Kumpisal ng Lalakeng Kinidnap at Ninakawan ng mga Bandido at saka Itinago ng Tatlong Gabi’t Dalawang Araw sa Lumang Impyerno (I)
WALA itong iniwan sa isang eksena ng action movie. Kaming lima ang mga tauhang sakay ng isang kakarag-karag na box-type Lancer. Iyon bang laging pinapasabog. Pagabi na noon. Takbong-di-nagmamadali ang aming oto. Nang biglang sumagitsit pabalandra ang isang puting L-300. Puno ng kontrabida. Mga batikang goons at stuntman ang porma. May naka-type-B military uniform. May naka-bonnet. Tantyado at eksakto ang mga kilos nila. Bumukas ang isinalyang pintuan ng van sa hulihan. Dala-dalawa ang orkestradong paglukso pababa. La-landing nang paluhod. Aabante sa nauna ang stuntman na kasunod. Nakatutok sa amin ang riple at machine pistol na sa pelikula ko pa rin lang napanood. Kasabay ng maaksyong tagpo ang pagsulpot ng isang lalaking mestisuhin, bansot at tabain mula sa unahan ng van. Naka-polo shirt at may sakbit na Uzi. Yun siguro ang lider ng sindikato. Ang kanyang dayalog: Baba! Dapa! Taas ang kamay!
Kahit hindi namin alam ang script napilitan kaming sumunod sa direktor nang pwersahan na kaming pinalabas sa kotse. Pinadapa sa mainit-init pang kalsada. Pana-panabay na kinapkapan, pinosasan sa likod at inapakan sa batok. Ang dayalog: Walang lilingon! Nasilip ko bago ako itinayo at biniyabit, meron pang hindi bababa sa tatlumpung armadong extra at stuntman sa likuran ng aming kotse. Aakalain mong isang perpektong tableau ang kanilang pormasyon. Pero hindi. Totoo sila. Malaki ang cast. Malaki rin siguro ang budget.
Dragging at predictable ang eksena. Di na kami binigyan ng pagkakataong mag-isip. Sa loob ng van, habang para akong kakataying baboy, mali, tipaklong -- mas mukha akong tipaklong kaysa baboy -- para akong pipitiking tipaklong. Sa van na ako nakabawi ng takot at gulat. Matipid sa linya ang scriptwriter. Paulit-ulit na "Putang ina! Walang maingay!" lamang ang memoryadong dayalog ng mga kontrabida. Nag-a-adlib lamang sila ng mga sound effect: Kalabog ng boots sa aming hita at lagapak ng rifle butt sa aming mga likod at braso. Matipid rin ang dayalog na ibinigay sa amin: mga impit na daing at pag-iyak lamang. Bawal ang magtanong dahil wala iyon sa script. Nakakamatay palang kimkimin ang maraming tanong sa isip habang naghihintay ng kamatayan.
Iyon ang una kong nilutas.
Pagpapayapa ko sa naghahabulang daga sa dibdib -- sa isang true-to-life-and-death story, pananagumpay ito nang kahandaan sa sakripisyo at kamatayan. Iyon na ang pagkakataon ko para sa isang greatest performance - ang malaon ng panata sa pakikibaka ng sambayanan - "...buhay man ang ialay..." Dramatiko.
Pero teka, sino ba ang mga dumukot sa amin? Baka naman hindi bagay sa kanila ang drama ko sa buhay. Nagkasya na muna ako sa itinakdang script. Daing at aray.
action-packed!
makapigil-hininga ang paglalahad mo sa saliw ng pampelikulang flavor. mala action film talaga. Hindi siya nagmukhang "another abduction story" sa dinami-dami ng kwentong ganito dahil na rin sa dinami-dami ng kasong nangyari.
