Lente: Ang Photographer

ruelyn's picture

 

 Alam ko na ang pangalan niya. Nagkataon pang magkapangalan kami, siya si Rouelle at ako naman si Ruelyn, di ba mag katunog? Kaya pala nagustuhan ko siya agad, may ganun? Sa kagustuhan kong malaman ang lahat lahat sa kanya, nag research ako. Sa pamamagitan ng mga kapwa niya photographer nagtanong ako. Nalaman kong sa Manila Bulletin pala siya nagtratrabaho at pitong taon ang tanda niya sa akin.

Nalaman ko din na taga Pasay pala siya at ito pa ang hindi ko kinaya, single siya. Parang lumabas ang puso ko sa galak ng malaman ko yun. Ang babaw pero masaya na ako nun.

Hindi pa ako kuntento sa patanong-tanong at ni-research ko talaga siya sa friendster at facebook. Ganun na lamang ang lungkot ko na makita ko sa profile niya sa Friendster; nakalagay "in relationship". Nagtaka tuloy ako, bakit sabi ng mga pinagtanungan ko single pa siya? Muntik na akong maluha habang nakatitig ako sa computer.

Tila yata sinasadya niyang ayaw akong maging kaibigan dahil ng hanapin ko siya sa facebook ayaw naman niyang pa-add. Natanong ko tuloy sa sarili ko, panget ba ako, o di naman kaya may nakakahawang sakit?

Sa inis ko, kung anu-anong bagay ang sinabi ko tungkol sa kanya.Naiinis talaga ako kaya hanggang sa MPD, nagpaparinig ako, tamaan na ang tamaan. Ang kapal nga ng mukha ko e, kasi ako pa ang may ganang magalit.

Dahil sa ginawa niyang pagtanggi sa paghanga ko sa kanya ay tinigilan ko na ang paghahabol. Napagtanto ko na walang patutunguhan ang pag-ibig ko sa kanya. Pag-ibig? kinilabutan naman ako dun.

Mas malinaw pa sa lente ng camera niya, nakita kong walang pag-asa ang paghahabol ko. Ginawa ko na lahat pero ayaw niya, alangan naman isiksik ko pa ang sarili ko. Palay na nga ang lumalapit sa manok tumatanggi pa.