Mga Rakista ng Pilipinas

mtorres81's picture

Ako ang tipo ng tao na mahilig pumunta sa mga rock gig at manood ng mga banda, parang masarap na kiliti sa tenga ko ang magandang tunog ng mga kinakaskas na kuwerdas ng gitara at mga pinapalong tambol. Sa dami ng mga gigs na napuntahan ko, maraming obserbasyon at ibat ibang uri ng Rakista ang nakita at nakilala ko, eto ang ilan sa kanila:

Emo 'daga' Punks - Sila ang mga maiitim na bata na mahilig magsuot ng itim na t-shirt at itim na pantalon na sa sobrang hapit ay magkukulay talong ang mga betlog nila sabay malalagutan ito ng hininga, itim na kuko (hindi ko alam kung cutex o lupa) itim at dugyot na buhok na tumatabing sa isa nilang mata at maiitim na eyeliner para lalu silang magmukhang madusing. Tangina naman! Napakaraming magagandang kulay sa mundo, bakit kailangang palaging kulay pamburol ang mga suot nila? Lagi silang isang batalyon na tila ba susugod sa isang madugong rambulan sa tuwing pupunta sa mga rock gigs. Madalas din silang makikita sa labas ng mga concert na nagkukumpulan at naghihintay ng tiyempo para makalusot sa mga mala aparador na bouncer na nagbabantay dahil wala silang pambayad ng entrance fee. Wala rin silang pakialam basta merong banda sa stage, kahit sino o kahit ano ang tugtugan nila, ang mga daga ay walang kagatul-gatol na mag slam dancing. Talon dito, talon doon, tadyak dito, tadyak doon, siko, sigaw, buhat, balya, bato ng bote na my ihi, paborito nilang lahat yan. Dati napa eksena kami ng isang malapit na kaibigan sa isang moshpit na hitik ng mga daga, pagkatapos ng isang nakatutulig na kanta at ang sabay sabay na pagtataas ng mga kamay para gawin ang ritwal na 'peace sign' kasabay din nitong nawala ang cellphone ko. Ayos!

Mukhang Rakista - Ang mga 'Mukhang Rakista' ay ang mga taong merong mahahabang buhok, balat na puno ng tattoo at porma na talaga namang mapagkakamalan mo na isang tunay na musikero at mapapatanong ka pa ng: Banda ka ser? Pero kapag pinahawak mo naman ng gitara ay intro lang ng 'more than words' ang kayang tipahin at wala nang iba! Maraming ganitong klase ng tao sa mundo at SURPRISE! Isa ako sa kanila. Oo, ang kaya ko lang patunugin ng maayos-ayos ay yung tambol na yari sa lata ng Milo at mga pinitpit na tansan ng softdrinks na ginagawang tambourine sa tuwing panahon ng pangangaroling. Ewan ko ba, dati tinangka kong ligawan ang musika dahil na rin sa impluwensiya ng isang pinsan na nagmamay-ari ng isang malupit at makinis na kulay itim na Gibson Acoustic Guitar. Kapanahunan pa ng Hiphop vs Metal noon pero mas pinili namin yung pangalawa dahil di naman kami marunong mag tic-tac, horsejump at worm. Patok na patok din dati ang mga tugtugan ng Gun's & Roses, Metallica, Stone Temple Pilots at Radiohead kaya yung mga piyesa nila ang pinag-aralan naming tipahin, mga dalawang buwan din yata kaming walang ginawa ng pinsan ko nung mga panahon na yon kundi magkaskas ng mga daliri sa kuwerdas na nakakabit sa tumutunog na kahoy. Pero dahil sa nakakatamad, huminto ako at nagsawa, samantalang yung pinsan ko nagpatuloy at natuto, kaya ngayon nasa US na siya at salesman ng mga spare parts ng computer. Ang labo! Siguro kaya hindi ako natuto dahil sa wala akong tiyaga at sapat na talento para matutunan o maperpekto ang isang bagay. Hindi nagtagal tuluyan na rin akong binasted ng musika.

Feeling Rakista - Hindi ko alam kung bibilib, maaasar o matatawa ako sa mga ganitong klase ng tao. Sila ang mga nilalang na dinadaan sa lakas ng loob ang lahat ng bagay. Ipinipilit isali ang sarili nila sa isang banda kahit alam naman nilang wala silang sapat na talento para pasukin ito. 'Sige na! kaya ko yan, kahit bokalista na lang ako ayos lang! Yan ang madalas nilang bukangbibig. Nagba-banda sila dahil sa tingin nila ay 'cool' ito at inaakala rin nila na sa ganitong paraan ay madali silang makaka dagit ng mga chikas, pero ang hindi nila alam, sa huli, sila rin ang nagmumukhang tanga at katawa-tawa sa harap ng maraming tao. Sigurado ako, kung mahilig kang manood ng mga gigs ay nakakita ka na ng ganitong klase ng tao, yung tipong habang pinapanood mo siya o sila ay naiirita ka at inip na inip dahil gustong gustong gusto mo nang matapos ang set nila para matigil na rin ang pagdurusa ng tenga mo.

