malaya at tahasang sasabihing mahal ko ang aking ina

namamaga ang aking talukap simula nang

napagalitan ako ng aking ina.

di ko nga maitanggi na sa haba ng panahon at sa tanda ko nang ito

ang tanging tao na kaya akong pataubin ay walang iba kundi si mama.

ilang libong tao pa ang umalipusta sa akin, kaya ko sila..

pero kapag nanay ko na ang nagsalita..

para itong punyal na nakatigib sa aking dibdib at di matanggal tanggal

hanggat hindi ko nakikitang napawi na ang poot niya sa akin.

at iyon na nga, sa pag-uwi ko ng mga dis-oras na nang gabi (dahil sa mga maraming pagpupulong sa maraming organisasyon), hindi na napigilan ng aking ina ang paglabas ng kanyang saloobin. at nakasalubong ako ng mga panang salita..

sa diskurso at disgusto ng aking ina, wala akong masabi, at tumulo na lang aking luha...at muli ang mga sulok na lang ng aking kwarto ang naging tenga ng aking pagkasawi.

natulog akong inaalalayan ng unan ang sarili sa pagkalunod sa king luha at gumising akong dahan dahang, nagbigay ng liwanag ang paligid upang maiiwas ang mugto kong mata.

para itong isang eksena sa mga teleserye, may nagtatampong anak at susugod sa mga kandungan ng kanyang kaibigan.. ngunit sa huli kandungan pa din ng ina ang kanyang kailangan..

oo ganito ako, mahal ko kasi ang mama ko. at masakit sa akin na ako ang kanyang isang mundong pasanin. oo ganun din si mama, mahal niya kasi ako eh, at masakit sa kanya na ang kanyang paborito at iniingatang anak ang nagdudulot sa kanya ng lumbay...

sa aking pagninilay, pinaalala sa akin ng Diyos ang Kanyang salita, "iwan mo ang iyong sarili at pasanin mo ang iyong krus."

siguro nga iyon ang pinakamainam..

sa walong buwang paghihinagpis ko sa nawalang pag-ibig, sa kagustuhan kong makalimot at magbigay puwang sa puso ng kaligayahan, at paghahanap ng mga mansanilla sa aking sugat..

nakalimot ako na mayroon akong mas nasusugatan, mas may nasasaktan sa aking pagkasawi...

kaya kahit anong saya ang ipinta ko sa aking labi, at kahit anong tagumpay mayroon man ako sa ngayon, hindi nito maikukubli ang aking na mayroong kulang kung ang mga magulang ko na ang nasasaktan.

naisip ko na matagal na itong laban na ito sa kanila upang makilala nila na ang kanilang anak ay mayroon nang sariling disposisyon, mayroon nang kakayahang mamili, ngunit walang kalayaan.

nasa lilim pa din ako ng kanilang pangangalaga, at hindi ko maiaalis ang kanilang pangamba sa aking mga pinipiling gawin....

kaya ang mas mainam, kahit mahirap gawin, ito ang aking sakripisyo na may kaukulang pagmamahal, ang pagluhod at ang pagsunod sa aking nanay..

at kagabi, maaga akong umuwi, sa tarangkahan pa lang, niyakap na ako ng aking mama at sinabi, " tagal na kitang hinihintay umuwi" niyakap niya ako ng mahigpit.

sa pagkakataong iyon, lumuha ako ulit, hindi na lamang dahil sa sawi, kundi dahil sa taimtim na ngiti..

at sa aking pagluhod at pagsuko sa kanilang kagustuhan, nakamit ko ang aking kalayaan...

..........setyembre uno, 2008.......