Mga maikling kuwento para sa mga alanganin...bakla...bading

Joemar Ancheta's picture
|

Ang mga pangyayari sa ating paligid ay parang mga likhang isip lamang. Ang buong akala natin ay sa mga pelikula, nobela, maikling kuwento o sa mga iba pang mundo ng panitikan lamang nangyayari ang mga pangyayaring nasasaksihan natin sa ating paligid. Nais kong ipaunawa na ang mga temang isinasapuso ng ating panitikan ay sa kung ano nga ba talaga ang tunay na nangyayari sa ating mundo na pilit nating tinatakasan. Ang panitikan ay buhay at ang buhay na iyon na patuloy na tinatalakay ay tayo.

 

 

            Inaamin kong hindi ako kasinghusay ng mga batikang manunulat na nakapagpatayo na ng sariling kaharian sa mundo ng panulat subalit naniniwala akong bawat tao ay may karapatang makibahagi at bumuo ng sarili nitong kaharian sa mundong marami nang sumubok at nagtagumpay. Sa kahit anong larangan, hindi lahat ng may gusto ay nagtatagumpay, may mga nabibigo din. Ganoon pa man, sa mundo ng panitikan, lahat ay nagtatagumpay sapagkat ang tunay na kahulugan sa akin ng pagsusulat ay upang bigyang laya ang mga kaisipang ikinulong ng ating emosyon. Kung hindi pumasa sa panlasa ng mga mambabasa ang ating ginawa, huwag mag- isip na ikaw ay bigo sapagkat sa pagsasambulat pa lamang sa iyong nararamdaman ay tagumpay na ring maituturing. Maniwala ka at ipagmalaki mo ang iyong ginawa sapagkat wala ng iba pang pupuri pa kundi ikaw na lamang. Huwag mong ulilahin ang iyong pluma sapagkat kapag ginawa mo iyon, parang sinira mo na rin ang paniniwala sarili mong kakayahan.

                Ang mga matutunghayan ninyong mga maikling kuwento, sanaysay at tula rito ay itinuturing kong bahagi ng aking buhay. Mga likhang isip na binuo ng masidhing paniniwala na ikinulong ng aking emosyon nang kung ilang dekada na. Hindi ko ito isinulat para patunayang may talento ako kundi isinulat ko ang mga ito dahil iyon ang nakahiligan kong paraan para maibsan ang mga paghihirap at kalungkutang taglay ng mga sandaling ako’y bigo at naguguluhan.

            Sa pagbasa ninyo sa aking mga panulat, nais kong buong puso ninyo akong samahan para kilalanin ang mga tauhang ginamit ko. Igalang ninyo sila sa pamagitan ng pakikidalamhati sa kanilang mga kabiguan at paghihirap, makituwa sa kanilang mga pagtatagumpay at tanggapin sila sa kung sino sila sa kuwento. Tinalakay ko rito ang iba’t ibang buhay na salamin ng pagkasino ng tao. Makikilala mo sila at sigurado akong matatanggap mo sila sa kanilang mga kahinaan. Hahangaan mo sila sa kanilang lakas at magiging bahagi ng iyong kinabukasan.

            Sa aking mga sanaysay, sinikap kong magpayo sa aking makakaya. Isapuso man o hindi ang aking sinulat, sapat na sa aking mailabas ang aking niloloob. Lahat ng mga gusto kong ipayo ay aking tinalakay.

            Sinikap ko ring binuo ang aking tula sa paraang gusto ko sapagkat naniniwala akong lahat tayo ay may sariling istilo sa pagsusulat. Hindi ko na kailangang ipaliwanag pa ang bawat linya ng aking mga tula sapagkat naniniwala ako sa sinabi ng aking propesor na ang mga tulang ipinapaliwanag ng gumawa ay ang mga tulang hindi pa nailimbag.

Samahan mo ako sa aba kong pagsisimula at hayaan mong dadalhin kita sa ipinatayo kong maliit na kaharian sa lumalawig na mundo ng panitikan. Gusto kong ipaalala na hindi ako ipinanganak na manunulat subalit may  mga kuwento rin akong aantig sa iyong damdamin, gigising sa iyong kamalayan iparamdam sa iyong ikaw ay taong may puso’t damdamin.

Sa mga nagnanais magiging manunulat, nagpapakumbaba po ako sa lahat ng mga pagkukulang sa aking mga likha pero iisa lang ang sinisigurado ko sa inyo, alam kong kapag natunghayan ninyo na ang aking kuwento ay gugustuhin ninyo na ring bumuo ng sarili ninyong kaharian. Ang pagbabasa sa sinulat ko  ay maging dahilan para hamunin ninyo ang iyong kakayahan. Kung nakaya ko, makakaya rin ninyo basta magtiwala lamang sa inyong kakayahan. Lahat tayo ay may karapatan at may kakayahang bumuo ng sariling pangalan sa panitikan. Magnilay- nilay…simulan… tapusin… at ipagmalaki ang iyong ginawa. Nakaya ko at sigurado akong makakaya mo rin. 


RJ Santos's picture

Kuya... hehe... di yata ako

Kuya... hehe... di yata ako sang-ayon na mailarawang "alanganin". Hindi pa naman ako naglalakad sa kahabaan ng EDSA nang kinakausap ang sarili at lahat ng poste sa daan. :)

Salamat nga pala sa link. I'll check it out.

RJ :)

* * *

Stories and Poetry by RJ Santos

Similar entries