Hindi na nga pala siya naka-sports car, halatang naghihirap na.

Sa iba na lang siya nagtuloy, sa isang fast-food chain na affordable.

 

 

SAMANTALA’Y wala sa hinagap ni Melanie na may magaganap sa araw na iyon kaugnay ang inang nasa ospital pa rin, still in a coma.

Habang ang dalaga ay nasa spare bed sa tabi ng ina at nagpapahinga, saka naman nangyari ang hindi na inaasahan.

Nagmulat ng mata ang pasyenteng kaytagal na naging ‘gulay’

Si Candida. Hinang-hina siya, hindi maiangat ang katawan..

Iginala niya ang paningin sa loob ng kinaroroonang silid na aircon. Naunawaang siya ay pasyenteng may mga nakakabit na kung anu-anong gadget sa katawan.

Natanaw ni Candida ang natutulog na si Melanie. Naunawaang bantay niya ito. Hindi naman maunawaan kung bakit.

“Melanie…” halos bulong iyon.

Pero malinaw na narinig ni Melanie; napaigtad ang dalaga, nagising.

Napaluha si Melanie sa galak. “Mommy…n-nagising ka na…”

Niyakap ng dalaga ang ina, pinaghahalikan ito sa noo. “Thank God ! Salamat po!  Praise You, Lord!”.....

 

NAGKAMALAY-TAO na nga si Candida matapos maging comatose nang napakaraming araw.

Abut-abot ang pasasalamat ni Melanie sa Panginoong Diyos sa mahimalang paggising ng ina.

Hinulaan na kasi ng mga doktor na malabo nang magising si Candida; na ito ay malalanta at tuluyang mamamatay.

“Ano ba ang nangyari?” Hindi maalala ni Candida ang mga naganap.

Ikinuwento ni Melanie; ipinaalala ang mga detalye tungkol sa iskandalong kinasangkutan ni Don Pedro kaugnay ang illegimate son na si Enrico Soler.

Maging ang pagtatangka ng don na magbaril sa sarili ay ipinaalala sa ina; gayundin ang pagbawi ni Enrico, sa national television, ng akusasyon tungkol sa don.

“Sinabi ni Enrico sa media na hindi totoo ang kanyang naunang pagbubunyag—na si Pete ang kanyang ama?”

“Ganoon nga po, Mommy.”

“At ano ang naging reaksiyon ni Pete?”

“Si Don Pedro ay hindi na humarap sa media, Mommy. Hindi pa rin niya inamin na siya nga ang ama ni Enrico Soler.

But the issue died down already. By the way, magaling na siya, dinadalaw ka nga regularly; gastos niya lahat. Mahal na mahal ka ng asawa mong don.”

“Nasa bahay ba natin si Pete, anak? Kailangan niyang malaman na natauhan na ako!”

“Most likely po ay nasa office siya. Pero may nais akong ipaalam sa iyo, Mommy…dahil nga po kayo ang malubhang nagkasakit, galit na galit ako kay Tito Pete at sa anak niyang si Enrico.

“Wala silang karapatang kayo ang idamay sa gusot nilang mag-ama. Sa inis ko ay pinalayas ko si Tito Pete sa ating bahay.”

Napatanga si Candida, hindi makapaniwala. “P-Pinalayas mo ang aking asawa sa pamamahay natin?”

“I must, Mommy. Kasi nga’y nawalan na ako nang pag-asang magkakamalay-tao ka pa…kasalanan nga nila.”

Umiling ang pasyente. “Hindi katanggap-tanggap ang ginawa mo, anak. Gayunma’y ako na ang hihingi kay Pete ng paumanhin. Pakikontak mo siya ngayundin, please.”

 

SI DON Pedro ay unreachable sa mga sandaling ito. Kaharap kasi niya ang anak na itinatanggi sa publiko si Enrico Soler.

Nasa main office sila ng don, sa Marquez de Golfo Building sa lunsod. Close-door conference iyon ng mag-amang galit sa isa’t isa.

“Inisyuhan mo ako ng tsekeng 5-million pesos, ‘yun naman pala ay babawiin mo! Hindi mo pinakubra sa akin!”

“Malay ko kung peke ang nagki-claim sa tseke? Isa pa’y dapat man lang akong kausapin ng taong makikinabang sa aking 5-million dole out.”

“Hindi dole out! Hindi ako tumatanggap ng limos, Don Pedro! Handa kong bayaran ang perang iyon in the near future , kasama na ang malaking tubo! Hindi ako balasubas!”......