Inflamed: Revenge. Love. Death

|

Wakas sa Simula

Makulimlim ang langit. Walang bituin. Ang mga ulap ay tila magbubuhos ng ulan. Di nagawang pawiin ng hininga ni Elise ang lamig sa paligid. Subalit nakalimutan niya ang lahat ng makita sina Paolo at Maris na naghahalikan. Ang sakit at galit sa puso niya ang nagbigay sa kanya ng lakas para harapin ang dalawa.

“Pinsan! Kumusta naman ang halik ng boyfriend ko?” bungad ni Elise. Unti-unti siyang lumapit sa kasintahan at sinampal ng sobrang lakas.

“Mali ang iniisip mo.” kaila ni Paolo.

“Bakit? Ano ba ang tama sa ginagawa ninyo ng malanding babaeng iyan? Ano ang gusto mong maramdaman ko habang naghahalikan kayo?” galit na sabi ni Elise habang dinuduro ang pinsan.

“Elise, magpapaliwanag ako...” wika ni Paolo.

“Magpapaliwanag? Paolo, sumikat na ang mga linya mo at siguro naman alam mo kung ano ang sikat na linyang isinasagot din dyan.”

“Wala siyang kasalanan.” sabat ni Maris

“Magtigil ka! Huwag kang magsasalita kung ayaw mong durugin ko iyang bibig mo! Para kang banga na hinulma sa putik, gaano ka man kaganda, kapag nabasag ay putik pa rin.” sabi ni Elise na sinundan ng sampal mula sa kausap. Di niya iyon pinansin at nagpatuloy sa pagsasalita “Nasasaktan ka? Hindi rin bagay sayo! Wala kang puso... wala kang pakiramdam - ”

“Enough Elise!” putol ng binata.

“Oh di sige, alang-alang sa butihin kong boyfriend, ipagpalagay natin may laman ngang puso iyang dibdib mo. So? Pakialam ko! Kung nasasaktan ka, wala yan sa sakit na nararamdaman ko ngayon”. Tinalikuran ni Elise sina Paolo ngunit bumalik siya at muling nangusap “Oo nga pala, Mr Paolo Cernales correction lang. Ex-boyfriend na kita. Ayan!” sabay lingon kay Elise “magaling kong pinsan, iyong-iyo na siya. Isaksak mo sa sarili nang mamatay ka.”

Sa bahay ng kanyang kaibigan tumuloy si Elise. Alam niyang wala na siyang babalikan sa bahay ng kanyang tiyahin pagkatapos ng nangyari.

“Gusto mo bang umiyak?” wika ni Edward ng maabutan niya itong nakadungaw sa maliit na bintana ng kwarto. Tahimik ang gabing iyon, ngunit nagpapahiwatig na paparating na ingay.

“Bakit naman ako iiyak? Edward, nakakapagod na. Ayoko ng umiyak. Wala na rin silbi kung iiyakan ko siya.”

“Meron. Kapag umiyak ka, maiibsan ang sakit. Gagaan ang anumang dinadala mong mabigat. Hindi naman lahat ng umiiyak, mahina” ito ang mga sinabi ni Edward bago lumabas ng kwarto. Isinandal niya ang sarili sa likod ng pinto. Ilang sandali pa ang lumipas ay naririnig na niya ang hikbi na kanyang kaibigan. Naramdaman na rin niya ang walang hanggan kalungkutan nito. Kasabay ng kanyang pagluha ay ang ulan na nagsisimula na rin pumatak.

Nagpatuloy sa pagbagsak ang malakas na ulan. Sinusundan ito ng kidlat at kulog. Ang lahat ay nanatili sa loob ng kanilang barung-barong. Subalit isang boses ang bumasag sa katahimikan ng gabi. Nagmumula iyon sa labas ng bahay nina Edward. Lumabas ng bahay si Elise. Agad siyang sinabunutan ni Stela. Hinila at dinala sa lansangan na binabaha ng magkahalong tubig-ulan at basura. Naghihina siya. Wala siyang pagkakataon para gumanti. Wala siyang nagawa kundi tanggapin ang bawat sampal ng kanyang tiyahin. Hawak ng nakakabatang kapatid ni Maris ang kanyang braso. Wala rin nagawa ang mga magulang ni Edward. Maging sila ay di napigilan ang mag-ina. Walang salita ng pagmamakaawa ang binitiwan si Elise. Dumating si Edward at dali-daling pinulot ang isang tubo.

