Kuwento ng Isang Anghel

| |

(Unang Bahagi)

      Dalawang sunod na text messages ang natanggap ko kagabi buhat sa isang hindi kilalang numero.  Kung liliwanagin, ang sabi, “Ipagpaumanhin  ang kaabalahang pansamantala kong maidudulot.  Isa akong tagahanga ng iyong panitik na gaya ng iba mo pang mga tagahanga ay naghahangad ding makapagpasulat sa iyo ng sariling kasaysayan.  Makulay ang kuwento ng talambuhay ko.  Madula.  At tiyak kong iibigin mo ring isulat dahil gaya ng maraming naisulat mo na tungkol sa tunay na buhay ay nag-aangkin din ng maraming  gintong aral. Limang minuto mula ngayon ay tatanggap ka ng  tawag buhat sa akin.  Maraming salamat.” 

      At heto na nga, kumikiriring ang cell phone ko’y nakarehistro sa screen ang numerong gaya ng sa mga text messages kanina. 

      Pinindot ko ang buton para sa OK. 

       “Hello,” boses ng isang kabataang babae ang narinig ko mula sa kabilang linya.

      Nag-hello rin ako.  “Ako na ito,” sinabi ko ang aking pangalan. Una, hinihinuha kong hindi pa niya ako kilala sa boses.  Ikalawa, kalakaran sa pormal na pakikipagkilala.  At ikatlo, isang mahusay na istratehiya  upang turan din niya ang pangalan. 

      Naulinigan ko ang pinong tawa ng kabataang babae sa kabilang linya.  “Kilalang-kilala kaya kita, ‘no?!” pagkatapos ay sabi. 

      “Paano!?” 

      “Diyos ko, kailangan pa ba namang itanong ‘yan?  Sabi ko nga sa iyo, tagahanga mo ako. At natural sa isang tagahanga na inaalam ang tungkol sa kanyang hinahangaan.”

      Ako naman ang tumawa.  Ginagad ko ang intro ng dayalog niya: “Diyos ko, ha, ‘ala akong kamalay-malay rito, nakabuyangyang na pala sa iyo ang buhay ko.  Mamaya mo, baka pati kung ilang nunal mayron sa katawan ko at kung nasaan ang mga iyon ay kabisado mo pati.” 

      Naghalo sa linya ang ginawa naming tawa. 

      “Anyway, baka gusto mo ring sabihin kung sino ka?”

      “Oo naman, s’yempre, pero p’wedeng h’wag muna ngayon?  Saka na lang kapag nagkita tayo at pumayag kang isulat ang kasaysayan ko.”

      “Kaso, wala  na ako sa… “ Binanggit ko ang pangalan ng isang kilalang tabloid na sinusulatan ko dati. “Kalaban kasi siya ng publikasyong umampon sa akin. Pinapili ako. Tunay nga naman, we can’t worship two gods at the same time. How I really wish to serve you pero walang pages para sa true-to-life stories sa sinusulatan ko ngayon. Sakali man, saan natin ipa-publish?”

      “Nababasa kita sa isang magasing ang sirkulasyon ay hanggang sa ibayong-dagat,  baka magawan mo ng paraang mailathala roon. Mas maraming reader, mas maganda, dahil mas maraming kabataan ang matututo ng aral mula sa buhay ko.

      Di ko napigil ang isang mabining tawa. “Nagsisimulang manunulat pa lamang ako roon. Ipadala man natin, nasa pamatnugutan pa rin ng magasin ang pasya kung ilalathala o hindi.”

      “I-try lang natin, malay mo, pagbigyan. Deserving naman, e. Kelan ka available para maipabasa ko sa ‘yo ang draft? P’wede bukas?”

      Sabado bukas. “Hindi ako p’wede pag Saturdays, may klase ako sa aking Master’s. Linggo, available ako.”

      Nagtipan kaming magkikita, bandang alas-siyete ng gabi ng Linggo sa isang bagong tayong kilalang fast-food-restaurant sa San Fernando City.

      NASA klase ako kaninang umaga ay ginugulo ako ng napakaraming tanong hinggil sa mahiwagang kabataang babae.  Paano niya kaya nalaman ang numero ng cell phone ko?  Sino kaya siya?  Ilang taon na?  Estudyante pa? Maganda? Seksi? Naku ha, kung saan-saan na naman yata ibig maglikot ang imagination ko!

      Linggo. Minus-kinse para alas-siyete nang manhik ako sa dakong aming napagkasunduan. S’yempre, isang maginoong hakbang na kaming mga lalaki ang dapat na naghihintay sa katipang babae.  Pero ano ito? Isang naka-attire Rosebud na kabataang babae ang nahagip kong kumakaway sa akin buhat sa isang mesang malayo sa karamihan. Pinalalapit ako.  Siya kaya? Pintsik siya? Mestisa?

