MGA PAMILYAR NA SUGAT (ni Allanjohn Andres)
-
-
Sa sugat nagmula kaya sa sugat din ang punta. Ito ang taimtim naming kumpisal,
O Ama; isang pagsasakdal na nagsasadlak sa amin sa habambuhay na sentensiya
ng pagpapabalik-balik sa mga gastado at saulado nang ruta
sa nangingitim na balat ng antigo mong lupa. Ito kami sa lilim ng tanghaling-tapat.
Mangyari’y banayad mo ngayong pinasusulak ang bawat handog mong sugat,
pinapakilala sa aming pagtahak ang lahat ng nilikha mong bitak:
mula sa lubak ng kalsada hanggang pader na walang palitada,
sa natutungkab na kongkretong nakadagan sa malapot na alingasaw
ng namumuwalang imburnal, baradong agos ng sipuning kanal, kulapol ng lusak
at iba pang paltos na maingat mong ibinurda sa aming mga estero’t eskinita.
Ipagtatapat ko sa inyo, Ama, na sa ganitong pag-uungkat ng nakatagong hiwa
nagsisimula ang aming pag-unawa sa pangkaraniwang kirot.
Uumpisahan ko, halimbawa, sa paghuhubad ng aming suot
na sapatos: Sa ganitong paraan nagaganap ang isang pagtutuos: Pagtalima
kontra Utos. Kung saan ang humihikab na agwat sa pagitan ng pagkaligta at pagtupad
ay sinasaad ng kung hanggang kailan namin kayang akayin ang bigat
ng pusong malaon nang inilapag
ang pag-asang binubuhat. Na ang tanging ibig ipahiwatig, oras mapunit
ang suwelas ng malay, at magsimulang manuot sa kaluluwa
ang init ng aspaltong kanina pa umiiwa sa talampakan
ng aming pangangalay – ito ang hudyat ng paghinto, ang yugto ng pangamba
sa anumang bagay na maaaring ikadapa o ikapilay. Sa ganyang paraan
nagsisimula ang mababaw na sugat ng alinlangan.
Kaya kung paluhod naming babagtasin ang sandaigdig na pagitan
mula liwasan, papunta sa katedral ng de-takal naming paniniwala,
pangungunahan ko: bago pa man umabot sa pinto: maaaring naipagkanulo na kami
ng pagdadalawang-isip ukol sa katapatan at dala-dalang pananalig
ng iba pang kasalubong at kasabay rin naming tumatawid
sa mahabang alas-dose ng sari-sariling pagbabaka-sakali:
burikak at bugaw na di pa nasesepilyo ang samyo ng napanis na araw;
mandurukot at manghuhula na nakaabang sa pagbaling at pagkalibang
ng aming kumpiyansa; tindera ng tinubog na pangako at sumpang kinalburo;
puganteng pilay at kolektor ng lagay; piratang tagalako ng pare-parehong trahedyang
nagkakatalo lamang sa antas ng labo at haba. Papunta dito,
makukuwenta kung gaano kamura maaaring tawaran ang pakikipagkapwa,
lamang sa tatlo-isandaang halaga, parating may gasgas
ang ibinabayad naming tiwala.
Ito ang tinatawag na palagiang sugat ng hinala.
Sa aming pagsulong palusong sa sinapupunang tagapag-anak
ng lahat ng imperpeksyon at impeksyong pawang nagnanaknak
sa ilalim ng kalsada, daratnan namin ang mag-inang nakasalampak
sa baha-bahagdang hantungan ng kalat at basurang
winawalis namin mula sa abenida.
Kung pipilitin naming kapain para sa kanila ang bubog ng luhang bumabara
sa mga alkantarilya ng isinusukang hapis ng kalooban
at isiping baka sa ganitong pagpapalalim ng sugat at uka
makakamtan ang aming pagpapala at katubusan, malamang maubusan
kami ng isasanglang awa, dahil dito sa siyudad kulang ang habag
na kayang iambag ng buong daigdig
upang punuin ang isang maliit na basong plastik:
Ito, O Ama, ang itsura ng sugat naming pabalik-balik.
Sapagkat kailanma’y hindi namin mababatid
na di maghihilom ang singaw sa kanilang gilagid
hangga’t hilaw ang hinahain naming kanin at pag-ibig;
na di magmamanhid ang salubsob sa humihilab nilang bituka
hangga’t matinik ang isinusubo naming isda at pagkalinga;
na di mapapalis ang panginginig sa mga daluyan ng hangin sa dibdib
ganitong di nawawala ang pait sa isinasalin naming alak at halik.
Gayunman, ituro mo kung paano tuklapin ang sala-salansang balatkayo
nang sa gayon ay masukat ng aming balat ang lalim at lawak
ng hinuhukay naming pagdanak.
Pahintulutan mo kaming akayin ang kanya-kanyang krus
pauwi sa katahimikan ng bakanteng silid, upang doon,
pagdating ng sandali na walang ibang nagmamasid
ay matastas namin nang lubos ang mga kalyo at langib
na naglilingid sa aming pagkukunwari.
Itulot mo, O Ama, ang walang-hanggang pag-unawa
sa mga bagay na di saklaw ng aming paniniwala:
sa mga yabag na di pinaparinig ng tenga:
sa mga gabay na hindi pinapakita ng mata.
Itulot mo ang uhaw na di huhupa sa aming lalamunan at bunganga.
Itulot mo ang kirot na patuloy na tutusok sa aming tagiliran at kaluluwa.
Itulot mo ang tinik na kukuyom nang mahigpit
sa bumbunan ng isip. Itulot mo itong mga sakit
na madaling naming makilala
upang sa aming pagpapatuloy ay di magawang kumaligta
sa pag-iral ng mga sugat na madalas ikaila.
:D
"kulang ang habag
na kayang iambag ng buong daigdig
upang punuin ang isang mailiit na basong plastik.."
WAH. Ang ganda. :)
Kuya, hanga talaga ako sa galing nyo sa paggamit ng mga salita. Di ganun kalalim pag isa-isang tiningnan, pero pag nagsama-sama... ang lalim. Tsaka di nakakabulol basahin. :D
"... dito lang ako
hanggang sa pagdaan mo."
salamat
... sa pagdaan, boss.
pasensiya na muna at medyo sumasailalim sa panaka-nakang pagkukumpuni itong akda.
clap! clap! galing
clap! clap! galing ah.
ngayon lang din ulit ako nakapgsulat. at nakapg-post dito. :)
-Galatea
;-)
boss, salamat sa pagbabasa.
(may kalakip pa talagang palakpak eh, haha!)
boss? ikaw nga dyan eh.
boss? ikaw nga dyan eh. kritiko ng mga gawa ko. hehe
http://filipinowriter.com/wala-na-siya-galatea
-Galatea
;-)
Gusto ko lamang po ulit ipabasa. Kalakip ang ilang revisions. Maraming salamat.
;-)
Maraming salamat at nagustuhan mo, Jack. Mangyari, nakakaengganyo talaga sa sinuman ang makapagsulat ng akdang pumapaksa sa mystique ng Quiapo.






-
-