“Bitiwan ninyo siya!” paulit-ulit na sigaw ng binata habang hawak ang bakal at handa itong ihampas sa sinuman sumuway sa kanya. Tinulungan niya ang kaibigan pagkatapos siyang itulak ni Stela. Di magawang tumayo ng tuwid ni Elise dahil sa sakit. Napayakap siya kay Edward ngunit ang sandaling iyon ay di nagtagal ng mahawakan ni Ricardo ang tubong hawak din ni Edward. “Elise, takbo! Umalis ka na!” sigaw niya.

Nalilito si Elise kung susunod siya. Alam niya na sina Edward at kanyang mga magulang ang mapagbubuntungan ng galit ng kanyang tiyahin.

“Kailangan mo ng umalis! Wag ka ng mag-alala sa amin.” pahayag ng ama ni Edward habang pinipigilan si Stela na makalapit sa kay Elise.

Mabilis na tumakbo si Elise sa ilalim ng ulan. Nalimutan na niya ang sugat at ang sakit ng kanyang katawan. Di na rin niya inisip ang walang sapin niyang paa. Di na niya tiningnan ang daan. Hanggang sa matigilan siya at mapalingon sa sigaw ng ina ni Edward. Nakabulagta sa tabi ni Stela ang matandang lalaki. Naagaw na rin ni Ricardo ang tubo mula kay Edward at ilang ulit at walang-awa siyang pinaghahampas. Gusto niyang bumalik pero natakot siya. Natakot siya na kapag bumalik siya ay mas maraming tao ang maaring masaktan. Kailangan niyang lumayo. Kahit saan. Basta malayo.

Sumabay si Elise sa isang malaking sasakyan papasok sa barko. Walang nakapansin sa kanya dahil sa dilim ng paligid at lakas na ulan. Ilang saglit pa ay nagsimula ng umaandar ang barko. Tinungo niya ang bandang likuran. Nakita si Edward na nakasandal sa poste ng ilaw habang hawak ang tiyan na kanina’y tinamaan ng tubo. May ilang guhit ng dugo sa kanyang mukha. Naging panandalian ang ngiti ng binata ng mawalan siya ng malay dahil sa sakit at pagkahilo. Sina Stela ay wala na rin nagawa ng makita nila si Elise na nakasakay sa barko.

“Edward, salamat at paalam” bulong ni Elise sa hangin. Napakalayo na ng barko sa daungan. Di na niya maaninag ang buong paligid dahil sa lakas ng ulan. “Aalis akong marumi ang paa. Ngunit sa pagbabalik ko, bababa ang langit sa lupa. Magbabayad sila.” Nagpakawala ang langit ng mas maliwanag na kidlat at mas maingay na kulog. Ang malakas na hangin ay tila nagbabadya ng bagyo.

Isang balita ang panibagong susubok kay Edward. Bago namatay ang kanyang ama, hiniling nito ang isang pangako mula sa anak. Pangakong hindi niya alam kung paano tutuparin. Ang mga araw ay mabilis na lumipas. Hanggang sa ideklarang patay ang mga taong di na natagpuan sa lumubog na barko. Ang halos na magkasabay na pagkawala ng kanyang ama at ni Elise, ay malaking bundok na gumuho kay Edward. Ang kalungkutan niya ay di nahigitan ng ulan na bumagsak mula sa langit. Sa kabila ng lahat, walang luha ang nais dumaloy sa kanyang pisngi. Natapos ang libing ngunit ang pagluluksa ay nagsisimula pa lang para sa kanya.

Palubog na ang araw. Si Edward ay nasa dalampasigan pa rin. Hawak ang ilang bulaklak na sinimulan niyang itapon sa dagat. “Anong ginagawa mo rito?” tanong niya ang maramdamam si Paolo sa kanyang likuran.

“Edward, nakikiramay ako.”

“Hindi namin kailangan ng pakikiramay mo. Kung sa simula pa lang ay sinabi mo na ang totoo, hindi na sana siya nasaktan. Pareho natin alam kung gaano ka niya kamahal at dahil sa sobra-sobrang pagmamahal niya sayo ay pinakawalan ko siya. Hinayaan kong masaktan ang puso ko para sa ikaliligaya ng babaeng mahal ko. Pero anung ginawa mo? Pinaglarun at sinaktan mo siya! Pinatay ninyong lahat si Elise!” panunumbat ni Edward.

“Alam ko. At habang buhay ko iyon pagsisisihan”

“Ano pa ba ang silbi ang pagsisisi mo? Wala na siya! Namatay siya na may galit sa mundo. Nasawi nang di nararamdaman ang pagmamahal mo.” Iniwan ni Edward si Paolo sa  dalampasigan. Nakakabingi ang katahimikan. Ang masasaya nilang ala-ala bilang magkasintahan ni Elise ay mananatiling ala-ala na lang sa nakaraan.

