Manikang Walang Laman
Matang walang nakikita,
Tenga'ng walang naririnig,
Bibig na 'di bumibigkas ng salita;
Ano ang iyong nilalaman.
Mga impit na pagsigaw,
Boses na hindi marinig,
Mga kahilingang hindi natutupad.
Bagay na nagsasara sa kaluluwa.
Katahimikang matagal nang hinahangad.
Takbuhang maaaring pagtaguan.
Mga araw na 'di mo na babalikan,
Mga alaalang itinapon na lamang sa nakaraan.
Kung ituring ka ng iba'y manika,
Kung hamakin ka'y tila basura.
Ano pa ba ang iyong ipakikita?
Ano pa ba ang nais mong makita?
Tanggulan sa puso na kung tawagin ay pag-asa,
Ito'y nililikha ng iyong pagdurusa.
Maitatatwa ba nito ang iyong tinatamasa?
Maibibigay ba nito ang buhay na iyong nasa?
Mga bagay na sira na.
Kinabukasang 'di makita-kita.
Ikaw ba ay magpapasya na?
Ano ang iyong magiging sandata?
Pag-unawa ng iba'y 'di mo makuha,
Kawalang-tiwala ang ibinibigay nila.
Ipikit mo ang iyong mata,
Magkunwaring 'di mo nakikita.
Walang nakakakita sa iyong pagluha.
Walang nakakapansin sa iyong pag-iisa.
Sa kalungkutan mo'y wala kang kasama.
Sa iyong pagtawa'y naririyan sila.

