Mga Salitang Banyaga na Pinoy

|

Tinanong ko ang aking klase kung bakit “para” ang kanilang sinasabi kapag ipatitigil ang sasakyan  at bababa sila ng jeep. Karaniwan may pwersang pasigaw o tonong pahaba pa ito habang kumakatok sa kahoy na itaas na bahagi ng sasakyan o kaya naman ay may hinihilang “pull string to stop”.  Sabi ko, bakit hindi natin sinasabi ang “tigil” o “hinto” habang ginagaya ko ang tono sa pagbanggit ng “para.” Nagtawanan ang klase ngunit walang nakasagot.

Noong ako’y nagsimulang mag-commute, madalas ko din itong itanong sa sarili ko.  Sa mga karaniwang taong napagtanungan ko, lagi nilang sinasabi na ganun na talaga iyon. Pero hindi naman ako kuntento sa kanilang sagot. Lumipas ang mga taon at nakating ako sa kolehiyo. Doon ko lamang napagtanto na marami sa ating ginagamit na salita ay bunga ng kolonyalismo. Isa na dito ang “para” (yung madalas na ginagamit sa pagpapahinto ng jeep) na hango sa salitang Espanyol  na “parar” na ang ibig sabihin ay “ihinto”.

            Marami pang mga salita ang gingamit natin na nag-ugat sa wikang banyaga ngunit gamit na natin sa pang-araw-araw na buhay. Malamang hindi na ito gaya ng gamit sa orihinal na wikang pinanggalingan nito ngunit pumaloob na ito sa kulturang Filipino na may sariling kahulugan. Ilan sa mga ito ay ginagamit sa basketball sa mga eskinita at lansangan- “piltrow” galing sa “free throw”; ang nakagawiang “shoot-bek” na kapag na-shoot ang bola, ibabalik, na mula sa “shoot and back”; “tambay’ galing sa salitang Ingles na “stand-by”; dagdag pa ang “apir” (ang madalas gawin ng mga magkakaibigang nagkakasundo) ay hango sa “high five” ng mga puti. Kapag gusto nilang humingi ng high five kanilang binabanggit ang “up here”. Malamang ito ang natandaan ng mga Pinoy - ang “up here” ay naging “apir”. Nakakatuwa na may kanta pa ang mga bata tungkol sa “apir” na ang gamit ay “appear”. (Appear, disappear, one-half, one-fourth,…) Malamang alam ninyo din ang awiting ito.  Ang salitang “ebak” na nangangahulugang dumumi ay mula sa salitang Ingles na “evacuate” na lumayo o lumikas. Kaya’t kapag dudumi ang isang tao, sinasabi niya na siya ay “e-evac (uate) muna” o lalayo para sundin ang nais ng kalikasan. “Salvage” na ang nakakatakot ang ibig sabihin dahil may kaugnayan ito sa pagpatay, ngunit sa ito  ay “magligtas o “iligtas” sa orihinal na kahulugan nito. Maging ang paggamit ni Rizal ng salitang “filibustero” na negatibo ang kahulugan ngunit lumalabas na mabuti ang tingin dito sa mata ng mga lumaban sa pamahalaang kolonyal.

            Marami pang salita ang hango sa ibang wika ngunit nilapatan ng kahulugan nating mga Filipino. Nakakatuwa na lamang itong banggitin kung alam natin ang pinanggalingan ng mga ito at nauunawaan natin kung papaano na ito nagiging bahagi ng  pang-araw-araw nating pamumuhay.

Wensley M. Reyes

Adlesirc's picture

.

"Parar señor!" pwede.

 

 

totyal. hahaha thanks for sharing.

Hehehe

Salamat po Mam. Yung pautos na bigkas kase sa Espanyol ay "para" talaga. Hehehe. Naiisip ko nga mga karwahe at mga sasakyan noon. Hehehe.

Sa ngayon mga sosyal ang nagsasabi. "Manong driver, para nga diyan sa side." hehehe.

Alam ko po marami pang mga salita. Kailangan lang himayin. hehehe. 

mara's picture

how nice.. marami akong

how nice..

marami akong natutunan mula dito.

thanks for posting such a blog.

good one.

Salamat

Salamat po Mara. Sa totoo lang marami pa ito. Hehehe. Sirit na! Galing sa "share it". (^^,) Ingat.