Mga Tulang Kalye! Likha ni Jose F. Lacaba
Ang laki sa layaw
karaniwa'y hubad-
mabuti pa si Tarzan
me konting bahag.
Si Donya Rosario,
mas lalong mabuti-
ang lahat ng terno,
tadtad ng brilyante.
Konting bato,
konting semento-
monumento!
Pero walang umento,
walang memento
si Karyong Kantero.
Jhon and Marsha
sa Amerika-
kaya ikaw, Jhon
magsumikap ka!
Juan at Maria
diyan sa pabrika-
magsumikap man,
aasenso ba?
Ako'y tutula,
makatang makata.
Ako,y sisinghot,
benteng kulangot.
Ito'y babala
ng dalitang-dalita-
ang wala kahit kusing
kakapit s apatalim.
One two
One two three
One two three four
let's go!
Yelo,
malamig-
pag natunaw,
tubig!
Tingting,
manipis-
pag binigklis,
walis!
Piyon,
patapon-
pag nagtipon,
unyon!
Mangmang
ay bulag-
pag namulat,
kidlat!
Dukha'y
tahimik-
pag nagalit,
lintik!
Bayang
busabos-
pag kumilos,
unos!
COMMENT:
Bumabalik ang mga alalaa sa aking isipan nung akoy musmos pa! Mga tulang kalye na aking nakagisnan, madalas sa biruan napapakinggan, mga salitang pinagsamasama para makapagpaligaya, yun pala'y may mabuting mensaheng dinadala!

