Med Rep ( alay para sa Feb 14. at mga taong marunong magmahal...)

dyeppri's picture
| |

Med Rep

 

minsan may mga bagay sa buhay na alam nating mali ngunit wala tayong magawa kundi ang manatili sa ganitong posisyon, maging mali! - Abigail , Pfizer Incorporated Phil.

 

 

“Ma’am, nasa Room 405 na po si Doktor Arellano. Kumanan po kayo roon at makikita n'yo 'yung hagdanan pataas. Pasensya na po kasi na late 'yung elevator maintenace ng hotel pero baka mamaya ay gawa na rin po iyan.”

 

“Okey lang at hindi naman ako nagmamadali. Thanks.”

 

Blangko ang isip ko at napakabigat ng bawat hakbang kahit pa sabihing sanay na ako sa mahabang lakaran dahil sa laking probinsya naman talaga ako. Kay tataas ng mga bundok na inaakyat namin nuon kapag nangunguha ng mga kamansi kapag araw na ng putihan. Kung ikukumpara ito ay maning-mani lamang sa akin ito.

 Naalala ko tuloy noong minsang dinala ako ni Rodrigo sa Anito Hotel upang dalawin namin yung tiyuhin daw niyang Seaman na nagcheck-in duon. Nang mabuksan ang pinto ay wala naman ang sinasabi niyang tiyuhin at pati na rin gamit nito ay wala. Ay naku, halos lumilipad na akong patakbo pababa mula 6th floor ng gusaling iyon dahil ayaw ko ng mahabol pa niya ako sa pag-aantay ng pagdating ng elevator na iyon. Ilang beses ko na rin kasing sinabi sa kanya na hindi ako papayag hangga't hindi pa kami kasal.Hindi ako ganoong klase ng babae na kaladkarin kahit pa sabihing mahal na mahal ko siya. 

Madali ko naman siyang napatawad dahil naiintindihan ko namang lalaki siya at maganda ako kaya natural lang naman siguro na nanaisin talaga niyang maangkin na ako. Ibibigay ko naman sa kanya eh pero sana ay mag-antay siya. Hindi pa ngayon. Hindi ko pa kaya.

 

Nakakailang baytang pa lang ako ng makita ko sa gilid ng aking mga mata ang payat na payat na babae ngunit tila naman nakangite naman ito at mukha rin siyang masaya.

 Kapares ng matandang babae ang mukha ni Inay noong masayang-masaya ito ng sabihin ko sa kanya na natanggap na ako bilang isang Medical Representative ng Pfizer na mababase sa Region 3. Walang mapagsidlan ang tuwa nito lalo’t sinabi kong aabot ng hanggang 40 thousand pesos ang sahod ko buwan-buwan at hindi pa kasama ang pribelihiyong magkakakotse ako. Lahat na yata ng magagandang bagay ay pumasok sa isipan namin. Maaga pa raw bilangin ang mga sisiw kung itlog pa lamang ito ay hindi namin napigilang magbilang. Masama ba mangarap kung alam mo namang pwe-pwedeng mangyari ito? Pwe-pwedeng ang lahat ng itlog ay mapisa at maging sisiw. Tulad ng pagkakaroon ng sariling kotse, sariling bahay at mga iba't-ibang appliances, mapagtapos ko ng pag-aaral ang mga kapatid ko, at higit sa lahat ang makapag-ipon na kami ni Rodrigo para sa aming kasal. 

Sumunod sa matandang babae pababa ng hagdan ang dalawang mags'yota na halatang-halata na mga estudyante pa lamang ang mga ito. Halos langgamin na sila sa sobrang lagkit ng paglalandian. Akala mo ay hindi sila marunong magkatampuhan pero alam ko naman na baka bukas o sa makalawa ay hiwalay  na sila. At napangise ako dahil ganoon din naman kami ni Rodrigo noong kabataan namin.

 Magkababata kami ni Rodrigo at hindi ko na nga matandaan pa kung papano kami nagkakilala. Sabi ni Inay ay magkaibigang matalik daw kasi ang mga Tatay namin. Sumalangit nawa ang kaluluwa ni Itay. Lagi raw kasi silang magkasama sa lakaran kaya siyempre ay kasa-kasama din kaming mga pamilya nila. Sa camping, sa paglalakad sa tabing dagat kung araw ng pamamalakaya ng mga mangingisda, sa pamimista sa kabilang ibayo, sa mga kabiguan sa buhay ay nagdadamayan ang bawat isa. Duon nga ay naging matalik na kaming magkaibigan ni Rodrigo.  Hindi na rin kami mapaghiwalay. Magkasama na kami sa eskwelahan kahit pa masmatanda siya sa akin. Natigil kasi siya ng dalawang taon. Marahil ay inantay niya ako upang iisang section na lamang kami at dinahilan na lamang niyang may galit sa kanya si Mrs. Tiqua sa itay nito. Pinag-iinitan daw siya at gustong parating ipahiya sa klase. 