      “Hi,” iyon ang boses ng kabataang babaeng nakausap ko kagabi.  Iniabot niya ang kanyang kanang kamay.  Diyos ko, sutlang kay lambot ang palad ng ale!

      ”Naunahan kita,” gumawa siya ng ngiti.  “Pero hindi ka naman nahuli. Agtugaw ka.”   Upo raw ako.

      Ilan sa mga tanong ko ang agad ay nasagot.  Kung sa kagandahan, nanang ko po, ibang klase ito – katakam-takam! At kung seksi o hindi, ay sus, super-bagyo! Napakasabaw!

      Umorder kami. Sa drinks; juice ang sa akin, erbi (beer) ang sa kanya. 

      “Pampakapal ng mukha,” aniya pagkatapos ng unang lagok.  “Siya nga pala, ako o,” isang school I.D. and iniabot niya sa akin. 

      Tinunghan ko (ang I.D.) upang magulat lamang pagkatapos kong mabasa ang kanyang pangalan.“Ang bigat mo pala!”   Bumadha sa mukha ko ang labis na pagkabigla. “Kaano mo si Chavit?”

      “Iyong sa Impeachment Trial noon ni Erap? Mmm, ‘ala. Malayong kamag-anak.”

      “Owws… hindi nga!?”

      “Promise.” Pinagkurus niya ang kanyang magkabilang hintuturo sa tapat ng kanyang mga labi. Noo’y nasa ikalawang bote na siya sa tatlong boteng beer na inorder niya. 

      “Sa k’wento ko pala, p’wede bang huwag pangalan ko ang gamitin natin?  Negative ang k’wento ng buhay ko, alam mo?  At s’yempre, ayaw kong malaman ng tao kung paano ko ginugol sa wala ang buhay ko.”

      Tumango ako, “sure!”  ANGEL daw, kung maari, ang gusto niyang maging alyas.  Tumango uli ako. 

      “Ayanna ngarud didyay draft?”

      Isang folder na may sampung pahinang bond paper ang iniabot niya sa akin.  “Pagtiyagaan mong basahin,” aniya.  “Pero ano, total narito na rin lang tayo, ikuk’wento ko na muna sa ‘yo.  Review mo na lang bale ang draft, p’wede?”

      Nag-thumbs-up ako.

      ”Sa climax na tayo, ha?”  Isang alanganing ngiti ang gumuhit sa kanyang mga labi.  “Alam mo, kuwan ako?”  Iminuwestra niya ang ibig sabihin sa pamamagitan ng paarkong pagkumpas ng kanyang kanang kamay sa tapat ng kanyang tiyan.  “Two months. Yap, you heard it right, two months pa lang naman.”

      Kamuntik akong nalaglag sa silyang inuupuan ko.  “Buntis ka!?”  Nasa tinig ko ang pagkagimbal.  Paano, sa I.D. niya, 4th year high school lang siya.  Sino ang mag-aakala na ang napakamurang bulaklak na ito ay lanta na ang mga talulot? “Bakit? I mean, paanong nangyari?”

      Tawang devil ang tawang ginawa ni Angel. “Kung makatanong ka naman, as if kahapon ka lamang ipinanganak.  S’yempre pa, nakipag-duo ako, ‘no!” ang sabing ang tinutukoy ay parang isang pangkaraniwang nangyayari sa pang-araw-araw na buhay ng isang bahagya nang tumuntong sa 4th year high school.  “Ipagdasal mo ako, ha?”  aniya pagkatapos maitaob ang ikalawang bote ng beer.  “No choice na talaga ako, e.  Either papatayin ko ito, total hindi pa naman tao, or ako ang magpapakamatay.”

      Napaantanda akong wala sa loob.  “Kung wala lang sana akong girlfriend na masasaktan, aakuin ko ‘yan,” matapat sa loob kong sabi.

      Mapaklang ngiti ang nahuli kong nakipagtagisan sa mga luha ni Angel.  “Thanks ha,” aniya habang tumatayong nagpapahid ng luha.  “Sorry, but can we please go now?  Baka mamaya mo kasi e maalok mo pa ako ng kasal ay agad-agad mo akong mapapayag.”

      Atubili akong tumayo.  Kinapa ko ang wallet  ko.

      “Bayad na,” si Angel. “Di ko pa pala naik’wento sa ‘yo, sa lolo ko ito. Libre tayo rito.”

      Sa labas, isang kung sinong putragis na ubod ng yabang ang nag-park ng bagum-bagong Ford Expedition nang makasasagabal sa paglabas ng motorsiklo ko.  

       “Saan ka ngayon?”  tanong ko kay Angel habang sinususian ang wheels ko.  “Kung okay lamang sa iyo, kesa mag-dyip ka’y angkas ka na sa akin, hatid na kita…”

      Iyong pagbukas ng mga labi ni Angel upang tugunin marahil ang aking paanyaya’y siya namang pagbukas ng front door ng naka-park na Ford Expedition.  Sundo pala ni Angel iyon.  Wheels niya iyon.Kung nakamamatay ang mapahiya, matagal na siguro akong nagsimba na may bulak sa ilong!

