Isang Maikling Kwento #29
#29: Parating Pahalagahan, Pakaingatan, at Pag-ibayuhin ang Trabaho nang Maging Isang Huwarang Mamamayan
“THANK YOU FOR CALLING Vanillacom tech support, I’m Joe. How may I help you?” paunang bati ni Pepe, na Joe na ang pangalan ngayong isa na siya sa libo-libong call center agents sa bansa, sa isang caller mula sa Amerika. May ilang buwan na rin siyang call center agent at sanay na siyang masigawan, mamura, o mapagalitan ng mga taong hindi niya kilala ngunit tinutulungan pa rin niya. Mga walang utang na loob, sa isip-isip niya, pero kasama iyon sa kanyang trabaho. May kalakihan din ang sweldo niya kaya sa kabilang banda ay okey rin naman makatanggap ng mga ganoong kagaguhan paminsan-minsan.
Sagot ng tumawag kay Pepe: “Oh, I can’t connect to the internet, and, and… I can’t view my emails. Well, my son, you know, has sent me this, email before…”
“I can help you with that…” robotic na sagot ni Pepe, na tila pagalit na sumabat habang nagsasalita pa ang aleng naghihinaing sa kabilang linya. Daming drama naman nito, leche, sa isip-isip ni Pepe.
“Oh… ah… thanks… I surely hope you do…”
“Yes… what’s your DSL phone number?”
“Oh… um… let me see…”
“What’s you’re DSL number?(!)”
“I’m not sure, son… hmmm… let me take a look at my billing statement, ok? Could you hold for just, um, 2 mins?”
<MUTE>
Two minutes? Tangina… sira na naman AHT ko nito…
</MUTE>
“OK, sure ma’am…”
Habang naghihintay si Pepe nang dalawang minuto, naisip niya ang mga nagdaang buwang pamamalagi niya sa kumpanya.
***
“ASSUMPTION IS THE MOTHER OF ALL FUCK-UPS…”
Iyan ang dakilang turo kay Pepe ng isa sa mga trainers sa kumpanya noong mga unang linggo niya sa kanyang trabaho habang nasa training pa siya. Noon ay tinuruan siya ng ilang mahahalagang aral hinggil sa pakikipag-usap at pakikisimpantya sa mga tao sa telepono na nagbabayad ng malaking halaga para ipang-sweldo sa kanya. Kahit na kaya niyang makipag-talastasan sa Ingles sa mga tao ay kailangan pa rin niya itong pag-ibayuhin, dahil ika nga, the customer is always right. Mahirap magkamali. Dapat parating alisto sa mga mahahalang impormasyon na sasabihin ng customer.
“Never assume about anything, always verify all information you gather. Because if you make a mistake, it could be disastrous to our client, and we might lose that customer. And if that happens, other shit might happen, like you losing your job. So, guys, remember: always verify, verify, and never assume,” yan ang isa sa mga mahahalagang turo ng isa sa mga trainers ni Pepe noong nagsisimula pa lang siya. At ito naman ay kanyang sinunod, kaya naman may mahigit dalawang taon na rin siya sa kumpanya.
Tandang-tanda niya pa noong nagsimula na siya sa aktwal na trabaho kung saan tumatanggap na siya ng mga tawag mula sa ibang taong nasa Amerika. Tandang-tanda niya pa nang una siyang masigawan ng isang lalaking asar na asar na dahil hindi maka-connect sa internet, dahil hindi pa siya gaanong magaling magsalita ng Ingles at hindi pa niya kuha ang tamang accent. Sumasablay pa siya sa pagsasalita ng mga salitang may letrang v at f at th. Ngunit naaalala niya rin ang unang beses na nabigyan siya ng papuri ng isang caller dahil magaling siyang mag-troubleshoot. Kung sana’y puro magagandang tawag at mababait na callers ang nakukuha ko, mas magaan sana ang trabaho ko, sa isip-isip ni Pepe.
Sa tinagal-tagal niya sa call center na pinapasukan ay sanay na rin siya sa mga pabagu-bagong schedules. Kung noong una’y inaantok-antok pa siya habang queuing sa madaling araw ay ngayo’y sanay na sanay na siya, kung kaya naman kapag walang pasok ay hirap na siyang makatulog sa gabi. At hindi na rin regular ang oras ng pagtae niya at madalas ay tinatamaan siya ng constipation dahil sobrang sira na ang body clock niya. Minsa’y kailangan pa niyang uminom ng laxatives para lamang malabas ang mga dumi niya sa katawan.
Ang masama lang sa kanyang trabaho ay naging bugnutin at umikli ang pasensya ni Pepe. Minsan nga’y nadadala niya pa sa bahay ang mga stress galing opisina na napag-aawayan naman niya at ng kanyang mga kasama sa bahay. Hindi niya na rin gaanong napagkikikita ang kanyang mga kaibigan dahil na rin sa pabago-bagong schedule niya. At wala ring nagtatagal na syota, dahil kulang sa oras at tila makikitid ang utak nila at hindi nila maintindihan ang kalagayan ni Pepe.
Mahirap talagang kumita ng pera, sa isip-isip ni Pepe.
***
tunghayan ang kabuuan ng kwento sa aking bagong koleksyon ng mga maiikling kwento, Isang Maikling Kwento, Volume 2
download now for FREE here, or here.
maraming salamat po! :D
Bagong obra mula kay Patrickman: Isang Maikling Kwento, Volume 2
Iba ko pang akda na baka hindi niyo pa nabababasa:
Mga Tula:
Mga Maiikling Kwento:
salamat po! :D


