Manong Drayber, PARA!!!

Ailem23's picture

       Tricycle, Multicab, Jeep, at Bus… Ilan lamang ang mga ito sa mga public vehicles  na umaarangkada sa kalsada ng Batangas province araw-araw. May iba’t ibang kulay, style, tunog ng busina at may iba’t-ibang ruta. At sa bawat pampublikong sasakyan na ito ay matatagpuan ang iba’t ibang klase ng drayber. May mabait, may masungit, may bingi (ahehehe, iyong para ka ng para eh hindi ka pa naririnig), may mahilig sa rock music( yow men!), balitang pang-radyo, may malumay magmaneho, ma-ba-gal-mag-ma-ne-ho, may masunurin sa batas trapiko, may matigas ang ulo, at may mga kaskaserong drayber na walang ibang hatid kundi nerbyos sa mga pasaherong mahilig magkape.

            Galit talaga ako sa mga kaskaserong drayber. Iyong tipong akala mo ay mauubusan ng kalsada kung magpaharurot. Sobrang bilis magpatakbo… Biyaheng Langit! Iyong pakiramdam mo maya-maya lang ay babatiin ka na  ng assisstant ni San Pedro ng, “Hey Yow dude, Welkam tu Heybeyn!” Grabe. Walang pakialam kung ma-trauma lahat ng pasahero nila o may tumilapon na lang palabas ng wala sa oras dahil nakabitaw sa kinakapitan. Overtake kung overtake kahit na ang kasalubong sa kabilang lane ay isang giant bus. Nakakabad-trip. Galit ako sa kanila dahil kahit wala akong sakit sa puso ay aatakihin ako sa puso dahil sa kanila. Helow! Ayoko pang mamatay!!!

            Ilang beses na akong nakasakay sa mga nakakainis na kaskaserong drayber na lagi na lang may marathon session with Kamatayan. Sa pagkakataong ganito ay kinakastigo ko talaga ang drayber.

            “Manong, hindi kayo mauubusan ng daan kaya utang na loob pakibagalan naman po ng andar natin.”

            Pagkatapos kong sabihin ito ay tatawanan lang ako. Walan-…Anak ng….! Tinawanan lang ako at binaliwala ang petition ko! Isipin n’yo iyon. Nagbabayad ang mga pasahero ng tamang pamasahe para makarating sa kani-kanilang destinasyon ng matiwasay. Pero paano ka nga naman makakasigurong darating ka pang buhay sa destinasyon mo kung frustrated car racer o frustrated killer ang drayber ng sinasakyan mo?

            Sasabat ulit ako. “Manong sumusobra ka na! Aba, nagbayad kami ng matino kaya sana lang po ay ayusin n’yo po ang pagmamaneho n’yo. Ayoko pa pong mamatay!” Ayoko pa talagang mamatay at lalong ayokong mamatay sa vehicular accident!

            Sunud-sunod na nagreklamuhan ang mga kapwa ko pasahero pero ang manong drayber na may invisible sungay ay tumawa lang at sinabing, “Easy lang kayo. Makakarating din tayo du-on Ala ey, ‘wag nga kayong matatakutin. Kayo ga nama’y makakarating din!”

            Oo nga makakarating nga kami sa destinasyon. Ang hindi lang sigurado ay kung humihinga pa kami pagdating namin sa doon. Andami pa namang accident prone areas sa Batangas road.

            Aminado akong madalas naman ay napapatawad ko pa sila. Dahil sa awa naman ng Diyos ay hindi pa naman ako nabibiktima ng vehicular accident dahil sa kaskaserong drayber. Pero kahapon, hindi ko na sila puwedeng patawarin. Kaya sinulat ko itong blog na ito para makarating sa nakararami ang hinaing ko!

            Kahapon kasi, sumakay ako sa nakaparadang jeep na biyaheng Mataas na Kahoy. Papunta kasi ako sa bahay ng writing partner kong si Eloisa Hernandez. Malakas ang buhos ng ulan, madulas ang kalsada. Konti lang kaming pasahero ng jeep. May mamang nakaupo sa tapat ko, dalawang teenager malapit sa drayber, isang babaeng may karay na anak na sa tantiya ko ay mga three years old siguro, at ako na nakaupo sa dulo ng jeep. Mabilis ang andar ng sasakyan at ramdam ko na dumudulas ang gulong ng jeep sa basang kalsada. Napakapit na lang ako ng mahigpit sa kahit saang puwedeng kumapit. Susme! Sa liit kong ito, sigurado akong lilipad ako palabas ng sasakyan ng wala sa oras sa sandaling tapakan ng drayber ang preno.