Sa lahat ng kalokohan ay magkasama na kami. Wala na ngang nagtangkang lumigaw sa akin maliban kay Raul na binansagang mang-uumit ng kaning lamig sa karenderya ni Aling Bebang. Makapal talaga ang mukha nuon at kahit kasama ko pa ang bestfriend ko ay sumisingit pa sa aming usapan.P'wede ba daw akong dalawin sa bahay. Isang suntok sa panga ang isinagot ni Rodrigo dito. Patakbong umalis na may pagbabanta na gaganti raw ito. Ngunit kinabukasan ay nakatali ito sa isang puno ng niyog na hubo’t hubad. Pinapapak siya ng mga langgam at talagang namumula na ang puwet nito sa pagkuskos sa katawan ng puno. Nagtatawanan ang lahat maliban kay Rodrigo habang painagmamasdan ito na animo’y isang paslit na pinagtripan ng mga kalaro niya. 

Ilang araw ko ring hindi kinibo si Rodrigo ng malaman ko na siya pala ang gumawa nuon kay Raul. Sinabi niyang ginawa lamang niya iyon upang ipaalam dito na hindi sila natatakot sa kanya, na kaya niya akong ipagtanggol kahit kanino, na gagawin niya lahat para sa akin dahil...mahal na mahal niya ako. Hindi ako nakasagot. Napaluha ako. Hindi dahil sa ayaw ko sa kanya at hindi rin dahil sa malungkot ako. Hindi ko alam ang aking gagawin o sasabihin man lamang ng mga sandaling iyon. Mahal ko siya. Siguro nga ay masmahal ko pa siya kaysa sa pagmamahal na kaya niyang ibigay sa akin.  Sinabi ko sa kanyang mag-antay siya dahil ayaw kong masayang ang lahat dahil hindi pa ako handa sa ganito. Marami pa akong nais marating. Maraming-marami pa at sa lahat ng ito ay kasama siya. 

Sa ikalawang palapag ng gusali ay parang may kumurot sa puso ko. Napakasakit. Nananalaytay ang mga hapdi sa bawat ugat at kalamnan ko habang tinititigan ang mga makukulay na kupido at mga korteng pusong nakadisplay sa pagkakasabit sa kisame ng komidor ng hotel. Malapit na pala ang Araw ng mga Nagmamahalan o ang tinatawag na Araw ng mga Puso.

 Naalaala ko ang huling Valentine’s Day namin ni Rodrigo sa San Rafael. Iyon ang araw na una kaming magkakahiwalay ng matagal dahil kinakailangan ko ng tumigil sa pag-aaral at lumuwas ng Maynila upang magtrabaho.  Wala na si Itay. Iginupo na ng karamdaman nitong Kanser sa baga. Ako na lamang ang inaasahan ni inay at ng dalawa ko pang mga kapatid. Umiiyak silang lahat ng ako’y lumisan maliban kay Rodrigo.  Hindi man niya magawang ipakita sa akin ngunit alam ko na masmalakas pa ang panaghoy ng kanyang damdamin sa pag-alis ko. Kailangan ko lamang talaga itong gawin ngunit ipinapangako ko na nasayo pa rin ako pati  ang puso ko. 

Napakabagal ng bawat paghakbang ko pataas. Lumilipas ang bawat minuto sa bawat baytang ng hagdanan na tila hapong-hapo` ako. Katulad din ito ng panghihina ko ng loob sa bawat araw at problemang kinahaharap ko sa aking buhay. Napakasukal ng aking pinagdaraanan. Kung may short-cut nga lamang akong alam na daanan ay matagal ko ng ginawa.