Tahimik na pinagsaluhan nina Edward at ng kanyang ina ang kanilang hapunan. Walang usapan ang namagitan sa kanila hanggang sa basagin ng kanyang ina ang katahimikan. “Anak, walang masama kung iiyak ang isang tao.”

“Bakit po ako iiyak? Masaya ako. Masaya ako kasi wala na siya. Makakasigurado akong hindi na niya mararanasan ang naging buhay niya sa mundo. Hindi na siya masasaktan pa.”

Lumipat ng upo sa tabi ng anak si Aling Lisa. “Pwede mo yang sabihin sa iba. Pero ina mo ako. Ang nararamdaman ng bawat hibla ng iyong buhok ay alam ko.”

Di niya napigilan ang pagluha. Yumakap siya sa kanyang ina at nangusap “Inay, gusto kong umiyak. Gusto kong sumigaw. Gusto kong magalit sa sarili ko. Gusto kong sisihin ang puso ko.”

  Kasama ng marahas na hangin ang malalaking alon sa dagat na humahampas sa dalampasigan. Tahimik na naman ang paligid. Ang liwanag mula sa buwan ang tanging tanglaw ni Edward. Wala man salita ang nagmumula sa kanyang bibig, ang bawat letrang binibigkas ng kanyang puso ay nangangahulugan ng mas malalim pang salita, mga salitang puso lang ang nakakaunawa at pag-ibig lang ang nakakaintindi.

Simula ng Wakas

          Nagpatuloy ang mga alon. Ang bawat paghampas ay paglipas ng oras, araw, buwan at taon. Sa muling pagsikat ng haring-araw ay panibagong simula sa napipintong wakas.

          “Hinihintay mo pa rin siya. Umaasa ka pa rin na isang araw, may aanurin babae sa dalampasigan iyan, mula sa barkong lumubog sampung taon na ang nakakalipas.”

          “Inay..,” pagkilala ni Edward sa nagsalita. Hindi siya lumingon. “Mali ba kung hintayin ko siya? Umasa na isang araw nga, ay ibabalik siya sa akin ng dagat na ‘yan?”

          “Hindi mali na umasa at maghintay. Ang mali ay kung patitigilin mo ang mundo mo sa nakaraan.” sabi ng boses na nasa likuran ni Edward. Hindi iyon ang boses ng kanyang ina, subalit pamilyar ito kahit na ilan taon na niyang di naririnig. Agad siyang lumingon sabay tayo mula sa buhangin.

          “Kumusta ka na?” muling sabi ni Elise.

          Pilit na humakbang si Edward. “Paano...” di niya natapos ang pangungusap ng bigla siyang niyakap ni Elise. Muling bumuhos ang kanilang luha. “Akala ko iniwan mo na ako”

          “Patawad Edward. Patawarin mo kung pinaghintay kita nang mahabang panahon.” naging mas mahigpit ang pagyakap ni Elise sa binata. Wala sa kanila ang nais kumawala.

          “Wala sa akin ang sampung taon, kakayanin ko kahit na habang-buhay pa kitang hintayin.” bulong niya. Si Elise naman ay gumuhit ng ngiti sa kanyang labi.

          Kinabukasan, maagang sumikat ang araw. Nakatayo sa may malaking pinto si Elise habang tanaw ang mawalak na dagat. Binalikan ang mga nangyari kung saan may mag-asawang nakakita sa kanyang nagpalutang-lutang. Sa isang pribadong isla siya dinala ng malakas na alon. Halos dalawang linggo din siyang walang maalala. Bumalik lang ito sa mga balita tungkol sa lumubog na barko. Dito na rin nalaman ng mag-asawa ang dahilan kung bakit siya nakasakay sa barko at kung ano ang kanyang mga pinagdaanan. Nagpasya ang mag-asawa na ampunin siya. Sinimulan niya ang bagong buhay kapiling ang bagong pamilya. Sinikap na mapabuti ang sarili. Tinapos ang pag-aaral sa ibang bansa. Sa pag-angat ng kanyang buhay, may mga pagsubok pa rin dumating. Anim na taon lang niya nakasama kanyang pangalawang pamilya. Subalit hindi ito ang nagpasuko sa kanya. Bagkus ay lalo pa niyang pinagsikapan umasinso at matupad lahat ng kanyang pangarap.

          Bumalik ang isipan niya sa kasalukuyan nang marinig ang pagtawag ng kanyang matalik na kaibigan. Nagpatuloy ito sa pagsasalita ng makita si Elise, “Nakuha ko na ang mga papeles na kailangan mo. Nandito ang listahan ng mga ari-arian nila, pati na rin iyon mga nakasanla sa bangko. At nasa green folder ang pangalan ng kasusyo nila sa kompanya na handang ibenta ang shares sayo.”

