Isang Maikling Kwento #10

Patrickman's picture
| |

#10: Ang mga Bagay na Hindi Nalalaman ay Hindi Makasasakit o Makapagpapasaya sa Damdamin

 

NOONG SIYA ay pitong taong gulang pa lamang ay sumulat kay Santa Claus si Pilo isang gabi bago mag-pasko. Ito ang nilalaman ng kanyang sulat:

Dear Santa,

Maligayang Pasko po! Sana po ngayong Pasko ay regaluhan niyo ako ng mga laruan at mga damit pamasko. Naging mabait naman po ako nitong nagdaang taon kaya nararapat naman po siguro na nasa listahan niyo ako. Iyon lang naman po ang hiling ko at sana’y inyong tuparin. Salamat po!

Nagmamahal,

Pilo

PS: Sana po ay magbati sina inay at itay. Hindi ko po alam kung kayang niyong tuparin ang hiling kong ito pero sana po ay magka-ayos na silang dalawa. Sana po ay buo pa ang aming pamilya sa darating na taon at sa marami pang mga taong darating. Kahit hindi na po matupad ang mga laruan at damit, basta lang po hindi magka-hiwalay ang aking mga magulang. Salamat po uli.

Inilagay ni Pilo sa sobre ang kanyang madramang liham at ipinasok naman ang sobre sa medyas na lalagyan ng mga kendi’t pera ni Santa Claus matapos ang Noche Buena. Isinabit naman ang medyas sa bintana dahil wala namang chimney ang mga bahay sa Pilipinas.

Kinaumagahan, maagang gumising si Pilo para tignan ang laman ng kanyang medyas. Hindi pa rin pumalya si Santa ngayong taon, dahil puno ng kendi at mga barya ang medyas ni Pilo. Nakita rin niya na bukas ang sulat na kapaloob din sa medyas. Astig! Nabasa ni Santa ang sulat niya! Tinignan ni Pilo ang kanyang sulat at naroon: pirma ni Santa Claus! Sa hulihan ng sulat ay naroon ang lagda ng mamang matabang nakasuot ng pula’t hila ng mga reindeer:

Granted,

Santa Claus

Nag-umapaw sa tuwa ang kalooban ni Pilo dahil tutuparin daw ni Santa ang kanyang hiling. Siguro sa susunod na Pasko na ang kanyang mga laruan at damit na pamasko. Pero tutuparin na siguro ni Santa ang hiling niya na tungkol sa kanyang pamilya. Tuwang-tuwang ipinakita ni Pilo ang pirmadong liham sa kanyang ina. Totoo pala talaga si Santa, sa isip-isip niya.

Okey, fast-forward na tayo. Five years later, umaga, araw uli ng Pasko.

Tinignan ni Pilo ang kanyang medyas. As usual, naroon pa rin ang mga kendi at mga barya. Binilang ni Pilo kung ilang kendi’t mga barya ang nakuha niya. Habang binibilang ni Pilo ang mga barya, nakakita si Pilo ng isang kakatwang barya: barya na may mga sulat-Arabo. Nag-Saudi ba si Santa? Bakit may ganoong barya si Santa at bakit ibinigay niya ito sa kanya?

At naalala ni Pilo ang isang pangyayari, isang linggo bago mag-Pasko: bumili siya ng pang-asim sa sinigang na niluluto ng kanyang inay sa tindahan ni Aling Lina. At isa sa mga baryang nasama sa sukli ay isang barya na may mga sulat-Arabo. Ang baryang kanyang natanggap mula kay santa ay ang parehong barya na napasama sa sukli. Ang baryang iyon at ang baryang galing kay Santa ay iisa!

“Inay, bakit may ganitong barya sa medyas ko?” tanong ni Pilo sa ina.

“I dunno. Baka nag-Saudi si Santa,” sagot naman ng ina niya.

“E eto rin yung baryang nakuha ko noon sa sukli galing kina Aling Lina e!”

“Baka naman nagkataon lang, ikaw naman. Masyado ka namang praning, anak.”

“Aha! Ikaw si Santa! Aha! Bistado ka na inay!”

“Ah, eh… demit! Oo ako nga ang naglagay ng mga kendi’t mga barya sa medyas mo. Watcha gonna do now, huh?”

“Ah, eh… wala lang. Salamat sa mga kendi’t mga barya!”

Iyon, parang wala lang. Matagal na namang may hinala si Pilo na hindi talaga totoong may Santa Claus. Ngyong alam niya nang hindi totoo si Santa ay siguradong wala na siyang mga kendi’t mga barya sa susunod na Pasko. Iyon lang ang pumatay!

Ngunit teka… may naalala si Pilo. Kung hindi totoong may Santa Claus e sino ang pumirma sa liham na ginawa niya dati para kay Santa? Hindi naman ganoon ang sulat ng kanyang ina. Binalikan ni Pilo ang kanyang ina.

“Inay, kung wala talagang Santa Claus e sino yung pumirma sa sulat ko dati?” tanong ni Pilo.

“Aling sulat?” patanong na sagot ng kanyang ina na may halong pagtataka.

“Naalala mo yung sulat ko dati para kay Santa, limang taon na ang nakararaan? Pinirmahan ni Santa iyon, di ba? Kung wala naman talagang Santa Claus e sino ang pumira doon? Hindi mo sulat kamay e kaya siguradong ibang tao ang pumirma doon.”

“Ah, iyon ba? Hindi nga ako ang pumirma doon. Ang iyong ama ang pumirma. Muntikan pa nga siyang maiyak nang mabasa niya ang liham mo. Dapat ay magpapaalam na siya sa atin bago matapos ang taong iyon. Ngunit naantig ang kanyang damdamin sa liham mo. Napag-isip-isip niya na marami siyang pagkukulang sa atin at kailangan nang itayo uli ang ating pamilya kaya simula ng gabing iyon nang nabasa niya ang liham mo e nagpakatino na siya. Ikaw at ang liham mo ang sumagip sa pamilya natin, anak. Salamat.”

Niyakap nang mahigpit ni Pilo ang kanyang ina. At maya-maya pa’y nagising na ang kanyang ama. Binigyan din ng isang mahigpit na yakap ni Pilo ang ama.

At ang buong pamilya ay nagsalo-salo sa almusal na spaghetti, fried chicken, salad, at kung anu-ano pang tipikal na pagkaing pang-Noche Buena. Hindi nga totoo si Santa, ngunit nagkatotoo naman ang hiling ni Pilo sa kanya. Salamat Santa, sa isip-isip ni Pilo.

 

24 December 2006

Patrick Orquia

eloisa marie hernandez's picture

asteeeg!

Galing . . . kaka-touch eh. Ayos 'yong sequence ng story. Ganda. Yebah!

Patrickman's picture

salamat!

salamat sa pagbasa!

 

basahin mo rin yung iba pang kwento para mas ok, yeah! 

 

I'd love to turn you on...

 

http://patrickman.blogdrive.com