kung papanaw man ako
kung papanaw man ako
ibig ko'y sa sinapupunan
ng nakikibakang sambayanan
at hindi sa piling
niyaong nagpapasasa
sa nakaw at masamang yaman.
sapagkat ayaw kong bansagan
na kaibigan ng mga sutil
buwaya't magnanakaw
na sa hirap ng masa'y
nagpapasasa't nagpapakaligaya.
sa lamay ko ay huwag akong alayan
ng koronang yari sa orkidyas, rosas
o anupamang bulaklak na pagkamamahal --
iibigin ko pang bulaklak ng kalatsusi
ang ipatong sa kabaong
na nalalaman kong maralitang magsasampagita
at lipaking palad ng magsasaka
ang masuyong naghanda.
huwag na kayong mag-abala pa
sa ihahanda sa gabi ng paglalamay
gawin niyong pinakapagkaing pamista
sa gabi at araw ng pagtatanod
ay malamig na kape
at matigas na pan de sal at matsakaw
kung ang pagmumulan
ay abuloy na nilimos,
pinagpuyatan, pinagpagalan.
habilin ko na huwag kayong
tatanggap ni gakusing
sa pulitikong haling na haling
sa pagnanakaw ng salapi
sa kaban ng yaman
o sa mga diputadong
magpalawlaw ng bayag
at magpataba ang alam.
ni huwag silang papapasukin
kahit sa tarangkahan man lamang
ng mumurahing puneraryang
pinaglalagakan ng aking bangkay.
bagkus ay itaboy ninyo sila --
usigin ninyo sila, mga kasama
ng inyong matatag at militanteng ideolohiya
at sabihin sa kanilang
ang pinupuntahan nila'y marangal na lamay,
payak na libing ng isang naghangad
ng mabuting buhay para sa lahat
at hindi isang karnabal
na kakailanganin ng madyikero't pay-aso
katulad ninyong lahat!


