Isang Maikling Kwento #22 (Part 3)

Patrickman's picture
| |

(Pagpapatuloy) 

ILANG SANDALI NA lang at malapit nang dumilim. Ang mag-inang sina Aling Lia at Ricky ay lulan ng isang traysikel patungo sa kung saan. Dumaan ang traysikel sa may palengke na halos hindi na madaanan dahil sa dami ng taong namimili at mga tindero't tinderang halos nasa gitna na ng kalsada. Naglalaban na ang iba't ibang amoy at iba't ibang ingay at tila unti-unti nang lumilisan sa tunay na mundo ang isipan ni Ricky. Siya ay naguguluhan, pilit na iniintindi ang mga nangyari nang maintindihan niya rin ang mga magaganap, na sa mga sandaling iyon ay hindi niya pa rin alam. Ilang minuto pa'y huminto ang traysikel sa isang restawrang maraming ilaw na unti-unti nang nagsisikislapan.

"Naalala ko ang lugar na 'to a! 'Nay, pumunta na kami dito ni Tatay nung isang buwan! 'Nay..." medyo excited na sabi ni Ricky sa ina, na mabilis naman siyang pinigil.

"Alam ko, anak. Huwag kang hihiwalay sa tabi ko't hindi tayo tagarito, baka mawala ka," habilin ni Aling Lia sa anak.

"Misis, mag-aantay po ba ako dito?" tanong ni Manong Mantatraysikel, ang parehong drayber na nasakyan ng mag-ama noong isang buwang nagpunta ang mag-amang Mang Kardo at Ricky. Siya ang nagsabi kay Aling Lia ang tungkol sa restawarang maraming ilaw. Noon pa pala ay nagpapabalik-balik na si Mang Kardo sa lugar at dahil kababata niya si Aling Lia ay hindi niya napigil ang sarili nang minsang kausapin siya nito na magtapat tungkol sa kanyang nalalaman sa pagtataksil ng asawa. Kilala rin ni Manong Mantatraysikel ang babaeng pinupuntahan ni Mang Kardo sa lugar: ang parehong babae na sadya ng mag-ina.

Hindi sa harap na pintuan ng restawrang maraming ilaw na malapit nang magbukas tumuloy ang mag-ina, bagkus ay dumaan sila sa isang makipot na lagusan sa gilid nito. Sa dulo ay tumambad sa paningin ni Ricky ang sala-salawit na mga playwud at yero na nagsisilbing munting paraiso ng mga iskwater sa lugar. Sa gilid ay isang kanal na may maitim na mala-langis na likido na sa sobrang baho ay tila nakalimutan na ni Ricky ang katagang "Sure, manure". Sure, amoy manure! Mas mabaho pa! sa isip-isip ni Ricky.

Malayu-layo rin ang nilakad ng mag-ina. Maraming nilagpasan na mga barung-barong at mga matang nakatitig sa kawalan at mga anino. Matapos ng mahaba-habang lakaran ay nasa harapan na ng isang hagdan ang mag-ina tungo sa isang maliit na bahay sa taas. Sa may bintana nito ay may mga nakasabit na bagong labang mga bra't panty na makukulay at tila see-through ang disenyo. At dahil bata pa si Ricky ay hindi niya inalintana ito, at marami-raming taon pa ang lilipas bago niya matutuklasan ang kapangyarihan ng mga ito. Tumingala si Aling Lia. Hindi nagsasalita, ngunit tila may inaabangan. Ilang sandali pa ay bumukas nang bahagya ang bintana at tila naaninagan ni Ricky ang isang pares ng mga matang tila nagbigay ng senyas sa kanyang ina na maaari na silang umakyat.

Pagsapit sa may pintuan ay tumigil uli ang mag-ina, ngunit hindi kumatok o nag-"tao po". Pero hindi na nila kailangan pang maghintay nang matagal dahil bumukas ang pinto at isang tinig ang kanilang narinig:

"Tuloy kayo..."

At ganoon nga ang ginawa ng mag-ina. Pumasok sila sa loob ng bahay, sa loob ng isang napakaliit na bahay na madilim at tila pinamamahayan ng mga ispiritu. Ngunit hindi naman mabaho ang loob, bagkus ay amoy pabango pa nga ito.