 May alam naman talaga akong daan upang guminhawa ang bawat araw ko ngunit maspinipili ko pa rin ang right kaysa sa left way. Dahil ang daan sa kaliwa ay patungo sa panandaliang kaligayahan. Ngunit papano kung ang lahat ng mga nakikita ko ay nagpupunta na sa kaliwa at ako na lamang ang mag-isang dumaraan dito sa kanan. Lahat silay nagtatawanan, napakaingay ng kanilang hagalpakan na mistulang walang gusot sa kanilang buhay. Samantalang ako na mag-isang naglalakbay sa napakatahimik na daan, umiiyak, nangangarap na sana ay maykahawak akong kamay na humahakbang sa tila walang katapusang kalsada ng buhay. Minsan ay ninanais ko na ring sa kanila'y makisabay. Kung tutuusin naman ay kayang-kaya ko rin ang kanilang ginagawa. Mabilis lamang mabenta ang bawat gamot na aking dala tulad ng ginagawa ng mga karamihan ngunit may kapalit na pagsasanla ng kanilang kaluluwa.  

Si Jane na may dalawang anak at nasa Saudi ang asawa ay nangunguna parati sa pag-abot ng quota. Sisiw nga lamang ang isang milyon sa paglalako niya ng mga gamot sa sakit sa puso gaya ng Captopril, Enalapril, Ramipril o sakit sa hika gaya ng cortico-steroids na Leukotriene, Theophylline at Atrovent. Kaya lamang ay nabalitaan ko na ngayon ay namomoblema dahil biglaang papauwi na ang asawa nito matapos ang dalawang-taong kontrata nito sa abroad ay buntis na pala siya ng apat na buwan sa hindi makilala kung sino kina Dr. Ramos, Dr. Marquez o sino pa mang doktor dito sa Region 3 ang kinasiping niya basta maabot ang quota niya. Napakarami na kaya ang nagbenta ng sarili kahit pa sabihing ikasira ito ng kanilang pagkatao. Hindi mo rin naman masisisi ang nasa ganitong larangan dahil ganito na talaga ang daan ng med rep. Walang ibang shortcut na daan kung nais mong magtagal.  

Last week lamang ay halos pagtaguan na ako ni Dr. Chu dahil sa isang buwan na rin naman kasing nirerequest niya ‘yung bagong TV na sonny. 32 inches daw na LCD flat monitor. Putcha, 58 thousand ang kailangan kong hingin sa supervisor ko. Eh, 'yun ngang ginastos ko sa club para birthday party niya ay humingi pa ng isang date at panonood ng sine ang supervisor ko para lamang maaprubahan ‘yung pondo duon. Shit. Alangan na namang ikaltas sa sahod ko. Patapos na naman ang isang buwan at nakakalahati pa lamang ako sa target ko. Sigurado ay nag-aabang nanaman sa akin sa office si Mr. Ty para papirmahan ang warning letter sa termination ko. Last na daw ito. Kakatawag lang ni Boy kahapon at naospital na naman daw si inay. Kailangan ng pambayad sa ospital. Hindi naman ako makakahingi ng advance sallary kay Mr. Ty dahil siguradong tutuluyan na ako. Itong pera ko namang natitira na 5 thousand ay panghulog ko pa sa segundamanong sasakyan ko, kahit madalas man itong masira ay kailangan ko ito upang maikot ang buong Ilocos Region. Hindi pwedeng mabawi ito ng bangko  dahil ito ay isa sa dahilan ng ikinabubuhay ko sa trabaho kong ito.  

Nasa harap na ako ng Rm. 405. halos dumoble pa ang lakas ng tibok ng puso ko. Nagdadalawang isip pa ako kung kakatok ako o tatalikod na lamang sa pintuang ito. Pintuang magbubukas ng panibago kong paniniwala sa buhay, bagong prinsipyo at bagong pagkatao.

 Ako si Dr. Arellano at Ako ang Direktor ng pinakamalaking Ospital dito sa Region 3 kaya pumayag ka na. Ibibigay ko naman  lahat ng kinakailangan mo at pati na rin ang mga  recommendations sa lahat ng mga doktor dito.Wala ka ng magiging problema sa kanilang lahat at ako na ang bahala. Isama mo na rin ‘yang si Mr.Ty na supervisor mo dahil kumpare ko na siya.. Inaanak ko ‘yung panganay niya.’Wag ka ng mag-alala. Huwag ka ng tumanggi dahil wala ka namang magagawa. Alalahanin mo, masama akong magalit. Kaya magkita tayo ha?  At isang tango na lamang ang naisagot ko sa kanya. 