“Salamat Sheena. Pakilapag na lang diyan.”

“Hanggang kailan mo balak tumayo dyan?” may pag-aalalang tanong ni Sheena. Nilapitan niya ang kaibigan. “Noon, ang sabi mo, isa ang dagat sa pinakamalungkot na ala-ala ng mga minamahal mo pero, heto ka bumili ng bahay malapit sa dagat at halos araw-araw itong pinapanood na para bang matutuyo na anumang oras”

“Hind ko alam. Mamaya, bukas, sa makalawa o baka hindi na. Sa dagat na iyan namatay ang aking mga magulang. Sa dagat na iyan, nabuhay akong muli at nagbalik lahat ng aking ala-ala simula pagkamata. Mga ala-ala na nagtutulak sa akin para mabuhay at maghiganti.” Hinarap niya ang kausap “Sheena, paulit-ulit ko man pagmasdan ang dagat, hinding-hindi ako mapapagod. Sa ganitong paraan ko lang sila makakasama.”

“Sa ganitong paraan ka rin nasasaktan. Pakawalan mo na sila. Paano ka lilimut kung nakaharap ka pa rin sa likuran at kung nakapaligid sayo ang mga bagay na nagpapaalala nito?”

“Sana, nakasulat na lang ang lahat sa buhangin at madaling nabubura ng dagat. Pero hindi. Ang mga nangyari ay nakaukit sa puso’t isipan ko. Kailanman, hindi na maghihilom ang mga sugat na nilikha nito.” malungkot na wika ang dalaga.

Nagsimula na rin ang buhay ng mga tao sa lugar nina Edward. Ang mga bata ay nagsimula ng maglabasan sa kanilang bahay. Nakaupo siya sa may hagdan habang pinapanood ang ina na nagbabanlaw na kanyang nilabhan.

“Hindi ba dapat masaya ka dahil nagbalik na si Elise? Magkakaroon ka na ng pagkakataon masabi ang nararamdaman mo para sa kanya.”

“Masaya po ako. Pero kahapon, habang kausap ko siya, ramdam kong marami ang nagbago sa kanya. Mula sa pananamit, pananalita at kung paano siya gumalaw. Inay, napakalayo na niya sa dating Elise na nakilala ko. Napakataas na niya at sa sobrang taas niya, para bang hindi ko na siya kaya pang abutin.”

“At dahil doon, isusuko mo na ang pag-ibig mo. Dahil ba nagbago ang katayuan niya, magbabago na rin ang puso mo? Anak, sa mata ng Diyos, lahat pantay. Walang mahirap o mayaman.” sabi ni Aling Lisa nang panandalian itigil ang ginagawa.

“Kung magkaiba ang pananaw ng tao at ng Diyos, paano ko po ipapaliwanag upang maintindihan nila na nagmamahal din ako?”

“Wala kang dapat ipaliwanag. Dahil wala rin naman makakaintindihan, kapag pag-ibig na ang umiral.” paliwanag ng ina ni Edward.

Sa araw ng kasal ni Maris, isang pagkukunwari ang mabubunyag sa lahat. Dalawang oras na ang nakakalipas subalit ang kasintahan niya ay di pa rin dumarating. Maging ang mga magulang nito ay di rin sumipot sa simbahan. Karamihan sa mga bisita ay unti-unti ng nagsisiuwian. Bumaba mula sa sasakyan si Maris upang magtungo sa ina. Di pa man siya nakakapangusap, isang magara at mamahalin sasakyan ang tumigil sa harap ng simbahan. Agad nila itong nilapitan at sa pagbukas ng pinto ay lumabas ang kanyang kasintahan. Ang kaligayahan na naramdaman ni Maris ay tila hangin lang na dumaan. Ang lahat ay ginulantang ng babae na lumabas din sa nasabing sasakyan. Napakaganda niya sa kanyang itim na kasuotan. Ang kanyang karangyaan ay napansin ng lahat. Naging mas mabagal ang takbo ang bawat segundo.

“Hindi ba ako imbitado sa kasal?” mga salitang unang binigkas ni Elise sa harap ng kanyang pinsan at tiyahin. Walang sinuman ang nagnais na sumagot. “By the way, he is Joseph my boyfriend.” pagpapakilala niya sa kasamang lalaki sabay sa hawak sa kamay. Ang pangungusap na iyon ang ikinabigla ni Maris at ng lahat. At ang pangungusap din iyon ang tila pumatay sa puso ni Edward, na nakatayo sa di-kalayaun ng marinig ito mula sa babaeng pinakamamahal. Napaatras siya hanggang sa tuluyan lisanin ang lugar.

