Isang Maikling Kwento #9
#9: Paka-ugaliing Sumunod sa Payo't Pangaral ng mga Nakatatanda
MAAGANG PUMASOK sa paaralan si Pepe, gaya ng iba pang araw, dahil sa kanya ipinagkatiwala ni Mrs. Selva, ang kanyang guro, ang susi sa silid-aralan. Ang kanyang paaralang pinapasukan ay isa mga napakaraming pobreng paaralan sa bansa. Iilan lamang ang silid-aralan, at ang bawat isa ay pinagkakasya ang mahigit na limampung mga mag-aaral. Si Pepe, dahil nanggaling sa Maynila at lubos na mas matalino sa kanyang mga kamag-aral, ang tinuturing ni Mrs. Selva na kanyang kanang-kamay.
Pagpasok ni Pepe sa silid aralan ay naglilinis muna siya, dahil nga sa nauuna siya sa kanyang mga kamag-aral sa pagpasok. Walang istorbo, at lagi niyang ikinagagalak ang makita ang araw na sumisikat sa silangan at ang liwanag nito’y tumatagos sa mga gula-gulanit na’t inaalikabok na bintana.
Bago mag-ikatatlumpong minuto makalipas ang ala-sais ay halos lahat ng kanyang mga kamag-aral ay nagsidatingan na. Si Pepe, dahil sa kanang-kamay nga siya ni Mrs. Selva, ay siya ring nagpapabasa sa kanyang mga slightly engot na mga kamag-aral ng mga sulating bukabularyo’t mga kwentong pambata na sinulat ni Mrs. Selva sa manila paper. Slightly engot lang naman, kasi nasa grade 2 na e hindi pa marurunong magbasa nang tama. Pampublikong paaralan kasi e, salat sa pondo ng gobyerno at salat din sa mga magagaling na guro.
Medyo dumadalas-dalas na ang pag-petiks ni Mrs. Selva dahil medyo tumatanda na siya. Mahigit dalawampung taon na siyang nagtutro sa paaralan, at di mabilang nang mga kaluluwa ang naglabas-pasok sa kanyang silid aralan. Ilan sa kanila ay mga naging guro na ring tulad niya, abugado, doktor, drayber ng dyip, pokpok, o manininda ng mga piniratang DVD sa palengke.
Halos araw-araw ay ganito ang drama sa buhay-paaralan ni Pepe. Pero okey lang sa kanya iyon, dahil isang taon lang naman siya mamamalagi sa paaralang yaon. Sa susunod na taon e sa isang pampribadong paaralan na siya magpapatuloy ng pag-aaral.
Espesyal ang araw na iyon. Ngunit hindi pa nalalaman ni Pepe kung bakit at kung papaano naging espesyal.
Matapos ang pang-umagang pagpasok sa eskwela (mayroon pa sa hapon, pagkatapos magsipananghalian ang mga mag-aaral), dapat ay uuwi na si Pepe sa kanila. Ngunit nakita siya ni Mrs. Abanador, ang guro naman ng kanyang kapatid na si Sienna. Madalas ibinibida ni Mrs. Selva kay Mrs. Abanador kung gaano katalino’t kasipag si Pepe. Tinawag ni Mrs. Abanador si Pepe.
“Oist, Pepe, pumarito ka nga,” pagtawag ni Mrs. Abanador, “pakibili mo nga ako ng bopis sa may kanto’t nagugutom na ‘ko.”
Si Pepe, dahil nga mabait, e lumapit naman. “Opo,” tugon nito.
“Orayt. Sige, etong pera’t pakisabi sa tagaluto’y pakidagdagan nang sabaw. Salamat!”
Ang karindirya ay medyo may kalayuan sa paaralan, at inabot nang mahigit bente minutos si Pepe na makabalik. Tangina kasi e, may mga aso pang naka-kadena sa labas ng bahay ng isang Japayuki na madadaanan papuntang karindirya. Muntikan pang makagat si Pepe. Pagkabili ng ulam na inutos sa kanya ay dali-dali nang bumalik ng paaralan si Pepe.
“Mrs. Abandor, eto na po yung pinabili niyo. May extrang sabaw pa po iyan, gaya ng bilin niyo,” sabi ni Pepe, sabay abot sa isang order ng bopis sa guro.
“Owtey! Salamat ha. Etong bente, baon mo mamya. Rakenrol!” pasalamat ni Mrs. Abandor kay Pepe.
Sa wakas at makakauwi na rin si Pepe. Siguradong naghihintay na sa kanya ang kanyang kapatid at si Nanay Pansang, ang kanyang lola.
