Isang Maikling Kwento #24

Patrickman's picture
| |


#24: Ang Mahabang Paglalakbay ay Nagsisimula sa mga Munting Hakbang


"GISING NA, anak!" sabi ni Aling Mercy sa kanyang anak na si Toto. Kauna-unahang araw nito sa eskwelahan, as in unang araw sa kanyang buhay bilang isang ganap nang mag-aaral na tatagal nang halos dalawampung taon. Nakapaghanada na si Aling Mercy ng mga kakailanganin ni Toto sa pagpasok: mga gamit pang-eskwela gaya ng pad paper, lapis, pantasa, pambura, at krayola, at nakalagay na ang mga ito sa bag na may design na Shaider, kasama ang isang kapote para kung sakaling umulan man. Nakapaghanda na rin siya ng almusal na pancit na may dinuguan with matching pan de sal na paborito ni Toto.

"Unghhh..." sagot ni Toto sa ina na tila hindi pa handang pumasok sa paaralan. Bago matulog kagabi ay excited itong si Toto sa pagpasok sa eskwela ngunti tila nagbago ito ng isip. "Antok pa ako, inay..."

"Bumangon ka na diyan nang mawala ang antok mo," sabi ni Aling Mercy.

"Unghhh..."

"Ayaw mo talagang bumangon?"

"Unghhh......"

"Nasaan na ba yung sinturon ko...?"

At sa wakas ay nawala na ang antok ni Toto at dumerecho agad ito sa hapag-kainan.

Matapos ang agahan ay naligo na si Toto. Sinabihan siya ng kanyang ina na mag-sabon at magkuskos nang maiigi upang poging-pogi siya pagpasok sa eskwela, na kanya namang sinunod. Ika-siyam at kalahati ng umaga ang umpisa ng klase ni Toto at ika-siyam na nang matapos siyang maligo at makapag-bihis. Maya-maya pa'y darating na si Kuya Bobby, ang tricycle driver na maghahatid kay Toto sa paaralan.

Ngunit may kulang pa. Wala pang baon si Toto. Ayaw bigyan ni Aling Mercy si Toto ng pera at sa halip ay sinabihan niya ang anak na pumunta sa tindahan ni Mang Romy na nasa bukana ng Pasillo del Guapo, ang compound na kinabibilangan ng bahay ng mag-ina, upang bumili ng kanyang ibabaon sa eskwela..

"Mang Romy, pabili nga po ng dalawang Hansel," pahangos na sabi ni Toto dahil nagmadali itong tumakbo papunta sa tindahan.

"Oy! Estudyante ka na ha! Parang kailan lang e beybi ka pa! Ambilis talagang magsilaki ng mga kabataan ngayon… naalala ko tuloy yung Ate Isay mo, sa akin din bumibili ng baon…" sagot ni Mang Romy. Masayahin at magiliw sa kanyang mga suki itong si Mang Romy, kahit medyo wala sa mukha niya.

"Hansel po. Dalawa."

"Ito o. Wan pipti isa."

"Eto po, limapiso."

"Bakit naka-shades si Aguinaldo dito?"

"Huh? Bilis po, Mang Romy! Darating na yung sundo ko! Sukli ko!"

"Hmpf! Hosha, eto na. Ingat ka sa eskwela ha!"

Hindi na nakasagot si Toto at daliang umuwi sa kanilang bahay. Pagdating sa bahay, daliang nilagay ni Toto sa kanyang bag ang biniling baon at iniabot sa kanyang ina ang sukli.

"Pakabait ka, anak. Huwag kang pasaway sa teacher mo. Kilala ko yun, dahil nagging techer din siya ng ate mo," bilin ni Aling Mercy sa anak.

"Opo, inay," sagot ni Toto.

"O, ayan ni si Kuya Bobby mo. Kapag wala pa siya mamyang uwian, hintayin mo lang siya, ha? Huwag ka nang lumayo, doon ka lang sa waiting shed. O kaya doon ka lang sa klasrum. Okey?"

