Kumpisal ng Lalakeng Kinidnap (complete)

axel pinpin's picture

Kumpisal ng Lalakeng Kinidnap at Ninakawan ng mga Bandido at saka Itinago ng Tatlong Gabi’t Dalawang Araw sa Lumang Impyerno

 

WALA itong iniwan sa isang eksena ng action movie. Kaming lima ang mga tauhang sakay ng isang kakarag-karag na box-type Lancer. Iyon bang laging pinapasabog. Pagabi na noon. Takbong hindi nagmamadali ang aming oto. Nang biglang sumagitsit pabalandra ang isang puting L-300. Puno ng kontrabida. Mga batikang goons at stuntman ang porma. May naka-type B military uniform. May naka-bonnet. Tantyado at eksakto ang mga kilos nila. Bumukas ang isinalyang pintuan ng van sa hulihan. Dala-dalawa ang orkestradong paglukso pababa. La-landing nang paluhod. Aabante sa nauna ang stuntman na kasunod. Nakatutok sa amin ang riple at machine pistol na sa pelikula ko pa rin lang napanood. Kasabay ng maaksyong tagpo ang pagsulpot ng isang lalaking mestisuhin, bansot at tabain mula sa unahan ng van. Naka-polo shirt at may sakbit na Uzi. Yun siguro ang lider ng sindikato. Ang kanyang dayalog: Baba! Dapa! Taas ang kamay!
   Kahit hindi namin alam ang script napilitan kaming sumunod sa direktor nang pwersahan na kaming pinalabas sa kotse. Pinadapa sa mainit-init pang kalsada. Pana-panabay na kinapkapan, pinosasan sa likod at inapakan sa batok. Ang dayalog: Walang lilingon! Nasilip ko bago ako itinayo at biniyabit, meron pang hindi bababa sa tatlumpung armadong extra at stuntman sa likuran ng aming kotse. Aakalain mong isang perpektong tableau ang kanilang pormasyon. Pero hindi! Totoo sila! Malaki ang cast. Malaki rin siguro ang budget.
   Dragging at predictable ang eksena. Di na kami binigyan ng pagkakataong mag-isip. Sa loob ng van, habang para akong kakataying baboy, dun na ako nakabawi ng takot at gulat. Matipid sa linya ang scriptwriter. Paulit-ulit na "Putang ina! Walang maingay!" lamang ang memoryadong dayalog ng mga kontrabida. Nag-a-adlib lamang sila ng mga sound effect: Kalabog ng boots sa aming hita at lagapak ng rifle butt sa aming mga likod at braso. Matipid rin ang dayalog na ibinigay sa amin: mga impit na daing at pag-iyak lamang. Bawal ang magtanong dahil wala iyon sa script. Nakakamatay palang kimkimin ang maraming tanong sa isip habang naghihintay ng kamatayan.
   Iyon ang una kong nilutas.
   Pagpapayapa ko sa naghahabulang daga sa dibdib, sa isang true-to-life-and-death story, pananagumpay ito nang kahandaan sa sakripisyo at kamatayan. Iyon na ang pagkakataon ko para sa isang greatest performance - ang malaon ng panata sa pakikibaka ng sambayanan - "...buhay man ang ialay..." Dramatiko!
   Pero teka, sino ba ang mga dumukot sa amin? Baka naman hindi bagay sa kanila ang drama ko sa buhay. Nagkasya na muna ako sa itinakdang script. Daing at aray.

 

MAHABA ang biyahe. Mahirap tukuyin ang itinagal. Lalupa't ninakaw na ng makapal na suson ng diyaryo at masking tape na piring ang natitirang liwanag nang hapong iyon. Lalong di ko na malaman kung saan kami dinala. Tumigil ang van. May umimik na kung bakit di pa raw tinodas ang mga NPA na yan. Kaya pala, sa loob-loob ko. Tahimik, pero nakakabingi kapag nagpaparoo't parito ang tila naghahabulang yabag ng mga combat shoes. Sa puntong iyon, tantya ko ay nakaupo kaming lima nang pabilog. Mga buntong-hininga at iyak ang dumuduweto sa combat shoes. Sumabat sa tila nabulunang gabi ang isa sa mga kasama ko. Lipas na nga naman ang panahon ng silent movie. Nagsimula siyang magpalagutok ng tunog-martsa sa sahig habang humihimig ng popular na Sumulong ka Anakpawis. Sumabay ako. Naki-kanta na rin ang isa. Tatlo na kaming umaawit sa pagtatangkang gawing musical ang pelikulang nasalihan namin.. Sa una'y mahina. Daig pa ng huni ng kuliglig ang boses namin. Unti-unting nagkalakas-loob ang awitin. Palakas nang palakas. Malakas na malakas. Kahit ratratin kami noon ng putok ay di na namin maririnig.
   Natigil lamang ang pagkanta namin nang isalang kami sa isang group interrogation. Maiksi lamang ang tanungan. Pangalan, tirahan at trabaho. Hinigpitan ang piring ko at posas at isinakay na naman kami sa van.

 

BYAHE ulit. Mas matagal. Mas malayo rin siguro. Yun ay kung hindi kami iniikot-ikot lamang. Pero mukhang malayo nga. Humihiwa sa piring ko ang mga pamilyar na ilaw at tunog sa lansangan. Idinuduyan din ang puwit kong di-komportable sa pagkakaupo sa mga kakilalang lubak at aho't lusong ng kalsada. Paluwas kami ng Maynila, pagtitiyak ko sa sarili. Siguro'y para iligaw ang mga maghahanp sa amin.
   "Aruykupu! Dyusku, dyusku! Wag n'yo pung tapakan ang sugat ku"
   "O may tama pa ng bala yung isa rito." Kumander siguro ‘to. San ka napalaban?"
   "Hindi pu, ser. Natarian pu aku ng manok. Kristo pu aku sa sabungan"
   Napailing ako. Gusto kong sang-ayunan at ipagtanggol yung kasama ko. Inaasahan ko na ang ganitong plot. Inihanda ko na ang sarili ko sa mas marami pang kababalaghan at kathang-isip. Huminto na ang sasakyan. Pero hindi pa humihinto sa pag-iyak ang "Kumander". Maaring gawa ng sugat. Maari ring dala ng katatakutang napasukan n'ya.
   Parang gusto ko nang takasan ng katinuan habang biyabit ako sa magkabilang braso. Ganun pala ang pakiramdam nang nakapiring at nakaposas at kumikilos ka nang laban sa kagustuhan mo. Nangyari na sa akin ang ganito kapag nalalasing ako noon at di makalakad. Ayus lang ‘yun dahil walang pagtutol ang katawan ko. Pero iba iyong kalagayan ko sa pagkakataong ito. Para bagang inaagaw na ang lahat sa akin tuwing madadapa at mabubunggo ako. At iyo'y habang mulat na mulat ang wisyo. Halos marinig ko ang agos ng pawis ko sa noo. Ramdam kong nanunuot ang hangin ng tag-araw sa nag-aalburutong presyon ng dugo ko. Kung kaya ko lamang sanang i-execute ang mga tamang galaw at self-defense sa ganoong pagkakataon. Binigyan ko na sana nang magkabilang pamatay na bira iyong mga nasa tabi ko. Sabay sirko para mailagay ang mga kamay ko sa harapan. Agawin ang kanilang baril. Putukan sila. Magtatakbo habang nakikipagbarilan at sa wakas ay makatakas papuntang kaligtasan. Pero ang kaya ko lang noon ay umaray tuwing madadapa. Pinalakad ako nang payuko sa isang makitid na pasilyo. Iyon na yata ang lagusan sa pagitan ng katinuan at kabaliwan.
   Kung hindi pa sa nakakatulig na lagapak ng padlock hindi ko pa siguro maaapuhap ang katotohanang sadyang umiiral ang mga pangyayari noong oras na ‘yon. Ako'y bihag. At kailangan kong panatilihin ang aking wisyo. Bago ako ipinasok sa pakiwari ko ay selda, may kumapa-kapa sa baywang at kamay ko. Itinaas ang damit ko at ibinuka ang mga palad ko. Sinagot na rin ng kumapkap sa akin ang pagtataka ko sa tagpong yun, "Walang kalyo, a. Walang marka ng maiksi."