Makatotohanan, dahil totoong nangyari sa buhay, pero epektibo yung paglalahad maging nung saloobin mo, kumbaga hindi parang documentary ang nangyari sa paglalahad kasamang nailahad din ang iniisip, takot, pakiramdam, hinuha, asessment at humor mo.
mistulang nandun ako mismo kasama mo sa selda dahilan sa epektibong pagsasalarawan, parang nasa first person view ang mambabasa na sadyang susubaybayan hanggang matapos. epektibo rin ang hindi paglalagay ng masyadong ma palabok na deskripsyon--upang magmukhang "author" ka lang at ang ikinukwento mo ay fiction.
isa lang ang aking puna para sa mga tinatamad magbasa. kinakailangan mo sigurong ayusin ang pagkakasalansan ng mga paragraph, paglalagay ng break at spacing para sa mas nakaka engganyong pagbabasa. ako kasi may pagka bias--dahilan na din sa may idea na ako sa kwento ng buhay mo isinasantabi ko na ang appearance ng pagkaka post mo dito, dun ako sa laman ng kwento naka focus. pero kung isa akong mambabasang di ka kilala, matatakot ako sa haba at pagkaka dikit-dikit ng mga paragraphs at baka di na ako magbasa.
gusto ko rin na napanghawakan mo yung paglalagay ng flavor na pampelikula at ng humor nito hanggang sa huli, akala ko sa bandang gitna ay nawala pero nandun pa rin pala. maging ang deskripsyon mo sa mga dumukot sa iyo ay objective, hindi ka nagpadala sa galit at dinikitan sila ng kung anu-anong palayaw na nararapat sa isang galit na nagkukwento. inilahad mo ito ng nararapat sa kung anong naramdaman mo nung mga oras na iyon.
salamat axel sa pagbabahagi nito, lubha akong nalubog sa kwento, bagay na nagpailanlang sa kaisipan kong alalahanin ang mga kasamang may kahalintulad na kinasapitan, dangan nga lang at di na nakakita pang muli ng liwanag.
salamat sa kwento.
sketchy. life. stories. on http://karikatuura.blogspot.com/
thanks bro!
rom, maraming maraming maraming salamat sa kumentaryo! hindi mo ako binigo (dahil sa reputasyon mong nagbibigay ng sensible-makabuluhang kritik:-)
nung una kong ipabasa iyan sa kakilalang makata-manunulat ay simple lang ang sabi nya "tumula ka na lang! masyadong surreal."
appreciated ko yung puna mo sa presentation ng kuwento. ikukunsidera ko yun. mainam talagang magpangita tayo minsan. bukas ako na matuto pa sa mga anyo at usaping teknikal ng pagsusulat (kahit ganito na ako katanda) para higit kong mapahusay ang mga akda ko.
oks lang ang pagiging
oks lang ang pagiging surreal, dinamikong approach yun sa pabagu-bagong panahon. kitang-kita ang pagiging makata mo sa mabulaklak na mga salita. sa isang banda maganda ang mga ganito, intelektwal ang dating kahit na gaano pa man kasimple ang mapili mong topic sa kwento. pero sa isang banda limitado lamang ang naabot kasi hindi lahat kaya arukin ang mga salitang "pang-makata" laging kinatitisuran ng mga mambabasa ang ganito.
darating ang panahon sa kasusulat ng kasusulat makakapa rin natin (ako man ay nag-aaral pa rin) ang tamang pormula at sariling style sa paglalahad ng mas epektibo. may kwento na tayo sa utak e in fact napakarami kung tutuusin, style na epektibo para sa lahat na lang.
sa totoo lang gusto ko yung style ni J. Luna sa story telling parang tambay lang sa kanto ang kausap mo habang nagkukwento sya, madaling ma digest pero nag iiwan ng after taste.
sulat ka pa!
PS bro, baka may time ka bukas Jan. 17 dalo ka sa writer's Jam nating mga taga FW sa Gateway Mall Cubao 2pm pag uusapan ang BOOK COMPILATION ng mga taga rito.
sketchy. life. stories. on http://karikatuura.blogspot.com/
basahin ko muna...
Bok Axel,
medyo hirap ako umintindi sa mabilisang pagbabasa eh. kaya iuwi ko muna ang kopya nito sa bahay tapos dun ko na lang basahin.
post ko na lang kong may mga komento ako.
Write for the People, Serve the People!