            Napa-sign of the cross pa ako nang dumaan ang jeep sa accident prone area. Akala ko pa man din eh babagal ang takbo dahil curve ang daan pero ang siste mabilis pa rin ang takbo at di pa talaga nasiyahan, nag-overtake pa!

            Napadasal na lang ako…Lord, Ayoko pa pong mamatay. Gusto ko pa pong pumirma ng maraming kontrata sa publisher namin. Gusto ko pa pong magsulat ng isandaang libro kasama ang pinakamamahal kong pinsan! Gusto ko po… gusto ko na pong buma-baaah!!!

            Kung di lang ako nanghihinayang sa pamasaheng iniabot ko, nagawa ko na nga siguro iyon. Naiisip ko na nga rin iyon kaso nanghihinayang talaga ako sa twelve pesos.

Bilang sagot sa dasal ko ay nag-overtake pa ulit ang sinasakyan kong “biyaheng heybeyn!” tapos biglaan itong nag-preno dahil napag-gitnaan na kami ng dalawang jeep! Napamulagat ako nang mabitawan ng babaeng katabi ko ang anak niya dahil sa lakas ng impact ng biglang paghinto ng sasakyan! Initial reaction, iniharang ko ang braso ko para masalo ang muntik ng tumalsik na bata! Mabuti na lang at ganon din ang ginawa ng mama na katapat ko. Whew! Nakahinga ako ng maluwag dahil ligtas ang bata. Pero letse! Paano kung naisipan kong bumaba na lang kahit hindi ko pa destinasyon bago nangyari iyon? Kung nagkataon kasi, tantiya kong masasagasaan pa ng ilang beses ang bata dahil mabilis din ang takbo ng mga sasakyang nakabuntot sa amin.

            Napuno na ako. Kahit hindi ako mahilig mang-away ng tao at magmura ay napamura ako. Buhay na ang pinag-uusapan dito. Responsibilidad ng mga drayber ang kanilang pasahero. Palibhasa kasi may mga drayber na walang pakialam sa puwedeng mangyari sa kapabayaan nila. Ang concern lang nila ay ang kumita kahit makapatay pa sila.

            At ang lalo pang nakakainis ay ang pagalit na sabat ng drayber sa mga pinagsasabi ko.

            “Ala’y kasi kayo ay di nag-iingat! Bakit ga di n’yo hinahawakan ang bata?! Nakow, ay wala akong pananagutan diyan!”

            Aba letse! Nag-iinit na ang dugo ko! Kami pa ang may problema ngayon? Susme! Ang sarap ipalamon sa drayber na iyon ang manibela niya.

            Bago ako bumaba ng sasakyan ay humirit pa talaga ako. “Manong, kung papatay rin lang kayo, ‘wag na kayong mamasada ng jeep. Maawa kayo sa mga pasaherong gusto pang mabuhay!”

            Bakit kasi may mga ganoong tao sa mundo? Sana ay makonsensiya naman ang mga drayber na katulad ng nasakyan kong jeep. Mahalaga ang buhay ng tao. At sa kalsada, sa pampublikong sasakyan, ang mga drayber ang may hawak ng buhay ng mga pasahero nila. Sa kanilang pag-iingat nakasalalay ang kaligtasan ng mga pasahero. ‘Wag na sana nilang hintayin na may buhay na mawala dahil sa kapabayaan nila. Ano bang mapapala sa pagiging kaskaserong drayber? Aksidente. Kunsumisyon. Makonsensiya naman sana sila. Itigil na sana nila ang pakikipag-marathon kay Kamatayan.

            Sayang nga lang, walang TMD na pakalat-kalat noong mga oras na iyon. At may isa rin akong pagkakamali. Dahil sa inis ko, hindi ko naisip na tingnan ang plate number ng jeep. Na-report ko sana sa awtoridad para madala naman siya.


Wow!

Ramdam na ramdam ko talaga ang galit mo. Minsan na rin akong nakasama sa isang vehicular accident. Dalawang beses sa bus sa Cavite naman. Yung una wala namang nangyari sa akin, salamat sa Diyos. Yung pangalawa e nasabuyan ang braso ko ng bubog at purunggo (hehehe), hanggang nagyon nakamarka pa sila. Dati, natutuwa ako pag mabilis magpatakbo ng sasakyan, natutuwa ako, pero pagkatapos nung mga nangyari sa akin e nagkatrauma na ako. Kinakabahan na ako kapag umoovertake na sila at umaalis pa sa lane. Hehehe.

