LANDAS BUHAY

CLOSET WRITER's picture

Mahaba ang byahe patungong probinsya ng Tagaytay ngunit hindi sya sinumpong nang pagkabagot. Salamat sa kulitan nilang magkakaibigan habang lulan nang awto na minamaneho ng isa sa kanila na taga Laguna. Matulin ding nilalantakan ng kanyang mga mata ang mga tanawing nadadaanan. Ipinaaalala ng malalawak na mga bukirin ang kaniyang sariling bayan na matagal-tagal na rin nyang hindi nauuwian.

Ilang sandali pa, umibis ang sasakyan. Huminto ito sa tapat ng isang lumang simbahan. Hindi pa man nakababa ay tila may kung anong humamplos sa kanyang pakiramdam na nagdulot ng ginhawang di nya maipaliwanag. Bahagya nyang iniyuko ang ulo para bistahan mula sa bintana ang karatulang nagsasaad ng kanilang kinaroroonan.

Franciscan Missionaries of Mary Or The Landas Buhay.

Sa ikatatlong baytang, tumigil sya ng ilang saglit. Naalala kase nya ang isang pamahiin. Kapag first time daw na pumasok sa isang simbahan, sa pagtungtong sa ikatlong baytang ng hagdan, humiling ng isang bagay na gustong matupad. Batid nyang malabong ipagkaloob ang nais nyang hilingin pero nagbakasali na rin sya. Saka sya umusad, lumuhod at umusal ng maikling panalangin.
Nang makalabas, inginuso ng kasama nila na lumihis sa kanang bahagi ng simbahan. Magkahawak kamay sila nang taong malapit sa kanyang puso. Nasanay na silang maghawak kamay kapag magkatabi. Tulad ngayon, kung pagmamasdan, para silang magkasintahang namamasyal sa park. Maganda ang paligid. Maaliwalas. Ang makitid na daang tinatahak nila ay halos mabakuran na ang magkabilang bahagi ng nagkukumpulang halaman at mayayabong na mga bulaklak. May ilang hakbang pa, nakasilip na ang unang baytang ng hagdan patungo sa ibaba. Bagamat natatakpan ng mga halaman ang bahaging ilalim ng gulod, may biglang nakita ang kanyang isipan.
Pinisil nya ang kamay ng kaibigan para makuha ang pansin nito.
”sa ibaba, sa bandang kaliwa...may tubig”. Napatingin ito sa kanya. Nagtataka.
At kahit hindi nagtanong, alam nyang ang nakaarkong kilay ay naghihintay ng paliwanag.
“Oo, sigurado ako, may body of water sa kaliwang side sa ibaba. Parang lawa na parang balon, basta...may tubig”.
Tinging nawi-weirdohan lang ang isinukli sa kanya. Sya man ay nagtataka.
At sa kagustuhang mapatunayan, sa sarili at sa kasama, agad agad silang bumaba. Mga ilang baytang pa bago ang pinakadulo ng hagdan, napawi ang mga halaman at isang balon nga ang bumungad sa kanila, eksaktong doon mismo sa kung saan nya ito nakita sa isipan. Hindi nya na napansin kung ano ang naging reaksyon ng kaibigan. Nawala na ito sa kanyang hinuha. Inangkin na ng nagbagong kapaligiran ang buo nyang atensyon palayo sa reyalidad. Marahan nyang nilingon ang itaas na bahagi kung saan sila nagmula. Ang simbahan sa itaas ng burol ay nagmistulang mga bahay noong unang panahon. Ang mga bubong ay pawang yari sa mga pinagpatong-patong na bricks. At ang mga lumot na bumabalot kani-kanila lang sa matarik na bahagi ng bulubunduking lugar ay napalitan ng pader na gawa sa mga konkretong kulay terra cotta. Na syang nagsisilbing moog sa mga kabahayan sa itaas. Muli nyang ibinaling ang tingin sa balon, na ngayo’y napapagitnaan na ng mababaw na lawa. May mga nakaupo sa pinakabunganga ng balon. May nagsasalok. Pawang mga kababaihan. Nakasuot sila ng kulay berde at maninipis na mahahabang damit. Umaalon sa pag ihip ng hangin kasabay ang mahahaba nilang buhok. Nagbubulungan sila at kimi na naghahagikhikan. Ang ilang kababaihan naman ay pinapaliguan ang mga bata. Sya, ng kanyang ina. Hindi lang nya nakikita ang lahat, nararamdaman nya ito. Ang pag-agos ng malamig na tubig sa kanyang katawan...ang mapagmahal na haplos ng ina sa kanyang balat. Sya ang batang pinagmamasdan nya. Biglang dumagundong ang paligid. Parang may lumusob na kung anong kalaban. Nataranta ang lahat. Nagsipagpulasan ng takbo sa ibat-ibang direksyon. Nagsisigawan. Tarantang-taranta sya at hindi alam kung saan babaling. Binalot ng sindak ang kanyang mukha sa pagkakawalay sa kanyang ina. Hanggang sa dumilim ang buong paligid.

