Mahal Kita Inay

Alam kong ako'y ampon lamang ni Inay at iyan kahit di niya sabihin sa akin ay alam na alam ko.  Nakita niya ako isang araw ng Linggo sa may palengke.  Maliit pa lang ako at ako raw ay lalaboy-laboy noon.  Di ko na kilala ang aking mga magulang dahil maliit pa lang ako ng kanilang iwan sa may palengke.

Iniuwi ako ni inay sa kanyang bahay at ako ay itinuring na isang anak at pinangalanan akong Mimi.  Si inay ay isang dalagang retiradong guro at magisang namamahay sa namana niyang bahay.  Katabi ko siya sa pagtulog at sabay din kaming kumakain.

Itinuturing ko rin siyang aking inay. At lumipas ang panahon at napansin na lamang ni inay na ako isang ganap ng dalaga.  Lagi niyang ipinagmamalaki at sinasabing "Ang ganda ganda ng anak ko at ang puti puti niya".  

Noon ko nakilala ang aming kapit bahay na si Melo.  Niligawan niya ako at kami ay nagibigan.  Ganun yata talaga pag umiibig dahil madalas akong tumatakas sa amin para makipagtagpo kay Melo.  Hanggang sa dala ng aming kapusukan ay di na kami nakapagpigil sa aming mga sarili at kami ay nagmahalan. Nagbunga ang aming pagtatalik at nakita ko na lamang ang sarili ko na isang dalagang buntis.

Si Melo naman ay iniwasan na ako ng mabatid na buntis na ako.  Di ko na siya nakikita at di na niya ako inaaya man lang.  No pansin na nga ako sa kanya kahit pa magkasalubong kami sa daan.

Ang aking inay ay isang maunawaing nanay.  Kahit ako ay nagkaganito ay di niya ako sinumbatan bagkus ay lalo pa niya akong minahal.  Madalas na hinihimas niya ang aking ulo lalo na pag ako ay natutulog.

Isang araw na wala si inay ay naramdaman kong humihilab ang aking tiyan. Manganganak na yata ako ay naramdaman ko ang masaganang tubig na galing na humugos mula sa aking sinapupunan.  Nagdilim ang aking paligid at di ko na nalaman ang mga sumunod na pangyayari.

Nasa maayos na kami ng aking anak ng imulat ko ang aking mga mata.  "Mimi, nanganak ka na at nagkataong nasa palengke ako.." Heto at inayos ko na ang kambal mong mga anak.  Mapuputi rin silang tulad mo.  Parehong babae ang mga anak mo."  " Hahaha at may apo ka na kay Mimi mo", ang sabi ni Aling Mila na kaibigan at kapit-bahay ni inay.

Ako naman ay yumupyop sa kanyang dibdib at umusal ng inay,  inay,  inay  Mahal kita inay.  Inay.  Inay.  Inay. 

"Ikaw naman Mimi ka,  marahil ay nagugutom ka na," ang sabi ni inay.  "Kanina ka pa ngiyaw ng ngiyaw diyan" at binigyan ni inay ng pagkain ang kanyang alagang pusa na si Mimi.

 


dj Prestousa's picture

AY GAGSTI!

Hahaha! Isang maling akalang di nakamamatay. Hehe, ako'y sadyang na-cutan sa iyong ginawa! I Like It! thumbs up ako dyan! nice ah. XD

5182EiDiDiFy's picture

Mahusay na sana ang

Mahusay na sana ang pagkakalatag ng kwentong ito subalit may sablay sa dulo:

Danny Boy wrote:

"Ikaw naman Mimi ka,  marahil ay nagugutom ka na," ang sabi ni inay.  "Kanina ka pa ngiyaw ng ngiyaw diyan" at binigyan ni inay ng pagkain ang kanyang alagang pusa na si Mimi.

Kung papansinin, parang lumabas na dalawa ang nagkukwento sa akdang ito... dahil sa huling pangungusap... at pinagulo pa dahil nga "Dalagang retiradong guro at magisang namamahay sa namana niyang bahay"  ang pagkakalarawan sa "Inay" ng kwentong ito.

Lumalabas kasi na si "Mimi" ang nagkukwento sa kabuohan, subalit sa huling pangungusap naman ay may lumitaw na isang pang nagkukwento, lumalabas na anak ng "Inay". Paano siya nagkaanak kung siya ay isang Dalaga?

Kung wala sana ang huling pangungusap sa kwento, ang:

"at binigyan ni inay ng pagkain ang kanyang alagang pusa na si Mimi"

thumbs up din ako!

 

 

maharot, malikot titik sa aking tuktok!