Isang Gabi ng Aking Paghihiganti
Matagal ko nang kinikimkim ang galit na ito, sa isang sulok ng aking isipan ay may kung anong kumikibot na pagnanais. Pagngingitngit na unti-unting ngumangatngat sa bawat hibla ng kalamnan ko at naghihintay na maisambulat kagaya ng isang granadang kumakawala sa kamay ng nag-iigting na damdamin.
Nag-iinit ang singaw ng aking mga mata, marahil sa gigil na aking nadarama ng mga oras na iyon, maging ang aking dibdib ay tumatahip sa damdaming aking kinikimkim. Walang ibang laman ang aking isipan kundi ang makapanakit at makapag higanti.
Hindi ko madalas ginagawa na bumangon sa gitna ng nahihimbing na hatinggabi upang isakatuparan ang anumang masidhing balakin, ngunit sa partikular na oras na ito ay may kung anong nagtutulak sa akin na tumayo mula sa kinahihigaan at ipatupad ang matagal nang binabalak.
Dumungaw ako ng bintana, ito ang mga gabing kung saan nagtatago ang buwan sa lambong ng mga ulap na itim, maging ang mga bituin sa kaliitan ng kislap nila ay tila natatakot sumaksi sa kung anomang maitin na pangyayaring maaaring maganap. Lagslas ng mga dahon sa paligid...
Sa panaka-nakang kahol ng mga aso sa kapit-bahayan ay dahan-dahan akong bumaba mula sa aking silid. Lumalangitngit ang sahig na kahoy sa aking pagtahak, tila impit na iyak sa gitna ng kadiliman ng gabi. Humahakbang ako ng dahan-dahan, alam ko ilang minuto mula ngayon, sa labas lamang ng pinto ng aming kusina, sa entresuwelong masikip at madilim na nag uugnay sa kalye siya karaniwang dumadaan mula sa kanyang gabi-gabing pakikipag-ulayaw sa kadiliman.
Hindi ko inabala ang aking sarili na magbukas ng ilaw, sapat na ang kaunting liwanag ng buwan upang sumaksi sa ninanais kong gawin. Inapuhap ko sa ilalim lang ng hagdan ang isang bakal na tubo, malamig, matigas...tila nakikiramay at sumasang-ayon sa aking balakin. Kalawangin na ang tubo na ito subalit taglay pa din nito ang tigas at katatagan ng isang pipitsuging sandata na maaaring makamatay o makapagdulot ng di masukat na pinsala sa sino mang pag gagamitan ko nito.
Pasilip-silip sa siwang ng pinto ng kusina...nag-aantay...kinakabahan...
Damang-dama ko ang init ng aking hininga sa aking naniningkit na mata, hiningang hinuhugot mula sa dibdib na kumakabog sa kaba. Di ako sanay manakit, subalit sa pagkakataong ito ko naramdaman ang pangangailangang gawin ito. Humigpit at lumuwag ang kamay ko sa pagkakatangan ng tubo, habang sa labas naman ay nagsimula nang umambon.
“Putang-ina! Bakit ngayon pa uulan?”
Alumpihit akong nagpalinga linga sa alalahaning maunsyami ang matagal ko nang binabalak na paghihiganti. Lumapit ako sa pinto, umakto na isasakatuparan ng isang iglap lamang ang balakin habang paulit-ulit kong ineensayo sa isip ko ng pagkakasunod-sunod ng kilos ko: itutulak ang pinto ng bigla, hahakbang ng isa...
“ayun siya!” naisigaw ko sa isip ko...nagmamadaling maglakad galing sa dilim, marahil nabigla din sa pagpatak ng ulan. Lalong tumatahip ang dibdib ko sa kaba habang tinatanaw ko siya na papalapit sa direksyong aking kinalalagyan. Muling nagsumidhi ang aking ngitngit ng masilayan ko ang kanyang kaanyuan sa kaunting liwanag ng buwan, habang pinakikintab ng mga basa ng ulan ang buhok niyang sing-itim ng kanyang budhi.
Eto na...ilang hakbang na lamang at nasa tapat na siya ng pintuan...
Di ko na lubos na matandaan ang mga sunod-sunod na pangyayari...natagpuan ko na lamang ang sarili ko na taas-babang inihahataw ang kalawanging bakal na kanang kamay ko kasabay ng manaka-nakang pagkulog na lumulunod sa tunog ng nabababasag niyang bungo. Isa..dalawa...tatlo...apat na hataw...nagkalat ang utak at dugo...
Di ko man lang siya narinig na umiyak o nasaktan, o nabingi ako ng masidhi kong galit at nagpupuyos sa kabuuan?
Sabay ng pagbuhos ng malakas na ulan, bumuhos din ang aking galit... Hingal...hingal...
Mabilis na inagos ng tubig ulan ang dugo at utak sa konkretong sumisingaw sa init ng maghapong pagkababad sa araw. Amoy alimuom ang paligid habang patuloy na nagtatago ang liwanag ng buwan at unti-unting napapalitan ng tila mapupulang pusikit na liwanag mula sa kalangitan, nagbabadyang magpapatuloy ang pag-ulan sa magdamag.
Dama ko ang lamig ng ulan at ihip ng hangin sa aking balat habang tangan pa rin ang kalawanging bakal na kakampi kong nagsakatuparan ng aking minimithing kabuhungan...nangiti ako, sa isang sulok ng aking pagkatao kakaiba na ang nararamdaman ko.
Hindi maipaliwanag ngunit kakaibang hustisya...ngayo’y wala ng magnanakaw ng mga tirang pagkain sa kusina ng nanay ko...ganito pala magkakalyo ang konsensya...ganito pala ang pumatay ng isang daga.