HATINGGABI na siguro. Inilabas ako ng selda at may gusto raw kumausap sa akin. Sabihin ko lang daw ang totoo para di ako mahirapan. Hindi pa sinabing para i-interrogate at torture-in. Ninerbyos ako. Agad akong binabahan ng banta ng cariño brutal. Naalala ko ang kuwento ng mga kasamang dumaan sa ganoong karanasan. Kuryente. Water cure. Bunut-kuko. Plastik sa ulo. Biting-patiwarik. Subo ng granada. A, kinaya't nalampasan nga nila ang mga yan. Ako rin! Napalunok ako't nahirinan sa sariling laway. Parang sinusukaan ang sikmura ko. Alam kong may umaagos na pawis, siguro ay luha rin papunta sa pisngi ko. Hanggang sa malasahan ko ang alat nito. Ramdam ko rin ang mga daliri kong di mapalagay kung uunat o kukuyom. Mas pinili kong ikuyom ito. Hinihigop na ng sasapnan ko ang aking bayag.
   Konsuwelo ko ulit sa sarili -- mas urong ang bayag ng mga mag-i-interrogate sa akin. Wala kahit isa sa kanila ang may lakas ng loob na magpakita o magpakilala sa akin. Hindi nila ako inalisan ng piring. Pinanatili ko ang kahandaan sa sakripisyo at kamatayan. Paliwanag ko sa sarili ay pakakatandaan ko dapat na ang takot ay nasa isip lamang. Salamat, Coritha. It's all in the mind. It's all in the mind. Ulit ko sa isip. Nalalampasan ang takot kapag alam mo ang materyal na kondisyon na naghatid sa iyo sa isang sitwasyon. Kapag ang kondisyon na iyon ay alam mong makabuluhan at lubos mong pinaninindigan, nagiging kathang-isip lamang ang takot. Malalaman paglaon kung kaya kong tandaan ang retorika kong iyon sa pagitan ng suntok at tadyak. Nanalig na muna ako sa pinaka-ready available kong pang-depensa - sense of humor. Tiniyak kong abot-kamay ko lamang lagi ito. E ano ba kung lahat na sa akin ay nanginginig sa nerbyos. Mamatay man ako sa oras na iyon - nakangiti pa rin. Hanggang dulo, ipagkakait ko sa kanila ang kaligayahan. At akin pa rin ang huling malutong na halakhak.
   Ganito humigit-kumulang ang eksena sa interogasyon. Open air. Tantya ko ay nasa porch lamang kami ng isang building dahil pagkalabas ko ng isang pintuan ay iniupo na agad ako sa isang silyang plastik May puno ng niyog dahil rinig ko ang pagaspas ng palaspas nito. Pakinig ko rin ang landing at take-off ng mga eroplano sa di-kalayuan. Sementado ang lapag. May lamesa sa harap ko. Sa kabila nito ang interogador. Sa kaliwa't kanan ko ay may tig-dalawa o tatlo pang tao. May mga baril syempre dahil ramdam ko ang ang lamig ng dulo ng bakal sa tagiliran ko. Minsan ay sa batok. Minsan ay sa sentido. Malagkit ang masking tape at masangsang ang amoy ng tinta ng diyaryong nakapulupot sa mukha kong naglalatiti na sa pawis. Masangsang rin ang amoy ng alak na galing sa bibig ng interogador. Napaka-sensitibo ng pandama ko noong oras na iyon. Maliban sa bulag ako sa anumang kulay. Parang isang napakalapad na black cartolina ang tagpo. Kahit ang pagbomba ng aking puso sa mapulang dugo ay bigong maghatid ng anumang kulay. Itim lamang talaga.
   Walang pinag-iba sa isang job interview ang interogasyon. Para kang pinagfill-out ng bio-data at iniisa-isa sa iyo ang mga impormasyong nakasulat. Pagkakakilanlang personal muna. Pati anak sa labas ng tatay mo, kung meron, ay itatanong. Kulang na lang ay uriratin kung saan ka naliligo at anong pwesto mo kapag natutulog. Sunod ay ang mga karanasan sa trabaho. Mga pinaglingkuran o sinalihang organisasyon. Ang giit nila rito'y "O, sa revolutionary background mo naman tayo". Ang hassle sa interview na ito ay wala kang correct answer. Pag hindi nila kursunada ang sagot mo, mabilis ang reaksyong nagsisinungaling daw ako o kaya'y mas maagap ang kumbinasyon ng suntok-kutos-tadyak at pagdalirot ng dulo ng baril kung saan yun nakatutok. Parang ganito.
   "Gaano ka na katagal sa bundok?"
   "Matagal-tagal na rin, ho."
   "Anong ginagawa mo run? Nagte-treyning? Di ba mahirap ang mag-akyat-manaog sa bundok?"
   "Hindi ho. Marami hong jeep. May aircon bus rin hong paakyat sa Tagaytay."
   "Niloloko mo ba ako?!"
   "Hindi ho. Bundok ho talaga ang Tagaytay. 500 to 700 meters above sea level ho yun."
   Diin ng dulo ng baril sa batok. Kutos. Eto pa.
   "Kelan ka narekrut sa Partido?"
   "Sa Partido Anakpawis ho, e 2003. Pero, dati rin ho akong member ng Bayan Muna Partylist."
   "Gago! Sa Partido Komunista!"
   Sikwat ng dulo ng baril sa tagiliran. Tadyak. Muntik na akong mahulog sa silya. Di naglaon may dumating na bagong boses. Mas umaalingasaw ang amoy-alak. Talagang nanghihiram lang ng tapang at lakas-loob sa bote! O sa marka-demonyo. Ika n'ya ay kung di pa raw ba tapos. Sabi na nga raw ba niya't sya dapat ang magha-handle sa akin. Ganito naman ang daloy ng interogasyon.
   Sa AOR n'yo, san nanggagaling ang revolutionary tax n'yo? Sa mga Meyor, di ba? Pati sa Kongresman, ano? Binubuwisan nyo pati ang mga pari at madre, di ba? Saan ka ba umiikot? Nakikita ka namin sa mga simbahan."
   Ang sasabihin ko sana'y tanong nya'y sagot nya. Pero pag-imik ko'y, "Hindi ho yun revolutionary tax. Solicitation at donation lang ho."
   "Magkano ang nakukuha nyo?"
   "Pang-arkila lang ho ng jeep sa rally. Minsa'y pamasahe at pangsigarilyo lang ho."
   Siguro'y lumingon ang interogador sa katabi niya saka sinabing ang ilagay daw ay sampung libo kada Mayor kada buwan. Tapos tinanong ako kung sino raw ang mga Mayor at politiko sa probinsya. E, di inilitanya ko ang lahat ng Mayor sa dalawampu't tatlong bayan sa probinsya namin.
   "Lahat sila, binubuwisan nyo?"
   "Hindi ho, kanyo'y sinong mga Meyor sa amin."
   Dinibdiban ako.
   "Sa mga madre, sino-sino? Maraming kumbento sa Tagaytay, a."
   "Si Sr. Mary ho. Sr. Veronica. Sr. Bridgette..." Lahat ng alam kong ngalan ng santa, inisa-isa ko.
   "Anong kongregeysyon ng mga yun?"
   "Ahmmm... Sisters of Mercy, ho. Tsaka Lords of the New Church. Jesus and the Mary Chain pa, ho..." Malas ko lang kapag paborito rin nilang gothic at new wave band ang mga sinabi ko. Hindi ko na itinulak na sabihin pa ang Parokya ni Edgar. Bukod sa hindi ko sila kursunada ay halatang-halata rin na nagkakalokohan na.
   "May nakuha kaming laptap sa kotse nyo. Sa'yo ba yun? Puro subersib payl ang laman nun, ano?"
   "Hindi ho subersibo si Dan Brown."
   "E yung plas drayb at empitri pleyer? Ilegal ang laman nun, ano?
   "Legal ho si Mick Jagger at Jamiroquai. Pati si John Lennon. Pwede nyo naman hong pakinggan."
   "Tarantado!" Kutos. "Niloloko na kayo ng tserman n'yo..." Dalirot ng baril sa batok. "...habang nagpapasarap sa ibang bansa..." Tadyak sa hita. "...nakakapamilosopo ka pa!" Tadyak ulit. "Nagpapakahirap kayo sa bundok ang lider n'yo buhay-hari!"
   Kahit nakangiwi sabi ko ay, "Hindi ho. Wala ho sa abroad ang chairman namin. Andun ho sa Cavite. Malamang, e, namimitas ng kape. Ibibigay ko ang address kung gusto n'yong puntahan."
   Parang lulusot ang dulo ng baril sa batok ko.
   "Anong mga pag-aaral ang natapos mo?"
   "B.S. Agriculture ho, ako. Major in Horticulture."
   "Sa kilusan! Ang putang inang ito!"
   Tuluyan na akong nahulog sa silya. Pero hindi ako umaaray. Kahit daing. Ngiwi lang. Siguro kahit mabuhay noong oras na iyon si Amorsolo, hindi kakayaning ipinta ang mukha ko. Mahaba pa ang itinagal ng interogasyon. Pinili ko na muna ang pinakamatipid na sagot, iling at tango. At ang pinakaligtas na tugon, oho at hindi ko ho alam. Sa tuwing tataas ang boses ng interogador para na rin syang nag-go signal na barilin ako. Pero kapag pinagkakasahan na ako ng baril at iduduldol ang dulo nito sa ulo ko ay para na akong namatay. Paulit-ulit na lamang ang mga tanong. Paikot-ikot na rin lamang ang ulo ko sa kaiiling at katatango. Hindi ko alam kung pinagtatawanan na nila ako, pero ang tiyak ay nabubwisit na sila sa akin. Lalo na siguro nung mapikon ako at nasabi kong. "Kayo na ho ang maglagay diyan ng gusto ninyong sagot ko para magkatapos na ho tayo." Hanggang sa mapunta ang usapan sa kung ano pa raw ang pinagkakaabalahan ko bukod sa pag-e-NPA. Ika ko sa di mabilang na pagkakataon ay hindi ako NPA. Aktibista ako. Non-combatant. Sa kawalan na rin ng masasabi, ewan ba kung bakit naungkat ko rin na writer ako. Ano raw klaseng writer. Kako'y nagsusulat ako ng tula. Tulaan ko raw sila. Patay na. Wala akong kabisadong tula. Maski na raw ano basta't tumula raw ako. E di pagbigyan. Kahit on-the-spot. Mamamatay na rin lang, di ko pa ba susulitin. Sa dulo ng tula:
     "Ay, kamatayan! O, kamatayang anong tamis!
     Ihimlay mo ako sa piling ng mga gahis,
     Sa ritmo at awit ng putok ng mga baril
     At sa ngalit ng ganti ng tugmaan kong matatabil!"

   Tumighim ako at nagsabing tapos na ang aking tula. Tumahimik saglit. Ang interogador ang umimik.
   "Hep! Walang papalakpak! Okey, a. Magaling! Pero titiyakin ko sa iyong iyan na ang huling tula mo."
   Mamamatay na nga ako. Pagtitiyak ko sa isip ko.

 

HINDI ko alam kung anong oras natapos ang interogasyon noong unang gabi. Pagkahatid sa akin pabalik sa selda itinulog ko na agad ang pagod at gutom. Kalam ng sikmura ang gumising sa akin. Bumoses ang isang lalaki sa kabila ng rehas at nagtanong-alok kung gusto ko raw kumain. Malamang ay iyon ang gwardya ko. Tumango lang ako. Parang inaapuhap ko pa noon ang boses ko. Pinaluhod ako. Naubliga ang bantay na subuan ako dahil nakaposas at nakapiring pa rin ako. Binateng itlog at sardinas ang ulam sa sinangag. Hindi na mainit. Siguro'y napahaba ang tulog ko. Kumain ako ng sakto lamang para mawala ang gutom. Mahirap mabusog sa pangamba ng dinurog na bubog na paborito raw isahog sa kanin.
   Papalit-palit ang bantay. Pare-pareho naman ang litanya at itinatanong nila. Kesyo umamin na raw ako dahil umamin na ang mga kasamahan ko. Itsinu-tsu na raw ako nung tomboy na kasama ko. Napagkamalan nilang babae yung isa sa amin. Kesyo makipagtulungan lang daw ako kung gusto ko pang mabuhay. Nadala na ako noong nagdaang gabi kaya pinipili ko na lang ang sasagutin at isasagot ko. Noong tanungin ako kung handa na raw ba akong mamatay gusto ko nang sabihin na kagabi pa at ibalik ang tanong sa kanila kung handa na rin ba sila. Pero tirang-pikon yun. Kung mahal ko raw ba ang pamilya ko. Bilang na raw ang maliligayang oras ko. Simulan ko na raw magdasal at alalahanin ang magagandang nangyari sa buhay. Sa loob-loob ko'y gasgas na gasgas naman ang tirada ng mga ito. Kung magkakapalit lang sana kami ng sitwasyon, sila ang papatayin ko sa sindak. Ang problema'y malabong mangyari yun. Ang problema ko rin sa gusto nila'y wala ako sa mood magnostalgia trip dahil mas pinangangambahan ko noon ang mga naiwan kong gawain sa baryo ng magsasaka. Kung mababasa nila ang isip ko maiintindihan nilang mas inaalala ko noon ang mga magsasakang nademolish ang kabahayan sa isang area namin. Dalawang buwan na silang nasa kalsada. Nagtitiyagang sumilong sa patse-patseng kubol. Kailangan nilang ituloy ang laban para sa lupang mabubungkal at matitirhan. Pinuproblema ko rin ang mga magtatanim ng kape sa amin. Tapos na ang anihan pero bagsak pa rin ang presyo ng kape. Lintik na WTO! Hayup na Nestle! May panayam kami dapat sa Department of Agriculture para ihapag ang kahilingang presyo ng mga magkakape. Isa pang ipinag-aalala ko ay unang araw na noon ng Lakbayan ng magsasaka para lumuwas ng Maynila at makiisa sa kilos-protesta sa Pandaigdigang Araw ng Manggagawa. Nasa akin ang pambayad sa arkila ng jeep. Pati ang budget sa tatlong araw na pagkain. Mali pala. Nasa mga dumukot na nga pala sa amin ang pera.
   Siyempre, sumasagi rin sa isip ko ang aking pamilya. Tyak na mag-aantay sa akin ang tatay ko. Usapan nami'y uuwi ako pagkatapos ng May 1 rally para mag-Scrabble kami at tuturuan ko syang mag-Text Twist. Purnada ang bakasyon nya sa kinagigiliwan nyang ‘Pinas. Pakunswelo ko na lang noon sa sarili, naihanda ko na silang matagal sa posibilidad ng ganoong sitwasyon kaya mas mauunawaan na nila ako. Isa pa'y sadyang epektibo ang alaala ng mga magsasakang pinili kong paglaanan ng buong-panahong paglilingkod. Nagbibigay katwiran at kabuluhan iyon sa mga nagaganap sa akin.
   Parang napakahaba ng umaga. Hindi ko na magawang mapikon dahil nauunahan ako ng nerbyos kapag pinagkakasahan na nila ako ng baril at iduduldol pa ang dulo nito sa katawan ko. Pag napapaigtad ako, tatawanan pa't sasabihing para kinakalabit lamang naman daw ako. Baka raw di na ako humihinga. Minsan namang namalat na ako sa kahihiyaw dahil gusto kong humingi ng tubig, inakala kong walang gwardya dahil walang sumasagot. Tapos yun pala'y halos magkadikit lang ang mukha namin sa rehas. Kung bakit raw ako sigaw nang sigaw e magkaharap lang naman daw kami. Kapag nananawa ang bantay sa pang-uurat sa akin, nagpapamilyarisa ako sa selda. Tantya ko'y may tatlo o apat na selda ang hiwa-hiwalay na pinaglagyan sa amin. Nasa dulo ako mula sa aming pinasukan.
   Rehas at pintong bakal ang buong harapan. Siguro'y nasa bente singko metro kwadrado ang sukat ng selda. Tayado ko yun dahil tanda ko pa ang pace factor ko. Maluwag para sa isang tao. May kapirasong banyo na baldosa ang panabi at ang inidoro ay lapat sa sahig. May timbang plastik pero walang tubig. May kutson na nakalatag kaya parang pinalitadahan ito ng alikabok. Puno ng poster at pin-up ng mga babae ang pinturadong dingding. Si Rica Peralejo lamang ang nakilala ko sa ilalim ng aking piring.
   Parang pinakuluan ang hininga ng pader na lalong nagpapaalinsangan sa tuyong hangin. Kahit galbok wari ko'y hindi lumilipat ng pwesto. Nagpasalamat siguro ito sa bulabog na dala ko.
   Nagsasalitan ang mga naging pamilyar na tunog ng parang elisi na ikot ng isang dambuhalang bentilador mula sa kabilang dulo ns dinadaig panaka-naka ng lapag-lipad ng eroplano, kagalkal ng riles ng tsumu-tsug-tsug na tren at putol-putol na prakkk-bang ng baril. Firing range lang yun, paliwanag ko sa nagdadambahang daga sa aking dibdib.
Di naglaon sa pamamagitan nang mala-gagambang pagdangkal at pagkapa ko sa pader at paglalakad nang pasagadsad sa maruming sahig ay kabisado ko na ang seldang mas bagay na tawaging lumang impyerno.
   Ang tanghaliang bahaw at igadong pansit na malutong kung nguyain ay alangang tawaging tanghalian. Rantso raw ang tawag dun sabi ng bantay. Baka pagkaing para sa alaga sa rantso. Pagkakain, nakapa ko ang napirait na kaha ng Fortune sa bulsa ko. Bwenas! Para akong tumama sa huweteng nang payagan akong manigarilyo. May natitira pa pala sa akin matapos nilang kulimbatin ang pitaka ko. May sentimental value pa man din yun. Kinursunada na rin nila ang aking relos. Wala na akong manghuhula ng ulan at temperatura. Paalam G-shock. Paalam rinWayfarer. Iniabot ko sa bantay ang isang stick at ipinagsindi niya ako. Napatunayan kong kaya ko palang isubo't alisin ang sigarilyo kahit nakaposas ako sa likod. Talent! Pag-aralan ko na rin dapat maglaho. Nakaramdam ako ng artipisyal na kapanatagan sa bawat hitit at buga. Parang nakahiram ako ng tapang sa usok. Naglakas-loob akong magroll call. Inisa-isa kong tawagin ang ngalan ng apat ko pang kasama. Dalawa lang ang bumoses. Wala ang driver at song leader. Tatlo lang kami. Baka patay na yung dalawa. Hindi naman siguro. Ini-interrogate lang yun. Sana.
   Nakatulog akong parang iginapos na patpating aso, hindi tipaklong, sa kutson. Nagising na lang ako nang ilabas ako ulit para sa isa pang interogasyon.

