Maliban nang makita mo ang digma’y hindi mo hahanapin ang katuturan ng kapayapaan

noelbarcelona's picture
| | | |
Malibang malasahan mo
Ang angi ng pulbura
At dumalok sa iyong mata
Ang usok na dulot ng
Ng sumabog na bomba
At pinaputok na kanyon—
Ay hindi mo kasasabikan
Ang kapayapaan.
Sapagkat ang puso’y
Pinatutulog, pinahihimbing
Ng kawalang-malay
Samantalang patuloy
Namang ipinaghehele ng ilusyon
Ng pag-ibig at kagandahang loob
Ng nagbabalat-kayong pilantropo’t pilosopo
Ang ating mga malay at bait
Sa araw-araw na ginawa ng Diyos.
Maliban na makita mo
Ang sumabog na bungo
At kumalat na dugo ng mga walang malay
Sa sahig ng Luson, Bisaya at Mindanaw
Ay mananatili kang walang kibo't hindi nanghihilakbot
sa mga nagaganap sa iyong bayan
At baka sabihin pa sa sarili na 
Ang lahat ng nangyayari’y pangkaraiwan.
Totoo.
Dahil sa bawat paraan ay patuloy
Tayong nililinlang na
Ang hinahabol na banal
Ay mga kriminal:
Mga paring naghangad ng lupa para sa magsasaka
Mga manggagawang pangkulturang nagnais na lumaya
Mga lumad na nagtatanggol sa kanilang lupang ninuno
Mga kabataang naghangad ng mabuting buhay para sa sarili’t para sa iba
Mga babaing nagtanggol sa puri at dangal nila
Mga magbubukid na umaamot lamang nang makaratungang hati sa kanilang saka
Mga mamamahayag na naghantad ng kabulukan ng umiiral na sistema
At marami pang iba…
Kagaya sila ni Kristo
Nang tangkain niyang baguhin
Ang kalooban at diwa ng tao
Ipinako sa krus ng mga lilo.
Inalimura. Sinaktan. Hinubdan ng dangal.
Malibang masaksihan mo ang mga pulasan
Ng mga lumad, Kristiyano at Muslim
Sa winawasak ng digmang Mindanaw—
Ay hindi mo hahanapin ang kapayapaan.
At mananatili ka lamang sa iyong sariling mundo
Sa malamig na silid ng iyong opisina
O sa pag-aturga sa kumakalam na sikmura ng iyong bunso at asawa
Malibang makita ng sariling mata
Ang dinaranas na karalitaan ng iyong mga kababayan
At kabusabusan ng iyong Inang Bayan
Na nagsilbing pataba sa sumisiklab ngayong mga Digmaan—
Ay hindi mo hahanapin ang tunay na kahulugan
Ng salitang kapayapaan.
Ngunit kung bubuksan mo ang iyong pakinig,
Kung ididilat mo ang iyong mga mata,
At palalambutin mo ang iyong pusong pinatigas
Ng kaunting kaalwanan ng iyong kalagayan
Ay doon mo malalasap at makikita
Doon ka lamang mauuhaw at magugutom
Sa tunay na kahulugan at katuturan
Ng salitang KA-PAYAPA-AN.
 
Ika-9 ng Setyembre, 2010 
Lungsod ng Antipolo
 
Noel Sales Barcelona

auau's picture

totoo po.

at aminado ako, nahihirapan akong isipin kung anong pakiramdam ng nasa gitna ng digmaan. kapag nakakabasa ako ng balita tungkol sa digmaan, o kahit na nung mga katulad nung sa Ampatuan, sasandaling kikirot ang puso ko, pero  makalipas ang isang oras, linggo, buwan, makakalimutan ko din. :((

 

"... dito lang ako
hanggang sa pagdaan mo."

http://tuwatula.blogspot.com/

hay.

:( 

 ________________________

ewikescalante.wordpress.com

Yuco's picture

galing..

Masaklap pero ito ang tunay na nangyayari sa ating bayan.. Hangat patuloy ang pangaapi, ang paghahari ng kalupitan, ang nakakamatay na gutom, kawalan ng lupa at tirahan, pagdukot at pamamaslang. Magpapatuloy at lalong magliliyab ang apoy ng digmaan..

Salamat noel sa magandang tula.

 

 

Ayaw Matulog ng Keyboard Ko

noelbarcelona's picture

Hindi ko dinanas ang digmaan subalit...

MARAMING salamat sa paglasap ninyo sa aking tula. Mapait man ang lasa'y nagawa pa rin ninyong namnamin ang bawat taludtod, ang bawat saknong.

Hindi ako nakasaksi ng aktuwal na digmaan. Pero sa halos isang dekada kong pagtatrabaho sa peryodiko, marami na akong nakausap - bata, matanda, dalaga, binata - na biktima ng bagsik ng walang katuturang digma.

Mga bakwit sila. Mga napagbintangang miyembro ng New People's Army, Moro Islamic Liberation Front, Moro National Liberation Front, o mga tagasuporta nila. May mga naulila dahil sa digma. May mga nawalan ng pagkakataong maging bata dahil sa digma. May mga napilitang makisiksik sa masikip at nakasusulukasok na mga lungsod para lamang makatakas mula sa mga putok ng baril, atungal ng kanyon, at dagundong ng mga machine gun na nakakabit sa Hewey helicopter.

Kapag pinakikinggan ko ang kuwento nila, hindi ko maiwasang mapatiim-bagang at makiiyak sa kanila. Dahil nanunuot sa kaibuturan ng kaluluwa ang mapapait at mapapakla nilang kuwento. 

Ang masakit, hindi ang mga rebelde ang sinasabi nilang dapat palayasin sa kanilang mga sityo at baryo--kung hindi ang mga sundalong dapat ay itinuturing nilang mga mesiyas at bayani. Pero, hindi. Anila, sila pa ang nangungunang maghasik ng lagim, takot at pagkatuliro sa isip at puso ng mga tao. Sila ang mga halimaw, diumano, sa kanayunan. Dahil sa malalakas sila't makapangyarihan dahil sa tangang mga baril, naghahambog sila. At dahil sa hindi nila malipol ang insureksiyon, ang mga inosente ang pinagbubuntunan nila ng kanilang pagkadismaya.

Masaklap pa sa dilang masaklap, ay kapag itinatatatwa nila (mga sundalo) ang nagaganap. At sa telebisyon at radyo ay ipinaghahambog nila ang kanilang misyong medikal at diumano'y proyektong pangkaunlaran. Salita nila, laban sa mga biktima. Hay! Kailan nga ba talaga papayapa ang daigdig ni Juan?

“Write in such a way as that you can be readily understood by both the young and the old, by men as well as women, even by children.” - The Great Uncle Ho (1890-1969)

 

Rom's picture

salamat sa tulang ito Noel,

salamat sa tulang ito Noel, na binasa ko sa isang pangkulturang pagtatanghal sa UPLB Fact Sheet 43 para sa mga health workers na nakakulong hanggang ngayon.

 

mabuhay ka! 

 

KarikaTuura