nakakahilakbot naman!
nakakahilakbot naman ang kwento mo na kahit daga lang 'yun ay nagpataas ng balahibo ko... tamang-tama ang gamit ng mga salita sa klaymaks na inabot ng kwento sabay hataw ng "punch line" na isang daga LAMANG pala ito. ayos! ahihihi...
Dagdag pa pala ay ang malaking larawan na sa una kong akala siya ay ang mamamatay tao dito yun palay siya'y mamamatay---daga lamang! hehehe.
ayos ang naisip mo 'tol.
keep on posting.
............................................................................................................
"I wouldn't mind if you were nice to me once in a blue moon."
nag aaral pa lamang
medyo nag aaral akong maghayag unti unti ng saloobin ko gamit ang pagsusulat, sana matuto sa pamamagitan nito.
litrato yan ni charles manson isang mamamatay tao na sa tingin nya ay daga lamang ang mga taong pinatay nya...
salamat sa komento
natakot ako sa pix.. naalala
natakot ako sa pix.. naalala ko kasi iyong pelikula niya at iyong mga batang nilason niya ang isip para magpakamatay....
"hinahangin ang talulot na malaya, mula sa bulaklak na sinta hanggang sa matabang lupa.. siya ay ligaya, musa ng pagkadakila.."
maganda ang pagkakalikha ng
maganda ang pagkakalikha ng kwento... suspense na suspense ang dating nito sa akin.
Magaling..... Salamat sa pagbahagi nitong kwento mo...
Jonsdmur
yaiks takot ako
natakot naman ako sa umpisa akala ko mamatay tao hahaha ang galing mo naman talagang pinakaba mo ako daga lang pala hahaha. Pero ang galing ng kwento promise!
napakahusay ninyo po...
Napakahusay ninyong manunulat...isa po 'ako sa humanga sa kwentong ito at syempre po sa inyo.
Ilang ulit ko nang nabasa pero hindi akong nagsasawang ulit-ulitin..
Salamat po sa pag-share sa'min nito.
God bless po.
salamat love
nag-aaral pa lang ako magsulat ng may makulay na paglalahad kasi sa karanasan tamad ako magbasa. kapag sa simula pa lang ng kwento di ako na engage iniiwan ko. kritikal sa akin ang unang 2 minuto ng pagbabasa mainipin ako kapag di ako na "hook" agad bye-bye na.
kaya sana makagawa ako ng istorya na ako mismo ay di tatamaring magbasa sa sarili kong gawa.
salamat sa pagbabasa.
haist! kinabahan ako ah..
haist! kinabahan ako ah..
akala ko kung ano o sino na ang pinaghigantihan mo.. isang daga lamang pla...
comment=)
ang galing ng paglarawan sa damdamin ng pangunahing tauhan.=) ngunit nung bandang gitna parang predictable na na hindi intensyon ng tao na pumatay ng isa pang tao. pero yun siguro ay dahil nakabasa na ako ng ibang kwento na ganito rin ang tema.=)
Our deepest fear is not that we are inadequate. Our deepest fear is that we are powerful beyond measure. It is our light, not our darkness, that most frightens us.
Whew!!!
Kala ko kung anong klaseng magnanakaw ang napatay mo na nagkalat pa ang utak at dugo... weee! daga lang pala?!
Kinabahan ako dun ah! Di ko kasi nasilip ang ending maganda kasi ang panimula mo sa kwento pati paglalarawan puno ng encouragement at pananakot na nakapanghilakbot para sa mga nagbabasa, yun pala daga lang!
Whew!
Thanks rom26factolerin nadali mo ako...
"Just keep on posting to inspired every filipinowriter..."
hi Fhearl
salamat sa pagbabasa!
hehe ganitong style kasi ang pinag aaralan ko at hopefully mapag buti ko yung mga istoryang kung tutuusin ay napaka simple at halos di pinapansin pero kapag binigyan ng kakaibang treatment pwedeng umayos. nagpapatunay lang na kahit anong ganda ng isang istorya kung pangit naman ang paglalahad wala ring mangyayari. subalit kung pag iigihin lamang ang pagkukwento pwedeng makatatak sa utak ng mambabasa.
salamat muli sa pagbabasa
check out Neil Gaiman's Black Orchid on: http://www.blah-blahblogs
Hayop Siya!
Dapat dinagdagan mo pa ang mga linyang ito.
"Hayop ka! Akala mo ay matatakasan mo pa ako! Ngayon ay siguradong di ka na makagagawa ng anumang kalokohan mo!"
At sa kahuli-hulihang pagkakataon ay muli kong inundayan ng isa pang hataw ang durog-durog niyang ulo.
Haha! Naalala ko pa nung merong daga sa amin na kada gabi ay kinakagat ang aking mga paa. Pag-gising ko na lang ay puro na dugo ang paa ko. Ang hustisyang ibinigay ko sa kanya ng mahuli ko siya ay dahan-dahan kong inilublob sa tubig yung trap na ginamit ko sa kanya. Yun ang huling sinabi ko sa kanya bago ko tuluyang ilublob yung trap.
Harhar - tunay na kakaibang hustisya.
Hindi nga lang ako naging matagumpay doon sa isang gusto kong paghigantihan. At yun ay isang pusang umihi sa paborito kong shirt - di matanggal ang amoy kahit ilang araw ng babad sa sabon. Alaga kasi ng kapitbahay namin kaya wala akong nagawa- kakainis!










=)
full of suspense hehehe