“Elise? Buhay ka?” tanging nasambit ni Stela.

“Bakit? Kailan ba ako namatay?”

“Joseph, anong ibig-sabihin nito?” usisa ni Maris sa kasintahan.

“Wala siyang dapat ipaliwanag sayo. But I can. Hindi ka na niya mahal. O mas tamang, ni minsan ay hindi ka niya minahal.” Sagot ni Elise sa katanungan para sa katabi sana.

“Joseph, ano bang pinagsasabi ng babaeng ito? Magsalita ka!” sabat ni Stela.

“Wala kang karapatan na utusan siya dahil hindi ikaw ang nagbabayad sa kanya. Tama! Binayaran ko siya para ligawan, mahalin, yayain at paasahin sa isang kasal ang anak mo. At para mas maging simple, kasinungalingan ang lahat. Pinaikot ko lang kayo sa mga palad ko, mula simula hanggang sa araw na ‘to.” pagbubunyag ni Elise. Susugurin na ni Stela ang dalaga ng magpatuloy siya sa pagsasalita “Subukan mong lumapit at saktan ako. Baka hindi mo magustuhan ang gagawin ko sa mga paa na ihahakbang mo!”

Maging si Ricardo ay walang nagawa. Ang lahat para kay Maris ay bumagsak tulad ng ulan na nagsisimula na rin. Ang kanyang luha ay di na napigilan. Bumalik sa loob ng sasakyan si Elise kasama si Joseph. Mabilis na nawala sa kanilang paningin ang itim na sasakyan.

Nadaanan nina Elise si Edward na naglalakad sa ulan. Ilang ulit niya itong tinawag mula sa sasakyan pero ayaw makinig ni Edward. Bumaba na lang siya ng sasakyan at sinundan ang kaibigan. “Edward, sandali! Mag-usap tayo! Ano ba ang problema? Kaibigan kita -”

“Oo! Alam kong kaibigan mo lang ako. Kaya nga wala akong karapatan na magalit o magselos kasi kaibigan lang ang tingin mo sa akin, at hanggang doon na lang iyon! Pero bakit ganito? Bakit ako nasasaktan ng tulad nito? Pakiramdam ko, paulit-ulit na dinudurog ang puso ko.” putol ni Edward ng sa wakas ay tumigil siya sa paglalakad at harapin si Elise.

“Hindi kita maintindihan.” pagtataka ng dalaga.

“Talagang hindi mo ako maiintindihan! Elise, nagbalik ang mga ala-ala mo noon pero pakiramdam mo naman ang nawala. Manhid ka na! Manhid ka para di maramdaman na mahal na mahal kita. Mahal kita higit pa bilang kaibigan.”

Di na nagawang mangusap ni Elise. Hanggang sa makita na lang niya ang sarili pabalik sa kanyang sasakyan. Naging mas marahas ang ulan ng mga sandaling iyon. Naiwan na nakatayo sa ilalim nito si Edward habang pinagmamasdan ang papalayong itim na sasakyan. Ang kanyang pag-ibig at kalungkutan ay humalo sa tubig-ulan sa buong paligid. Tila walang kamatayan ang hihigit pa sa nasawi niyang puso.

Malalim na ang gabi subalit walang tigil pa rin ang langit sa pagluha. Bawat butil ng ulan ay tila patalim na lumilikha ng pasakit sa puso nina Edward at Elise. Ang alak na karamay ni Edward ay di naibsan ang hapdi. Ang dagat na patuloy na pinapanood ni Elise, ay lumilikha pa rin ng alon hahampas sa buhangin at bumabalik sa dagat na para bang ilang ulit man itong mangyari, nanatili pa rin ang sakit.

“Bakit di mo sinabi ang totoo sa kanya? Ba’t di mo sinabing, pagkukunwari lang lahat ng narinig niya at bahagi lang iyon ng plano mo?” sabi ni sheena ng maabutan ang kaibigan at mabatid ang dinaramdam nito.

“Dahil kailangan. Mas gugustuhin ko na isipin niya ang gusto niyang isipin. Ayokong isang araw masaktan ko siya.” malungkot na sabi ni Elise. “Ang totoo, natatakot ako. Natatakot akong magmahal. Natatakot akong mahalin. Dahil natatakot ako na isang umaga paggising ko wala na siya. Maraming tao na ang kinuha sa akin ng Diyos, at lahat sila ang mga taong minahal ko.” patuloy niya.

