Isang Maikling Kwento #14
#14: Mahirap Gawin ang mga Bagay na Hindi Kinalulugdan Gawin
KATATAPOS LANG ng pa-contest ng eskwelahan para sa pinagpipitaganang Ms. Alma Mater. Halos lahat ng mga magaganda at matatalinong mga dilag na nasa ika-apat na taon ng hayskul sa eskwelahan (well, ehem, meron din palang hindi gaanong kagandahan, pero matatalino naman) ay sumali sa patimpalak. Matapos mahigit-kumulang na dalawang oras ng tagisan ng kagandahan, talento, at talino, lumabas din ang resulta ng contest: nanalo si Ann-ann, isang dilag na maganda, talentado, at matalino. Panis ang mga kalaban. Pasiklaban ba naman ng malulupit na moves sa keyboards at pagkanta e. Lubos na humanga ang mga guro’t mga magulang na nanonood.
“E, ano naman?! Puro PR lang naman yang Miss Alma Mater shet na yan!” reaksyon ni Pepe nang malamang nanalo ang kaklaseng si Ann-ann sa patimpalak, “wala naman tayong mapapala diyan.”
“Ayaw mo bang maging escort sa prom ng naging Ms. Alma Mater? Balita ko e type ka ni Ann-ann e, huuuy!” banat ni Ren-ren, kabarkada ni Pepe na dati ring nag-balak na manligaw kay Ann-ann pero na-tyope.
“Shaddap! Wala akong balak na maging escort noh.”
“Sus! Sinasabi mo lang yan! Hihindi ka ba ‘pag inalok ka nga niyang maging escort niya, aber?”
“Oo, tangina, hindi naman big deal sa akin yun e.”
“Talaga lang ha.”
Kinagabihan, nag-ring ang telepono nila Pepe sa bahay. Si Ann-ann ang nasa kabilang linya.
“Hello, Pepe, si Ann-ann ‘to. Pwede ba akong humingi ng pabor sa ’yo?” bati ni Ann-ann.
“Ano yun?” sagot ni Pepe, na tila alam na ang nagbabadyang panganib.
“A, eh, kasi… haaay… pwede ba kitang maging escort para sa prom?”
“Pwede ba akong sumagot ng hindi? Iba na lang yayain mo. Si Dodong na lang ang ayain mo, siguradong papayag yun. Dead na dead sa’yo yun e.”
“Hmpf! Ayoko sa kanya. Ikaw ang gusto ko, er, I mean, ikaw ang gusto kong maging escort ko sa prom (ubo… ubo…)”
“Ayoko talaga. Tsaka siguradong magtatampo si Dodong sa ’kin pag pumayag ako. We’re friends, you know. Hindi ako mapapatawad ‘nun.”
“Sige na, pumayag ka na! Hindi ko ibaba ‘tong telepono hangga’t hindi ka pumapayag!”
“E ‘di h’wag! Sinong tinakot mo?!”
Babagsakan na sana ni Pepe ng telepono si Ann-ann pero hindi niya ugaling gawin yun. At si Ann-ann naman, hindi nga nagbaba ng telepono. Naba-bad trip na si Pepe kaya iniwan niya na lang naka-hang ang telepono, iniisip niya na magsasawa rin itong si Ann-ann at magbababa na rin ng telepono. Ngunit makalipas ng halos dalawampung minuto nang balikan ni Pepe ang linya ay naroon pa rin si Ann-ann, na tila humi-hikbi na.
“O, bakit nandyan ka pa rin?”
“Huhu… hindi ko ibababa itong telepono hangga’t hindi ka pumapayag!”
“Namputcha naman o! Hangkulet mo a!”
“Pumayag ka na kasi!”
“Ayoko!”
“Cargo de conciencia mo kapag namatay ako kahihintay dito sa telepono, sige ka!”
Whoa! Yun lang! Nagkakamatayan na po, mga kaibigan! Masamang pangitain ito!
“Hnnnggghhh… sige na nga! O ayan a! Pumayag na ‘ko! Tama na ‘tong dramahan na ‘to!” halos padabog na sagot ni Pepe.
“Salamat! Kitakits bukas! Ü” paalam ni Ann-ann… kayo na mag-imagine kung paano niya sinabi yung smiley, hehe.
Kinabukasan, tila wala sa hulog si Pepe. Ibinalita niya kay Ren-ren ang nangyaring dramahan.
“Orayt! Sabi na nga ba e! Kunwari ka pa diyan na hindi ka papayag, tapos papayag ka rin pala e!” pa-kantyaw na sagot ni Ren-ren.
“E engot ka pala! Sabi nga sa ’yong ayaw niya magbaba ng telepono e! Baka magpakamatay pa yun!” kontra ni Pepe.
