Kung hindi magtatagpo ang bawat yapos

noelbarcelona's picture
|

Kung hindi magtatagpo
ang bisig sa palibot ng iyong baywang
ni sa guhit man lamang ng iyong leeg...
huwag mong isiping sumpa ang bawat sandali
kundi usal ng dalangin:
Harinawang magbalik
ang mga panahong nagpapanagpo
ang bawat haplos at titig.

Sakali mang ang sa pagitan natin
ay dapyo ng hanging nakapangingiki sa lamig
ay huwag pasisindak sa awit na tahimik
na ayaw isayaw ng mga dahon at siit
hayaan lamang dumaan ang pagkatulig
at saka pakinggan ang kabog
ng naghuhumiyaw na dibdib.

Sapagkat ang pagibig ay kapwa pait at tamis
ligaya at dusa, gabi at araw, lamig at init
panapanahong ang asukal sa lalagyan ay mapapanis
samantalang ang alak na matamis
ay magiging sukang ayaw matikman ng bibig.
gayunman, sakaling ang mga katawan ay hindi magkaniig
ni magkatagpo ang papayapos na bisig:
huwag malulumbay sapagkat maaaring magtagpong muli
ang mga dibdib kahit sa kahibangang mundo
ng walang hanggang pangangarap, at hindi natutupad na mga panaginip.

Lungsod ng Antipolo, Disyembre 9, Alas-10:59 n.g.)
Noel Sales Barcelona

Isang makata, peryodista, kuwentista at mananaliksik mula sa Antipolo, Rizal si Noel Sales Barcelona.


ahum

 lungkot bigla.

 

_____________

"Gaya ng sugat, nabubuhay ako sa kirot; walang hanggang pinsala ang idudulot mo sa sandaling ako’y iyong hawakan." Pag-ibig, Pablo Neruda (salin ni Ruth Elynia Mabanglo).