Isang Maikling Kwento #25
#25: Ang Isip ng Isang Taong Sawi ay Sadyang Mapaglaro Minsan
SAKAY SIYA ng dyip isang gabi galing sa trabaho nang mapansin niya ang isang babaeng pasahero. Maganda ang buhok ng babae, makinis ang kanyang balat na may pagka-morena, mapupungay ang mga mata, at may katangusan ang ilong.
Sa gabing ito, siya ang aking kasintahan, sa isip-isip niya.
Inabot niya ang kanyang bayad. Inisip niyang sana'y may sinabi siya, tulad nang "tila hindi gaanong madilim ngayong gabi, noh?" o kaya'y kahit simpleng "hi" man lamang. Sana, pero hindi. Inisip niyang makikipag-kwentuhan siya sa kanya, magtatanong ng mga bagay-bagay ukol sa kanya: ang paborito niyang pagkain, sine, o palabas sa TV. Inisip niyang sasagot ito ng "mahilig ako sa kare-kare, astig yung The Dark Knight, at type 'kong manood ng mga telenovela" at mapapangiti siya at sasabihing "ako rin!" kahit hate na hate na hate niya ang mga telenovela sa TV dahil puro walang kwenta lahat at magtatawanan sila. Inisip niyang hingin ang kanyang number, at sasabihing "uy, Globe ka pala! Textmate na tayo ha!" at sasagot ito ng "sige, pero wag mo 'kong papadalhan ng green jokes ha!" at magtatawanan sila uli. Inisip niyang sana maipit sila sa trapik nang makapagpatuloy sila sa kwentuhan.
Pasulyap-sulyap pa rin siya sa babae, doon siya magaling. Hindi naman tumitingin sa kanya ang babae, at tila inaantok na at inip na inip sa byahe kasi walang tugtog sa loob ng dyip. Inisip niyang tanungin ito ng "inaantok ka na ba?" at sasagot ito ng "medyo... wala kasing sounds e" tapos aalukin niya ito na makinig sa kanyang iPod at sasagot ito ng "uy, sige! Meron ka bang "Low" ni Flo Rida?" kaso sasagot siya ng "wala e, pero meron akong "High" ng Lighthouse Family" kasi hindi siya mahilig sa mga hip-hop na kanta na puro mura at nagagandahan siya sa boses ng singer ng Lighthouse Family kahit hindi na sila "in" sa kasalukuyang panahon. Inisip niyang sasagot ito ng "okey lang, mahilig din ako sa mga ganyang kanta dati" at magtatawanan sila uli. Sakto, wala pa namang katabi ang babae, pwede sana. Pero hindi.
Tila pumipikit-pikit na ang mata ng babae, at malapit nang makatulog. Naisip niya kung ano ang itsura nito sa gabi, sa kama, katabi siya. Inisip niya na sana magkatabi silang matulog sa gabi, at syempre bago matulog, hahagkan niya ito, tapos... alam niyo na, ehem. Inisip niyang sa umaga, gigisingin siya nito ng mga halik at yakap at kukumustahin siya nang "kumusta ang tulog mo kagabi?" at sasagot naman siyang "okey naman, nag-enjoy ako sa piling mo," at sila'y magtatawanan uli. Dahil korni, kasi hindi naman talaga ganoon mag-usap ang mag-asawa lalo na sa umaga.
Hmmm... sana mag-asawa kaming dalawa, sa isip-isip niya.
Inisip niyang titira sila sa isang malupit na condo sa Libis (sana, sana) at bubuo ng isang masaganang pamilya (sana, sana) at magkakaroon sila ng dalawang cute na cute na anak na kambal na parang kina Carmina at Zoren (sana, sana) at magkakaroon sila nang maraming pera (sana, sana) at magmamahalan sila araw at gabi (sana, sana) at walang makakahadlang sa kanilang pag-iibigan magpakailanman, amen (sana, sana, amen).
Sana. Pero hindi.
"Para po, mama! Sa kanto lang," sabi ng babae sa drayber with matching katok-katok pa sa bubungan ng dyip. Habang pababa ay saglit na napatingin ito sa kanya at napangiti.
At natapos na naman ang isang pantasya. Bukas naman uli. Sana'y maganda uli ang magiging kasintahan niya bukas nang gabi.
21 September 2008
pakihatulan niyo naman po ang iba ko pang mga akda na tila dinedma na ng panahon:
Mga Tula:
Mga Maiikling Kwento:
salamat po! :D
http://patrickman.blogdrive.com
http://walruscreativeworks.blogdrive.com
Ang cute nito
hehehe... parang ako pala ito... mahilig magpantasya... (hala nakakahiya) pero ang pinagkaiba namin ako sa isang tao lang pero siya kung sino sino lang... hehehe
Galing....
sulat pa po
lahat ng tao nagpapatansya
lahat ng tao nagpapatansya paminsan-minsan, hehe. salamat sa pagbasa.
I'd love to turn you on...
ganda ng kwento
Mga Obra ni Jonsdmur
Balarila - Wastong Gamit ng Salita
galing
naaliw ako sa pantansya niya....
jons
aaminin ko paminsan minsan ginagawa ko rin yan hehehehe
uuuuy... ngayon lang
uuuuy... ngayon lang nabasa...
salamat. basahin mo rin yung iba, mas maganda pa dito. kung trip mo, i-download mo na rin yung buong collection, IMK vol2. :D
I'd love to turn you on...
(magiisip
(magiisip sandali..)
.....................
Speechless...
Ay di pala...
ANg Kulet!
Yun lang.. haha
salamat sa pagbasa! ito
salamat sa pagbasa!
ito ang isa sa mga paborito kong kwento. ganda, di ba? hehe... :D
I'd love to turn you on...
keep up the good work
ang sarap talagang pukawin ang ating imahinasyon...natuwa ako sa kwentong ito...parang ganyan din ako...maraming nabubuo sa aking kaisipan na minsan taliwas naman sa katotohanan...
malinis naman ang pagkakasulat mo kaya...keep it up...
hehe
minsan... masarap din maging loser haha.
galaw-galaw!
Sana'y nagtagpo ang mga utak natin... doon, sa may tulay na tawag ay pang-unawa.







wow, silent type ang mga
wow, silent type ang mga pips dito sa FW a...
punta na lang po kayo dito:
Isang Maikling Kwento #26
I'd love to turn you on...
Videoke the Radio Star