"Opo, inay."

Si Bobby, ang tricycle driver na sundo ni Toto sa eskwelahan, ay isang binatang may katabaan, maitim dahil sa araw-araw na pagkakabilad sa araw, at medyo kulot na buhok. Kabarkada siya ng ng tiyuhin ni Toto na si Uncle Junior bago ito makulong sa kasong pagtutulak ng bato. Lilipas ang sampung taon at si Bobby ay mapagdidskitahan ng mga adik sa labasan ng Pasillo del Guapo at masasaksak ng pitong beses sa likod ngunit mabubuhay, ngunit mamamatay rin dahil sa atake ng hika. Ngunit sampung taon bago ang masaklap na pangyayaring iyon, siya ay isang tricycle driver at sundo ng maraming batang mag-aaral sa loob ng compound at sa iba pang kalapit na compound. Dahil isa siyang magiliw na binata at maraming mga nanay ang tiwala sa kanya. Sayang nga lang at walang naging anak si Bobby at ang kanyang kinasamang babae ng tatlong taon ay nagpunta sa Japan at hindi na bumalik, na naging dahilan kung kaya't nalulong din siya sa bawal na gamot at natigil sa pagpasada ng kanyang tricycle, na kanyang binenta nang minsang wala na siyang pang-iskor ng bato.

Saktong ika-siyam at kalahati ng umaga ay naihatid na ni Kuya Bobby sa eskwelahan si Toto at pinabilinan siya nito na hintayin siya mamayang ala-una ng hapon, ang oras ng kanyang uwian. Tila pumasok lamang sa isang tenga at lumabas sa kabila ang habilin ni Kuya Bobby, at dumeretso na siya agad sa kanayang silid-aralan.

Excited na si Toto sa kanyang unang araw bilang isang ganap nanag mag-aaral. Ngunit panandalian lamang iyon.

Laking gulat ni Toto nang pumasok siya sa silid aralan. Doon ay nakita niya ang maraming batang tulad niya na unang araw rin sa pagpasok sa eskwelahan. Naroon ang mga batang tahimik lang na nakaupo sa kanilang desk, mga batang malilikot at nakikipaglaro sa iba pang mga malilikot ding bata, mga batang tila batang-bata pa at umiinom pa ng gatas mula sa kanilang milk bottle at inaalalayan ng kani-kanilang mga yaya o nanay, at mga batang umiiyak nang todo at gusto nang umuwi.

Parang gusto kong maiyak at umuwi na, sa isip-isip ni Toto.

Nagpakatatag siya ng loob, at habang napako ang kanyang mga paa sa pintuan ay nakita siya ng kanyang magiging guro sa loob ng isang taon, at isa pang susunod na taon, si Mrs. Aragon. Si Mrs. Aragon ay may dalawampung taon nang guro sa eskwelahang iyon at marami nang bata ang nagdaan sa kanya. Siya ay mabait at maalalahaning guro, tahimik at hindi namamalo, ngunit istrikto rin paminsan-minsan kapag sobra na ang pagiging pasaway ng kanyang mga mag-aaral. Sa kanyang huling taon sa eskwelahan, limang taon ang lilipas, pagtatangkaan siyang patayin ng isang pusakal na gugustuhing kidnapin ang isa sa kanyang mag-aaral na anak ng isang GRO na tumakas sa isang sindikato ng white slavery, na dati niya ring naging mag-aaral sa elementarya, ngunit mahimala siyang makaliligtas.. Dahil doon ay nanaisin niya nang manahimik at talikdan ang prupesyong kanyang minahal at minahal siya.

"Hijo, pumasok ka na't maupo. Magsismula na tayo," pagbati ni Mrs. Aragon kay Toto.

Muntikan nang hindi makasagot si Toto. "Um... opo... saan po ako pwedeng maupo?" pabulong na sagot ni Toto.

"Dito na lang sa may harapan."

