Kawani ng Gobyerno

noelbarcelona's picture
| | |

Giti ang pawis sa noo

sa takatak ng tiklado -

Baga'y punumpuno

ng agiw ng portofolio.

Kahit nahahapo

ay nakangiti ka nang todo

Kahit katawan ay masakit

Sa haba nang iyong trabaho.

Tainga ay nakapagkit

Sa radyo mong kakaragkarag

Sa isang sulok na malapusikit

Sa opisina mong warat-warat.

Habang tinitiis ang pagod at hirap

Pagbibintangan ka nang madla--

Isa kang mandurugas!

Sahod mong kakapurit

Paliliitin pa nang lintik

Bayad sa buwis, Philhealth at GSIS

Ngunit kahit gipit pilit na magtitiis

Nag-aaral kasi, magugutom anak na maliliit.

Dahil mahirap ang buhay

At suweldo'y karampot lamang

Doon sa seguro, ikaw'y mangungutang

Ngunit ang masaklap, anong pait nitong buhay

Sasabihin sa iyo: Ay! Hindi maari! Marami ka pang utang!

Aalis ka sa airconditioned na opisina nila sa Pasay

Lulugu-lugo, tatamlay-tamlay

Ngunit anong magagawa, sila ang kapangyarihan.

Pagbalik sa trabaho, may malaswerte pang nakaagpang -

Opisina mong minahal, lulusawin na sa isang buwan!

Anong saklap ng buhay ng empleyado ng gobyerno

Hilahod na sa hirap, kakapurit naman ang suweldo

"Rumaket" ka nang kaunti, masama kang tao

Samantalang ang mga amo, kung mang-umit hindi lamang libu-libo!

Ikaw ang nagtatrabaho, ikaw ang nagpapagod

Bakit ang mga amo ang siyang namumutok?

O dapat ikaw ang maginhawa, dahil ikaw ang pagod? 

Subalit huwag lamang sa sulok magmukmok

Tao kang may dangal, may talino, may loob -

Bakit hindi kunin ang sa iyo'y ipinagdamot -

Lumaban ka, kawani dahil ikaw ang tunay na lingkod!


spike_west's picture

Nice post

Naging kawani rin po ako ng gobyerno, at nakita ko ang hayagang pangungurakot ng mga nasa mataas na position.

Nagiging palasak na sa maraming tao na pagnasa gobyerno ka isa ka rin sa mga nangungurakot. Kaya kaming maliliit ay ganun din ang tingin.

Pero lahat ng sinabi mo sa tula ay makatotohanan, malamng isa kang empleyado rin ng gobyerno.

Parang pamilyar yung pangalan nyo, tiga bulacan po ba kayo?

Ingat

Spike