      “Sa susunod, aangkas talaga ako r’yan sa motorsiklo mo,” pabulong halos niyang sabi habang naka-beautiful eyes sa akin. “Huwag muna ngayon, ha? Me g’wardiya ako, e.” 

      Sa lahat-lahat ng p’wede niyang gawin, iyong b’welta niyang iyo’y niyakap ba naman ako saka walang sabi-sabing ni-lips to lips! Diyos ko, doon na bumigay ang mga tuhod ko.  Nangalog nang husto at, maryosep, mangingisay yata ako.   

                                      ________________________________________________________________________

 

                                                 Sa susunod na labas, matutunghayan n’yo

                                             ang ubod ng kulay na k’wento ng buhay ni Angel…  ABANGAN.

                                            Gumagalang,                

                                                                                                                                    

William P. Nucasa

Ailem23's picture

Sir

 May kasunod na po ba? mukhang interesting ang kwento ni Angel. Nagsusulat rin po ako tungkol sa mga kabataan kaya interesado rin ako sa iba't ibang kwento ng iba't ibang klase ng kabataan ngayon. 

Hihintayin ko po ang kasunod.

*****

"Hindi por que magulo ay hindi na maayos. malay mo, ginugulo ka lang talaga para umayos ka." 

www.onlypurehearts.multiply.com

www.newdaybooks.multiply.com

Hello Melai!!!

medyo ok na ang karugtong pero hamong plantsahin ko munang mabuti...para makatugon sa inaasahan ng matatalinong readers natin dito sa FW.

isama n'yo naman ako sa next na project nyo sa inyong publication.

god bless..

isang araw, magkikita tayo.

Hello Mr. Nucasa!

hehehe! cute naman po. yan po kasi ang istoryang pinabasa sa amin ng aming guro. Nagkaroon kami ng reaction. Napakalaking impluwensiya ng isinusulat ninyo sa aming mga kabataan at silbing sa amin ay magiging aral. Pati na din ang mga nababasa namin sa textbooks namin. haha! grabe yung Ate Belen. XD sana po maging friend ko ang idol ko! XD more power! XD

Starblaze's picture

typical story

masyadong typical ang kwento..na kung iisipin eh papano maisusulat ang kwento ng isang disgrasyadang batang babae sa unang pagtatagpo pa lamang..ni walang introduction kung papano ang naging buhay ng girl...ang style ng pagkakasulat ay isang tipo ng kwento na alam mo na ang ending...hindi bagay sa isang batikang manunulat tulad ng claim ng pangunahing tauhan.

Starblaze, Bh.D. (Doctor of Broken Hearts)

Dakilang mangingibig, malikot ang isip (at kamay)

http://cutedaw-starblaze.blogspot.com/

hahahaha!!!

hahahahaha! hahahahaha! hahahahaha!

rose's picture

Nice Try...

Nice comment hah! 

natatawa ako

natatawa ako sa aking sarili dahil kay William Nucasa, hintayin ang gagawin kong kwento kung bakit. COMING SOON !!!!

Magandang araw!

to dj prestousa,

   Maraming salamat sa pagsubaybay sa aking mga kuwento. Nakatutuwa namang malaman na may ilang nagpapahalaga pala sa ating mga sinusulat... higit sa lahat,kahit papaano, ay nakapagbibigay inspirasyon pala tayo lalo na sa kabataan.

   Sa hangarin mong maging manunulat, malaki ang maitutulong sa iyo ng FW. 

 

to starblaze,

   Thanks as well, sir/madam. Opo, tipikal lamang ang istorya at ang pagkakaistorya. Anumang claim sa kuwento ay sa loob lamang ng kuwento. Wala tayong pagtatalunan. Mahusay po kayong manunulat at kayo ay aking hinahangaan.

 

to rose,

  salamat din...

Lahat kami!

Lahat kami ay napapahanga. Lagi naming ginagawan ng buod, banghay, etc. ang inyong mga kwento XD Maraming salamat po sa inyo. God Bless din! Sana ay mapagbuti ko pa XDDD

Ang Dami Ko na Palang Utang sa Inyo!

Salamat sa paggugol ng panahon para sa aking mga kuwento. Pakiabot na lamang ang aking pasasalamat sa inyong titser. College na ba si dj? Saang school? Hangad ko ang iyong tagumpay!

Hayskul

Ako'y isang highschool student palang po (3rd year). Baka ho kilala niyo si Sir Jhun Minao. XDDDD Sige po sasabihin ko po sa kanya ang inyong pasasalamat. Maraming salamat din po sa inyong hangad!