 

"PARE, ako si Badong." Marahang boses na halos dumikit sa mukha ko ang kanyang hininga. "Safe ka sa akin. Kaibigan ako. May kailangan ka ba?"
   "Tubig," ika ko. "At saka kahit anong panapin sa likod. Basang-basa ako ng pawis." Idinagdag ko pang hinihika na ako dahil napakalamig ng aircon. Iba ang style ng interogador ko sa pagkakataong yun. Diplomatiko at malumanay sya. Narinig ko ring pinalabas nya ang lahat ng tao sa kwarto. Kaming dalawa na lang daw ang nandun. Pero wala naman akong narinig na bumukas na pinto para maglabasan ang mga tao. Ginagago ako. Gumayak akong makipaggaguhan.
   Mabilis lang ang personal interview. Kaagad dumako si Badong sa work experience. Eto na naman kami. Kung wala raw ba talaga akong dalang baril. Kako'y wala nga. Ang mga kasamahan ko raw kung may dalang baril. Kako'y sigurado akong wala rin. Baka raw pwede kong i-decode ang mga laman ng notebook ko. Kako'y what you see is what you get. Hindi kako coded, lalong hindi encrypted ang mga nakasulat doon. Sinabi ko ring hindi kailangang i-encrypt ang minutes ng pulong ng isang lehitimong samahan ng magsasaka. May mga inungkat siyang pangalan ng tao na lahat ay may "Ka" o "Kumander" sa unahan. Inilingan ko lahat at inabing hindi ko kilala. Sa pagitan ng tanungan ay may sumingit na boses ng babae. Kung sa akin daw ba ang passport na hawak nya. Ika ko ay may picture dun, kung ako ang nandun, malamang ay akin. Narinig ko siyang sumingasing nang impit.
   Sa buong pag-uusap ay nanatiling soft spoken si Badong. Pakiwari ko pa nga'y minomodulate ang boses. Ugali rin niyang tanungin ako kung ayos lang daw ba ang pakiramdam ko. Mahilig rin siyang tumapik at pumisil sa hita. Minsa'y para ngang kabarkadang nahimas pa sa balikat. Palagay ko'y hindi lumalayo sa dalawang dangkal ang pagitan ng mukha namin. Nikotina ang matingkad na amoy ng bibig nya. Hindi ako mahilig sa pabango, pero piho kong musk cologne ang suot nya. Amoy matanda. Intelektwal ang kausap ko. Hindi sangganong katulad ng mga magbabarik kagabi. Epektibo si Badong kapag bigla niyang isinisingit ang "Let's cooperate" at "Pare, you can get over this, trust me akong bahala sa iyo." Kaya lang ay gusto ko siyang i-head butt pag sinasabi nyang "You can work with us, pare. Sayang ka."
   Natantya kong dino-double check lamang niya ang mga naitanong na rin nung nagdaang gabi. Interesado raw sya sa laptop ko. Pag-usapan daw namin ang laman nun sa susunod. Hindi rin daw sya magtatagal samantalang may tatlong oras na yata kaming magkausap. Kung may problema raw ako sa mga bantay ko banggitin ko lang daw ang pangalan nya. Gusto ko sanang humirit na kung may kailangan ba akong isubong bato bago isigaw ang ngalan nya. Pero wala na akong ganang magpatawa dahil hinihika na ako.

 

PAGBALIK ko sa lumang impyerno tuluyan na akong ipinaghele ng hika. Marahas ang pamamaraan ng sakit ko. Sa isang banda'y naging dahilan ito para tantanan ako ng mga bantay. Palagay ko'y pati hapunan ay pinalampas ko. Kinabukasan na ako nagising.
   Pagong ang ikalawang araw sa lumang impyerno. Hindi nagmamadali. Samantalang ako'y paspas sa pakikipag-unahan sa bawat higit ng aking balikat at paglalaway sa kaligtasan. Pero ang bawat hakbang ng sandali ay isang paulit-ulit at walang katapusan lamang na palitan ng gwardya, interogasyon, pang-uuyam, kasa ng baril, dalirot ng baril, putok ng baril (sa firing range?), take-off at landing ng eroplano, tsug-tsug ng tren, daing-aray-iyak ng mga binubugbog, lagapak ng padlock sa pintong bakal kapag may inilalabas-masok... Mga hiyaw na "Guard! Iinom!" "Guard! Pasindi!" "Guard! Tatae!" "Ser, wala akong kasalanan! Magsasabong lang ako! Maawa kayo, maliliit pa ang mga anak ko!" Na matipid namang sinasagot ng "Putang ina! Wag kayong maingay!" O kaya'y katahimikan. Hanggang manawa kami sa kasisigaw.
   Ikinagulat kong may kasama na ako nung umagang yun sa loob ng selda. Dumadaing siya't habol ang singhot. Tinawag nya ako't nagpakilala siya. Lalo akong nagtaka dahil ang alam ko'y lima lamang kami. Hindi namin kasama ito nung dukutin kami. Paliwanag nya'y una pa raw syang dinampot sa amin. Nung umaga raw noong hapon na dukutin kaming lima ay hawak na raw sya ng mga humarang sa amin. Nandun din daw sya sa van. Nakagapos at bugbog-sarado. Pinilit raw syang umamin na sya'y NPA. Sya rin daw ang gagawing testigo laban sa amin. Mahirap daw tumanggi o mangatwiran habang sinusuputan sya ng plastik sa ulo at pinapalo. Kung hindi raw sya sasang-ayon ay hindi sya titigilan nang pagpapahirap. Kinilabutan ako nang maamoy ko ang lansa ng sariwang dugo mula sa kanya. Nasilip ko sa ilalim ng piring ang mapulang karne ng sugat nya sa binti at braso. Dumurugong daliri na nabebendahan sa hinalalatong kuko. Hindi ko itinanong kung paano nya nakuha yun. Ayaw kong alamin. Bago pinutol nang pagdating ng rantso ang bulungan namin nasabi pa nyang pasensya na raw. Kung hindi raw siya makikipagtulungan ay mamamatay kaming lahat. A, kung bakit nga ba sadyang kayhirap tanggapin ang kamatayan para sa iba.
   Noong umaga ring yun, nag-roll call ulit ako. Kumpleto na kami. Maige naman. Dahil mga bagong kain at nakapanigarilyo pa, nagawa naming maglakas-loob na mag-usap kahit hiyawan mula sa kanya-kanyang selda. Kumustahan ang kalagayan. Kumparahan ng karanasan. Matataas pa ang aming diwa. Maya-maya'y bumirada na naman ang aming song leader, "Ok boys, all together now!" Kahit kay haba ng lalakbayin, daang tag-araw man ang humagupit... Saglit na naging parang entablado ng mga progresibo at rebolusyonaryong awitin ang lumang impyerno. Pang-finale ang Sulong Bayan! Tayo'y magwawagi... na tuwing darating sa koro ay umaalingaw sa buong selda ang Sumulong ka Bayan! Tayo ngayo'y lalaban! Pauyam na pumapalakpak, sumisipol at nagmamartsa ang mga bantay sa aming konsyerto. Pero hindi namin yun pinansin. Desidido kaming pangibabawin ang tatag ng paninindigan sa pamamagitan ng mga awiting nakalaaan sa diwang di-mapapasuko.
   Gusto pa sana naming bumirit ng encore kaya lang ay nilamon na ang boses namin ng musikang di-mawawaan na sinadya ng mga bantay na patugtugin ng ubod-lakas mula yata sa isang karaoke. Kasabay rin nito ay inilabas sa selda yung nakasama ko. Nagmamakaawa sya. Lagabog sa dibdib ang ibinigay sa kanya. Papalayo na ang kanyang iyak habang papalakas naman ang tunog ng maingay na musika. Maghapon nilang hinayaang ngumawa nang ngumawa ang elektronikong halimaw.

 

INILABAS na naman ako para i-interrogate. Malamang ay makatanghali noon. Tirik ang araw at ramdam ko ang init sa balat nang ilabas ako ng building. Sa airconditioned room na naman kami. Mortal kong kaaway ang pekeng lamig lalo na't galing ako sa impyerno. Habol ko ang hinga habang nakasalang sa panel interview. Tatlong magkakaibang boses ang nagpapalitan nang pagtatanong sa akin. Ang topic: laptop at rali ng manggagawa kinabukasan.
   Hindi raw makakarating si Badong sabi nung isa sa akin. Pero kung may kailangan daw ako o kaya'y may importanteng sasabihin ay sa kanila ko lang banggitin at sila na ang bahala. Kako ay wala akong kailangan at wala rin akong importanteng sasabihin. Tulungan ko na lang daw sila kasi ay di nila mabuksan ang laptop ko. Kailangan raw nila nung password. Muntik na akong matawa. Paano'y sa hinaba na ng usap namin ang tantya ko sa tono ng pagsasalita at diin ng pagtatanong nila ay mga computer literate at technician kundi man wizard itong mga kaharap ko. Ginagago ako ng mga ito. Syempre ay di na nila kailangan pa ng password para mabuksan ang isang iha-hack na computer. E di i-bypass ang password kung meron talaga. Kaya nga iha-hack. Mga tamad. O nagtatanga-tangahan. Sila na lang.
   Sa kapipilit, kakukulit at kauulit nila para ibigay ko ang password kung bakit ba ang naisagot ko'y hindi ko na matandaan. Hindi umubra ang joke ko. Hindi sila natawa. Pero mahaba ang pasensya ng mga ito sa akin. Matyaga pa rin silang nagtanong nang bakit ko naman daw agad malilimutan. Baka rin daw kaya kong alalahanin. Masusubukan yata ang pagiging pikon ko sa mga ito. Maagap ang sagot ko na kasi ho ninenerbyos ako. Kako ay sila man ang nasa katayuan ko tiyak papalya rin ang memorya nila. Pati nga kako sense of time at direction ay wala ako. Para patibayin ang depensa ko, ika ko'y pangalan nga ng nanay ko noong unang itanong sa akin ay nakalimutan ko rin. "Pailang araw na ho ba kaming nawawala?", urirat ko pa. Unang mapikon ay talo. Marami naman talaga akong nakalimutan noon. Katunayan, sa loob-loob ko'y pinipinli ko na munang kalimutan ang mahahalagang detalye sa buhay ko mula pa nung dukutin kami. Wala akong plaong mag-iwan ng souvenir sa mga taong di ko kakilala. Kahit sunugin ako, desidido na akong hinding-hindi mangangamoy ng kahit na anong impormasyon ang binarbekyu kong buto. Isinemento ko na sa dibdib ko ang parang lapidang may nakaukit na kung mapapahamak ako sa oras na iyon ay ako na lang. Wala ng iba.
   Biglang may nag-ring na telepono. Si Badong daw ang tumatawag at kinukumusta ako. Ulul. Kaharap daw noon ni Badong ang laptop ko. Ano raw bang encryption software ang ginagamit ko. Ulul talaga. Noong una'y hindi mabuksan ang laptop dahil walang password. Tapos magtatanong nang tungkol sa laman ng laptop. Pinili ko na ulit mag-ulyanin saka ko sila hinamon na kung gusto nila ay iharap nila ako sa computer ko at bakasakaling maalala ko ang gusto nilang malaman. Buti at hindi nila ako pinayagan kundi'y dalawa kami ng laptop kong tiyak na magka-crash down.
   Binago na nila ang paksa.
   Saan ba raw ang tagpuan ng May 1 rally. Ilan raw ang inaasahang dadalo, saan ika ang main program. Ano raw mga organisasyon ang pupunta. Sinagot ko na ring lahat ng tanong nila tutal ay malamang na narinig at nabasa na rin nila sa mga anunsyo sa TV, radyo at dyaryo ang tungkol sa rally. E sino naman ika ang mga guest speaker. Inilitanya ko na rin ang mga pangalan ng national leader ng mga pangmasang samahan. Ikinagulat ko sa bandang huli ng tanungan ang bago nilang script. Nagpaala-ala yun na nasa isang pelikula nga pala ako. At controversial ang plano nilang story line. Kung papunta raw pala kami sa rally malamang ay isa ako sa magko-command. Kadre raw kasi ako, singit nung isa. Sino pa raw ang iba? Sabi ko'y hindi ko alam dahil dinukot na nila ako at wala naman ako sa rally. Kung didiretso raw ba ang rally sa Mendiola. Ika ko'y oo. Paano naman raw ang plano kapag bobombahin na namin ang Mendiola. Hindi ko napigilang matawa nang mahina. Bakit naman kako namin pasasabugan ang sarili naming rally. E yung Magdalo soldiers naman daw paano ang coordination sa amin at kailan e-entrada. Paano raw namin gagawin ang kudeta. At sino raw ang kontak namin sa mga rebeldeng sundalo. Lalo na akong napatawa. Pero pigil pa rin. Wala nang kwenta ang mga tanong nila. Nabuo sa isip ko na ang tyempo nang pagkakadukot sa amin ay para iprisinta kaming tropeyo ng sindikatong may hawak sa amin. Para sa kanilang latest accomplishment. Destabilization plot ng NPA at Rebeldeng sundalo, nabuking. Bakyang-bakya. Desperado. Luma at gasgas na tugtugin. Lalangawin ito sa takilya. Basta't wag lang kami ang lalangawin. Lalong tumidi ang kagustuhan kong mabuhay.