Bago makalabas ng gate ng paaralan ay may tumawag sa pangalan ni Pepe. Paglingon niya’y nakita niya ang tumawag. Ang kanyang lolang si Nanay Pansang! Shet! Mukhang mayayari si Pepe. Hindi kasi siya nakauwi nang maaga. Hindi siya nakapag-text sa kanyang lola dahil… dahil hindi pa uso ang celfone noon at syempre, hindi pa naiimbento ang texting. Duh.
“Tara na’t nagluto ako ng masarap na sinigang sa bahay. Siguradong gutom ka na,” malumanay na sinabi ni Nanay Pansang kay Pepe. Ayos, mukhang hindi galit ang lola ni Pepe. Lusot.
Pagdating ng bahay ay tapos nang kumain ang kapatid ni Pepe na si Sienna. Kanina pa kasi ito nakauwi at natakasan ang ubod nang pala-utos nitong gurong si Mrs. Abanador. Pumwesto na si Pepe sa mesa at ninamnam ang bawat subo ng sinigang. Sinigang na bangus ang ulam, kasi bawal ang karne sa mga lutuin, dahil bawal ito kay Tatay Enteng, ang lolo ni Pepe, dahil kaka-stroke lang nito ilang buwan na ang nakakaraan. Kaya dyeta muna sa isda.
Masarap ang sinigang at maraming na-chibog si Pepe. Nais niya munang magpahinga’t umidlip nang sandali, dahil isang oras pa naman bago magsimula ang panghapong klase. Pagpasok ni Pepe sa kanyang silid ay nagulat si Pepe. Naroon si Nanay Pansang. Tinawag nito si Pepe.
“Pepe, halika dito. Dapâ,” utos ni Nanay Pansang kay Pepe.
Nakup, na-leche na, sa isip-isip ni Pepe. Sumunod naman siya.
“Pepe, kabilin-bilinan ko sa’yong umuwi ka agad ng bahay pagkatapos ng klase. Sinuway mo ang utos kong iyon,” sumunod na sinabi ni Nanay Pansang.
“Patawad po, ‘nay. Napag-utusan lang naman po ako e. Hindi na po mauulit,” hirit ni Pepe. Unti-unti nang nangingilid ang mga luha sa mga mata niya.
Si Nanay Pansang ay kadalasang malumanay lang magsalita at halos hindi pala-kibo. Ngunit nang mga sandaling iyon, alam niyang kailangang gawin ang nararapat. Kinuha nito ang isang manipis na patpat na nakatago sa mga unan.
“Siguradong magtatanda ka na ngayon,” tugon ni Nanay Pansang, sabay hataw ng manipis na patpat sa puwitan ni Pepe nang hindi mabilang na ulit.
Pak, pak, pak! Pakshet, sa isip-isip ni Pepe. Masakit ang mapalo, syempre. Kaya naman napaiyak siya nang todo matapos ang pagpalo sa kanya ng kanyang lola. Matapos nang pagpalo ay inutusan ni Nanay Pansang na tumayo si Pepe. Niyakap niya ang kanyang apo.
“Alam mong mali ang iyong nagawa at isa lamang itong pagpapaalala sa iyo na huwag sumuway sa mga utos sa iyo. Huwag mo nang uulitin, ha?” bulong ni Nanay Pansang kay Pepe. Naluha rin siya sa ginawa. Pagkatapos ay lumabas na ito ng silid.
Naiwang naka-upo sa kama si Pepe. Umiiyak, at minumuni-muni ang mga naganap. Makalipas ng ilang minuto ay nagpalit na nang damit si Pepe, nagsuklay, naghilamos. Nagpaalam siya sa mga kasambahay at pumasok na sa paaralan.
Naging espesyal ang araw na iyon ni Pepe dahil sa pangyayaring tumatak sa kanyang isipan na hanggang sa mga araw na ito’y hindi niya nalilimutan. At siya’y lumaking isang mabuting mamamayan. Salamat kay Nanay Pansang, kung saan man siya naroroon. Salamat.
10 December 2006
nagbasa ka ngunit hindi mo na-gets...
sa aking palagay ay ok naman ang pagkakalahad ng kwento. at tama, maikli lang talaga siya kasi maikling kwento nga e, hehe...
I'd love to turn you on...




natapos ngunit kulang...
natapos ng walang bigat...parang nakulangan ako.
siguro dahil sa maikling kwento nga ito kaya naging kulang.
Hindi ko nadama ang aral kahit nabasa ko ng ilang ulit...
Siguro sana ay nadagdagan pa ng konti ang detalye kay pepe..
peace!
mananalaytay ang pulang tinta sa itim na pluma...