Huwag Husgahan ang Walang Laman
Wag Husgahan ang Walang Laman
Eh ano ngayon kung nangupit siya?
Eh ano ngayon kung nang-umit siya?
Pinagdadaanan mo ba
Ang hirap na almusal niya sa umaga?
Nasubukan mo na bang mangutang para ipagamot
Ang mahal mong ina?
Hindi. Mapalad ka.
Sa init ng araw nagagawa niyang gumawa
Sa pamamagitan ng kamay na pagkatao niya
Dahil sa kaniya, buhay ang industriya
Ng sapatos
Ng konstruksiyon
Ng transportasyon
Ng kalakal
At ng kung anu-ano pa
Konting omento, galit ka
Konting dagdag, balisa ka
Ang iyong kita’y diyos-diyosan
Na lagi mong binabantayan
Magbigay ka, at nang makatanggap
Ng awa, at di karma
Sino ka ba kung wala siya?
Tataba ba ang iyong kita?
Siya ang kamay na nagdadala
Ng pera, salapi, moolah
Sa iyong bulsa. Maramot
Ang kapalaran sa kanya
Marahil dahil ipinanganak siyang dukha.
O e ano ngayon kung nang-umit siya?
E ano kung nabawasan ang iyong kita?
Mali na kung mali, ngunit
Huwag mong husgahan
Siyang walang nilalaman
Ang sikmura.
- Para sa mga obrero kong kaibigan. Nandito lang ako para sa inyo.
Damang dama ang pighati ng uring manggagawa....