Kislap Alitaptap
www.kislapalitaptap.multiply.com
...
sino nga ba tunay na kalaban? kaliwa, kanan o yung nasa gitna? sa ganitong pagkakataon, kalaban mo nalang sarili mo. Lilingon ka ba? babaliktad ka ba sa mga pinaniniwalaan mo para mabuhay?
pasintabi, bok axel, pero sana ganito nalang din ginawa dun sa mga student leaders namin sa kabikulan, pero sila, parang cameo role lang ang ginawa. dinaanan lang sila, di ng camera kundi ng bala.
Laking pasalamat ko po na buhay kayo para ipamahagi ang iyong kwento. Taas kamaong papugay sayo...
Hindi po ako eksperto, pero
Hindi po ako eksperto, pero ito po ang ilang komento ko ayon sa kaalaman ko:
Pinadapa sa mainit-init pang kalsada.
Ang linyang ito ay hindi kumpleto. Siguro po maaring idugtong n'yo na lang ito sa naunang pangungusap.
Kahit hindi namin alam ang script, napilitan kaming sumunod sa direktor nang pwersahan na kaming pinalabas sa kotse at pinadapa sa mainit-init pang kalsada.
o di kaya'y idugtong sa sumunod na linya:
Pinadapa kami sa mainit-init pang kalsada, pana-panabay na kinapkapan, pinosasan sa likod at inapakan sa batok.
Bilang tulong sa mambabasa, maaari rin po ninyong ilagay sa dulo ng kuwento ang ibig sabihin ng ilang salitang di madalas ginagamit sa kolokyal na pakikipag-usap gaya ng mga salitang: biniyabit at pana-panabay. Di ko po kasi alam ang eksaktong kahulugan ng mga salitang iyan at di ko rin makita sa Tagalog Dictionary.
iyon lang po sa ngayon, maraming salamat sa unang bahagi ng inyong maikling kwento. aabangan ko po ang mga susunod na bahagi.
hi katya, here is the
hi katya,
here is the link to his complete story http://filipinowriter.com/kumpisal-ng-lalakeng-kinidnap-complete
sketchy. life. stories. on http://karikatuura.blogspot.com/
Rom, salamat sa paabot.
Bok,
salamat sa paabot, may buong dokumento na pala ito.
kopyahin ko na lang muna, basahin ko na lang pag-uwi ko. limited kasi ang time sa ere.
Tagni!
Write for the People, Serve the People!
Kislap Alitaptap
www.kislapalitaptap.multiply.com
hihintayin ko
brod, hihintayin ko talaga ang kumentaryo mo. wala nang bawian, nangako ka na e hehehe
salamat sa pagbabasa!
eksperimento
hi katya. salamat sa napakahonest na comment:-)
paumanhin kung ganun ang dating ng kwento. sinadya kong mageksperimento. sinadya kong parirala (phrases) ang anyo ng mga linya (nabihasa kasi ako sa tula). iniisip ko kasing magkakaroon ng epekto sa mambabasa ang ganuong paraan. oo, para pagurin ang mambabasa sa paraang parirala, putul-putol. bakit? dahil nakakapagod ang karanasang inilalahad ng kuwento :-)
yaan mo, ikukunsidera ko iyang comment mo.:-)
translation: biyabit - dragged. pwede ring "bitbit" - hawak sa kwelyo o manggas o anumang parte ng damit para buhatin ang tao
pana-panabay: together, sabay-sabay
tama ka rin, dapat nga ay may footnote. sakit ko ang gumamit ng lokal na diyalekto namin sa Cavite.
salamat!:-)
teka lang ha...
hanapin ko muna yung buong dokumento, tsaka basahin. paabot ko na lang ang aking pagsusuri (kung meron).
minsan kasi nagpapanggap lang akong marunong magsuri. hahaha!
Tagni!
"Write in White Heat, Edit in Cold Blood."








Panawagan sa inyong kritik, puna, kumentaryo...
Unang pagtatangka ko ito na magsulat ng maikling kuwento. Yung short story na mahaba-haba. Parang ang labo! :-)
Bukas ito sa mga komentaryo at puna ninyo. Mula sa spelling, grammar, syntax, etc... structure, plot, maski ano -- pakialaman ninyo. Gutayin kung kinakailangan para umunlad.
May mga kasunod pang bahagi ang kuwento. Ipu-post ko rin agad.
Maraming Salamat!
Axel Pinpin
www.skandalus.multiply.com