Sa puntong iyon sya nahimasmasan kasabay ng sigaw at kumakaway na kaibigan na noo’y nakatawid na sa karugtong na lugar ng monasteryo. Nalilito nyang nilisan ang bahaging iyon matapos tapunan ng isa pang sulyap. Bumalik na sa dati ang paligid. Nasa tapat na sila ng isang kalawanganging tarangkahan pero nag aalangang pumasok.
“No Trespassing”, nakasaad sa halos burado ng pintura nito.
“sige na, pasok na kayo habang wala pa ang mga madre!”- udyok ng kasama nila.

Retreat camp ang lugar na yon at nagsisilbing tahanan na rin ng mga madre. Mula doon sa gate ay natanaw nya ang isang puno ng mangga na may upuang semento sa lilim nito. Nasisilip nya ng bahagya ang Taal Lake sa mga siwang ng talahiban. Sa sobrang galak, napawi sa isipan nya ang pangambang baka sila ay sitahin. Napabuntunghininga sya nang makalapit sa punongkahoy na nakaabang. Ang bakod na kawayan ay nagsisilbing pangharang sa matarik na bangin. Umupo sya’t pinagmamasdan ang malawak na lawa. Nakakabighani. Ganitong ganito ang tanawin sa isa sa mga paborito nyang period movie, ang Captain Corelli’s Mandolin. Buong akala nya, ito na ang pinakamagandang bahagi ng lugar. At wala na sana syang balak tumayo pa kung hindi lang sya nag alalang baka maiwan ng mga kasamahan. Kailangan nyang sumunod sa mga ito. Pababa pa uli ng bundok. Hindi iisipin ng sino man na bundok na pala ang likurang bahagi kung naroroon ka sa itaas sa may simbahan. Sa kapal ng mga damong ligaw, taas ng mga puno, huni ng mga insekto at nakakalulang bangin, aakalain mong nasa liblib kang bahagi ng masukal na kagubatan.

Isa pang liko pakaliwa, namangha sya sa mga higanteng sumalubong. Isang gahiganteng krus na nakikipag-agawan ng atensyon sa mga mas higanteng puno. Naisip nya...kung ito ang mukha ng langit, hihilingin nya na ang mamatay. At sakto kung sakali, ang bahaging iyon ay isang maliit na sementeryo kaya lalo syang napamaang. Nakakapagtakang hindi sya natakot o naasiwa gaya ng nararamdaman nya kapag nakakita sya ng kahit saang sementeryo. Ang gaan ng kanyang pakiramdam ng mga sandaling iyon. Halos nakalutang. Nilapitan nya ang isa sa mga nilulumot na nitso at hinimas himas ito na tila isang kasangkapang matagal nya ng pag-aari. Hindi nya maipaliwanag ang kapayapaang bumabalot sa kanya habang dumadampi ang kanyang palad sa malamig na semento. Binalot sya ng solitaryo.

Habang abala ang mga kasamahan sa pagtanaw sa nahihimbing na lawa ng Taal, lumapit ito at humalukipkip sa naglalakihang ugat ng higanteng pine tree.Isinandal nya sa puno ang kanyang ulo at ipinikit ang mata habang ninanamnam ang lamig ng simoy ng sariwang hangin.

Tahimik ang paligid. Wala na ang mapamuksang kalaban na walang kaabog abog na lumusob at naghasik ng lagim.

Nakapikit sya...kalong kalong ng kanyang umiiyak na ina.