 

PINILI ko munang hikain. Napilitan silang ibalik ako sa selda. Isang full-pack na hapunan ng sardinas na nilunod sa sabaw ang nilanguyan ko rin. Lagpas sa kaya kong kainin. Baka kako huling hapunan ko na yun o kaya ay kung kelan na naman masundan. Isinaksak ko sa kukote ko na mahirap manatiling buhay kapag gutom. At inalis ko na muna sa isip ko ang dinurog na bubog. Di pa ako halos nakakadighal nang madalian akong inilabas ng selda. Halos kaladkarin ako. Mahigpit at walang ingat ang pagkakabiyabit nila sa akin. Umaangat ang paa ko. Sa hangin na ako humahakbang. Kulang na lang ay kargahin ako. Wala ring kwentuhan habang naglalakad. Baka kabilugan ng buwan at nagladlad na ng anyo ang mga dyablo sa lumang impyerno. "Bilis, bilis!" at "dali, dali!" lamang ang naririnig ko. Paglampas ko sa dambuhalang bentilador, ang buga ng hangin nito'y parang apoy na inihilamos sa akin. Impyerno nga. Mataas ang tensyon. Nasa makipot na lagusan na kami. Payuko akong naglalakad. Itinutulak ako sa puwit ng nasa likuran at hinihila naman ako sa unahan ng Putang ina! Bilis! Double time!
   Tuwing mabubunggo ako, nagpapaalala ito nang mga pinong-kirot nang kawalang pag-asa. Katulad noong teen-ager pa ako at nakita ko yung nililigawan ko na may ka-holding hand. Ganun na lang ang pagpuputok-ng-butsi. Katulad rin noong harangin ng tatatlumpu't walong magsasaka ang mahigit sa apat na raang armadong pulis at demolition team. Agrabyadong-agrabyado sila. Ganun na lang ang dagok sa dibdib. Tuwing mauuntog ako, nagpa-flashback ang mga dagan-dagang pasakit na naranasan ko. Gaya noong sulutin sa akin ang syota ko ng lalakeng nakabingwit rin sa una kong niligawan. Ganun na lang ang kagustuhang bumawi. Gaya rin noong walang nagawa ang mga magsasaka kundi panoorin ang paggiba at pagwasak sa kanilang tahanan at taniman dahil may mga nakatutok sa kanilang baril. Ganun na lang ang kagustuhang manlaban at gumanti. Tuwing madadapa ako, nangungutya ang tukso ng tuluyang pagsuko. Pero mas makapangyarihan ang hamon ng muling pagbangon. Parang noong sa wakas manligaw akong ulit pagkatapos mabasted ng dalawang beses. Sa swerte ay nadale ko rin yung Miss Photogenic sa kolehiyo namin na kapatid ng lalakeng laging nakakauna sa akin. Ganun na lang ang kalansing ng kampana sa tenga ko. Para ring noong magpasya ang mga magsasakang huwag iwan ang nademolis nilang kabahayan at sakahan. Noong araw ding iyon ay nagtayo sila ng kubol na tirahan sa kalsada kasabay nang muling pagtatayo ng kanilang paninindigan. Kinamadaling-arawan, ilang kabataang kalalakihan ang pumuslit sa baryo at nakipagtagpo sa ilan ding kalalakihang yapak. Ganun na lang ang alab ng kanilang daupang-palad at taginting ng lagitikan ng bakal sa bakal.
   Sa labas ng building naulinigan kong naroon din ang apat ko pang kasamahan. Madalian kaming isinakay sa palagay ko'y van dahil sa ayos nang aming pagkakaupo. May pupuntahan daw kami. Bukod sa di pa rin inaalis na piring at pagkakaposas sa likod, iginapos pa ng masking tape ang mga binti namin. Mahigpit. "Goodbye, cruel world", pakinig ko sa song leader. Pero binanggit nya yun nang walang bahid-takot. Pakiwari ko'y usal nya iyon ng kahandaan at katapangan. Hindi iyon himig ng kawalang pag-asa. Walang tono ng pagsuko at pagkabigo. Narinig ko habang nasa byahe kami, sumisipol siya ng Internationale.
   "Malapit na tayo," mula sa unahan ng sasakyan. I-double check raw ang piring, posas at gapos. Payukuin raw kami. Matinis ang pingkian ng mahahabang baril at yerong bubong ng van.
   Salvage. Pagtitiyak ko sa sarili. Bukas, nasa mga tampok na balita kami. Pag medyo binubwenas - Mendiola Bombing Plot, Foiled. Pag talagang inaalat - 5 NPA, Patay sa Engkwentro.
   Di na yata matatapos ang gabi. Sadyang nakakamatay maghintay ng kamatayan. Inaasahan ko na ang:
   Bang! Prakkk!
   Tsak! Tsag!
   Blag! Blag!
   O kumbinasyon ng mga ito.

 

HINDI kami pinatulog noong nakaraang gabi. Tuluyan na akong inatake ng hika sa lamig ng aircon sa pinagdalhan sa amin. Wala rin naman talagang dahilang matulog habang nakapiring at nakagapos ang mga kamay at binti. Pakunswelo ko na lang ulit, siguro nama'y magdi-The End na ang pelikula. Interesado pa rin ako sa ending. Kailangan bantayan ang mga huling hininga.
   Madaling araw. Paputok na siguro ang umaga. Paputok na rin ang pantog ko. Mga hinayupak, talaga kahit mangubeta ay hindi kami pinayagan. Sa loob-loob ko, kung namatay ako noon tiyak na sabog ang ihi ko. Hindi malayong pati tae. Ganun naman talaga. Pero itinigil ko agad ang ganoong pag-iisip. Mahirap hulaan noon ang mangyayari dahil dinaig na ako ng antok. Sana wag na akong gisingin pag binaril ako. Yun ang huling laman ng diwa ko bago ako naidlip.
   Hindi putok o saksak o hambalos, hindi rin basang pundiyo ang gumising sa akin. Sorpresa ang anunsyo, iluluwas raw kami ng Maynila. Pinalitan kami ng damit. Wow. Sa wakas. Kulay matingkad na kahel. "O, o. Anong problema n'yang kwintas ko? Bakit sinikwat nyo? Galing pang Kuwait yan!" palag ng ng driver habang binibihisan sya. Mga snatcher. Mga kawatan itong kumidnap sa amin. Nasilip ko sa ilalim ng piring ang tatak sa dibdib ng t-shirt: PRO-CALABARZON DETAINEE. Umakyat ang bwisit sa ulo ko. Hindi dahil sa di ko paboritong kulay ang orange. Hindi rin dahil preso na ako ngayon. Kundi dahil Anti-Calabarzon Project nga kami. Tutol nga kami sa huwad na kaunlaran na dala ng proyektong Calabarzon. Iyan ngang pakanang iyan ng gobyerno ang dahilan nang pagpapalayas sa mga magsasaka. Ano ba? Tapos kakaratulahan kaming PRO-CALABARZON. Bwisit!
   Sa isang banda'y may hatid ring pag-asa ang eksenang iyon. Bubuhayin kami at hindi mapapasama sa mahabang statistics ng pinaslang at nawala. Sa libingan ng mga buhay ang diretso namin malamang.
   Ganap na ika-siyam at kalahati nang umaga. Habang nasa byahe ay inalisan kami ng piring. Una kong nakita ang mga sindikatong goons at stuntman na noo'y nagpapakilala ng mga pulis. "Hindi kami ang humuli sa inyo, ha." Namumutla sila. Taranta ang mga mukha. Sa hula ko'y sila naman noon ang gustong magpiring. Nilingos ko ang mga kasamahan ko. Umiiyak pa rin si "Kumander". May umaagos na dugo sa kanang balikat niya. Ang alam ko, sa paa siya natarian. Ang driver namin noong dukutin kami ay nakayuko. Tadtad ng maliliit na pulang pantal ang magkabila niyang braso. Ano kaya yun, pinerdible? Ang song leader ay mumula-mulaga sa liwanag. Dahil siguro sa epekto ng piring. Baka dahil rin sa wala ang salamin niya sa mata. Napansin ko ang malaking benda sa kanang binti niya. Inginuso ko. "Sinunog. Pinaso." ungot niya sa akin. Aalamin ko pa sana kung flamethrower ang ginamit. Gusto ko pa sanang uriratin kung ninakaw na rin ba ang relos nya. Nireserba ko na muna. Titig na titig si Tomboy sa mga uniporme ng kaharap namin. Palipat-lipat ang tingin sa mukha at nameplate ng mga goons. Pulis nga pala. Nakita ko sa gawing kanan ang SM Megamall. Papunta raw kami ng Camp Crame para sa isang press conference. Ipo-promote na ang pelikula. Panibagong aksyon. Pero di na ito sine. Isang bagong tunay-na-buhay-at-kamatayang pakikibaka.
   Pag-U-turn namin sa Santolan, inurirat ko sa pulis yung nakatatak sa kamiseta namin. Ika niya'y Police Regional Office-Calabarzon Region 4. Kaya PRO CALABARZON. A,okey. Ang huhusay n'yong kontrabida. Talagang nakakagalit Nakapagngingitngit.

-tapos-


AttachmentSize
kumpisal ng isang lalakeng dinukot.doc84.5 KB
kislapalitaptap's picture

eto na ang nagpapanggap na pagsusuri...

v\:* {behavior:url(#default#VML);} o\:* {behavior:url(#default#VML);} w\:* {behavior:url(#default#VML);} .shape {behavior:url(#default#VML);} Normal 0 false false false MicrosoftInternetExplorer4 st1\:*{behavior:url(#ieooui) } /* Style Definitions */ table.MsoNormalTable {mso-style-name:"Table Normal"; mso-tstyle-rowband-size:0; mso-tstyle-colband-size:0; mso-style-noshow:yes; mso-style-parent:""; mso-padding-alt:0in 5.4pt 0in 5.4pt; mso-para-margin:0in; mso-para-margin-bottom:.0001pt; mso-pagination:widow-orphan; font-size:10.0pt; font-family:"Times New Roman"; mso-fareast-font-family:"Times New Roman"; mso-ansi-language:#0400; mso-fareast-language:#0400; mso-bidi-language:#0400;} Kumpisal ng Lalakeng Kinidnap (complete)

 

window.google_render_ad(); Kumpisal ng Lalakeng Kinidnap at Ninakawan ng mga Bandido at saka Itinago ng Tatlong Gabi’t Dalawang Araw sa Lumang Impyerno

Nakakatuwa magbasa ng isang likha na hango mismo sa direktang karanasan ng isang manunulat, dahil hindi nito maikukubli ang katotohanang ang likhang ito ay humihinga…may buhay. Ngunit ang likhang “ window.google_render_ad(); Kumpisal ng Lalakeng Kinidnap at Ninakawan ng mga Bandido at saka Itinago ng Tatlong Gabi’t Dalawang Araw sa Lumang Impyerno” na isinulat ni Kasamang Axel Pinpin ay hindi lang isang likha na may buhay, kundi isang likha na hindi kailanman mamamatay. Sa paggamit ng may-akda ng ibat-ibang pamamaraan ng eksposisyon sa likhang ito, at pagdagdag pa ng rekadong “sense of humor”, masasabi kong isa pa rin itong simpleng kwento na may mabigat na pampulitikang nilalaman. Matapang ang pagkakabuo ng likha. Walang pagaalinlangang, ibinahagi ng may akda ang tunay na mukha ng mga kontrabida sa kwento. Ang may-akda ay gumanap din bilang isang bida, at higit sa lahat bilang isang kontrabida, na walang pagdududa na kanyang buong husay na nagampanan. Sabagay, hindi na kailangan pang lumugar ni Axel sa lugar ng isang kontrabida, dahil nga ang kwentong ito ay halaw mismo sa kanyang direktang karanasan at nakita niya mismo kung paano umakto bilang isang kontrabida ang mga tunay na kontrabida. Isang malaking hamon sa mga manunulat na sumusubok na ilapat sa papel ang kanilang mga karanasan ay kung paano ito bibigyan ng buhay, oras na ito ay sinimulan niyang isulat. At bilang isang nagsisimulang magsulat ng maikling kwento, nalampasan ni Axel ang hamong ito, tulad na lang kung paano niya nilampasan ang pagkakakulong niya sa lumang impyerno. Malaking salik din sa pagiging mahusay ng kwento ay ang paggamit ni Axel ng paraang flash back at “sense of humor”. Sa ganitong mga kaparaanan ay nagawa niyang ilayo upang hindi mainip at mapagod ang mga mambabasa ng kanyang kwento. Nakita ko ring malaking salik na nakatulong sa kabuuan ng kwento ay ang linyang pampolitika na tinataglay ni Axel…ang linyang masa. Natutunan ko rin sa likhang ito, na upang ang isang manunulat ay makapagsulat ng isang likha sa ilalim ng buhay at kamatayan, nararapat lamang na siya ay handa ng humarap sa kanyang kamatayan.