Bumuhos na naman ang mga luha ni Elise. Niyakap ni Sheena ang kaibigan. Di na siya nagsalita upang di madagdagan ang bigat na dinadala nito. Saksi siya sa lahat ng pinagdaanan nito. Alam niya ang mga ala-ala ni Elise at alam din niyang ito ang tila pumapatay sa kaibigan.

Wakas ay Simula

“Bakit di mo siya hayaan na maglaro? Kung gusto mo, libutin mo ang buong casino at pagsawaan ang anuman makikita mo. Dahil sisiguraduhin kong ito na ang huling pagkakataon mo na makapasok sa isang silid na milyonaryo lang pinapayagan” bungad ni Elise ng lapitan si Stela habang nakikipagtalo sa anak na si Ricard.

“Ricardo, umuwi na tayo!” pag-iwas ni Stela

“Saan kayo uuwi? Sa bahay? Stela, di pa man kayo nakakalabas sa pinto ng casinong ito, sa lansangan na kayo pupulutin ng mga anak mo.” muling pahayag ni Elise. Nang mga sandaling iyon, ang lahat ng tingin ng tao ay nakatuon sa kanila.

“Anong ibig mong sabihin?”

“Lagi na lang bang ganito? Laging wala kang alam. Palibhasa kasi, alikabok ka lang sa gintong nakapaligid sa akin”

“Wala kang utang na loob!” sigaw ni Stela na di magawang lumapit.

“Utang na loob? Kaninong magulang ba ang ipinapatay mo? Sino ba ang sumaksak sa tatay ni Edward? At sabihin mo, sino ba sa atin ang may utang kung ako ang naniningil?”

Ibinuhos ni Stela ang galit sa kanyang laway. Dinuraan niya si Elise. Di iyon pinansin ni Elise at mabilis na kinuha ang baso ng wine sa isang babae. Itinapon niya ito kay Stela at sinundan ng sampal. Isang sampal na pinapalooban ng daan-daan poot sa puso ng dalaga.

“Kinailangan ko lang hugasan ang mukha mo ng alkohol bago ko hayaan na dumikit sa palad ko. Iyan na rin ang una at huling beses..,”

“Elise! Wala kang puso! Hayop!” galit na sigaw ni Ricardo nang di na matiis ang mga nangyayari.

“Wag mong ipagsigawan! Di ka nahihiya? Ipapaalala ko sayo, tulad lang ako ng pamilya mo. At sa bawat araw na daraan, isinusumpa kong, pagsisisihan ninyong naging kamag-anak ninyo ang tinatawag mong hayop!” sagot niya. Aalis na sana sina Stela at Ricardo ng muli siyang magsalita. “Dahil nandito na rin kayo, ipapaalam ko na rin na akin na lahat ng ari-arian ng inyong pamilya. Mula sa kompanya, mga bahay, at lupa na nakasanla sa bangko. Tulad ng sinabi ko kanina, akin na rin ang bahay na tinitirhan ninyo ngayon. At dahil masyadong naaliw ang magaling kong pinsan sa casino namin, umutang siya ng mahigit sampung milyon. Pagtatrabahuan ng buong pamilya ninyo ang pambayad sang-ayon sa kontratang pinermahan niya.”

Tinalikuran ni Elise ang dalawa at naglakad palabas ng silid. Nang mga sandaling iyon, di niya magawang magsaya gayung nagawa na niyang makapaghiganti. Pakiramdam niya, hindi na niya kilala ang kanyang sarili. Kanina habang kaharap niya ang taong nagdulot ng kasawian sa kanyang buhay, tila ba nakaharap siya sa salamin. Ang tingin niya sa kanyang repleksyon ay ang makabagong Stela. Isang tao na ang tanging hinangad ay ang alipustahin at apihin ang nasa kanyang paligid.

Kasabay ang paghaharap nina Stela at Elise, tila isang panibagong kamatayan ang nakaabang. Isang pangyayari na magbibigay buhay sa pag-ibig na nasawi sa paghihiganti. Paalis na sana si Sheena sa bahay nina Edward pagkatapos nilang mag-usap nang biglang dumugo ang kanyang ilong at nawalan ng malay. Agad siyang isinugod ni Edward sa ospital at nalaman ang malalang karamdaman ng kaibigan ni Elise.

“Tumawag na ako sa bahay niya pero walang sumasagot. Iyong cellphone niya, hindi ko rin ma-contact. Alam ba niya ang sakit mo?” usisa ni Edward ng magkamalay na si Sheena.

