Mensahe sa likod ng iyong CP, laptop, Ipod
Naiisip mo ba?
Kung gaanong kahirap
At kung gaano kadugo
Para lamang maipaghindaraan mo
Ang iyong magarang laptop
At bagumbagong cellphone?
Malamang hindi mo nababatid
Ang pait at pakla
Ng lasa ng bawat guhit at gurlis
Numero at titik
Bawat kawad at pitik
Ng kuryenteng bumabaybay
Sa iyong keypad at screen
Sa iyong SIM card
At maging sa disenyong
Naglalaro sa iyong teknolohiyang bitbit—
Kung paanong ang babae’t lalaking
Buong kilas at bilis
Ang kamay at ang giti ng pawis
Ay inaabuso ng limatik
Sa pamamagitan ng mababang pasahod
Tortyur ng isiping mawawalan ng trabaho
Anumang panahong ibigin ng amo
At ang lason na dumadaloy sa kanilang dugo
Dahil sa kemikal na kanilang ginagamit
Para lamang ikaw ay mapasunod sa uso…
Ang hiling ko lamang
Sa bawat chat, email at text
Ay umusal ka ng dalangin
At nawa’y bagang mo ay magtiim
Sa isiping ang hawak mo ngayon
Ay isang gadget na gawa sa dugo
At aandap-andap na pag-asa
Nilang manggagawa sa mga pabrika ng elektroniko…
Si Noel Sales Barcelona ay kasalukuyang punong patnugot ng buwanang peryodikong, INANG BAYAN sa Kabite.
Mabuhay ang mga Manggawa
May mga inaakala nating maliliit na bagay na kung tutuusin ay dapat bigyan ng napakalaking atensyon.
Mas makumbinse sana ako ng may-akda kung mas binigyan diin niya ang ikatlong taludtud. Mas nakakaantig ng damdamin ang paglarawan sa kapakanan ng manggagawa.
Pero para tuloy kasalanan pa ng mga consumer:
'Dahil sa kemikal na kanilang ginagamit
Para lamang ikaw ay mapasunod sa uso…'
ngunit sa unang nabanggit
'Ay inaabuso ng limatik
Sa pamamagitan ng mababang pasahod
Tortyur ng isiping mawawalan ng trabaho
Anumang panahong ibigin ng amo'
Natabunan tuloy ang pinakamagandang layon ng tula.
Ang galing po ng tula..
Ang galing po ng tula.. Salamat sa pagbahagi





ang galing po nito! parang i
ang galing po nito! parang i am now seeing my gadgets in a different light!
"no permanent address si chicka."