Kwento Ko, Isasayaw Ko

Ailem23's picture

Normal 0

Ang buhay ay parang sayaw. May ballroom, hiphop, folk dance, modern dance. May slow, may fast, may simple may complicated. Ang bawat indayog ng katawan ay sumasalamin sa kung paano nating harapin ang buhay. Minsan nasa timing, minsan hindi.

I started dancing when I was five. Siyempre, uto-uto pa ako sa magulang ko noon. Iyon tipong pag sinabi ni inay na, “Anak, sayaw ka nga,” ako namang si masunuring anak e sasayaw nga. Sa naaalala ko sa ang aking childhood, Ice ice baby pa ata iyong sinasayaw ko noon tsaka iyong mga kanta ni Madonna na favorite ng magulang ko. Iyon din ata iyong moment na sikat na sikat pa si Madonna.

Na-develop pa ang talent ko sa dancing noong pumasok ako sa school. Suki ako ng mga guro kapag pipili sila ng sasayaw ng folk dance o kaya modern para sa kung anu-anong contest hanggang sa umabot na ako sa Paligsahan sa Sining na ginanap noon sa CCP. Grade six lang ako noon at sumayaw kami ng folk dance-Kumintang na super bigat ng Maria Clarang costume.

Mula sa Ice ice baby nagtuloy ang  pag-indak ko kasama ang Macarena, Shalala, Always, Dying Inside to Hold you, The Sign o I saw the sign (tama ba ang title nito?hahaha.), Together Again ni Janet Jackson hanggang sa mapilitan na ring mag-ala Michael Jackson na hindi ko naman ma-perfect hanggang ngayon.

Naging member din ako ng dance troupe sa school noong high school. Naging suki naman kami ng mga programs sa school, mula sa doxology hanggang sa intermission number at production number. Nagsimula na rin akong sumali sa dance troupe sa labas ng school at pinagkakitaan ang pagsali at pagpapanalo sa mga dance contest sa mga fiesta.

Umakyat sa next level ang sayawan sa piling ng N sync, Backstreet Boys, at ng iba pang artist na nagpasikat ng mga kantang nagpapaindak sa lahat.

Ngunit pagdating ko ng college, lie low na ako sa pagsali ng contest dahil mas naadik ako sa pagsusulat. Hanggang sa magipit ako sa pera, binalikan ko ang sayaw…nagturo ako ng sayaw. Maliit man kita, nakatulong iyon para masustentuhan ko ang allowance ko noon. Trying hard lang kasi kaming nag-aral sa La Salle kung saan ginto ang pagkain, papel, ballpen, at hangin.

Marami akong na-gain na experience sa dancing. May pagkakataon noon na nahulog ako sa stage dahil ninerbyos ang dance partner ko sa ballroom. Sumala ang salo niya  sa akin kaya sumemplang ako sa gilid ng stage. Pero kahit ika-ika na ako e the show must go on pa rin. Akalain nyo bang nanalo pa kami. Ibang klaseng strategy talaga ang mag-ala Miriam Quiambao.

May chance din naman na muntik na akong mahubadan on stage. Buti na lang at gentleman itong si dance partner at pasimpleng nilagyan ng pardible ang damit ko sa likod habang sumasayaw kami. Wala nakapansin kundi kaming dalawa. Nagpasalamat pa ako sa kanya after noon at ang sinabi lang niya, “Inaalala lang kita.” Wow, mata-touch na sana ako nang dugtungan niya ang statement ng, “Baka malaman nilang lahat na operada ka lang, madisqualified pa tayo.”  Hahaha.

Masarap din ang magturo ng sayaw. Kung ako ang papipiliin, sa palagay mo mas fulfilling ang mapanood ang mga tinuruan ko on stage, lumalaban sa contest at higit sa lahat nananalo. Lalo na kapag pinupuri sila ng audience without knowing na ang dance instructor nila ay nasa tabi-tabi lang at nakikinig. Masarap sa pakiramdam na naging bahagi ako ng tagumpay ng ibang kabataan. Higit kong ipinagmamalaki iyong dance troupe na una kong tinuruan. Mga batang lumaki sa bahay-ampunan sila at ang iba ay out of school youth at nakatira sa mga squatters area dito sa Batangas. Walang bayad iyon. Parang charity work ng original dance troupe na kinabibilangan ko. Sa kakasali nila at kakapanalo sa dance contest, nagawa na nilang makapagtuloy ng pag-aaral ngayon. Ang iba, noong huli kong nakita, nasa public college school na. At nakakatuwa dahil pag nakikita ko sila, nililibre na nila ako sa fishball stands sa labas ng school nila. Sa kanila ko na iniwan ang dance troupe.  