Nahihirapan man sa pagsasalita, pilit niyang kinausap  ang binata. Hinang-hina siya, maging ang kanyang labi ay di maayos na nabibigkas ang bawat salita. Ang paglalahad ni Sheena ang nagtulak kay Edward para hanapin na si Elise. Tahimik ang buong bahay. Ang malungkot na ingay na nagmumula sa dagat ng gabing iyon ay naramdaman ni Edward. Nasa labas ang sasakyan ni Elise. Bago pa man makapasok, napalingon siya sa dalampasigan, na para bang may tumatawag sa kanya. Humakbang siya palapit at naging malinaw ang anyo ng taong patungo sa mas malalim pang bahagi ng dagat. Mabilis na sinuong ni Edward ang malalakas na alon para pigilan si Elise. Nang mga sandaling iyon, tila wala sa sarili niya ang dalaga. Gusto na niyang tapusin ang kanyang buhay ngunit ang pag-aasam ni Edward na madala siya sa pampang ay tinalo ito.

“Ano ba ang ginagawa mo rito? Umalis ka na! Iwan mo ‘ko! Gusto mo rin bang mamatay?” sigaw ni Elise kasabay ng kanyang mga luha.

“Elise, kung ang ibig-sabihin ng mahalin ka ay kamatayan, mas gugustuhin ko pang mangyari iyon kaysa hayaan kang mawala sa ‘kin ulit.”. Di siya pinansin ng kausap at naglakad palayo. Mabilis siyang nakasunod at pinigilan ito. “Bakit mo ba ito ginagawa sa akin? Sumagot ka!”.

Humarap sa kanya si Elise. “Dahil ayokong mahalin mo ako. Edward, maraming tao ang nawala dahil sa akin. Ang iyong ama, ang sariling kong pamilya at ngayon, si Sheena na naman ang kukunin sa akin ng Diyos. Pakiramdam ko, lahat na mamahalin at mahalaga sa akin ay nakatadhanang mawala.”

“Alam mo ba kung bakit hindi sayo sinabi ni Sheena ang kalagayan niya? Dahil ayaw niyang sisihin mo ang iyong sarili. Elise, wag mong pasanin ang kapalaran ng mga minamahal mo. Ang lahat ng may buhay o wala sa mundo, may katapusan, may dulo, may hangganan! Lahat tayo mamamatay.”

“At kung ito rin ang kapalaran ko, Edward, kasuklaman mo ako! Isumpa mo! Huwag mo lang ako mamahalin....” Marahas na pinunas ni Elise ang luha pagkatapos kumawala sa pagkakahawak niya.

“Minsan ka nang inilayo sa akin ng pagpaparaya ko. Pagsunod ko sa mga nais mo. Pero sa loob ng mga taon na magkasama at magkahiwalay tayo, araw-araw lalo kitang minahal. Mahal kita na ikaw lang ang gusto kong makasama sa habang-buhay. Mahal kita ng higit pa sa buhay ko!”

Muling namagitan ang katahimikan sa kanila. Walang sinoman ang nais lumikha ng ingay habang tinititigan ang isa’t-isa. Subalit sa paglipas ng mga minuto, umalingawngaw ang tatlong magkakasunod na putok ng baril. Hawak ni Stela ang baril at sinalo ni Edward ang balang nakalaan sana kay Elise. Nataranta si Stela at dali-daling tumakbo paalis sa lugar. Kinanlong ni Elise ang taong sumagip sa kanya. Ang puting buhanging ay nahaluan ang ilang butil ng dugo. Sumigaw siya ng saklolo ngunit walang dumating.

“Lumaban ka! Edward, kailangan kita. Mahal na mahal kita.” Paulit-ulit na niyang sambit.

Pilit pinunasan ni Edward ang kanyang mga luha at nangusap “Wag kang umiyak..”

“Ayoko! Kahit na magalit ka! Titigil lang ako sa pag-iyak kapag nangako kang hindi mo ako iiwan.” Putol niya.

“Kahit na anong mangyari, hindi kita iiwan. Sakaling hanggang dito na lang ang buhay ko, hinding-hindi ako mamatay sa puso’t isipan mo. Basta tandaan mo lagi, mahal na mahal din kita.”