Di ko lang din alam kung bakit may mga driver na ganun. Akala mo e nakakatipid sila pag nagmadali sa pagmamaneho, kung tutuusin e mas malaki ang mawawala sa kanila sa kahit isang beses lang silang mawalan ng swerte, pwede silang mawalan ng kakayahang magmaneho pa o mamatay kasama na ng mga pasahero nila.

Mabuti na lang pala mabilis ang reflexes mo at nailigtas mo yung bata. Idol!

 

 

 

 

I used to be indecisive, now I'm not sure.

eloisa marie hernandez's picture

yebah...

hay naku, kurak ka dyan! 'di ba nga para kang makakapatay ng...langgam no'ng dumating ka sa'min. Kala ko kung anong nangyari sa'yo. Ayon nga, ganyan talaga. Maraming sira-ulong driver. Although hindi ko naman nilalahat. Minsan nga kapag gano'n nagdadasal talaga ako. Basta lahat ng alam kong dasal. O kaya, kumakanta ako sa isip ko. Bahay kubo, barney, o kaya 'yong team song ng voltes five. Para masaya. No'ng bago nga tayo pumirma ng contact, sa kamalas-malasan may nasakyan akong gano'n. naisip ko na lang, hindi pa ako nakakapirma ng contract kaya hindi pa ako pwedeng mamatay!

No'ng minsang magpunta tayo kina Lucil, kaskasero 'yong driver ng bus. Walangya. Akala ko katapusan ko na. Balak ko pa namang maningil ng pautang (?). Pero inisip ko, pa'no na 'yong pinapangarap nating nine sequel? Kaya hindi pa pwedeng makadaupang-palad si San Pedro.

 

 

Ailem23's picture

ay sinabi n'yo pa

 kaya ko nga sinulat ang blog na 'to para naman mapaalalahanan ang iba. thanks sa comment ninyong dalawa... sana matuloy tayo sa workshop...

 

best regards,

melay

rose's picture

Mga Walang Hiya Talaga Ang Mga Driver na Kaskasero!

Naku kapatid na melay buti naman at naisulat mo ito! totoo lahat yang mga sinabi mo. dahil i had a car accident when i was 10, sa buss yun papuntang bulacan . alam ninyo ba na until now eh nandito pa rin ang marka ng putok at tahi sa noo ko buti nalang natatabunan ng maliliit kong bangs kaya hindi nakikita!

 kaya nung nabasa ko ito ay naku sumariwa na naman ang galit ko sa mga driver na reckless, careless kaskasero na akala mo laging may hinahabol  kaya since then kapag sumasakay ako ng buss at masyado mabilis sinasabihan ko talaga ang driver na manong wala pa akong lahi ayaw ko pa po mamatay at kung wala na ako choice eh pumipikit nalang ako at nagdarasal na bahala kana lord na sobrang kapit ko sa bakal !

minsan may pilosopo na driver na sasagutin ka pa na kung natatakot ka eh di bumaba kana? marami na rin akong naging experinces dahil sa sobrang bilis mag patakbo ng mga driver na halimaw na yan. minsan sa jepp naman mula dulo sa likod ng driver ako naka-upo sa sobrang bilis at bigla nag over take then bigla prino tumalsik ako sa dulo buti nalang nakakapit ako kung hindi talsik ako sa labas. hindi sana ako nakakapag sulat dito.

baka ngayun isa na akong anghel na nakapalibot kay san pedro sa heyben.Innocent  kaya naku ang mga driver na kaskasero gusto talaga nilang mapadali ang buhay nila tapos mandadamay pa!

Kaya kung May Driver Man diyan na nakakabasa nito......

GOD BLESS YOU!Innocent    

Ailem23's picture

grabe talaga

ay naku ate rose, sinabi mo pa! actually, sobra akong emosyonal nung nangyari iyon. mataas pa ang lebel ng emosyon ko habang nagkukwento ako kay eloisa. Weakness ko talaga iyong mga vehicular accident. takot talaga ako. takot nga ako tumawid kasi accident prone akong tao. lagi na lang ako muntik ng mahagip. ang concern ko lang naman dito ay ung buhay.. I can't imagine kung ano ang nangyari kung hindi namin nasalo ung bata! minsan na ako naka-witness ng na-hit and run! at hindi talaga maganda sa pakiramdam iyon! tsaka, di pa talaga ako handang mamatay! sana nga lang ay maging responsible drivers naman ang mga nagmamaneho ng public vehicles. Ang nakakainis pa kasi sa lugar namin, pag kailangan ang TMD, nawawala sila. pag di naman kailangan, basta na lang nanghuhuli ang TMD dito sa amin kahit walang violation. Asar di ba?

Similar entries