"S-sige po..."

Pagkaupo ni Toto ay sinabihan naman ni Mrs.Aragon ang mga yaya't mga magulang at iba pang miron na nasa loob ng silid-aralan na lumabas na rin upang makapagsimula na nang klase, na agad naman nilang sinunod lahat. Nagkaroon ng sandaling katahimikan sa loob ng klase. Lahat ng malilikot na bata ay nanahimik, lahat ng batang dumedede ng gatas ay tumigil at umayos ng pagkakaupo, at lahat ng mga iyaking bata at sandaling nahimasmasan.

"Mga bata, ako si Mrs. Aragon, ang inyong magiging guro sa inyong unang taon bilang mga mag-aaral," paunang pagbati ng guro sa kanyang mga mag-aaral.


Gusto ko nang umuwi... ayoko na... sa isip-isip ni Toto.


Nagpatuloy si Mrs. Aragon. "Maglabas kayo ng isang pirasong papel at lapis at krayola at magdo-drowing tayo ng inyong mga paboritong bagay o hayop o cartoon characters..."

Naglabas ng papel si Toto at ang kanyang mga kaklase. Nilabas din niya ang kanyang lapis at isang kahon ng krayola. Sa isang sulok ng klase ay may isang batang bigla na lamang umatungal at umiyak nang malakas. Ngunit tila walang pumansin sa kanya. Parang walang batang umiiyak. Bumalik ang paningin ni Toto sa harapan. At sa likuran ng klase. At sa harapan uli. Bumagsak na sa sahig ang lapis niya at tila hindi niya namalayan. Tumayo siya at tumungo papalabas ng klase. Ngunit agad siyang naharang ni Mrs. Aragon.

"Mamaya na tayo lalabas. Kapag recess na. Okey? Ano nga palang pangalan mo, hijo?" pagharang sa kanya ni Mrs. Aragon. Nunit tila walang narinig si Toto.

Kuya Bobby... gusto ko nang umuwi...

"Toto po... gusto ko na pong umuwi, ma'am..." pabulong na sagot ni Toto.

"Haha...hindi pa nga tayo halos nagsisimula e, ikaw naman. Gusto mo bang kumanta? Kanta tayo, ha? Sige na, balik ka na sa upuan mo..."

Tila hindi napansin ni Toto ang sabi ng guro. Nabaling ang mga mata niya sa may bintana, kung saan nakita niya si Kuya Bobby, na naghahatid ng iba pang mag-aaral sa ibang baytang ng elementarya. Tumakbong palabas si Toto patungo sa kanyang sundong tricycle driver. Hindi na naharang ni Mrs. Aragon si Toto.

"Kuya Bobby! Gusto ko nang umuwi! Ala-una na!" pasigaw na hinaing ni Toto sa abang tricycle driver.

"Whoa! Ha? Teka, hindi pa! Haha! Papagalitan tayo ng nanay mo kapag umuwi ka agad! Ayan na si teacher, lagot ka, hala. Balik na sa klase, mamaya pa uwian mo," nabiglang sagot ni Kuya Bobby.

Tila maiiyak si Toto. Maya-maya pa'y naroon na si Mrs. Aragon.

"Ikaw ba ang sundo ni Toto?" tanong ng guro sa tricycle driver.

"Opo, ma'am," sagot ni Bobby.

"Sige... Toto, mamayang uwian, babalik itong si..."

"Bobby po."

"...Bobby para sunduin ka, ha? O, magpaalam ka na at balik na tayo sa klasrum. Nakakahiya sa mga kaklase mo."

Hindi nakaiimik si Toto. Ngunit patuloy pa rin ang pangingilid ng mga luha niya. Marahang bumalik ng klasrum ang pasensyosang guro at ang pasaway na mag-aaral. Nagpatuloy naman sa gawaiing paghahatid sa mga iba pang mag-aaral si Kuya Bobby.