“Hindi ka mawawala.” Tumayo siya at nagsisigaw para humingi ng tulong. Ngunit tila maging siya ay di marinig ang sariling boses. Binalikan niya si Edward ngunit di pa man niya ito nahahawakan, bumagsak ang malakas na ulan at sinundan ng kidlat na lumikha ng kulog. Di na sumasagot sa tawag niya si Edward. Napakarami ng mga salitang pumapasok sa kanyang isipan. Mga konklusyon ayaw niyang matuldukan. Ayaw niyang paniwalaan. Tumingala siya sa langit. “Diyos ko, pagmasdam mo ako! Pakinggan mo ako! Ito ba ang kaparusahan ng ginawa kong paghihiganti? Ito ba ang kabayaran na hinihingi mo, sa buhay na ibinigay mo sa akin? Bunga ako ng pagmamalupit ng tao at gumawa ako ng kasalanan na ang minamahal ko ang nasasaktan. Diyos ko, ayokong husgahan ang mga nais Ninyo pero bakit ito ang kapalaran isinulat Ninyo para sa ‘kin. Binigyan mo nga ako ng pangalawang-buhay pero puso ko naman ang pinapatay Ninyo. Sino pa ang kukunin Ninyo sa akin? Nagmamakaawa ako. Buhay ko man ang maging kapalit, hinihiling kong buhayin Ninyo siya. Huwag Ninyong hayaan na maranasan ng mga taong nagmamahal sa kanya ang mga dinanas ko. Huwag ninyong gawin kinabukasan nila ang aking nakaraan. Pakiusap. Parang awa Mo na.” Pagsusumamo niya. Ang kalungkutan, kasawian at pag-ibig ang sumakop sa buong paligid. Dumaan ang malakas na hangin kasabay ng ulan.

“Ang dagat ang naghihiwalay sa napakaraming isla sa mundo. Ito rin ang naglalayo sa mga taong mahalaga sa atin”

“Maaring tama ka. Subalit dagat din ang nagiging tulay upang marating natin ang malalayo at iba’t-ibang isla. Ito ang daan upang mahanap at makasama natin ang mga taong mahalaga sa atin. Gaano man ito kalawak o kalalim.”

Nilingon ng dalaga ang lalaking nakatayo malapit sa kanya. “Di ka ba tinuruan ng mga magulang mong huwag makipag-usap sa hindi mo kilala?”

“E ikaw? Hindi ka ba tinuruan ng mga magulang mong huwag makipag-usap sa sarili?” sabay ngiti sa kanya.

Doon lang niya napagtantong ang mga salitang akala niya’y sa isip lang ay nabigkas rin pala ng kanyang labi. Ibinalik niya ang tingin sa dagat at di na lang pinansin ang katabi.

“Ang alam ko karamihan sa mga pumupunta dito ay magkasintahan o mga taong gustong makahanap ng mamahalin.” muling pangungusap ng binata.

“Tama ka. Pero may pumupunta din dito para makialam.” makahulugan pahayag niya.

“Sigurado akong hindi ako ang tinutukoy mo.”

“Marami akong pinaniniwaalan, maliban sa bagay na iyan.”

“Tulad ka rin ba nila?” pagtukoy sa mga taong nasa harapan nila. “Naniniwala na sa lugar na ito, kung saan naganap ang isang malungkot na wakas, ay matutupad ang kanilang kahilingan?”

“Hindi mo sila masisisi. Kapag nakaranas ka ng himala sa buhay, lahat pwede mong paniwalaan.” Tumalikod siya sa dagat sabay hawak sa bandang puso niya. “Noong akala ko wala ng pag-asa, dumating ng di inaasahan ang panibagong buhay. Ang sabi nila, himala ang nangyari. Ikaw, naniniwala ka ba sa himala?” 

“Hindi ko alam kung maiituturing na himala ang pagdating ng isang babae sa buhay ko. Buong puso niya akong minahal ngunit pasakit at kalungkutan ang aking iginanti sa kanya. Pero ginising niya ako mula sa pagkakatulog, iyon tipong, iniuntog niya ang ulo ko sa matigas na bato. At dahil sa ginawa ko, natagpuan niya ang isang tao na handa siyang mahalin, kamatayan man ang kapalit nito.” malungkot na salaysay ng kausap. Huminga ng malalim at tumalikod din. “Bakit ba ang lungkot ang pinaguusapan natin? At saka lahat nakaraan. Alam mo iwan na lang natin ang nakaraan sa nakaraan. Magpatuloy tayong mabuhay at sabayan ang mundo sa pag-ikot”

“Tama ka. Di tulad ng nakaraan, ang kinabukasan ay kaya pa nating baguhin.” Pagsang-ayunin niya. Nagkatinginan sila at kapwa napangiti sa isa’t-isa.

“Ako nga pala si Paolo Cernales. Ikaw? Ano ba ang pangalan mo nang di mo na sabihin nakikipag-usap ako sa di ko kilala” pagpapakilala ng binata.

“Sheena. I’m Sheena Ortiz. Nice meeting you.” sagot niya. “Pasensya na, pero kailangan ko ng umalis.” Nagpaalam si Sheen at nagsimulang maglakad palayo.

 

 

 

  

         

 

 

KarEd