Ngayon ay nandito na ako. Kailangan ko na talagang gawin ito. Gusto ko mang kumawala ay hindi ko na magagawa dahil maraming umaasa sa akin, maraming kailangang mabuhay kahit maging kapalit pa nito ay ang aking dangal, ng aking pagkatao, ng aking buhay at pag-ibig. Ang pag-ibig ni Rodrigo.

  

Pinakamamahal kita..Patawad mahal ko... Paalam...

      

Tok.Tok.Tok..

  ..................................................................

(Feb. 14. Happy Valentine’s Day sa lahat ng nagmamahal, nagmahal at nasasaktan dahil sa pagmamahal...)

dyeppri

minsan may mga bagay sa buhay na alam nating mali ngunit wala tayong magawa kundi ang manatili sa ganitong posisyon, maging mali! Siya lamang naman talaga ang makapaghuhusga sa atin sa balang araw...malapit na.Embarassed


dyeppri's picture

Salamat Pepe...

                                                                                                  subukan mong tukain ang bulate ko-------->

Tunay nga na may roon kang isang salita. Minsan lang ako mag-edit pero ginawa ko. Binalikan ko ulit para ayusin ito.

(Napansin ko lamang ay masyadong maingat ang ginawa mong pagkritiko at pagpapaikli sa maikling kwento ko.  Hindi ko iyon inaasahan. (Okey lang naman ang okrayin mo ito.hihihi) Pero ayos pa rin.salamatz.Hanggang sa muli.)Cool

............................................................................................................

"I wouldn't mind if you were nice to me once in a blue moon."

jonsdmur's picture

at dahil nabigyan ito ng award

A Collection of Short Stories-Jonsdmur

eh binasa ko na.... at ako ay hindi nabigo...

galing mo talaga master.....

jons

cecil_adriano's picture

buhay ng med rep ay di biro

 i can attest to that, marami na rin akong narinig na kuwento tungkol diyan at hindi biro ang kanilang pinagdadaanan that's why i like this short story. it's more on a revelation of what's really happening...anyway i also like your "lumuluwag na tornilyo", it really did catch my attention as i am scanning your works or shall i call them your masterpiece. I had posted my comments there, hope you find time to read them. salamat. 

dyeppri's picture

Ay Sus...

kulang na kulang pa ito para ilarawan ang pakikibaka ng mga Med Rep sa atin. 'Yung doktor ko nga noon kapag may lakad kami kahit sa Manila galing Quezon at wala kaming sasakyan ay isang tawag lamang sa kilala niyang med rep ay may instant driver at car na kami. Kung gusto niyang mag tour sa Hongkong ay wala ding kapoble-poblema. Malaki ang budget ng mga Med Rep para sa pangangalakal nila sa gamot nila. Balita ko ay umaabot na ngayon sa 1 hundred Thou per month ngunit 'di pa kasama dito ang minsang pagbebenta na rin ng mga kaluluwa nila. Lalo na yung magagandang Med Rep at mga gwapo! Ay Sus walang ligtas 'yan sa mga manyakis na doktor. tssk... Undecided            

            http://dyeppri.wordpress.com/

                       

cecil_adriano's picture

make sense

alam mo minsan naiisip ko kaya mahal ang mga gamot dito sa pilipinas ay dahil na rin sa mga expenses ng mga kompanyang iyan sa mga doctor... natural saan pa ba nila kukunin ung mga pinanggagastos nila at papaano rin ba nila nababawi un kundi sa presyo ng mga gamot? bukod sa VAT, mga politikong mapang-abuso at ganid eh baka kasama na din 'yang mga doctor na iyan sa mga factors/ reasons kung bakit mataas ang presyo ng mga gamot dito sa pilipinas!!! make sense Yell

dyeppri's picture

1=8

Ayun sa pag-aaral ay ang tigpipisong gamot na tableta dapat ay mabibili mo sa halagang P8.00 na. Kung ikukumapara mo ang gamot na kapareho sa atin sa India ay masmababa sa India ng 500%.

Syempre kung pasyente ka ay wala kang magagawa kung iyun ang prescription ng magaling mong doctor. Alangan namang palitan mo ng Generics. Samantalang takot na takot ka na kung gagaling ka ba talaga.Undecided 

                           http://dyeppri.wordpress.com/

                       

cecil_adriano's picture

 " upang magbigay-pansin sa

 " upang magbigay-pansin sa karungan ang iyong tainga, upang ikiling mo ang iyong puso sa kaunawaan..." - Kaw 2:2

mahirap mabuhay, madaling mamatay... only in the phils. (correct me if i'm wrong)Surprised