KAY NIKITA
-
Ma'nong sumikip ang ating silid
at ang dating malalayo,
pira-pirasong sulok ng daigdig,
ngayon ay maaari nang tahiin
ng iyong paang munti. Kasingkinis,
kasinlambot ng talampakang
nagsisimula pa lamang anurin
sa wala pang pangalan, wala
pang sigwang kumpas ng kapalaran
ang iyong damdamin;
ang iyong kaluluwa, umaagos
na tila purong buhangin.
Sumasabay sa hakbang mo ang pagbaybay
palayo sa akin. Walang ingat
ang pagtuklas, ni katiyakan
ang pagtunton. Mahusay
kung gayon. Dahil sa pagbagtas
sa mundo, ang mapang landas
ay blangko. Ang mga paang walang sapin
ang siyang higit nakapapansin
sa mga lingid na kurba at uka
ng maligasgas na lupa.
Ang mga aspaltong umaalimuom,
ang mga kalsadang basa,
tiyak may basbas ng talinong babaon
sa pandamang walang baon
ni manipis na tsinelas.
Ang iyong paghakbang, gaya ng paglurok
sa rurok ng walang-hanggan,
ay pagbisita sa mga eskinitang
laon nang giniba ng nagdaan
ang mga posteng palatandaan.
Sa ganitong pagpapalagay,
malalaman mong gabay
ang paglimot sa bagay-bagay
na iyo nang natutunan;
na habang ika’y gumagaygay
at natitisod
sa iba't ibang gunita at lunan,
kumbakit tila bumabalik
ka lamang nang bumabalik
sa nilisang panahon at daigdig
kahit pa alam mong susugat ito
at susugat sa iyo nang paulit-ulit.
-
Naging fellow sa UP National Writers Workshop noong 1990, kabilang sa mga paborito ni Allan ang mga awitin nina Leonard Cohen, Paul Simon, Sex Bomb Girls, at Yoyoy Villame.
ang ganda. :) na habang
ang ganda. :)
na habang ika’y gumagaygay
at natitisod
sa iba't ibang gunita at lunan,
kumbakit tila bumabalik
ka lamang nang bumabalik
sa nilisang panahon at daigdig
kahit pa alam mong susugat ito
at susugat sa iyo nang paulit-ulit.
galing. :)




-
hindi ko maikahon ang regalong ito kaya hayaan niyo na lang i-post ko muna dito.