Ka Axel, may ilan nga pala akong nakitang mga kahinaan sa iyong kwento. Ito ay nasa baba at nakasulat sa malalaking titik. Hindi pa ako sanay na magsuri ng mga likha, kaya kahit wag mo na rin ikonsidera ang aking mga pagsusuri. Sumusubok lang ako, upang kahit paano ay matuto. Ngapala, napanood ko pa noon sa TV nang iprisenta nila kayo sa media. Bagay mo naman ang kulay orange na t-shirt. Hahaha!

Kung may balak ka nga palang gawin itong pelikula, kunin mo ako. Pwede akong gumanap bilang interogador mo. Hahaha!

Kislap Alitaptap

17 Enero 2009

 

 

WALA itong iniwan sa isang eksena ng action movie. Kaming lima ang mga tauhang sakay ng isang kakarag-karag na box-type Lancer. Iyon bang laging pinapasabog. Pagabi na noon. Takbong hindi nagmamadali ang aming oto. Nang biglang sumagitsit pabalandra ang isang puting L-300. Puno ng kontrabida. Mga batikang goons at stuntman ang porma. May naka-type B military uniform. May naka-bonnet. Tantyado at eksakto ang mga kilos nila. Bumukas ang isinalyang pintuan ng van sa hulihan. Dala-dalawa ang orkestradong paglukso pababa. La-landing nang paluhod. Aabante sa nauna ang stuntman na kasunod. Nakatutok sa amin ang riple at machine pistol na sa pelikula ko pa rin lang napanood. Kasabay ng maaksyong tagpo ang pagsulpot ng isang lalaking mestisuhin, bansot at tabain mula sa unahan ng van. Naka-polo shirt at may sakbit na Uzi. Yun siguro ang lider ng sindikato. Ang kanyang dayalog: Baba! Dapa! Taas ang kamay!
   Kahit hindi namin alam ang script napilitan kaming sumunod sa direktor nang pwersahan na kaming pinalabas sa kotse. Pinadapa sa mainit-init pang kalsada. Pana-panabay na kinapkapan, pinosasan sa likod at inapakan sa batok. Ang dayalog: Walang lilingon! Nasilip ko bago ako itinayo at biniyabit, meron pang hindi bababa sa tatlumpung armadong extra at stuntman sa likuran ng aming kotse. Aakalain mong isang perpektong tableau ang kanilang pormasyon. Pero hindi! Totoo sila! Malaki ang cast. Malaki rin siguro ang budget.
   Dragging at predictable ang eksena. Di na kami binigyan ng pagkakataong mag-isip. Sa loob ng van, habang para akong kakataying baboy, dun na ako nakabawi ng takot at gulat. Matipid sa linya ang scriptwriter. Paulit-ulit na "Putang ina! Walang maingay!" lamang ang memoryadong dayalog ng mga kontrabida. Nag-a-adlib lamang sila ng mga sound effect: Kalabog ng boots sa aming hita at lagapak ng rifle butt sa aming mga likod at braso. Matipid rin ang dayalog na ibinigay sa amin: mga impit na daing at pag-iyak lamang. Bawal ang magtanong dahil wala iyon sa script. Nakakamatay palang kimkimin ang maraming tanong sa isip habang naghihintay ng kamatayan.
   Iyon ang una kong nilutas.
   Pagpapayapa ko sa naghahabulang daga sa dibdib, sa isang true-to-life-and-death story, pananagumpay ito nang kahandaan sa sakripisyo at kamatayan. Iyon na ang pagkakataon ko para sa isang greatest performance - ang malaon ng panata sa pakikibaka ng sambayanan - "...buhay man ang ialay..." Dramatiko!
   Pero teka, sino ba ang mga dumukot sa amin? Baka naman hindi bagay sa kanila ang drama ko sa buhay. Nagkasya na muna ako sa itinakdang script. Daing at aray.

 

MAHABA ang biyahe. Mahirap tukuyin ang itinagal. Lalupa't ninakaw na ng makapal na suson ng diyaryo at masking tape na piring ang natitirang liwanag nang hapong iyon. Lalong di ko na malaman kung saan kami dinala. Tumigil ang van. May umimik na kung bakit di pa raw tinodas ang mga NPA na yan. Kaya pala, sa loob-loob ko. Tahimik, pero nakakabingi kapag nagpaparoo't parito ang tila naghahabulang yabag ng mga combat shoes. Sa puntong iyon, tantya ko ay nakaupo kaming lima nang pabilog. Mga buntong-hininga at iyak ang dumuduweto sa combat shoes. Sumabat sa tila nabulunang gabi ang isa sa mga kasama ko. Lipas na nga naman ang panahon ng silent movie. Nagsimula siyang magpalagutok ng tunog-martsa sa sahig habang humihimig ng popular na Sumulong ka Anakpawis. Sumabay ako. Naki-kanta na rin ang isa. Tatlo na kaming umaawit sa pagtatangkang gawing musical ang pelikulang nasalihan namin.. Sa una'y mahina. Daig pa ng huni ng kuliglig ang boses namin. Unti-unting nagkalakas-loob ang awitin. Palakas nang palakas. Malakas na malakas. Kahit ratratin kami noon ng putok ay di na namin maririnig. NAGULUHAN LANG AKO KUNG NASA LOOB PA RIN BA KAYO NG VAN SA PUNTONG ITO. HINDI MO KASI NABANGGIT SA TAAS KUNG INILABAS BA NILA KAYO NG VAN O HINDI. NAISIP KO TULOY NA BAKA YUNG GROUP INTERROGATION AY NANGYARI SA LOOB NG VAN.  TAPOS SA PANGUNGUSAP SA BABA, ISINAKAY ULIT NILA KAYO SA VAN.
   Natigil lamang ang pagkanta namin nang isalang kami sa isang group interrogation. Maiksi lamang ang tanungan. Pangalan, tirahan at trabaho. Hinigpitan ang piring ko at posas at isinakay na naman kami sa van.

 

BYAHE ulit. Mas matagal. Mas malayo rin siguro. Yun ay kung hindi kami iniikot-ikot lamang. Pero mukhang malayo nga. Humihiwa sa piring ko ang mga pamilyar na ilaw at tunog sa lansangan. Idinuduyan din ang puwit kong di-komportable sa pagkakaupo sa mga kakilalang lubak at aho't lusong ng kalsada. Paluwas kami ng Maynila, pagtitiyak ko sa sarili. Siguro'y para iligaw ang mga maghahanp sa amin.
   "Aruykupu! Dyusku, dyusku! Wag n'yo pung tapakan ang sugat ku"
   "O may tama pa ng bala yung isa rito." Kumander siguro ‘to. San ka napalaban?"
   "Hindi pu, ser. Natarian pu aku ng manok. Kristo pu aku sa sabungan"
   Napailing ako. Gusto kong sang-ayunan at ipagtanggol yung kasama ko. Inaasahan ko na ang ganitong plot. Inihanda ko na ang sarili ko sa mas marami pang kababalaghan at kathang-isip. Huminto na ang sasakyan. Pero hindi pa humihinto sa pag-iyak ang "Kumander". Maaring gawa ng sugat. Maari ring dala ng katatakutang napasukan n'ya.
   Parang gusto ko nang takasan ng katinuan habang biyabit ako sa magkabilang braso. Ganun pala ang pakiramdam nang nakapiring at nakaposas at kumikilos ka nang laban sa kagustuhan mo. Nangyari na sa akin ang ganito kapag nalalasing ako noon at di makalakad. Ayus lang ‘yun dahil walang pagtutol ang katawan ko. Pero iba iyong kalagayan ko sa pagkakataong ito. Para bagang inaagaw na ang lahat sa akin tuwing madadapa at mabubunggo ako. At iyo'y habang mulat na mulat ang wisyoANO ANG WISYO?. Halos marinig ko ang agos ng pawis ko sa noo. Ramdam kong nanunuot ang hangin ng tag-araw sa nag-aalburutong presyon ng dugo ko. Kung kaya ko lamang sanang i-execute ang mga tamang galaw at self-defense sa ganoong pagkakataon. Binigyan ko na sana nang magkabilang pamatay na bira iyong mga nasa tabi ko. Sabay sirko para mailagay ang mga kamay ko sa harapan. Agawin ang kanilang baril. Putukan sila. Magtatakbo habang nakikipagbarilan at sa wakas ay makatakas papuntang kaligtasan. Pero ang kaya ko lang noon ay umaray tuwing madadapa. Pinalakad ako nang payuko sa isang makitid na pasilyo. Iyon na yata ang lagusan sa pagitan ng katinuan at kabaliwan.
   Kung hindi pa sa nakakatulig na lagapak ng padlock hindi ko pa siguro maaapuhap ang katotohanang sadyang umiiral ang mga pangyayari noong oras na ‘yon. Ako'y bihag. At kailangan kong panatilihin ang aking wisyo. Bago ako ipinasok sa pakiwari ko ay selda, may kumapa-kapa sa baywang at kamay ko. Itinaas ang damit ko at ibinuka ang mga palad ko. Sinagot na rin ng kumapkap sa akin ang pagtataka ko sa tagpong yun, "Walang kalyo, a. Walang marka ng maiksi."

