Isang Maikling Kwento #17

Patrickman's picture
| |

 #17: Huwag Hayaan Lumipad ang Isip Habang May Ibang Bagay na Kailangang Pagkaabalahan

 

 

NAROON SIYA’T nakahandusay sa gitna ng kalye. Walang buhay. Wala pang nakakaalam kung sino siya. Patuloy ang buhay ng iba, ngunit ang ilan sa kanila ay unti-unti nang nagsisilapit upang maki-usyoso. Nagambala ang isang tila mapayapang hapon ng malakas na tunog ng pagdadaupa ng metal at laman.

            Siya ay hindi sikat. Walang gaanong nangyayari sa buhay niya. Sa araw-araw ay pumupunta siya sa trabaho at pagkatapos ay uuwi na. Walang oras para gumimik, maliban na lang kung araw ng sweldo at may magandang palabas na sine. Nanonood siyang mag-isa. At kapag nagutom ay kumakain siyang mag-isa. Hindi naman sa madamot siya o kuripot, ngunit para sa kanya, ito’y praktikal: hawak niya ang kanyang sariling oras at walang eepal sa mga gusto niyang gawin.

            Wala siyang gaanong kausap maliban sa mga taong engot na kailangan ng kanyang tulong, mga taong nasa malayong lugar na naghahanap ng kasagutan sa kanilang walang kwentang mga tanong na sa kung tutuusin ay maaari naman nilang mahanap ang sagot kung mag-iisip lang sila nang mabuti.

            Sanay na siya sa ganoong uri ng buhay. Sinubok niyang umibig noon. Naisip niya rin na ayos din naman siguro kung may kausap kung siya’y may agam-agam sa buhay o kasilong sa payong kung umuulan. Ngunit siya’y nabigo. At naisip niya na istorbo lang sa buhay ang mga ganoong ideya. Dagdag gastos lang, sa isip-isip niya.

            Ang oras ay mabilis ang takbo para sa kanya. Walang gaanong nangyayari’t nakababagot para sa iba. Ngunit para sa kanya ay ayos lang. Nariyan naman ang kanyang pamilya na kaagapay niya sa hirap ng buhay, ang dahilan kung bakit siya nagtityaga sa walang kwenta niyang buhay. Ang pamilyang maya-maya pa’y tatangis at masasadlak sa matinding pighati. Kaawa-awa naman sila, sa isip-isip niya.

            Patawid siya ng kalsada nang masagasaan ng isang rumaragasang auto. Isang drayber na tila natatae, na hindi siya nakitang patawid. Ang pagdadaupa ng metal at laman ay lubhang masakit. Sa isang kisapmata’y siya’y tila isang ibon na umere, ngunit hindi tulad ng isang ibon ay bumalik din sa lupa.

Makalipas ang pagkabali ng hindi mabilang na buto at pagtagas ng maraming dugo ay natapos na ang lahat. Wala nang sakit. Tapos na ang pagdurusa.

 

Ganoon sana ang nangyari, subalit…

 

“Whoa! Putanginangmaderpaker! Muntikan na ‘ko dun a, pakingshet!!!” naibulalas niya nang muntikan siyang mahagip ng isang rumaragasang auto. Aanga-anga kasi e. Kung anu-anong pinag-iiisip habang tumatawid sa kalye.

 

 

 

 

09 April 2007

Patrick Orquia

Salamat po sa lahat ng tumatangkilik sa aking mga sulatin!

 

Salamat! Salamat! Salamat! :D

 

http://patrickman.blogdrive.com