After kong matapos sa college, paminsan-minsan ay nagtuturo pa rin ako. mga bata, teenagers, at senior citezen. Hehehe. Walang joke ‘to. At kung tatanungin ako kung alin sa mga grupo ang masarap turuan, sasabihin kong ang mga bata at mga matatanda ang lubos na nagpapa-aliw sa akin bilang DI.

Masarap magturo ng sa mga bata. Iyong tipong 5-9 years old dahil simple ang dance steps. Iyong nga lang, ubos din ang energy ko sa pangungumbinsi sa mga batang pakinggan naman ako. Mahilig ko sa bata, at sa pagtagal ay sanay na ako sa kalikutan  nila.

Mas aliw naman ang mga matatanda. Sinong may sabing manyapa’t senior citizen na sila ay out dated na sila sa dancing?  May isang particular experience ako sa mga oldies na tuwing naalala ko e talagang napapatawa na lang ako.

Pumasok ako sa dance studio. Sosyal ang mga oldies, talagang sa dance studio pa talaga. Ang ituturo ko ay para sa Christmas party ng Rotary Club. Ang expectation ko, mapapasabak ako sa simpleng ballroom lang. Pero nang makita ko sila, shocked ako, mukhang belly dancing ang gusto nila. Hindi ko forty ang belly dancing.  At pwede pa bang mag-belly dancing ang 60 years old and above? Hindi kaya bago kami matapos ay bali-bali na ang mga buto nila at mademanda pa ako?  Andami kong nakakapraning na tanong noon pero dinedma ko na lang at humirit na lang ako. “Mga lola’s and lolo’s, ano pong gusto nyong sayawin? Jai Ho?”

“Pwede anak?” tanong nila.

Patay kang bata ka, buska ko sa sarili. Pero dahil Jai Ho ang gusto nila, sinunod ko sila,. Upbeat ng Jai Ho at Calle Ocho ang ginamit ko, combination ng Arabic/Belly Dancing at ballroom.  Hindi do’n nagtatapos ang nakakaloka kong experience sa kanila.

Kung ang mga bata ay magtatanong sa akin kung may kendi ba ako o kung pwede ko silang samahang mag-CR, ang mga oldies ay mas nakakalokang kakwentuhan.

“Anak, may boyfriend ka ba?”

“Wala nga po e. Naghihintay pa.” Tumawa pa ako.

“Swerte magiging boyfriend mo, apo kasi mabait ka.”

“Ay salamat po.” Magaling talagang mambola ang matatanda.

“Anak, iyong apo ko, binata iyon Engineer.”

“Apo ko rin, Doctor.”

“Iyong apo ko, Nurse.”

“Iyong apo ko naman, Teacher. Ay bagay kayo no’n.”

Hindi ko alam ang tamang reaction kaya ngumiti lang ako. Sabi nila ay ipapakilala nila ang kanilang mga apo sa akin. Wow, para namang ang ganda-ganda ko e hindi naman. Parang ang haba din ng hair ko, pero maikli naman.

Akala ko makakalimutan din nila iyon dahil prone sa kalimot syndrome ang mga matatanda pero next session namin, may mga dalang pictures na sila ng kanilang mga apo at ipinakita nilang lahat sa akin. Tawa lang ako ng tawa. Sa isip ko kasi, ano ba itong mga oldies na ito, ibinubugaw na ang mga apo nila. Alam kaya ng mga apo na ibinabenta na sila sa akin ng grandparents nila? Lalo pa akong natawa nang mamukhaan ang isa sa mga pictures na pinakita sa akin. Dating manliligaw ko iyon nung college pa ako na hindi ko sinagot nang malaman kong dalawa kaming nililigawan niya. Buti nga sa kanya, wala ng pumapatol sa kanya ngayon. Karma counts.

Pero sabi nga nila, lahat ng bagay ay may ending. Sa pagpasok ng 2010, isa sa naging resolution ko ang huminto sa pagtuturo ng sayaw at ang mismong pagsayaw. Tama na siguro ang ilang beses na nabalian ako dahil sa lifting at hikain ako dahil sa kapabayaan ko rin. Oras na para alagaan at mahalin ko naman ang sarili ko. Pero sabi nga nila, once a dancer always a dancer. Kaya kahit sa bahay e sasayaw pa rin ako…habang nagsusulat…