"Maupo kayo. Pasensya na kayo't maliit itong bahay ko ha..." sabi ng tinig.

"Hindi na kami magpapaligoy-ligoy pa. Umpisahan na natin ang ating pag-uusap," mariing sagot ni Aling Lia. Marahan ang kanyang pagkakasabi ngunit tila isang patalim na hihiwa sa laman ng sinumang makaririnig sa dilim.

"Maupo na po kayo. Sasagutin ko ang lahat ng tanong mo, misis..."

Naupo ang mag-ina sa isang sofa na bagama't halatang luma na ay maayos pa naman ang kutyon at kumportable upuan. Ilang sandali pa ay nagliwanag na ang munting bahay, ngunit kulay dilaw at pula ang ilaw na tila nakakaantok sa paningin. Nang maliwanag na ang bahay ay nakita ni Ricky ang napakaraming nakasabit na kung anu-anong mga damit at kung ano pa man na hindi niya mawari. Ang kanyang ina ay naroon pa rin: nakaupo, hindi nagsasalita, at nag-aabang. Sa kanya.

"Ako nga pala si Lyka, kung hindi pa nasabi sa iyo ni Kardo," pagpapakilala sa kanyang sarili ng babae sa likod ng tinig.

"Hindi pa nasabi ng asawa ko, at wala akong pakialam. Sa gabing ito, walang saysay ang mga pangalan," mataray na sagot ni Aling Lia, na malumanay pa rin sa pagsasalita kahit na tila sasabog na ang dibdib sa nararamdamang sama ng loob.

"At ito naman ang anak niyo?" sabay turo ni Lyka kay Ricky, hindi alintana ang galit ni Aling Lia.

"Oo."

"Hmmm... magkahawig sila ha, in fairness! Haha!"

Hindi sumagot si Aling Lia sa kumentong yaon ni Lyka, bagkus at derechahan niyang tinanong ito:

"Gaano katagal na kayong magkakilala ng asawa ko?"

"May tatlong buwan na… o soguro’y mahigit pa, hindi ko na lubusang maalala…" walang kagatol-gatol na sagot ni Lyka.

"Saan naman kayo nagkakilala?"

"D'yan, sa pub sa labasan. D'yan ako nagtatrabaho. D'yan tumatambay ang mga taong naghahanap ng kaunting aliw. Basta may konting kwarta ka e okey na."

"Bakit ang asawa ko?"

"Anong 'bakit ang asawa ko?'?"

"Alam mo bang may asawa siya at anak?!"

"Oo, sinabi niya. Ako ang nagtanong sa kanya at hindi naman siya nagsinungaling. Hindi ako pumapatol sa mga sinungaling."

"E alam mo na pala e bakit..."

"Bakit? Huwag mo ako sisihin, misis. Tanungin mo ang asawa mo: Bakit? Tangina, misis, basta ako inaabutan ng kaunting datung at kinakarinyo e bumubukaka na ako. Pero, oo, aaminin ko: gusto ko si Kardo."

"Kung ayaw mo ay hindi siya papatol sa'yo!"

"Mabait ang asawa mo, misis. Binabati kita. At alam ko na kahit ako ang kasiping ng asawa mo minsan e sa kaloon-looban niya e ikaw pa rin ang mahal niya. At yang si Pogi, syempre."

Sandaling tumigil ang mabilis at unti-unti nang nagbabagang balitaktakan nang masama sa usapan si Ricky. Sabay napatingin si Lyka at si Aling Lia sa kanya. At si Ricky ay tila lumisan nang pasumandali at tumungo sa isang ala-alang lumipas na kung kailan lang naganap…

 

 * * *

 

PAGDATING SA BAHAY ng mag-ama ay sinalubong sila ni Aling Lia na abalang nag-aasikaso ng mga bisita habang inaasikaso rin ang mga handa sa birthday party ni Ricky. Naroon na ang mga kaibigan ni Ricky, pati ang ilang mga pinsan at mga tiyo’t tiya na parang noon pa lang niya nakita. Naroon din ang ilang ninong at ninang niya, at dahil birthday niya ay may mga regalo sa kanya.

