MANGINGISDA NG LONGOS (ni Allanjohn Andres)
(Kalayaan, Laguna)
Ang gatla sa noo ng lawa
ay sinlalim ng gatla
sa hininga ng mangingisda
samantalang sinasagwan nila
ang umaatungal na alon.
Malumbay ang paglilimayon
ng kanilang buto. Ang multo
sa nilulumot nilang puso
ay walang inusal na dasal,
kahit hibik ng almusal,
pambusal man lang
sa magdamag na pagtitika
ng kanilang bituka.
At kaming nakamasid lamang
sa malayo, kasuyo
ang ilang anak ng mangingisda,
ay mistulang naglalayag rin
sa mahabang laot
ng lungkot at balisa
habang patuloy naming pinapandaw
ang bawat pintig ng panglaw
dito sa dalampasigan.
Isang kasama
ang sumambit ng tula
subalit ang mga bata ay tulala,
tila walang narinig, sa halip
nakabaklad ang kanilang titig
sa umaalimbukay na dibdib
ng Sierra Madre. Maligalig
na lang akong tumanaw sa tubig.
Pagtimbuwang ng buwan, dumaong
ang mga mangingisdang malalansa
ang baong panaginip. Tumulak
ang mga karitong walang laman
kundi putik. Ang lahat ay napatda
nang mula sa tumana, tumahak
sa hangin, magaspang
tulad ng buhangin,
ang daing ng inang naghahanap
sa kaniyang nawawalang anak.
;-)
Ilalabas ko lang po muli ang tulang ito.
Para kay Pareng Melchor, sa okasyon ng kaarawan ng totoo at buhay na mangingisda ng Longos.



Mahusay!!! Lagi kong
Mahusay!!!
Lagi kong binabasa ang mga tula mo at hindi maiwasang ako ay mamangha... para na akong nagbabasa sa panitikan.
Gawa ka pa ng marami.
"Ako ay maglalakbay, isang malungkot ngunit kinakailangang paglalakbay, tungo sa aking sarili, sa paghahanap nang isang bagay na maaaring mahalaga lang para sa akin..."