“Hoshasha, sige na. At least ikaw ang escort ng pinakamagandang dilag (kuno) sa eskwelahan sa prom!”
“Heh! Buset!”
Mabilis na kumalat sa klasrum ang balita. Nagkaroon ng mga kantyawan at kung anu-anong palitan ng kuru-kuro hinggil sa darating na prom. Ilang oras matapos magsimula ang klase ay pumunta sa klasrum ang chairman ng committee na nangangasiwa ng paghahanda para sa prom. Magkakaroon ng mga praktis ang mga nanalo sa Ms. Alma Mater contest kasama, syempre, ang kanilang mga escorts.
“Shet… eto na nga ba ang sinasabi ko e… may mga praktis pang ganito, tangina…” bulong ni Pepe sa sarili.
At kahit hindi bukal sa kalooban ni Pepe ay nagpraktis naman siya. Ayus na rin, kasi excused sa klase. Pagkaraan ng isang linggong praktis ay prom na. Excited ang lahat. Maliban kay Pepe. Dalawang araw bago ang takdang araw ng prom, tumawag si Ann-ann kay Pepe at nagtanong kung may susuutin na siyang magarang damit para sa prom. Nag-offer pa nga siya kay Pepe na siya na ang bahala sa damit niya, na tinutulan naman ni Pepe. Siya na raw ang bahala sa sarili niyang damit at sinabihan niya si Ann-ann na steady lang siya.
Sa gabi ng prom ay nagkaroon ng mga kung anu-anong seremonya’t salitaan. Pagkatapos ng mga seremonya’t salitaan ay nag-martsa na papasok ng bulwagang pinag-gaganapan ng prom ang mga nanalo sa Ms. Alma Mater contest kasama ang mga escorts nila. Syempre, huling pumasok ang Ms. Alma Mater, kasama rin syempre si Pepe d’ escort boy. Habang todo ngiti sa mga utaw si Ann-ann suot ang kanyang mabangis na gown na ini-score pa ng nanay niya mula sa ‘Tate e si Pepe naman ay plastik na nakikingiti rin, suot ang isang lumang amerikana na hindi niya alam kung saang planeta na-delehensiya ng nanay niya. Syempre rin, kodakang umaatikabo ang nangyari at halos mamatay sa kilig ang ilan sa mga estudyante sa ikatlong taon. Lord, kunin niyo na ako… sa isip-isip ni Pepe.
Matapos mag-martsa papasok ng bulwagan ay nagkaroon pa ng isang malupet na dance number ang mga beauty queens (kuno) kasama pa rin ang mga escorts. Kahit naka-gown e todo sa pag-hataw ng mga dance moves ang lahat. At oo, hindi mahilig mag-sayaw si Pepe, pero naging okey naman ang pag-sayaw niya, para lamang hindi mapahiya sa maraming tao na todo pa rin ang kodakan at kiligan na parang nanonood ng telenovela.
Matapos ang lahat ng seremonya’t salitaan, martsahan at sayawan, uwian na syempre. Sobrang na-bad trip si Pepe na halos hindi na nito nagawang magpaalam kay Ann-ann. Sibat agad si mokong. Pero bago umuwi ng bahay, napansin niyang wala sa prom si Dodong. Marahil, gaya ng kinakatakot niya, ay nagtampo ito sa kanya dahil siya ang napili ni Ann-ann na maging escort. Kaya para naman masigurado na okey ang lahat ay dumaan muna sa bahay nila Dodong si Pepe. Pagdating niya doon ay nakita niya si Dodong na kasamang kumukumpuni ng dyip ng tatay niya. Binati niya si Dodong, ngunit si Dodong naman ay parang kung sinong inisnab si Pepe, na parang hindi niya ito nakita. Lalong na-bad trip si Pepe, at na-kumpirma niya na nag-tampo nga sa kanya si Dodong.
Ngunit pangit naman kung magtatapos ang kwento nang galit-galit ang mga tao. Makalipas ng ilang linggo ay parang nalimot na ang mga nangyari sa prom. Naging okey naman sina Pepe at Dodong sa isa’t isa. Nagpatuloy pa ring nanligaw si Dodong kay Ann-ann, na kasamaang palad ay nabasted. Si Ann-ann naman ay nagka-syota ng isang lalaking malapit kay Lord na nadaan siya sa malulupet na da moves, na lubos na ikinadalamhati nina Ren-ren at Dodong, dahil hindi na nila matitikman ang matamis na, ehem, pag-ibig niya. Pero bati-bati pa rin naman sila, kahit paano. At ganun ang ending ng kwento, walang kwenta pero at least makulay naman, davah?
26-28 February 2007