Pagdating sa loob ng silid aralan ay tila may kaguluhan na naman: nag-iingay na naman ang mga makukulit na mga bata, na nadamay na rin ang kanina'y mga tahimik lang at dumedede ng gatas, at nag-iyakan na naman ang mga iyaking bata.

Tila umiikot ang paningin ni Toto. At siya'y tumakbo na naman sa labas ng silid-aralan.

Sa labas ay wala na si Kuya Bobby. Maraming bata't matatanda sa labas ngunit wala si Kuya Bobby. Pilit na hinanap ng paningin ni Toto ang kanyang sundo. Sa kaiikot ay natalisod siya at bumagsak sa maalikabok na semento. At tuluyan nang pinawalan ni Toto ang isang matinding pag-iyak at pagbulahaw na tila wala nang bukas. Walang magawa si Mrs. Aragon. Natahimik ang buong klase at napatingin sa labas, ngunit daglian din naman silang bumalik sa kani-kanilang mga upuan nang pandilatan ni Mrs. Aragon na sobrang bihirang mangyari. Patuloy pa rin sa matinding pag-iyak si Toto at tila nilamon siya nang lupa sa kaiiyak na parang katapusan na nang mundo...

***

"Okey... bukas dapat behaved ka na, ha? Ala-una ang uwian mo. Hindi na pwedeng uuwi ka kung kailan mo gusto, magagalit ang guro mo, okey?" pangaral kay Toto ng kanyang ina.

"Opo, inay. Masyado lang po akong nanibago, siguro," sagot ni Toto, na nahihiya sa sinapit sa eskwelahan.

"Naku, ha.... unang araw mo pa lang! Napakarami pang araw ang bubunuin mo sa eskwelahan. Kung ngayon pa lang e mag-iinarte ka na e hindi ka na makakatapos niyan. Gusto mo pang maging palaboy sa labas?"

"Hindi po..."

"Di ba gusto mong maging... ano nga bang gusto mo paglaki?"

"Astronaut po..."

"O, may astronaut bang iyakin?"

Hindi nakasagot si Toto.

"Hindi na ito mauulit ha, naiintindihan mo?" pagtatapos ng sermon ni Aling Mercy.

"Opo, inay. Pramis po," naiiyak na sagot ni Toto.

Ang sumunod na araw sa eskwelahan ay naging maayos naman para kay Toto. Himalang tila wala naman siyang kantyaw na inabot sa mga kaklase. Hindi rin naman siya napagalitan ni Mrs. Aragon, kahit halos ma-high blood siya sa pagpapatigil sa pag-ngawa ng uber-pasaway na bata. Lilipas ang buong taon at hindi na naulit ang tagpong yaon, na kinailangan siyang pauwiin nang maaga at nabot ng tensyon ang buong eskwelahan.

Lilipas ang maraming taon at lalaking mabait at kapita-pitagang mamamayan ng Pilipinas si Toto.

11, 18 September 2008

Patrick Orquia

jealousy29's picture

GANDA

isa na naman magandang maikling kwento mula sa isa sa pinakamahusay na manunulat dito sa FW... (hehehehe)

sulat pa po....

 

ngat...Smile

 

Patrickman's picture

syempre, dapat maganda

syempre, dapat maganda parati. FW readers deserve only the best oha! ehehehe...

salamat! :D 

 

I'd love to turn you on...

Videoke the Radio Star

Helo Patrickman!

 

 

Nabasa ko na ito ah!  Hehe... :)

Galing, as usual.

 

 

Ruthie

Junimun norul saranghe... ^ . ^*

http://atmaramipangiba.wordpress.com

http://courtofreverie.wordpress.com

Patrickman's picture

yep, almost a year ago ko pa

yep, almost a year ago ko pa ito nasulat, at posted na ito sa facebook at multiply. i just fixed it a bit, getting ready for the compilation of IMK Vol 2 which hopefully e ma-publish sa net by the end of the month. :D 

 

I'd love to turn you on...

Videoke the Radio Star