Ligo

alvinringgo's picture
|

Buhok niya’y magaspang na dayaming nagsasala-salabid,

nanlalagkit sa pamadang kahapon inilamas. Nanlilimahid.

Mukha niya’y nangangaliskis, nalalaglag ang namuting balat

ng natuyong tigyawat. Bigote’y nagsusulputan. Kumakaskas. 

Nakakapit pa sa kanyang bagang ang mga pulbos ng munggong ginisa,

nakasingit sa ngipin ang hibla ng dahong-ampalaya. Umaalingasaw.

Libag sa leeg, pusod, singit at alak-alakan ay gumuguhit,

asim ng kilikili’y nanunuot sa balahibong kulot-kulot. Kumakapit. 

Salawal niya’y naninilaw sa gitna, naghalo ang natuyong

tagas ng ihi at katas, naluto ang ari sa makating asin. Maalat.

Katawan niya’y naghuhulas sa naghalong langis at pawis,

binalot pa sa damit na tatlong araw nang walang palit. Maanghit. 

Isang tabo ng malinaw na tubig ang nagsilbing-pambinyag,

malayang ibinuhos, sumindak sa baho’t dumi. Nalansag!

Buhok ay kinuskos sa saganang langis ng palmera,

dinikdik na yerba buena, dagta ng aloe vera. Nagkaporma! 

Mukha’y hinilamusan sa katas ng sariwang papaya,

pinulbos na perlas, mga pinisil na bitamina. Gumanda!

Ngipi’y marahang ineskoba sa pampaputing krema,

nilunod ang bibig sa maanghang na agua. Preskong hininga! 

Labakara’y ipinahid sa habong tinimpla sa gatas ng kambing,

pinitpit na petalyo ng rosas, katas ng mga prutas. Dumulas!

Pagkaraa’y ipinangkiskis sa dibdib, likod, pigi, hita’t binti

hanggang sa mga sulok at singit na di nadadaiti. Pumuti!  

Bagong tao na naman.      

Alvin Ringgo C. Reyes

Si Alvin Ringgo C. Reyes ay isang propesor sa kolehiyo na nagtapos ng Bachelor of Secondary Education Major in Filipino (magna cum laude) sa Unibersidad ng Santo Tomas at kasalukuyang nagtatapos ng kanyang Master sa Sining sa Araling Filipino – Wika, Kultura, Midya sa Pamantasang De La Salle – Maynila. Tagapagsalita at delegado rin siya sa mga seminar-worksyap sa wika at panitikang Filipino at edukasyong propesyonal; may-akda ng mga aklat na pangguro at pangmag-aaral sa mataas na paaralan; tagapagsalin; kontribyutor sa mga magasing pang-edukasyong propesyonal; at aktibong kasapi ng mga samahan sa wika at panitikang Filipino, gaya ng Wika, Inc., at Sanggunian sa Filipino. Kasalukuyan din siyang nanunungkulang kagawad ng lupong pampamunuan ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino, Inc.   Napili rin siyang Fellow sa Ikatlong Palihang Rogelio Sicat Pambansang Palihan sa Malikhaing Pagsulat ng UP Diliman Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas.


johncross's picture

whew!

nakakalunod...ang lalim.