HATINGGABI na siguro. Inilabas ako ng selda at may gusto raw kumausap sa akin. Sabihin ko lang daw ang totoo para di ako mahirapan. Hindi pa sinabing para i-interrogate at torture-in(BOK, MAHIRAP NG BASAHIN ANG TORTURE-IN, TORTYURIN NA LANG KAYA ANG ILAGAY MO. Ninerbyos ako. Agad akong binabahan BINABAHAN BA TALAGA O BINANATAN? KUNG BINABAHAN, ANO ANG IBIG SABIHIN NITO? ng banta ng cariño brutal. Naalala ko ang kuwento ng mga kasamang dumaan sa ganoong karanasan. Kuryente. Water cure. Bunut-kuko. Plastik sa ulo. Biting-patiwarik. Subo ng granada. A, kinaya't nalampasan nga nila ang mga yan. Ako rin! Napalunok ako't nahirinan ANO ANG NAHIRINAN? sa sariling laway. Parang sinusukaan ang sikmura ko. Alam kong may umaagos na pawis SAAN? SA SINGIT BA? SA LEEG?, siguro ay luha rin papunta sa pisngi ko. Hanggang sa malasahan ko ang alat nito. Ramdam ko rin ang mga daliri SAAN? SA PAA O KAMAY? kong di mapalagay kung uunat o kukuyom. Mas pinili kong ikuyom ito. Hinihigop na ng sasapnan ANO ANG SASAPNAN? ko ang aking bayag.
   Konsuwelo ko ulit sa sarili -- mas urong ang bayag ng mga mag-i-interrogate sa akin. Wala kahit isa sa kanila ang may lakas ng loob na magpakita o magpakilala sa akin. Hindi nila ako inalisan ng piring. Pinanatili ko ang kahandaan sa sakripisyo at kamatayan. Paliwanag ko sa sarili ay pakakatandaan ko dapat na ang takot ay nasa isip lamang. Salamat, Coritha. It's all in the mind. It's all in the mind. Ulit ko sa isip. Nalalampasan ang takot kapag alam mo ang materyal na kondisyon na naghatid sa iyo sa isang sitwasyon. Kapag ang kondisyon na iyon ay alam mong makabuluhan at lubos mong pinaninindigan, nagiging kathang-isip lamang ang takot. Malalaman paglaon kung kaya kong tandaan ang retorika kong iyon sa pagitan ng suntok at tadyak. Nanalig na muna ako sa pinaka-ready available kong pang-depensa - sense of humor. Tiniyak kong abot-kamay ko lamang lagi ito. E ano ba kung lahat na sa akin ay nanginginig sa nerbyos. Mamatay man ako sa oras na iyon - nakangiti pa rin. Hanggang dulo, ipagkakait ko sa kanila ang kaligayahan. At akin pa rin ang huling malutong na halakhak.
   Ganito humigit-kumulang ang eksena sa interogasyon. Open air. Tantya ko ay nasa porch lamang kami ng isang building dahil pagkalabas ko ng isang pintuan ay iniupo na agad ako sa isang silyang plastik May puno ng niyog dahil rinig ko ang pagaspas ng palaspas nito. Pakinig ko rin ang landing at take-off ng mga eroplano sa di-kalayuan. Sementado ang lapag. May lamesa sa harap ko. Sa kabila nito ang interogador. Sa kaliwa't kanan ko ay may tig-dalawa o tatlo pang tao. May mga baril syempre dahil ramdam ko ang ang lamig ng dulo ng bakal sa tagiliran ko. Minsan ay sa batok. Minsan ay sa sentido. Malagkit ang masking tape at masangsang ang amoy ng tinta ng diyaryong nakapulupot sa mukha kong naglalatiti na sa pawis. Masangsang rin ang amoy ng alak na galing sa bibig ng interogador. Napaka-sensitibo ng pandama ko noong oras na iyon. Maliban sa bulag ako sa anumang kulay. Parang isang napakalapad na black cartolina ang tagpo. Kahit ang pagbomba ng aking puso sa mapulang dugo ay bigong maghatid ng anumang kulay. Itim lamang talaga.
   Walang pinag-iba sa isang job interview ang interogasyon. Para kang pinagfill-out ng bio-data at iniisa-isa sa iyo ang mga impormasyong nakasulat. Pagkakakilanlang personal muna. Pati anak sa labas ng tatay mo, kung meron, ay itatanong. Kulang na lang ay uriratin kung saan ka naliligo at anong pwesto mo kapag natutulog. Sunod ay ang mga karanasan sa trabaho. Mga pinaglingkuran o sinalihang organisasyon. Ang giit nila rito'y "O, sa revolutionary background mo naman tayo". Ang hassle sa interview na ito ay wala kang correct answer. Pag hindi nila kursunada ang sagot mo, mabilis ang reaksyong nagsisinungaling daw ako o kaya'y mas maagap ang kumbinasyon ng suntok-kutos-tadyak at pagdalirot ng dulo ng baril kung saan yun nakatutok. Parang ganito.
   "Gaano ka na katagal sa bundok?"
   "Matagal-tagal na rin, ho."
   "Anong ginagawa mo run? Nagte-treyning? Di ba mahirap ang mag-akyat-manaog sa bundok?"
   "Hindi ho. Marami hong jeep. May aircon bus rin hong paakyat sa Tagaytay."
   "Niloloko mo ba ako?!"
   "Hindi ho. Bundok ho talaga ang Tagaytay. 500 to 700 meters above sea level ho yun."
   Diin ng dulo ng baril sa batok. Kutos. Eto pa.
   "Kelan ka narekrut sa Partido?"
   "Sa Partido Anakpawis ho, e 2003. Pero, dati rin ho akong member ng Bayan Muna Partylist."
   "Gago! Sa Partido Komunista!"
   Sikwat ng dulo ng baril sa tagiliran. Tadyak. Muntik na akong mahulog sa silya. Di naglaon may dumating na bagong boses. Mas umaalingasaw ang amoy-alak. Talagang nanghihiram lang ng tapang at lakas-loob sa bote! O sa marka-demonyo. Ika n'ya ay kung di pa raw ba tapos. Sabi na nga raw ba niya't sya dapat ang magha-handle sa akin. Ganito naman ang daloy ng interogasyon.
   Sa AOR n'yo, san nanggagaling ang revolutionary tax n'yo? Sa mga Meyor, di ba? Pati sa Kongresman, ano? Binubuwisan nyo pati ang mga pari at madre, di ba? Saan ka ba umiikot? Nakikita ka namin sa mga simbahan."
   Ang sasabihin ko sana'y tanong nya'y sagot nya. Pero pag-imik ko'y, "Hindi ho yun revolutionary tax. Solicitation at donation lang ho."
   "Magkano ang nakukuha nyo?"
   "Pang-arkila lang ho ng jeep sa rally. Minsa'y pamasahe at pangsigarilyo lang ho."
   Siguro'y lumingon ang interogador sa katabi niya saka sinabing ang ilagay daw ay sampung libo kada MayorGUMAMIT KA NA NG MEYOR KANINA, PARA KONSISTENT DAPAT ISA LANG SA MEYOR O MAYOR kada buwan. Tapos tinanong ako kung sino raw ang mga Mayor at politiko sa probinsya. E, di inilitanya ko ang lahat ng Mayor sa dalawampu't tatlong bayan sa probinsya namin.
   "Lahat sila, binubuwisan nyo?"
   "Hindi ho, kanyo'y sinong mga Meyor sa amin."
   Dinibdiban ako.
   "Sa mga madre, sino-sino? Maraming kumbento sa Tagaytay, a."
   "Si Sr. Mary ho. Sr. Veronica. Sr. Bridgette..." Lahat ng alam kong ngalan ng santa, inisa-isa ko.
   "Anong kongregeysyon ng mga yun?"
   "Ahmmm... Sisters of Mercy, ho. Tsaka Lords of the New Church. Jesus and the Mary Chain pa, ho..." Malas ko lang kapag paborito rin nilang gothic at new wave band ang mga sinabi ko. Hindi ko na itinulak na sabihin pa ang Parokya ni Edgar. Bukod sa hindi ko sila kursunada ay halatang-halata rin na nagkakalokohan na.
   "May nakuha kaming laptap sa kotse nyo. Sa'yo ba yun? Puro subersib payl ang laman nun, ano?"
   "Hindi ho subersibo si Dan Brown."
   "E yung plas drayb at empitri pleyer? Ilegal ang laman nun, ano?
   "Legal ho si Mick Jagger at Jamiroquai. Pati si John Lennon. Pwede nyo naman hong pakinggan."
   "Tarantado!" Kutos. "Niloloko na kayo ng tserman n'yo..." Dalirot ng baril sa batok. "...habang nagpapasarap sa ibang bansa..." Tadyak sa hita. "...nakakapamilosopo ka pa!" Tadyak ulit. "Nagpapakahirap kayo sa bundok ang lider n'yo buhay-hari!"
   Kahit nakangiwi sabi ko ay, "Hindi ho. Wala ho sa abroad ang chairman namin. Andun ho sa Cavite. Malamang, e, namimitas ng kape. Ibibigay ko ang address kung gusto n'yong puntahan."
   Parang lulusot ang dulo ng baril sa batok ko.
   "Anong mga pag-aaral ang natapos mo?"
   "B.S. Agriculture ho, ako. Major in Horticulture."
   "Sa kilusan! Ang putang inang ito!"
   Tuluyan na akong nahulog sa silya. Pero hindi ako umaaray. Kahit daing. Ngiwi lang. Siguro kahit mabuhay noong oras na iyon si Amorsolo, hindi kakayaning ipinta ang mukha ko. Mahaba pa ang itinagal ng interogasyon. Pinili ko na muna ang pinakamatipid na sagot, iling at tango. At ang pinakaligtas na tugon, oho at hindi ko ho alam. Sa tuwing tataas ang boses ng interogador para na rin syang nag-go signal na barilin ako. Pero kapag pinagkakasahan na ako ng baril at iduduldol ang dulo nito sa ulo ko ay para na akong namatay. Paulit-ulit na lamang ang mga tanong. Paikot-ikot na rin lamang ang ulo ko sa kaiiling at katatango. Hindi ko alam kung pinagtatawanan na nila ako, pero ang tiyak ay nabubwisit na sila sa akin. Lalo na siguro nung mapikon ako at nasabi kong. "Kayo na ho ang maglagay diyan ng gusto ninyong sagot ko para magkatapos na ho tayo." Hanggang sa mapunta ang usapan sa kung ano pa raw ang pinagkakaabalahan ko bukod sa pag-e-NPA. Ika ko sa di mabilang na pagkakataon ay hindi ako NPA. Aktibista ako. Non-combatant. Sa kawalan na rin ng masasabi, ewan ba kung bakit naungkat ko rin na writer ako. Ano raw klaseng writer. Kako'y nagsusulat ako ng tula. Tulaan ko raw sila. Patay na. Wala akong kabisadong tula. Maski na raw ano basta't tumula raw ako. E di pagbigyan. Kahit on-the-spot. Mamamatay na rin lang, di ko pa ba susulitin. Sa dulo ng tula:
     "Ay, kamatayan! O, kamatayang anong tamis!
     Ihimlay mo ako sa piling ng mga gahis,
     Sa ritmo at awit ng putok ng mga baril
     At sa ngalit ng ganti ng tugmaan kong matatabil!" ANO ANG MATATABIL?

   Tumighim ako at nagsabing tapos na ang aking tula. Tumahimik saglit. Ang interogador ang umimik.
   "Hep! Walang papalakpak! Okey, a. Magaling! Pero titiyakin ko sa iyong iyan na ang huling tula mo."
   Mamamatay na nga ako. Pagtitiyak ko sa isip ko.

 

HINDI ko alam kung anong oras natapos ang interogasyon noong unang gabi. Pagkahatid sa akin pabalik sa selda itinulog ko na agad ang pagod at gutom. Kalam ng sikmura ang gumising sa akin. Bumoses ang isang lalaki sa kabila ng rehas at nagtanong-alok kung gusto ko raw kumain. Malamang ay iyon ang gwardya ko. Tumango lang ako. Parang inaapuhap ko pa noon ang boses ko. Pinaluhod ako. Naubliga ang bantay na subuan ako dahil nakaposas at nakapiring pa rin ako. Binateng itlog at sardinas ang ulam sa sinangag. Hindi na mainit. Siguro'y napahaba ang tulog ko. Kumain ako ng sakto lamang para mawala ang gutom. Mahirap mabusog sa pangamba ng dinurog na bubog na paborito raw isahog sa kanin.
   Papalit-palit ang bantay. Pare-pareho naman ang litanya at itinatanong nila. Kesyo umamin na raw ako dahil umamin na ang mga kasamahan ko. Itsinu-tsu na raw ako nung tomboy na kasama ko. Napagkamalan nilang babae yung isa sa amin. Kesyo makipagtulungan lang daw ako kung gusto ko pang mabuhay. Nadala na ako noong nagdaang gabi kaya pinipili ko na lang ang sasagutin at isasagot ko. Noong tanungin ako kung handa na raw ba akong mamatay gusto ko nang sabihin na kagabi pa at ibalik ang tanong sa kanila kung handa na rin ba sila. Pero tirang-pikon yun. Kung mahal ko raw ba ang pamilya ko. Bilang na raw ang maliligayang oras ko. Simulan ko na raw magdasal at alalahanin ang magagandang nangyari sa buhay. Sa loob-loob ko'y gasgas na gasgas naman ang tirada ng mga ito. Kung magkakapalit lang sana kami ng sitwasyon, sila ang papatayin ko sa sindak. Ang problema'y malabong mangyari yun. Ang problema ko rin sa gusto nila'y wala ako sa mood magnostalgia trip dahil mas pinangangambahan ko noon ang mga naiwan kong gawain sa baryo ng magsasaka. Kung mababasa nila ang isip ko maiintindihan nilang mas inaalala ko noon ang mga magsasakang nademolish ang kabahayan sa isang area namin. Dalawang buwan na silang nasa kalsada. Nagtitiyagang sumilong sa patse-patseng kubol. Kailangan nilang ituloy ang laban para sa lupang mabubungkal at matitirhan. Pinuproblema ko rin ang mga magtatanim ng kape sa amin. Tapos na ang anihan pero bagsak pa rin ang presyo ng kape. Lintik na WTO! Hayup na Nestle! May panayam kami dapat sa Department of Agriculture para ihapag ang kahilingang presyo ng mga magkakape. Isa pang ipinag-aalala ko ay unang araw na noon ng Lakbayan ng magsasaka para lumuwas ng Maynila at makiisa sa kilos-protesta sa Pandaigdigang Araw ng Manggagawa. Nasa akin ang pambayad sa arkila ng jeep. Pati ang budget sa tatlong araw na pagkain. Mali pala. Nasa mga dumukot na nga pala sa amin ang pera.
   Siyempre, sumasagi rin sa isip ko ang aking pamilya. Tyak na mag-aantay sa akin ang tatay ko. Usapan nami'y uuwi ako pagkatapos ng May 1 rally para mag-Scrabble kami at tuturuan ko syang mag-Text Twist. Purnada ang bakasyon nya sa kinagigiliwan nyang ‘Pinas. Pakunswelo ko na lang noon sa sarili, naihanda ko na silang matagal sa posibilidad ng ganoong sitwasyon kaya mas mauunawaan na nila ako. Isa pa'y sadyang epektibo ang alaala ng mga magsasakang pinili kong paglaanan ng buong-panahong paglilingkod. Nagbibigay katwiran at kabuluhan iyon sa mga nagaganap sa akin.
   Parang napakahaba ng umaga. Hindi ko na magawang mapikon dahil nauunahan ako ng nerbyos kapag pinagkakasahan na nila ako ng baril at iduduldol pa ang dulo nito sa katawan ko. Pag napapaigtad ako, tatawanan pa't sasabihing para kinakalabit lamang naman daw ako. Baka raw di na ako humihinga. Minsan namang namalat na ako sa kahihiyaw dahil gusto kong humingi ng tubig, inakala kong walang gwardya dahil walang sumasagot. Tapos yun pala'y halos magkadikit lang ang mukha namin sa rehas. Kung bakit raw ako sigaw nang sigaw e magkaharap lang naman daw kami. Kapag nananawa ang bantay sa pang-uurat sa akin, nagpapamilyarisa ako sa selda. Tantya ko'y may tatlo o apat na selda ang hiwa-hiwalay na pinaglagyan sa amin. Nasa dulo ako mula sa aming pinasukan.
   Rehas at pintong bakal ang buong harapan. Siguro'y nasa bente singko metro kwadrado ang sukat ng selda. Tayado ko yun dahil tanda ko pa ang pace factor ko. Maluwag para sa isang tao. May kapirasong banyo na baldosa ang panabi at ang inidoro ay lapat sa sahig. May timbang plastik pero walang tubig. May kutson na nakalatag kaya parang pinalitadahan ito ng alikabok. Puno ng poster at pin-up ng mga babae ang pinturadong dingding. Si Rica Peralejo lamang ang nakilala ko sa ilalim ng aking piring.
   Parang pinakuluan ang hininga ng pader na lalong nagpapaalinsangan sa tuyong hangin. Kahit galbokGALBOK? wari ko'y hindi lumilipat ng pwesto. Nagpasalamat siguro ito sa bulabog na dala ko.
   Nagsasalitan ang mga naging pamilyar na tunog ng parang elisi na ikot ng isang dambuhalang bentilador mula sa kabilang dulo ns dinadaig panaka-naka ng lapag-lipad ng eroplano, kagalkal ng riles ng tsumu-tsug-tsug na tren at putol-putol na prakkk-bang ng baril. Firing range lang yun, paliwanag ko sa nagdadambahang daga sa aking dibdib.
Di naglaon sa pamamagitan nang mala-gagambang pagdangkal at pagkapa ko sa pader at paglalakad nang pasagadsad sa maruming sahig ay kabisado ko na ang seldang mas bagay na tawaging lumang impyerno.
   Ang tanghaliang bahaw at igadong pansit na malutong kung nguyain ay alangang tawaging tanghalian. Rantso raw ang tawag dun sabi ng bantay. Baka pagkaing para sa alaga sa rantso. Pagkakain, nakapa ko ang napirait na kaha ng Fortune sa bulsa ko. Bwenas! Para akong tumama sa huweteng nang payagan akong manigarilyo. May natitira pa pala sa akin matapos nilang kulimbatin ang pitaka ko. May sentimental value pa man din yun. Kinursunada na rin nila ang aking relos. Wala na akong manghuhula ng ulan at temperatura. Paalam G-shock. Paalam rinWayfarer. Iniabot ko sa bantay ang isang stick at ipinagsindi niya ako. Napatunayan kong kaya ko palang isubo't alisin ang sigarilyo kahit nakaposas ako sa likod. Talent! Pag-aralan ko na rin dapat maglaho. Nakaramdam ako ng artipisyal na kapanatagan sa bawat hitit at buga. Parang nakahiram ako ng tapang sa usok. Naglakas-loob akong magroll call. Inisa-isa kong tawagin ang ngalan ng apat ko pang kasama. Dalawa lang ang bumoses. Wala ang driver at song leader. Tatlo lang kami. Baka patay na yung dalawa. Hindi naman siguro. Ini-interrogate lang yun. Sana.
   Nakatulog akong parang iginapos na patpating aso, hindi tipaklong, sa kutson. Nagising na lang ako nang ilabas ako ulit para sa isa pang interogasyon.

