Isang Maikling Kwento #8

Patrickman's picture
| |

#8: Mahirap Kalimutan ang mga Bagay na Nagdulot ng Sobrang Pighati at Pasakit sa Damdamin

GULONG-GULO ANG isipan ni Peter dahil nalaman niyang pinatatawag siya sa tanggapan ng guidance counselor na si Bb. Cez. Gulong-gulo ang isipan ni Peter dahil hindi niya alam kung bakit siya pinapatawag. Wala siyang natatandaang nagawang kasalanan o kahit anumang paglabag sa mga alituntunin ng paaralan. Isa siyang top lister at isa sa mga big time sa paaralan pagdating sa pag-aaral. Sa buong pag-aaral niya sa paaralan e ngayon lamang siya napatawag sa tanggapan ni Bb. Cez.

Pagkatapos ng klase, dumiretso agad siya sa tanggapan ng guidance counselor para malaman kung ano ang naging kasalanan nya, kung mayroon man. May kausap pa si Bb. Cez nang dumating siya kaya naupo muna si Peter sa sofa sa labas ng tanggapan ng guidance counselor. Ilang sandali ang lumipas, at may nagdatingan pang iba niyang kamag-aral, na pinapatawag din pala ni Bb. Cez. At lahat sila ay hindi alam kung bakit.

Ang mga nagsidatingan ay sina Zandro, ang chickboy sa klase ngunit top lister ding katulad ni Peter. Ang isa pa ay si Rigor, isa ring top lister na magaling sa Science. Ang dalawang huling dumating ay sina Nardo at Rolits, ang dalawang pinakapasaway sa klase, nguinit dalawang buwan na silang nagpapakatino dahil sabi nila e sawa na sila sa pakikipag-away o anumang kademonyohang pinag-gagagawa nila dati.

Lumipas ang sampung minuto ay natapos din ang pakikipag-usap ni Bb. Cez sa naunang bisita. “Mga hijo, pumasok na kayo sa tanggapan ko,” pag-aya ni Bb. Cez. Hindi siya naka-ngiti, na hindi madalas mangyari dahil parating masayahin ito, kahit walang boypren.

Pumasok ang lima sa loob ng tanggapan ng guidance counselor. Hindi pa nakakaupo sa silya e humirit agad si Peter. “Bb. Cez, ano po bang naging kasalanan namin? Wala po akong naaalalang…”

“Silencio! Goddemmit!” pasigaw na sagot ni Bb. Cez, “Hehe, joke! Sige, maupo kayo’t sasabihin ko. Easy lang mga hijo, owtey?” Joke lang pala, pakshet.

At naupo nga ang lima. May nilabas na papeles si Bb. Cez an may mga lagda sa likod. Naglalaman ito ng mga kasalanan (daw) ng lima. Inisa-isa ni Bb. Cez ang mga ito.

“Peter,” pa-umpisa ni Bb. Cez, “ang sabi dito e binabastos mo raw ang mga guro sa loob ng klase habang nagtuturo at maging kahit sa labas ng silid-aralan. Promotor ka rin daw sa pagpapa-plano ng pagsuway sa mga utos ng guro. Zandro at Rigor, ito rin ang asunto sa inyo. Alam kong kayo ang tatlo sa pinakamagagaling sa klase at ang mga kamag-aral niyo ay tinitingala kayo. Kaya maaaring ma-impluwensyahan niyo sila. Bad yun.”

Hindi naka-imik ang tatlo. Para silang nabuhusan ng epoxy at naging parang istatwa sa kinauupuan nila.

“At kayong dalawa naman,” pagpapatuloy ni Bb. Cez, “kayo raw ay gumagawa ng kung anu-anong kabalbalan at kabastusan sa klase. Binobosohan niyo raw ang mga kaklase niyong babae at minsan pa’y hinihipuan. Bagsik niyo rin, noh? Shet!”

Nagkatinginan ang dalawa. Dahil dalawang buwan na nga silang nagpapakitino at hindi na nila ginagawa ang mga ito.

“Hindi ko po tinatanggap ang mga paratang na iyan!” sagot ni Peter, “wala po akong ginagawang mga ganyang bagay. Kilala ko rin po ang mga kasama ko dito at alam kong hindi rin nila ginagawa ang mga paratang sa kanila!”

“Ngunit may mga pirma ang mga kamag-aral niyo dito, o! Pati ang adviser niyo na si Teacher Jevs, may pirma rin!” kontra ni Bb. Cez.

“Ows? Patingin nga po ng papeles na hawak niyo? Hindi ho namin nalalaman na nagkaroon ng ganyang pirmahan sa klase!” banat naman ni Zandro.

“Bal! Yoko nga! E kung gantihan niyo yung mga nagsi-pirma dito! Mahirap na!” hirit ni Bb. Cez, sabay tago ng mga papeles.

“Hindi po makatarungan iyan! May karapatan po kaming malaman kung sinu-sino ang mga nag-aakusa sa amin!” mangiyak-ngiyak na banat naman ni Rigor.

“Tama!” pa-duet na dagdag naman nila Nardo at Rolits.

“Shaddup! Basta! Alam niyo na ang mga kasalanan niyo. At ito ang parusa sa inyo…” sagot ni Bb. Cez.

Nagitla ang lima. “Parusa? Shet! Ano kaya ang parusa na iyon!” bulong ni Peter sa sarili.

“Simple lang ang parusa sa inyong lima,” pagpapatuloy ni Bb. Cez, “magpa-public apology kayo sa klase sa Lunes sa mga katarantaduhang ginawa niyo. Yun lang, tapos bati-bati na uli, owtey? Sige, sibat na kayo’t baka hinahanap na kayo ng mga magulang niyo. Babush!”