Super Rakista - Sila ang mga taong may malalim na dunong pag-dating sa musika. Yung tipong kahit anong instrumento ang ipahawak mo sa kanila ay kaya nilang patunugin ng maayos (kahit dahon o sipit ng damit). Sila rin ang kadalasang sumisikat, mapakikinggan sa radyo at mapapanood sa telebisyon. Ang mga Super Rakista ay meron din taglay na kababaan ng loob, mababait sila, magalang at hindi gumagamit ng bawal na gamot, kahit alam nilang magaling at sikat na sila, hindi yun nagiging dahilan para sila ay maging hambog, umasta na parang hari at mambaboy ng babae. Ang mga Super Rakista ay namamatay sa ibat-ibang dahilan pero ang musika nila ay nananatiling buhay sa napakahabang panahon. Nagbibigay pugay ako sa mga Super Rakista meron nga lang isang problema: Hindi pa sila ipinapanganak.

Average Rakista - Kung merong average student at average citizen, meron din tayong tinatawag na Average Rakista. Sila yung mga taong matagal ng nagbabanda pero di naman sumisikat, kuntento na sila sa pag gigitara tuwing may okasyon at paminsan-minsang jamming at gig. Sa tingin ko, hindi naman talaga nila ginagawa ang pagtugtog para sumikat sa parehong paraan na hindi naman ako nagsusulat para magkaroon ng libro (wala lang talaga akong magawa sa trabaho) Di katulad ng mga Average Rakista, gumagawa sila ng musika dahil sa mahal nila ito. Sa tingin ko rin bihira sa mga Average Rakistas ang susugal para iwanan ang mga day jobs nila at maging isang full time musician, dahil aminin man natin o hindi, walang kasiguraduhan ang propesyon na ito at hindi natin alam kung hanggang saan tayo makakarating at kung tatangkilikin nga ba ng mga taong mapanghusga ang musika na gusto nating iparating.

Goth - Ewan ko sa iba, pero ako hindi ko talaga masakyan ang trip ng mga Gothic na tao, ang weird nila manamit at bakit kailangan nilang umasta na parang mga bampira? (sabagay yun yata talaga ang  gusto nilang palabasin). Yung tipong nananakmal ng leeg! Yikes! Ganun ang tingin ko sa kanila. Nakakagimbal! Para rin silang regular na uma-attend ng mga demonic worship devine at ang hirap rin sakyan kung bakit paborito nilang pakinggan ang musika na pang ponebre. Dati meron akong nakilala na isang solidong Goth na babae, natatawa ako sa kanya dahil pinipilit niya akong maniwala na walang Diyos. Tinatanong niya ako na kung totoo raw talaga na merong Diyos, sino raw ang gumawa sa kanya? Sobrang diyahe dahil hindi ko alam at wala akong maisagot. Hindi ako ang klase ng tao na sobrang relihiyoso at pala-simba, pero alam ko na nandiyan lang 'siya', hindi dahil sa yun ang kinagisnan ko kundi yun ang paniniwala ko. Kaya sinabihan ko na lang siya ng: Its all about faith sabay lagok ng beer. Sayang maganda pa naman siya at tipo kong babae.

Rasta People - Good vibes ang mga taong ito, chill, relax at mga peace lover tulad ko :). Kaya dati talaga namang nawili ako sa pagpunta at pagtambay sa mga reggae bar. Mga taong merong nagtatabaang dreadlocks at amoy candy kush, yan ang kadalasang laman ng mga bar na nagpapa-alingawngaw ng mga musika ni Bob Marley. Sa totoo lang masarap at enjoy silang kasama, palagi lang silang nakatawa at trip na trip nilang makipag-palitan ng mga kuro-kurong politikal. Minsan nga lang, ang lugar na ginawa para sa mga peaceloving Rasta People ay napapasukan pa ng mga mayayabang na chinitong maskulado na nagsusuot ng hapit at pekeng kulay pink Lacoste polo shirt na nakataas pa ang mga buwakananginang kuwelyo at aakto na parang meron talaga silang nalalaman sa Reggae music. Ang sakit sa mata!