 

"PARE, ako si Badong." Marahang boses na halos dumikit sa mukha ko ang kanyang hininga. "Safe ka sa akin. Kaibigan ako. May kailangan ka ba?"
   "Tubig," ika ko. "At saka kahit anong panapin sa likod. Basang-basa ako ng pawis." Idinagdag ko pang hinihika na ako dahil napakalamig ng aircon. Iba ang style ng interogador ko sa pagkakataong yun. Diplomatiko at malumanay sya. Narinig ko ring pinalabas nya ang lahat ng tao sa kwarto. Kaming dalawa na lang daw ang nandun. Pero wala naman akong narinig na bumukas na pinto para maglabasan ang mga tao. Ginagago ako. Gumayak akong makipaggaguhan.
   Mabilis lang ang personal interview. Kaagad dumako si Badong sa work experience. Eto na naman kami. Kung wala raw ba talaga akong dalang baril. Kako'y wala nga. Ang mga kasamahan ko raw kung may dalang baril. Kako'y sigurado akong wala rin. Baka raw pwede kong i-decode ang mga laman ng notebook ko. Kako'y what you see is what you get. Hindi kako coded, lalong hindi encrypted ang mga nakasulat doon. Sinabi ko ring hindi kailangang i-encrypt ang minutes ng pulong ng isang lehitimong samahan ng magsasaka. May mga inungkat siyang pangalan ng tao na lahat ay may "Ka" o "Kumander" sa unahan. Inilingan ko lahat at inabing hindi ko kilala. Sa pagitan ng tanungan ay may sumingit na boses ng babae. Kung sa akin daw ba ang passport na hawak nya. Ika ko ay may picture dun, kung ako ang nandun, malamang ay akin. Narinig ko siyang sumingasing nang impit.
   Sa buong pag-uusap ay nanatiling soft spoken si Badong. Pakiwari ko pa nga'y minomodulate ang boses. Ugali rin niyang tanungin ako kung ayos lang daw ba ang pakiramdam ko. Mahilig rin siyang tumapik at pumisil sa hita. Minsa'y para ngang kabarkadang nahimas pa sa balikat. Palagay ko'y hindi lumalayo sa dalawang dangkal ang pagitan ng mukha namin. Nikotina ang matingkad na amoy ng bibig nya. Hindi ako mahilig sa pabango, pero piho kong musk cologne ang suot nya. Amoy matanda. Intelektwal ang kausap ko. Hindi sangganong katulad ng mga magbabarik MAGBABARIK? kagabi. Epektibo si Badong kapag bigla niyang isinisingit ang "Let's cooperate" at "Pare, you can get over this, trust me akong bahala sa iyo." Kaya lang ay gusto ko siyang i-head butt pag sinasabi nyang "You can work with us, pare. Sayang ka."
   Natantya kong dino-double check lamang niya ang mga naitanong na rin nung nagdaang gabi. Interesado raw sya sa laptop GUMAMIT KA NA NG LAPTAP KANINA ko. Pag-usapan daw namin ang laman nun sa susunod. Hindi rin daw sya magtatagal samantalang may tatlong oras na yata kaming magkausap. Kung may problema raw ako sa mga bantay ko banggitin ko lang daw ang pangalan nya. Gusto ko sanang humirit na kung may kailangan ba akong isubong bato bago isigaw ang ngalan nya. Pero wala na akong ganang magpatawa dahil hinihika na ako.

 

PAGBALIK ko sa lumang impyerno tuluyan na akong ipinaghele ng hika. Marahas ang pamamaraan ng sakit ko. Sa isang banda'y naging dahilan ito para tantanan ako ng mga bantay. Palagay ko'y pati hapunan ay pinalampas ko. Kinabukasan na ako nagising.
   Pagong ang ikalawang araw sa lumang impyerno. Hindi nagmamadali. Samantalang ako'y paspas sa pakikipag-unahan sa bawat higit ng aking balikat at paglalaway sa kaligtasan. Pero ang bawat hakbang ng sandali ay isang paulit-ulit at walang katapusan lamang na palitan ng gwardya, interogasyon, pang-uuyam, kasa ng baril, dalirot ng baril, putok ng baril (sa firing range?), take-off at landing ng eroplano, tsug-tsug ng tren, daing-aray-iyak ng mga binubugbog, lagapak ng padlock sa pintong bakal kapag may inilalabas-masok... Mga hiyaw na "Guard! Iinom!" "Guard! Pasindi!" "Guard! Tatae!" "Ser, wala akong kasalanan! Magsasabong lang ako! Maawa kayo, maliliit pa ang mga anak ko!" Na matipid namang sinasagot ng "Putang ina! Wag kayong maingay!" O kaya'y katahimikan. Hanggang manawa kami sa kasisigaw.
   Ikinagulat kong may kasama na ako nung umagang yun sa loob ng selda. Dumadaing siya't habol ang singhot. Tinawag nya ako't nagpakilala siya. Lalo akong nagtaka dahil ang alam ko'y lima lamang kami. Hindi namin kasama ito nung dukutin kami. Paliwanag nya'y una pa raw syang dinampot sa amin. Nung umaga raw noong hapon na dukutin kaming lima ay hawak na raw sya ng mga humarang sa amin. Nandun din daw sya sa van. Nakagapos at bugbog-sarado. Pinilit raw syang umamin na sya'y NPA. Sya rin daw ang gagawing testigo laban sa amin. Mahirap daw tumanggi o mangatwiran habang sinusuputan sya ng plastik sa ulo at pinapalo. Kung hindi raw sya sasang-ayon ay hindi sya titigilan nang pagpapahirap. Kinilabutan ako nang maamoy ko ang lansa ng sariwang dugo mula sa kanya. Nasilip ko sa ilalim ng piring ang mapulang karne ng sugat nya sa binti at braso. Dumurugong daliri na nabebendahan sa hinalalatong kuko. Hindi ko itinanong kung paano nya nakuha yun. Ayaw kong alamin. Bago pinutol nang pagdating ng rantso ang bulungan namin nasabi pa nyang pasensya na raw. Kung hindi raw siya makikipagtulungan ay mamamatay kaming lahat. A, kung bakit nga ba sadyang kayhirap tanggapin ang kamatayan para sa iba.
   Noong umaga ring yun, nag-roll call ulit ako. Kumpleto na kami. Maige naman. Dahil mga bagong kain at nakapanigarilyo pa, nagawa naming maglakas-loob na mag-usap kahit hiyawan mula sa kanya-kanyang selda. Kumustahan ang kalagayan. Kumparahan ng karanasan. Matataas pa ang aming diwa. Maya-maya'y bumirada na naman ang aming song leader, "Ok boys, all together now!" Kahit kay haba ng lalakbayin, daang tag-araw man ang humagupit... Saglit na naging parang entablado ng mga progresibo at rebolusyonaryong awitin ang lumang impyerno. Pang-finale ang Sulong Bayan! Tayo'y magwawagi... na tuwing darating sa koro ay umaalingaw sa buong selda ang Sumulong ka Bayan! Tayo ngayo'y lalaban! Pauyam na pumapalakpak, sumisipol at nagmamartsa ang mga bantay sa aming konsyerto. Pero hindi namin yun pinansin. Desidido kaming pangibabawin ang tatag ng paninindigan sa pamamagitan ng mga awiting nakalaaan sa diwang di-mapapasuko.
   Gusto pa sana naming bumirit ng encore kaya lang ay nilamon na ang boses namin ng musikang di-mawawaan na sinadya ng mga bantay na patugtugin ng ubod-lakas mula yata sa isang karaoke. Kasabay rin nito ay inilabas sa selda yung nakasama ko. Nagmamakaawa sya. Lagabog sa dibdib ang ibinigay sa kanya. Papalayo na ang kanyang iyak habang papalakas naman ang tunog ng maingay na musika. Maghapon nilang hinayaang ngumawa nang ngumawa ang elektronikong halimaw.

 