At lumabas na nga ng tanggapan ang limang magkakamag-aral. At biglang may naalala si Peter. (Tinginingininginingining…)

Noong nakaraarang Martes ay nagtitipon-tipon ang kanyang mga babaeng kamag-aral sa ilalim ng puno ng mangga sa may quadrangle. Tinangkang umepal ni Peter sa pagtitipon pero tinabla siya agad ng presidente ng klase nila na si Jaya. Si Jaya ay isang tipo ng presidente na may pagka-diktador na mapagmataas at mahilig sa mga sikretong pagtitipon. Mahilig din siyang sumipsip sa mga guro na parang lamok. In other words, kupal si Jaya. At hindi sila matalik na magkaibigan ni Peter. Obvious naman e, davah?

“Ano ba yang pinagmimitingan niyo?” tanong ni Peter kay Jaya.

“Wala kang paki! Tsupi! Shet…” sagot ni Jaya.

At dahil wala naman talagang pakialam si Peter e lumayas nga ito at hindi na inintindi ang mga kamag-aral na nagtitipon-tipon sa ilalim ng puno ng mangga sa may quadrangle. Lingid sa kaalaman ni Peter, ang pagtitipon na iyon ay hinggil sa kasong kinahaharap nilang limang magkakaklase na pinagpa-public apology ni Bb. Cez.

“Ano? Tangina! Trinaidor na naman tayo niyang bitch na yan!” reaksyon ni Zandro na may halong panggigigil ang sabihin sa kanya ni Peter ang tungkol sa lihim na pagtitipon.

“Malamang ay yung mga babae lang ang kasama sa mga pumirma kasi dapat nasabihan tayo nung mga tsokaran natin,” dagdag na naman ni Rigor.

Nabalot ng poot si Peter. Sa buong buhay niya ay hindi niya na-imagine na mag-public apology sa klase. Ngunit sandaling kinalimutan muna ni Peter ang hinggil sa bagay na ito at umuwi na ng bahay.

Lumipas ang weekend at Lunes na. Tila nawaglit na nang tuluyan sa isipan ni Peter ang tungkol sa public apology dahil tumakbo naman ang kanyang araw sa paaralan na walang nagpapaalala sa kanya tungkol dito. Ngunit ilang minuto bago tuluyang matapos ang klase at mag-uwian na ay dumating sa silid-aralan si Bb. Cez.

“Mga bata, listen up y’all. Bago kayo mag-uwian ay may isang bagay na dapat maganap. Lima sa inyong mga kaklase ay may sasabihin sa inyong mahalagang bagay. Peter, umpisahan mo na,” bati ni Bb. Cez sa mga atat nang umuwing mga estudyante.

Putanginangmaderpakingshet… sa isip-isip ni Peter, sabay tayo at tingin sa mga kamag-aral. Nangingilid ang luha sa mga mata niya, dahil sa asar at kahihiyan na kinahaharap. Kung pwede lang niyang murahin ang lahat ng tao ay kanina pa niya ginawa. Tumayo si Peter na parang ayaw niya, pinipigil ang sarili at tila slo mo ang galaw, ngunit kailangan.

“Mga kaklase, may sasabihin ako sa inyo. Hindi ko lubusang nalalaman kung anuman ang naging mali ko sa inyo ngunit nais kung humingi ng paumanhin. Naging mabuti akong mag-aaral sa paaralang ito, sa aking palagay. Ngunit hindi ko nalalaman ang lahat ng bagay at hindi ko nakikita ang sarili ko na gaya nang pagkakakilala niyo sa akin. Kung anumang mali ang nagawa ko sa inyo ay humihingi ako ng patawad,” litanya ni Peter, na may halong inis, sabay upo at yuko sa desk dahil sa kahihiyan.

Pagkatapos ni Peter ay nagpaumanhin din sa klase ang apat pang estudyante, na may nararamdaman ding asar at kahihiyan.

Matapos ang munting palabas ay may makikitang matamis na ngiti sa mukha ni Bb. Cez habang nagpapaalam sa klase. Sabay layas patungong tanggapan niya na parang walang nangyari. May ngiti rin sa mukha ni Jaya, na tila nakakuha ng matamis na tagumpay. Tagumpay dahil tila napaluhod niya’t napahalik sa kanyang mga talampakan ang limang kaawa-awang mga kaklase. “Who’s the biatch now?!” bulong ni Jaya sarili, na parang gustong humalakhak na parang si Rose Marie Gil o Dely Atay-atayan.

At natapos na ang klase. Nag-uwian na ang lahat. Tila walang nangyari. Ngunit may gigil pa rin sa puso ng limang magkakaklase.

Nagdaan ang mga araw at mga linggo at mga buwan at nalimot na ang munting tagpong iyon. Isa na lamang limot na gunita. Kung tatanungin si Jaya sa araw na ito ay sasabihin nitong hindi niya naaalala ang tagpong iyon. O hindi siya ang may pasimuno nito, kung sakaling maalala man niya. Pero sa isipan nila Peter, Zandro, Rigor, Nardo, at Rolits, ang tagpong iyon ay hindi kalimut-limot at walang kapatawaran. Ngunit, syempre, ang buhay ay buhay at dapat pagtuunan ng pansin ang ibang mas mahahalagang mga bagay. Kaya hindi na nila napag-uusapan ang tungkol sa munting tagpong iyon. Ang munting tagpong iyon ay tila isa na lamang utot na sumama sa hangin na matagal nang nalanghap ng madla, nagdulot ng inis, ngunit nalimot na rin, gaya ng iba pang mga utot na nalanghap at nagdulot din ng inis.

20 November 2006

Patrick Orquia

Please check out download my works at:

http://walruscreativeworks.blogdrive.com

 

for my other works (poems, essays, videos, etc):

http://patrickman.blogdrive.com