            Haha! Birthday ko! Yeba! Minsan lang ‘to, matagal pa bago maulit muli… sa isip-isip ni Ricky.

            Hindi mayaman sina Ricky pero hindi naman todong naghihirap. Kapag may mga okasyon na gaya nito, kung maaaring maghanda ng medyo enggrade ay ginagawa ng kanyang mga magulang. Minsan lang ang mga okasyong gaya nito, at kahit minsan lang ay kailangang magsaya kahit paano.

            Marami-rami na rin ang ang mga handang pagkain. Nandyan ang pampahaba ng buhay na pansit; ang makapigil-hiningang lechon (na regalo sa kanya ng kanyang ninong na taga-Rizal na isang beses lang nakita ni Ricky; dalawang taon mula nang araw na iyon ay nabaril ito malapit sa kanila nang makipagtalo sa ilang lasing.); Pinoy klasiks na adobo, menudo, at dinuguan; at ang walang kamatayang party peyborits na spaghetti, ice cream, at hotdog na nakatusok sa stick ng barbecue na may marshmallow sa dulo na nakatusok sa isang pinya.

            Nagulat si Ricky sa dami ng bisitinag dumating. Hindi niya inaasahan na marami ang pupunta. Akala niya ay puro mga kalaro niya lang na taga Pasillo del Guapo ang naroon. Ngunit nandoon ang mga iba’t ibang mukha na noon niya lamang nakita.

            “Oy, Ricky! Haberdey!” bati sa kanya ni Glenn, sabay abot ang isang regalo, “eto, regalo ko. Wala lang ‘yan, hehe. Robot na laruan… para dun sa nasira kong laruan mo, hehe…”

            “Salamat, Glenn!” tuwang-tuwang sagot ni Ricky, sabay wasak sa balot ng regalo.

            “Pasensya ka na Ricky ha, ‘ala akong regalo e. Sa susunod na lang, hehe…” sabi ni Toto, na noon lamang nakita ni Ricky na naka-japorms.

            “Okey lang, yun. What are friends are for naman, ‘di ba? Hehe,” sagot ni Ricky, “steady lang kayo diyan ha, puntahan ko lang sina Nanay at Tatay sa loob…” sabay pasok si Ricky sa bahay.

            Ang nanay at tatay ni Ricky ay nasa kusina. Si Aling Lia ay abala pa rin sa pagtapos ng mga pagkain na handa habang si Mang Kardo naman ay nagbubukas ng bote ng alak para sa kanyang mga kumpare.

            “Nakita mo ba yung lanseta ko? Yung bigay ni Pareng Oying sa akin?” tanong ni Mang Kardo sa asawa.

            “Ha? Hindi e. Bakit mo naman sa akin hinahanap? Hindi ko nakita,” sagot ni Aling Lia.

            “Ganun ba? Baka kung saan ko lang nailagay.”

            “Baka nga.”

            “Matagal pa ba yan?”

            “Hindi naman. Matatapos na ‘to. May mga naluto nang pagkain a. Pwede ka nang maglabas, sige.”

            “Hosha, sige. Sunod ka na lang doon ha. Hinahanap ka ni Mareng Conching, matagal ka na raw hindi nakikita.”

            “Sige, susunod na ‘ko.”

            Maya-maya pa’y nagsimula na ang piging at nagsalo-salo na sa pagkain ang mga bisita. At syempre, pagtapos ng kainan ay hinipan na ni Ricky ang pitong kandilang nasa ibabaw ng kanyang cake. Napuno ng ligaya ang puso ni Ricky nang mga sandaling iyon.

           

* * *

(Itutuloy...)

Patrick Orquia

ang ikatlong bahagi ng kwento...

 

 

 

IMK #22 (Part 1 · Part 2 · Part 3 · Part 4)

 

 

 

http://patrickman.blogdrive.com

http://walruscreativeworks.blogdrive.com


Patrickman's picture

tunghayan ang huling bahagi

tunghayan ang huling bahagi dito:

 

IMK #22 Part 4

 

I'd love to turn you on...

Videoke the Radio Star