INILABAS na naman ako para i-interrogate. Malamang ay makatanghali noon. Tirik ang araw at ramdam ko ang init sa balat nang ilabas ako ng building. Sa airconditioned room na naman kami. Mortal kong kaaway ang pekeng lamig lalo na't galing ako sa impyerno. Habol ko ang hinga habang nakasalang sa panel interview. Tatlong magkakaibang boses ang nagpapalitan nang pagtatanong sa akin. Ang topic: laptop at rali ng manggagawa kinabukasan.
   Hindi raw makakarating si Badong sabi nung isa sa akin. Pero kung may kailangan daw ako o kaya'y may importanteng sasabihin ay sa kanila ko lang banggitin at sila na ang bahala. Kako ay wala akong kailangan at wala rin akong importanteng sasabihin. Tulungan ko na lang daw sila kasi ay di nila mabuksan ang laptop ko. Kailangan raw nila nung password. Muntik na akong matawa. Paano'y sa hinaba na ng usap namin ang tantya ko sa tono ng pagsasalita at diin ng pagtatanong nila ay mga computer literate at technician kundi man wizard itong mga kaharap ko. Ginagago ako ng mga ito. Syempre ay di na nila kailangan pa ng password para mabuksan ang isang iha-hack na computer. E di i-bypass ang password kung meron talaga. Kaya nga iha-hack. Mga tamad. O nagtatanga-tangahan. Sila na lang.
   Sa kapipilit, kakukulit at kauulit nila para ibigay ko ang password kung bakit ba ang naisagot ko'y hindi ko na matandaan. Hindi umubra ang joke ko. Hindi sila natawa. Pero mahaba ang pasensya ng mga ito sa akin. Matyaga pa rin silang nagtanong nang bakit ko naman daw agad malilimutan. Baka rin daw kaya kong alalahanin. Masusubukan yata ang pagiging pikon ko sa mga ito. Maagap ang sagot ko na kasi ho ninenerbyos ako. Kako ay sila man ang nasa katayuan ko tiyak papalya rin ang memorya nila. Pati nga kako sense of time at direction ay wala ako. Para patibayin ang depensa ko, ika ko'y pangalan nga ng nanay ko noong unang itanong sa akin ay nakalimutan ko rin. "Pailang araw na ho ba kaming nawawala?", urirat ko pa. Unang mapikon ay talo. Marami naman talaga akong nakalimutan noon. Katunayan, sa loob-loob ko'y pinipinli ko na munang kalimutan ang mahahalagang detalye sa buhay ko mula pa nung dukutin kami. Wala akong plaong mag-iwan ng souvenir sa mga taong di ko kakilala. Kahit sunugin ako, desidido na akong hinding-hindi mangangamoy ng kahit na anong impormasyon ang binarbekyu kong buto. Isinemento ko na sa dibdib ko ang parang lapidang may nakaukit na kung mapapahamak ako sa oras na iyon ay ako na lang. Wala ng iba.
   Biglang may nag-ring na telepono. Si Badong daw ang tumatawag at kinukumusta ako. Ulul. Kaharap daw noon ni Badong ang laptop ko. Ano raw bang encryption software ang ginagamit ko. Ulul talaga. Noong una'y hindi mabuksan ang laptop dahil walang password. Tapos magtatanong nang tungkol sa laman ng laptop. Pinili ko na ulit mag-ulyanin saka ko sila hinamon na kung gusto nila ay iharap nila ako sa computer ko at bakasakaling maalala ko ang gusto nilang malaman. Buti at hindi nila ako pinayagan kundi'y dalawa kami ng laptop kong tiyak na magka-crash down.
   Binago na nila ang paksa.
   Saan ba raw ang tagpuan ng May 1 rally. Ilan raw ang inaasahang dadalo, saan ika ang main program. Ano raw mga organisasyon ang pupunta. Sinagot ko na ring lahat ng tanong nila tutal ay malamang na narinig at nabasa na rin nila sa mga anunsyo sa TV, radyo at dyaryo ang tungkol sa rally. E sino naman ika ang mga guest speaker. Inilitanya ko na rin ang mga pangalan ng national leader ng mga pangmasang samahan. Ikinagulat ko sa bandang huli ng tanungan ang bago nilang script. Nagpaala-ala yun na nasa isang pelikula nga pala ako. At controversial ang plano nilang story line. Kung papunta raw pala kami sa rally malamang ay isa ako sa magko-command. Kadre raw kasi ako, singit nung isa. Sino pa raw ang iba? Sabi ko'y hindi ko alam dahil dinukot na nila ako at wala naman ako sa rally. Kung didiretso raw ba ang rally sa Mendiola. Ika ko'y oo. Paano naman raw ang plano kapag bobombahin na namin ang Mendiola. Hindi ko napigilang matawa nang mahina. Bakit naman kako namin pasasabugan ang sarili naming rally. E yung Magdalo soldiers naman daw paano ang coordination sa amin at kailan e-entrada. Paano raw namin gagawin ang kudeta. At sino raw ang kontak namin sa mga rebeldeng sundalo. Lalo na akong napatawa. Pero pigil pa rin. Wala nang kwenta ang mga tanong nila. Nabuo sa isip ko na ang tyempo nang pagkakadukot sa amin ay para iprisinta kaming tropeyo ng sindikatong may hawak sa amin. Para sa kanilang latest accomplishment. Destabilization plot ng NPA at Rebeldeng sundalo, nabuking. Bakyang-bakya. Desperado. Luma at gasgas na tugtugin. Lalangawin ito sa takilya. Basta't wag lang kami ang lalangawin. Lalong tumidi ang kagustuhan kong mabuhay.

 

PINILI ko munang hikain. Napilitan silang ibalik ako sa selda. Isang full-pack na hapunan ng sardinas na nilunod sa sabaw ang nilanguyan ko rin. Lagpas sa kaya kong kainin. Baka kako huling hapunan ko na yun o kaya ay kung kelan na naman masundan. Isinaksak ko sa kukote ko na mahirap manatiling buhay kapag gutom. At inalis ko na muna sa isip ko ang dinurog na bubog. Di pa ako halos nakakadighal nang madalian akong inilabas ng selda. Halos kaladkarin ako. Mahigpit at walang ingat ang pagkakabiyabit nila sa akin. Umaangat ang paa ko. Sa hangin na ako humahakbang. Kulang na lang ay kargahin ako. Wala ring kwentuhan habang naglalakad. Baka kabilugan ng buwan at nagladlad na ng anyo ang mga dyablo sa lumang impyerno. "Bilis, bilis!" at "dali, dali!" lamang ang naririnig ko. Paglampas ko sa dambuhalang bentilador, ang buga ng hangin nito'y parang apoy na inihilamos sa akin. Impyerno nga. Mataas ang tensyon. Nasa makipot na lagusan na kami. Payuko akong naglalakad. Itinutulak ako sa puwit ng nasa likuran at hinihila naman ako sa unahan ng Putang ina! Bilis! Double time!
   Tuwing mabubunggo ako, nagpapaalala ito nang mga pinong-kirot nang kawalang pag-asa. Katulad noong teen-ager pa ako at nakita ko yung nililigawan ko na may ka-holding hand. Ganun na lang ang pagpuputok-ng-butsi. Katulad rin noong harangin ng tatatlumpu't walong magsasaka ang mahigit sa apat na raang armadong pulis at demolition team. Agrabyadong-agrabyado sila. Ganun na lang ang dagok sa dibdib. Tuwing mauuntog ako, nagpa-flashback ang mga dagan-dagang DAGAN-DAGANG?pasakit na naranasan ko. Gaya noong sulutin sa akin ang syota ko ng lalakeng nakabingwit rin sa una kong niligawan. Ganun na lang ang kagustuhang bumawi. Gaya rin noong walang nagawa ang mga magsasaka kundi panoorin ang paggiba at pagwasak sa kanilang tahanan at taniman dahil may mga nakatutok sa kanilang baril. Ganun na lang ang kagustuhang manlaban at gumanti. Tuwing madadapa ako, nangungutya ang tukso ng tuluyang pagsuko. Pero mas makapangyarihan ang hamon ng muling pagbangon. Parang noong sa wakas manligaw akong ulit pagkatapos mabasted ng dalawang beses. Sa swerte ay nadale ko rin yung Miss Photogenic sa kolehiyo namin na kapatid ng lalakeng laging nakakauna sa akin. Ganun na lang ang kalansing ng kampana sa tenga ko. Para ring noong magpasya ang mga magsasakang huwag iwan ang nademolis nilang kabahayan at sakahan. Noong araw ding iyon ay nagtayo sila ng kubol na tirahan sa kalsada kasabay nang muling pagtatayo ng kanilang paninindigan. Kinamadaling-arawan, ilang kabataang kalalakihan ang pumuslit sa baryo at nakipagtagpo sa ilan ding kalalakihang yapak. Ganun na lang ang alab ng kanilang daupang-palad at taginting ng lagitikan ng bakal sa bakal.
   Sa labas ng building naulinigan kong naroon din ang apat ko pang kasamahan. Madalian kaming isinakay sa palagay ko'y van dahil sa ayos nang aming pagkakaupo. May pupuntahan daw kami. Bukod sa di pa rin inaalis na piring at pagkakaposas sa likod, iginapos pa ng masking tape ang mga binti namin. Mahigpit. "Goodbye, cruel world", pakinig ko sa song leader. Pero binanggit nya yun nang walang bahid-takot. Pakiwari ko'y usal nya iyon ng kahandaan at katapangan. Hindi iyon himig ng kawalang pag-asa. Walang tono ng pagsuko at pagkabigo. Narinig ko habang nasa byahe kami, sumisipol siya ng Internationale.
   "Malapit na tayo," mula sa unahan ng sasakyan. I-double check raw ang piring, posas at gapos. Payukuin raw kami. Matinis ang pingkian ng mahahabang baril at yerong bubong ng van.
   Salvage. Pagtitiyak ko sa sarili. Bukas, nasa mga tampok na balita kami. Pag medyo binubwenas - Mendiola Bombing Plot, Foiled. Pag talagang inaalat - 5 NPA, Patay sa Engkwentro.
   Di na yata matatapos ang gabi. Sadyang nakakamatay maghintay ng kamatayan. Inaasahan ko na ang:
   Bang! Prakkk!
   Tsak! Tsag!
   Blag! Blag!
   O kumbinasyon ng mga ito.

 

HINDI kami pinatulog noong nakaraang gabi. Tuluyan na akong inatake ng hika sa lamig ng aircon sa pinagdalhan sa amin. Wala rin naman talagang dahilang matulog habang nakapiring at nakagapos ang mga kamay at binti. Pakunswelo ko na lang ulit, siguro nama'y magdi-The End na ang pelikula. Interesado pa rin ako sa ending. Kailangan bantayan ang mga huling hininga.
   Madaling araw. Paputok na siguro ang umaga. Paputok na rin ang pantog ko. Mga hinayupak, talaga kahit mangubeta ay hindi kami pinayagan. Sa loob-loob ko, kung namatay ako noon tiyak na sabog ang ihi ko. Hindi malayong pati tae. Ganun naman talaga. Pero itinigil ko agad ang ganoong pag-iisip. Mahirap hulaan noon ang mangyayari dahil dinaig na ako ng antok. Sana wag na akong gisingin pag binaril ako. Yun ang huling laman ng diwa ko bago ako naidlip.
   Hindi putok o saksak o hambalos, hindi rin basang pundiyo ang gumising sa akin. Sorpresa ang anunsyo, iluluwas raw kami ng Maynila. Pinalitan kami ng damit. Wow. Sa wakas. Kulay matingkad na kahel. "O, o. Anong problema n'yang kwintas ko? Bakit sinikwat nyo? Galing pang Kuwait yan!" palag ng ng driver habang binibihisan sya. Mga snatcher. Mga kawatan itong kumidnap sa amin. Nasilip ko sa ilalim ng piring ang tatak sa dibdib ng t-shirt: PRO-CALABARZON DETAINEE. Umakyat ang bwisit sa ulo ko. Hindi dahil sa di ko paboritong kulay ang orange. Hindi rin dahil preso na ako ngayon. Kundi dahil Anti-Calabarzon Project nga kami. Tutol nga kami sa huwad na kaunlaran na dala ng proyektong Calabarzon. Iyan ngang pakanang iyan ng gobyerno ang dahilan nang pagpapalayas sa mga magsasaka. Ano ba? Tapos kakaratulahan kaming PRO-CALABARZON. Bwisit!
   Sa isang banda'y may hatid ring pag-asa ang eksenang iyon. Bubuhayin kami at hindi mapapasama sa mahabang statistics ng pinaslang at nawala. Sa libingan ng mga buhay ang diretso namin malamang.
   Ganap na ika-siyam at kalahati nang umaga. Habang nasa byahe ay inalisan kami ng piring. Una kong nakita ang mga sindikatong goons at stuntman na noo'y nagpapakilala ng mga pulis. "Hindi kami ang humuli sa inyo, ha." Namumutla sila. Taranta ang mga mukha. Sa hula ko'y sila naman noon ang gustong magpiring. Nilingos ko ang mga kasamahan ko. Umiiyak pa rin si "Kumander". May umaagos na dugo sa kanang balikat niya. Ang alam ko, sa paa siya natarian. Ang driver namin noong dukutin kami ay nakayuko. Tadtad ng maliliit na pulang pantal ang magkabila niyang braso. Ano kaya yun, pinerdible? Ang song leader ay mumula-mulaga sa liwanag. Dahil siguro sa epekto ng piring. Baka dahil rin sa wala ang salamin niya sa mata. Napansin ko ang malaking benda sa kanang binti niya. Inginuso ko. "Sinunog. Pinaso." ungot niya sa akin. Aalamin ko pa sana kung flamethrower ang ginamit. Gusto ko pa sanang uriratin kung ninakaw na rin ba ang relos nya. Nireserba ko na muna. Titig na titig si Tomboy sa mga uniporme ng kaharap namin. Palipat-lipat ang tingin sa mukha at nameplate ng mga goons. Pulis nga pala. Nakita ko sa gawing kanan ang SM Megamall. Papunta raw kami ng Camp Crame para sa isang press conference. Ipo-promote na ang pelikula. Panibagong aksyon. Pero di na ito sine. Isang bagong tunay-na-buhay-at-kamatayang pakikibaka.
   Pag-U-turn namin sa Santolan, inurirat ko sa pulis yung nakatatak sa kamiseta namin. Ika niya'y Police Regional Office-Calabarzon Region 4. Kaya PRO CALABARZON. A,okey. Ang huhusay n'yong kontrabida. Talagang nakakagalit Nakapagngingitngit.

-tapos-

 

Kislap Alitaptap

www.kislapalitaptap.multiply.com

 

axel pinpin's picture

Salamat!

bok! maraming salamat rito! give me time to answer your comments and queries. magiging busy lang mula ngayon hanggang buong lingo.

appreciated ko ang mga komentaryo mo:-)

 

www.skandalus.multiply.com

kislapalitaptap's picture

Rakenrol!

sige, wala naman itong kasamang time pressure eh. tsaka lam ko ko din naman ang mga pinagkakaabalahan mo ngayon. kagaya mo rin ako, nakatira sa kabilang bakod.

hanggang sa muli!

Kislap Alitaptap

www.kislapalitaptap.multiply.com